FANS NI KATHRYN NAGPUPUYOS ANG GALIT SA VIVA ENT

 (NI GORGY RULA)

NAGPUPUYOS sa galit ang fans ni Kathryn Bernardo, pati ang mga KathNiel supporters sa Twitter post ng Viva Entertainment na kuha sa event na Ponds na dinaluhan ng mga endorsers na sina Heart Evangelista, Kahtryn Bernardo, Nadine Lustre, Gabbi Garcia at Ylona Garcia.

Sa post na iyun ng Viva na group picture ng mga nabanggit na endorser, may inilagay pa silang malaking mukha ni Nadine at natakpan si Kathryn.

Tanging si Kathryn lang talaga ang hindi nakita, na mabuti pa nga medyo napasilip pa si Ylona na katabi nito.

Malaking isyu ito sa mga fans ni Kathryn dahil may malisya ito sa kanila.

Kung anu-ano na ang sinasabi nila laban sa Viva, pero si Nadine ang naapektuhan nang husto dahil sa kanya ibinunton ang galit ng mga fans.

Kinumpara pa nila  sa post ng Star Magic Philippines dahil naka-crop si Nadine.

Para sa mga fans, mas naintindihan daw nila kung naka-crop. Pambabastos daw iyung takpan ang mukha mo ng pagkalaki-laking litrato ni Nadine.

Kaya halos iisa ang sinasabi nila na obvious daw na insecure o threatened daw talaga sila sa kasikatan ni Kathryn.

Hindi raw ba nila matanggap na ang mga pelikula ni Kathryn ay kumikita ng milyun-milyon, samantalang sobrang semplang naman daw ang peikula ni Nadine?

Nang tiningnan namin kahapon sa Twitter account ng Viva Entertainment, na-delete na ang post na yun.

Sa ngayon ay nasa bakasyon daw muna si Nadine.

Wala pa kaming nasagap kung ano ang plano nila ngayong wala na sa poder nila ang ka-loveteam nitong si James Reid.

MAGSISIMULA NA ANG TATAOB KAY COCO

Mamayang gabi na magsisimula ang bagong action serye ng GMA 7 na

Beautiful Justice pagkatapos ng 24 Oras.

Isa sa magpapakitang-gilas dito ng nalalaman niya sa martial arts ay si Bea Binene na isa sa mga bida kasama sina Yasmien Kurdi at Gabbi Garcia.

Matagal ding nagwu-Wushu si Bea at dahil sa marami silang mga action scenes, magagamit dito ni Bea ang alam niya sa Wushu.

Yung sword nga na gamit ni Bea sa teaser nito ay iyun ang ginagamit niya kapag nasa training siya ng Wushu.

Nanghihinayang nga si Bea dahil matagal na raw siyang hindi nakapag-training dahil sa wala na siyang oras.

Mabuti at nabalik dito sa Beautiiful Justice ang training niya sa Wushu, pero pang-screen na lang talaga, dahil medyo mahina na raw siya ngayon sa naturang martials arts.

“Dito naman po kasi sa Wushu, wala kaming black belt o ano. Sa routines kasi kami….mahirap siyang i-explain eh. Kasi, hindi siya sparring…more in visuals siya eh.

“Ang sparring namin pang-MMA, wrestling. Eh hindi naman ako dun.

“Dun ako sa parang dance, as in visual para mag-perform ka.

“Tapos dun nyo po makikita yung ranking.

“Sa competition kasi, age group, lalaki babae…saka sa routine na parang pataas nang pataas. Pahaba nang pahaba yung routine, pahirap nang pahirap.

“Kahit flexible  ka dun eh. Pag nagku-compete ka kailangan mo talaga training kasi yung flexibility mo yung stamina mo ganun,” paliwanag ni Bea tungkol dito sa Wushu.

Hindi pa raw niya gaanong naipapakita dito ang alam niya sa Wushu, pero nasa story naman daw na trained siya sa naturang martial arts kaya eventually, maipapakita rin niya ito.

Gusto na nga sanang balikan ni Bea ang araw-araw na training sa Wushu, pero nahirapan daw siya sa training.

Bukod sa mga trabaho niya sa TV, may mga negosyo rin siyang personal niyang inaasikaso. Kaya nung sinundot namin ang tanong kung saan na niya naisisingit ang lovelife, ngiti lang ang sagot niya,

Kahit anong pilit naming itanong ang tungkol sa non-showbiz boyfriend, “Basta!” lang ang sagot niya at iniiba na niya ang usapan.

Talagang iniiwasan na ni Bea na ipubliko ang lovelife niya. Mas gusto niyang tahimik na lang, kaya wala talaga siyang sagot tungkol dito.

CONGRATULATIONS SA FINAL FOUR NG STARSTRUCK: KIM, SHAYNE, ALLEN AT LEXI

In-announce na kagabi ang Final Four sa StarStruck na sina Kim de Leon,

Shayne Sava, Allen Ansay at Lexi Gonzales.

Natanggal sina Abdul Raman at Pamela Prinster kagabi dahil sila ang nakakuhang mababang score sa huling artista test na ginawa nila.

Matinding drama ang ginawa na lumalabas, dapat magaling ka talagang umarte at dito sila nalagpasan ng mga kapwa finalists.

Nung Biyernes kinunan ang tanggalan na kagabi lang napanood.

Pero kahit natanggal, sumali pa rin sila sa mall show na ginanap sa Fishermall.

Napaka-professional nga ni Pamela na kahit pumanaw na ang lola niya kahapon ng umaga, dumalo pa rin siya sa mall show nila.

Hindi lang daw siya sure kung makakasama pa siya sa finale nito, dahil kailangan na raw niyang umuwi ng Aklan para sa burol ng lola niya.

 

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment