JIRO MANIO ARESTADO SA PANANAKSAK

ARESTADO ang isang dating sikat na child actor sa kasong frustrated homicide makaraang pagsasaksakin ang isang lalaking naglalakad habang patungo ang biktima sa bahay ng kaibigan sa Marikina City, nitong Biyernes ng gabi.

Kinilala ang suspek na si Jiro Katkura Manio, 27, binata, namamasukan bilang helper sa isang eatery sa M.A. Roxas St., Brgy. San Roque ng nabanggit na lungsod, 

Ang suspek ay inaresto ng mga tauhan ng Marikina Police Station (CPS) makaraan ang insidente sa nabanggit na lugar dakong alas-7:20 ng gabi. 

Batay sa report na ipinarating sa Eastern Police District (EPD), naglalakad umano ang biktimang si Zeus Doctolero y Jao, 25-anyos, jobless, ng No. 251 ng nasabing lugar, patungo sa bahay ng kanyang kaibigan nang bigla itong salakayin ng suspek sa hindi malamang kadahilanan.

Nagpambuno umano ang suspek at ang biktima hanggang sa bumunot ng kitchen knife ang dating child actor at inundayan ng tatlong saksak si Doctolero.

Sa kabila ng isang saksak sa ulo at dalawang saksak sa likod, naagaw umano ng biktima ang patalim ng suspek.

Agad dinala sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center ang biktima para lapatan ng lunas habang nasa kustodiya na ng Marikina CPS ang suspek na nahaharap sa kasong frustrated homicide. (NICK ECHEVARRIA) 

Related posts

Leave a Comment