NADINE, KATHRYN A MISMATCH

pwede ed deleon(NI ED DE LEON)

SIGURO panahon na para sabihan nating dapat nang tigilan iyang patuloy na comparison sa pagitan nina Kathryn Bernardo at Nadine Lustre. Sa naging takbo ng mga pangyayari sa kanilang career, siguro naman maliwanag na sa atin na hindi sila magka-match.

Hindi masasabing dahil sa kanyang nagawang box office records ay lamang talaga si Kathryn dahil hindi lang naman iyon ang basehan. Pagdating naman sa talents ay hindi pahuhuli si Nadine na napiling best actress ng mga mas respetadong award giving bodies.

Siguro nga lang mas maganda ang diskarte at mas malakas ang support sa career ni Kathryn dahil isipin ninyo ang mga leading men niya sa kanyang mga nagawang hits ay sina Daniel Padilla at Alden Richards. Ano naman ang magagawa ni Nadine na ang naging leading men ay sina Carlo Aquino at Sam Concepcion?

Iyong dalawang pelikula ni Kathryn, in fact last three niya, ang shooting sa abroad. Malaking bagay iyon para mabatak ang audience. Iyong pelikula naman ni Nadine, kinunan lang sa tabi-tabi kaya alam mo ang laki ng pagkakaiba ng budget ng kanilang mga pelikula. Iyon ngang isang pelikula ni Nadine, mayroon pang tikbalang na ang hitsura mukhang nakakatawa.

Hindi naman sa kinakampihan namin si Nadine, pero sa palagay naman namin sa naging sitwasyon nilang dalawa, walang point of comparison. Halimbawang si Nadine ang itinambal kay Daniel Padilla at Alden Richards, ano kaya ang aabutin ni Kathryn kung siya ang katambal ni Sam Concepcion?

Nakita naman ninyo maski na sa promo, habang inaangkin na ng handlers ni Kathryn ang Asian superstardom, iyong mga handlers ni Nadine inilabas pang ang pelikula niya ay kumita lamang ng thirty million. Ano nga ba ang gagawin mo?

COMEBACK NI JIM PAREDES

Sa edad na 68, kung kailan karamihan ng mga tao ay nagre-retire na lalo na ang mga artista. Sa panahong hindi na rin niya kasama sina Boboy Garovillo at Danny Javier. Matapos na makipagtungayawan siya sa mga rallyista sa EDSA at may lumalabas pang sex video scandal. Ngayon ay nakahanda na raw bumalik ulit sa limelight si Jim Paredes.

Ano sa palagay mo Tito KC?

Aywan kung anong kumpanya ang hahawak sa kanyang comeback, pero napakalaking sugal niyan. Parang lumipas na kasi ang panahon nila eh. Hindi ba noong araw, doon sa kanilang daily noontime show natabunan na sila ni Willie Revillame, kaya nang lumaon nawala na sila at si Willie na lang ang naiwan, at take note mas tumaas pa ang ratings.

Aywan kung ano ang mangyayari, pero sa tingin namin tagilid na iyan.

 Upstaged nga ang “Reyna ng Vicks”…

DINAIG ANG RAINFALL NG LPA SA LUHA SI DIREK 

Parang contestant sa programang “Reyna ng Vicks” si direk, habang ikinukuwento niya sa amin ang nakilala niyang boylet na male star some twenty years ago. Nagkaroon sila ng relasyon na tumagal ng apat na taon, hanggang sa mag-asawa na nga ang boylet.

Matapos ang 12 taon, nahiwalay iyon sa unang asawa ay nagkita na naman silang muli. Pero hindi rin nagtagal dahil ayaw na ni boylet. Naalala lang ni direk kasi noon daw pala ang kanilang anniversary, at wala na raw silang contact ng boylet na pinagsanlaan niya ng puso at pitaka. Pwede talaga si direk sa ‘Reyna ng Vicks’.

 

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment