PDU30 GUSTONG ‘BUNTALIN’  SI SEN. KIKO

(NI GORGY RULA)

DOON na rin sa celebrity premiere ng Mindanao ay hiningan namin ng reaksyon si Sharon sa huling patutsada ni Pangulong Rodrigo Duterte sa asawa niyang si Sen. Kiko Pangilinan.

Sinabi kasi ni Pres. Duterte sa isang speech na gusto na raw palayasin ni Sharon ng bahay si Sen. Kiko.

Hindi naman daw sila naapektuhan doon, pero hindi lang daw niya masisisi ang mga anak niya sa kanilang reaction.

“Alam mo naman tatay ko ‘yon. Sabi ko naman, parang tatay na hindi naga-approve sa boyfriend mo, parang ganoon.

“Kasi noon nga may sinasabi pa siya sa Bukidnon na ‘yong asawa ko raw, bubuntalin ko ‘yan kung hindi lang dahil kay Sharon,” saad ng megastar.

“Parang ano lang yan. Parang tatay na ayaw ang boyfriend mo. That’s the way lang I take it.

“Pero tingnan mo, wala nang sumunod di ba? After nito…kasi parang nalaman niya na ah okay na pala ‘tong anak ko.

“I don’t think naman na ang babaw na sasabihin nya yun kung feeling niya…kung mas may mahalaga pang kailangang sabihin siguro dala ng inis niya kay Kiko, tapos ako yung naiisip niya na parang daughter nga niya ako,” dagdag niyang pahayag.

Kahit nga raw si Sen. Kiko ay hindi naman nag-react at hindi apektado sa sinabi ng presidente dahil wala naman daw pinanggalingan iyun.

Ang ikinainis lang daw niya ay kapag may pulitika na, nababago ang magagandang samahan.

Sobrang close daw siya kasi talaga sa pamilya ni Pres. Digong, na nagkaganun lang dahil nasa oposisyon si Sen. Kiko.

“Naiinis ako sa pulitika talaga. Kung wala yun, magkakasundo sila,”

himutok ni Sharon.

SHARON IYAK NANG IYAK  HABANG NANONOOD NG MINDANAO NI JUDY ANN 

Natatawang ipinakita ni Sharon Cuneta ang tambak na tissue sa may upuan niya pagkatapos mapanood ang MMFF entry ni Judy Ann Santos na Mindanao na obra ni direk Brillante Mendoza.

Iyak siya nang iyak habang pinapanood ang pelikula,  kaya natatawa na rin si Judy Ann na kinukunan niya ng video si Sharon.

Isa si Sharon sa mga celebrities na dumalo sa celebrity premiere na ginanap sa Podium noong nakaraang Lunes ng gabi.

Sabi nga ni Judy Ann, mas lalo raw siyang kinabahan nang nakita niya ang mga artista at magagaling na direktor na dumalo roon.

“Mas kinabahan ako tonight kasi ang daming mga batikang artistang nanood. Mga sa teatro, mga director. Ang dami naming support na nakuha tonight from the different parts of the industry, from theater to film, lahat.

“Nakaka-overwhelm, nakakataba ng puso. Sapat na sa akin to. Parang konti na lang ma-heart attack na ako.

“Sana ma-appreciate nila yung ginawang istorya ni direk Brillante on how he properly and perfectly told the story sa mga ipinaglalaban ng mga kapatid nating muslim kung paano ang mga pinagdadaanan nila,” pahayag ni Judyann.

WILLING MAG-AUDITION AT MAGBAGSAK PRESYO MAIDIREK LANG NG ISANG BRILLANTE

Kaya nga sabi ni Sharon, kahit daw magpa-audition siya, gagawin daw niya para maidirek lang siya ni direk Brillante.

Nang ipinakilala siya ni Judy Ann kay direk Brillante, binulungan siya ni Sharon at naulinigan ko lang na sinabi niyang willing siyang magpa-audition para sa role, at kahit bagsak presyo raw siya.

“Sana ma-appreciate nila ito,” pakli ni Judy Ann na sobrang saya sa magandang feedback sa pelikula.

“Kung hindi man masaya pa rin ako dahil nakangiti ang puso ko, araw-araw gabi-gabi na alam ko nakagawa ako ng isang pelikulang napakamakabuluhan at sapat na ako dun.

“Nakita ko naman na halos isang kilong tissue ni Ate Sharon, okay na. Wala na akong hahanapin pa,” natatawa pa niyang pahayag.

 

Related posts

Leave a Comment