COCO ‘DI NAGPAUNLAK SA INTERVIEW

coco12

(NI GORGY RULA)

SUSUBUKAN sana naming interbyuhin si Coco Martin nang dumalo ito sa Thanksgiving party ng Ang Probinsyano Party-list na ginanap sa Crowne Plaza nung nakaraang Martes, June 11 pero tumanggi ang manager niyang si Biboy Arboleda. Wala raw munang interviews, dahil kailangan lang daw niyang daluhan ang pagtitipon na yun dahil naging bahagi si Coco sa pangangampanya nitong party-list nung nakaraang eleksyon.

Kasama rin niya sa pag-endorse nito si Yassi Pressman na dumalo rin nung gabing iyun.

Pinakiusapan namin si Biboy na kung puwede itanong lang namin tungkol kay Eddie Garcia, pero ayaw na rin daw ni Coco na magsalita kaugnay sa nangyari sa beteranong aktor.

Pero dumalaw daw si Coco sa hospital nung nakaraang Martes ng madaling araw pagkatapos ng taping niya sa Ang Probinsyano.

Siyempre apektado raw si Coco sa nangyari kay Sir Eddie, kaya isiningit niya sa schedule niya sa pagdalaw sa hospital.

Tinanong din namin si Yassi tungkol dito at gusto rin daw niyang dumalaw sa hospital. Pero kararating lang daw niya galing ibang bansa.

Sabi ni Yassi nang tinanong namin tungkol kay Sir Eddie; “Kanina pa nga po ako tinatanong about this.

“I’m just really sad kasi siyempre Tito Eddie reminds me of my Dad, and alam mo yun mabuting tao,” pakli ng Kapamilya actress.

“Matagal din kami sa show eh.

“Sa simula pa lang naging mabait si Tito Eddie. Hindi siya namimili ng kung sino ang kakausapin. Sana he gets better.”

Sa ngayon ay patuloy pa ring nakatutok sa kalagayan ni Sir Eddie at naglabas din nung araw na iyun ng medical bulletin ang Makati Medical Center, at sinabi nga nilang comatose pa rin daw ang beteranong aktor kaya nasa critical condition pa rin ito.

May mga ilan pa kaming nakalap na impormasyon pero nakiusap ang source naming huwag munang ibalita. Mabuting hintayin na lang daw ang pahayag mula sa pamilya o kaya sa kanilang doktor.

Samantala, thankful naman ang dalawang nominee ng Ang Probinsyano party-list na sina Alfred delos Santos at Ronnie Ong dahil sa all-out na suporta nina Coco at Yassi.

Silang dalawa ang uupo sa Kongreso dahil nakakuha ng dalawang seat ang naturang party-list nung nakaraang eleksyon.

DONG NINONG SA ANAK NINA SARAH AT CHARD

Isa si Dingdong Dantes sa tatayong ninong sa binyag ng bunsong anak

nina Richard Gutierrez at Sarah Lahbati sa darating na Linggo, June 16.

Kuwento sa amin ni Dingdong sa nakaraang mediacon ng Starstruck, inaayos na rin daw nila ang binyag ng baby nila ni Marian Rivera na si Sixto.

May mga napili na raw nilang ninong at ninang, kaya abangan na lang ang announcement nila kung kailan ito.

Pagkatapos ng binyag ay puwede na sigurong bumalik sa trabaho si Marian, kaya napabalitang babalik na siya sa July. Pero mukhang hindi pa raw matutuloy dahil nagi-enjoy pa raw si Marian sa pag-alaga sa kanilang baby Sixto pati na rin kay Zia.

“Ini-enjoy pa niya yung early stages ni Sixto,” saad ni Dingdong.

“Kung may choice din naman ako, ako rin eh. Ayoko rin umalis ng bahay. Kaya ako na bahalang magtrabaho para sa amin. Relax ka lang diyan,” dagdag niyang pahayag.

Nakakatuwa rin daw si Zia dahil feel na feel daw nito ang pagiging ate.

“May sarili siyang task,” kuwento ni Dingdong.

“Pag kunyari may itatapon na diaper, siya ang gumagawa nun. Feel niya ang pagiging ate niya,” sabi pa ng Kapuso Primetime King

Bukod sa taping at shoot ng ilang segment ng Starstruck, isinisingit ni Dingdong ang pag-ensayo para sa pagsali niya sa BMW Berlin Marathon sa September.

Kaya pala ang laki nang ipinayat niya dahil panay ang workout niya at ensayo para sa marathon na sasalihan niya.

“Naging panata ko sa sarili ko at sa pamilya ko. Kasi mula nung ipinanganak si Sixto, gusto  ko i-renew yung commitment ko sa kalusugan.

“Kasi dati naging active ako nung si Zia ang ipinanganak. Sabi ko ibalik ko yun. So nag-comit ako na sumali sa isang marathon. Parang reflection yun na talagang committed ka para sa health mo,” pahayag ni Dingdong nang nakatsikahan namin sa mediacon ng Starstruck.

Si Kim Atienza raw ang nagkumbinse sa kanyang sumali sa marathon kaya masayang grupo raw silang tatakbo sa darating na September.

Gusto man niyang isama si Marian, pero naka-focus daw kasi ito sa pag-alaga sa dalawang anak nila. Kaya, hindi siya masasamahan.

Sa darating na Sabado, June 15 na magsisimula ang Starstruck pagkatapos ng Daddy’s Gurl.

Sa Linggo naman ay pagkatapos ng Daig Kayo ng Lola Ko.

Kasama ni Dingdong na mag-host si Jennylyn Mercado na baka magiging leading lady niya sa Pinoy adaptation ng Descendants of the Sun.

 

 

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment