PAALAM, MAMA SANTOS

seasons12

pwede ed deleon(NI ED DE LEON)

KAHIT naman noon, open si Ate Vi basta tinatanong mo siya sa kalagayan ni Mama Santos. Madalas naiiyak ang congresswoman, kasi naman nasanay siya na laging nandiyan si Mama. Kung hindi man niya magawa iyong dating ginagawa niya, at least naibibigay niya ang kanyang advise at iyon ang mahalaga sa kanyang mga anak.

Pero iyong pagtanda at pagkakasakit ay normal na sa buhay ng isang tao. Nagkaroon ng Alzheimer’s disease si Mama. Medyo nakalilimot na. Minsan sabi nga ni Ate Vi, maski siya ay  hindi na makilala, at iniiyakan niya ang mga ganoong pagkakataon. Nagkaroon na rin ng iba’t ibang kumplikasyon, dahil diabetic din naman si Mama. Labas-pasok na siya sa Mary Mediatrix Medical Center sa Lipa, at iyon nga ang dahilan kung bakit doon na siya pirmihang nanirahan sa bahay nina Ate Vi sa Lipa, malapit kasi sa ospital, naroroon ang doctor na tumitingin sa kanya, at saka sariwa pa ang hangin doon. Iyon din ang dahilan kung bakit madalas nasa Lipa si Ate Vi, dahil gusto niyang kasama si Mama.

Pero hanggang ganoon na lang talaga ang buhay. Umabot din siya sa multiple organ failure at sa edad na 93 ay namaalam na si Mama noong Lunes, April 1, ng tanghali. Mabilis namang nakarating sina Congresswoman Vi at Senador Ralph doon. Mabuti naman natamang walang session ang kongreso at naroroon sila. Iyong kampanya naman, hindi na kailangang intindihin iyon ni Ate Vi.

Napagkasunduan naman na dahil sa totoo lang, ang karamihan ng mga kaibigan ni Mama ay nasa Maynila pa rin, may mga kaanak pa sila sa Cabanatuan, kaya mas practical kung dito na ang kanyang burol. Magsisimula ang burol ni Mama sa Loyola Memorial Chapels sa Sucat, Paranaque mamayang gabi.

Wala pang ibang detalye sa mga plano, kasi nga hindi pa nila alam kung makakauwi ba sina Winnie at Tess na parehong nasa US na, pero sinabi daw ng dalawa na magpipilit silang umuwi.

Lima ang anak na naiwan ni Mama, sina Ate Emelyn, si Ate Vi, si Sonny, Tess at Winnie.

Napakarami naming kuwento tungkol kay Mama. Siguro kasi nga masasabi naming sa lahat ng mga nanay ng mga artistang nakilala namin through the years, naging pinaka-malapit sa amin si Mama. Para sa kanya kasi, hindi lang siya nanay ng mga anak niya, nanay din siya ng lahat ng mga kaibigan ng mga anak niya. Marami rin kaming natutuhan sa mga leksiyon mula kay Mama. Noong araw kasi umiistambay kami sa kanyang binuksang canteen doon sa tabi lang ng studio ng Channel 13. Masarap magluto si Mama, at marami siyang kuwento na hindi showbiz kung di kapupulutan mo ng aral.

 

   6-12 YEARS NA PAGKABILANGGO NAGHIHINTAY KAY MIGO 

Nakumpirmang fake nga ang isa sa mga lisensiyang ibinigay ni Migo Adecer sa pulisya matapos siyang makapag-hit-and-run. Lumalabas din sa record ng LTO na apat na beses na pala siyang nasasangkot sa traffc violation, dalawang ulit noong nakaraang taon at sa taong ito ay dalawa rin.

Iyong pagkakaroon ng fake na lisensiya, na sinasabi nga namin noong una pa na mas mabigat ay maaaring mangahulugan na hindi na siya mabibigyan pa ng lisensiya sa pagmamaneho sa Pilipinas. Ayon sa batas, maaari rin siyang patawan ng pagkakakulong ng mula anim hanggang labindalawang taon.

Kailangan niya talaga ang isang mahusay na abugado riyan. Hindi maaaring ikatuwiran na bata pa kasi siya kaya ganoon. Kailangan ang isang matibay na dahilan kung bakit siya nagkaroon ng lisensiyang fake. Kung matutuluyan siya, sayang ang sinasabing naging malaking publisidad niya nang maka-hit-and-run siya. Sa buong panahon ng kanyang career, kahit na noong manalo siya sa Starstruck hindi naman siya napansin ng ganyan ng publiko.

 

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment