4 SCRIPT NAPILI NA PARA SA MMFF 2019

(NI GORGY RULA)

INI-ANNOUNCE na ngayong Miyerkoles ang apat na script na napili ng Screening Committee ng Metro Manila Film Festival.

Isang script bawat genre ang pinili nila kaya iyun ang sagot kung bakit hindi napili ang ilang entries na pinagbidahan ng mga kilalang artistang laging namamayagpag tuwing MMFF.

Sa fantasy, pasok ang Momalland nina Vice Ganda at Anne Curtis. Sa Drama naman ay ang Pinoy adaptation ng Viva Films na Miracle in Cell #7 nina Aga Muhlach at Nadine Lustre.

Ang Mission Unstapabol: The Don Identity nina Vic Sotto at Maine Mendoza sa comedy, at ang (K)Ampon ng Quantum Films nina Kris Aquino at Derek Ramsay naman ang sa horror.

Iyun pa rin ang choices ng screening committee na sinasabi nilang ibinase pa rin nila sa script na malaki raw ang bahagi ng commercial viability at Filipino Cultural Sensibility.

Bago pa ang announcement, nagsimula nang mag-shooting sina Vice Ganda para sa kanilang Momalland.

Kahit nga ang pelikula ni Coco Martin ay nasa pre-production at maaring magsisimula na silang mag-shoot.

Sana makapasok ang pelikula niya sa finished films.

Marami pa ang inaasahang magagandang material tampok ang mga kilalang artista, gaya ng Mindanaw ni Judy Ann Santos, ang Isa Pang Bahaghari ni Nora Aunor, ang The Heiress ni Maricel Soriano, ang It It ni Robin Padilla at marami pa.

     ***

Nakatutuwa ang suporta ni Dingdong Dantes sa ginagawa ngayon ni  Marian Rivera na pag-donate ng sobrang gatas sa ibang nanay na hindi gaanong makapag-produce ng maraming gatas para sa kanilang sanggol.

Ipinost ng isang close sa kanila na aligaga si Dingdong sa pag-pack ng mga gatas ni Marian.

Maraming naipon ang Kapuso Primetime Queen at si Dingdong din mismo ang nag-enganyo sa asawa niya na i-donate ito sa mga batang di makapag-breastfeed sa kanilang nanay.

“Sobrang dami eh. Alam kong marami ang nangangailangan, at hindi lahat na mga mommy makapag-produce ng ganito kadami. Kaya gustung-gusto kong i-share ang milk ko sa mga nangangailangan,” pahayag ni Marian sa isang kaibigang nag-post ng video na iyun sa Instagram.

Katulong pa si Zia sa paglagay sa ice chest na nilalagyan nila ng maraming ice para hindi ito masira.

Nakikita roon sa video na proud na proud si Dingdong na sinasabing galing lahat iyun kay Marian.

Ipinagmamalaki niyang ipinost sa kanyang Instagram account na proud siya para sa kanyang asawa.

Sabi niya; “There are many things I admire about my wife, but one of them that really makes her a superwoman in my eyes is her dedication to breastfeeding.

“Being a witness to what she went through with Zia, and with what she is providing for Sixto, I know that producing that precious milk is not easy. And because she is blessed with this, I salute her for choosing to donate her  excess  expressed milk to those who need  it most.”

Noon pa man ay isa itong advocacy ni Marian, na nakapag-donate din siya noon nung nagpapa-breastfeed siya kay Zia.

Samantala, panibagong achievement na naman itong kay Dingdong na kinuha siyang brand ambassador ng Caltex sa kanilang National Geographic Record Rides event na ginanap sa Blue Leaf Filipinas Belle Avenue sa Paranaque noong nakaraang Miyerkoles, July 10.

Nababagay daw sa Kapuso Primetime King ang tagline na ‘Enjoy the Journey’.

Sabi sa kanilang press release, nababagay si Dingdong ang bagong campaign nila dahil napaka-positive, friendly, genuine at adventurous na nai-encourage ang mga tao na i-enjoy at i-experience nang husto ang lahat na mga gusto nilang gawin.

Pero ang pagiging adventurous ay talagang na-enjoy nang husto ni Dingdong lalo na’t nakakapag-ikot siya sa mga pinupuntahan nila para sa programa niyang Amazing Earth.

“Yung mga pinupuntahan kasi namin hindi siya yung normal na tourist spots na nababalitaan natin.

“Halimbawa, kung sabihin mo Rizal, nandiyan ang Hinulugang Taktak, mga ganun. Yung mga pinupuntahan namin mostly yung mga protected areas, yung mga kasuluk-sulukan na hindi natin akalaing nandun pero napakaganda.

“Yung mga discoveries na ganun linggu-linggo parang nakakatuwa dahil kahit na may iba akong ginagawa sa TV, pero naba-value ko ito kasi educational siya at the same time, nai-enjoy parang nagbababakasyon ako every week di ba?” nakangiting pahayag ng Kapuso actor.

 

Related posts

Leave a Comment