‘QUACK DOCTOR’ NG ABU SAYYAF, 1 PA HULI NG NBI

(NI HARVEY PEREZ/PHOTO BY MAYA FELIZA)

NADAKIP ng mga ahente ng National Bureau of Investigation(NBI) ang dalawang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) na may tig-P600, 000 patong sa ulo, kabilang ang isang ‘hilot’ o quack doctor ng kanilang grupo, sa magkahiwalay na pagkakataon sa Zamboanga City at sa Paranaque City .

Nasakote ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation-Counter Terrorism Division, ang mga suspek na sina Abdulla Addi Danial alyas ‘Tuma’ at Aluyudan Guru, alyas ‘Abu Tarik’ na kapwa dinakip sa bisa ng warrant of arrest sa kasong kidnapping at serious illegal detention na inisyu ng Pasig Regional Trial Court (RTC) Branch 266.

Ang dalawa ay ipinrisinta ni NBI Deputy Director Vicente De Guzman III, NBI spokeperson Ferdinand Lavin at CTD chief Raoul Manguerra sa ginanap na pulong balitaan.

Nabatid sa NBI na si Tuma ay nadakip noong Hulyo 31 habang papasok sa isang mall sa Zamboanga City, ng pinagsanib na pwersa ng NBI, Philippine Navy at Special Action Force.

Nalaman na si Tuma ay close associate umano nina ASG leaders Khadaffy Janjalani at Isnilon Japilon at nagsilbing manggamot ng ASG, sangkot sa pagdukot sa anim katao sa Patikul, Sulo noong Agosto 20, 2002 kung saan napugutan ng ulo ang dalawang lalaking hostage at ipinanghingi ng ransom ang apat na babaeng hostage, at positibong itinuro ng witness na perimeter guard. Siya ay nakasuhan, kasama ang namatay na si Galib Andang, alyas ‘Kumander Robot’.

Naging manggagamot gamit ang traditional medicine si Tuma nang mamatay ang dating nanggagamot na si ASG leader Gumbahali Abu Jumdail alyas ‘Dr. Abu’.

Si Tuma ay sangkot din sa kidnapping ng 21 katao na kinabibilangan ng 19 na banyaga at dalawang Pinoy sa Sipadan, Malaysia noong Abril 2000 at pagdukot sa tatlong Indonesian sailor na namatay habang hostage pa ng ASG.

Habang si Abu Tarik ay nadakip na nagtitinda ng medyas malapit sa Baclaran LRT station, sa Paranaque City nitong Agosto 15, sa isinagawang follow-up operations ng CTD, PN at SAF matapos makakuha ng impormasyon kaugnay sa pagkadakip kay Tuma.

Si Abu Tarik ay kinilala ng mga biktima na nagsilbing perimeter guard sa mga hostage mula sa Golden Harvest Plantation. Siya rin ay madalas umanong umuwi sa bayan niya sa Lanao Del Norte dahil malapit siya sa pro-ISIS Maute brothers at namataan din sa meeting ng ASG bago pa maganap ang Marawi siege at gumawa ng paraan para mapasok ng Yakan Group ni Isnilon Hapilon ang Marawi.

Nakatakdang i-turn over ng NBI ang dalawa sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Please follow and like us:
Read More

EX-DENR SEC GINA LOPEZ PUMANAW NA

(NI KIKO CUETO)

PUMANAW na si dating Environment secretary, at ABS-CBN Foundation chief Regina Paz “Gina” Lopez sa edad na 65.

Sa pahayag ng ABS-CBN, sinabing namatay si Lopez dahil sa multiple organ failure.

Kilalang environmental activist si Lopez at nagsilbi na chairperson ng ABS-CBN Foundation Inc (AFI).

“Gina was the pillar of strength that pushed AFI to achieve what seemed to be impossible. Her caring heart and selfless kind of love inspired people within and beyond the organization to help and serve others,” sabi ng ABS-CBN sa pahayag.

“While we mourn with Gina’s family and loved ones, we also pray that her legacy continues to live on in the heart of every Kapamilya she had touched in her lifetime. We will never forget her and will continue to honor her remarkable contributions not only to ABS-CBN, but the entire nation. Thank you Gina, for showing us how it is to live in the service of the Filipino,” sabi ng ABS-CBN.

Ayon naman kay ABS-CBN Chair Mark Lopez hanga siya sa kanyang pinsan.

“Today, we lost not just a family member but a person we deeply admire and respect,” ani Mark Lopez, pinsan ng pumanaw, sa hiwalay na pahayag.

“At an age when people are just figuring out what they want to do in life, she already knew her purpose. She left a comfortable life to devote her time and energy to help uplift other people’s lives,” dagdag ni Lopez.

Taong 2016 pag-upo ni Pangulong Rodrigo Duterte, nagsilbi bilang kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) si Lopez, kung saan nakipaglaban siya sa mga dambuhalang kompanya ng pagmimina.

Ngunit noong 2017, hindi pinalad na makumpirma sa puwesto si Lopez.

Sa kabila nito, itinuloy ni Lopez ang kaniyang adbokasiya sa kalikasan, na nagsimula mula pa noong kabataan niya.

 

 

Please follow and like us:
Read More

CHINESE SINISI SA PAGTAAS NG KASO NG KIDNAPPING

crime kidnapping12

(NI AMIHAN SABILLO)

PAGDAGSA ng mga Chinese national na nagsusugal sa bansa ang dahilan kung bakit tumaas ang bilang ng mga kidnapping incidents sa mga Tsino.

Ito ang inihayag ni Police Lt. Col Elmer Cereno, tagapagsalita ng PNP-Anti kidnapping group.

Ayon kay Cereno,  nakapagtala umano sila ng 52 kaso ng casino-related kidnapping incidents kung saan naaresto ang 119 Chinese kidnappers.

Sa paunang imbestigasyon ng PNP-AKG marami umano ang mga Chinese nationals na nagsusugal sa bansa na dinadala ng mga junket operators mula sa mainland China, na pawang hinihikayat na magbakasyon sa Pilipinas, at kapag nandito na ay dinadala sa mga casino para magsugal, kasabay ng pinapautang pa ng kapital o pangsugal.

Kapag natalo o wala ng pambayad ay dito na kinikidnap, ikinukulong sa isang hotel room, binubugbog, at tinatawagan ang kanilang pamilya sa China para magpadala ng pang-bayad utang sa pamamagitan ng wire-transfer.

Ayon kay Cereno inilunsad ni PNP-AKG acting Director Police Col Jonnel Estomo, ang mas mahigpit na koordinasyon sa kanilang foreign counterparts, Department of Justice (DOJ), National Capital Regional police office (NCRPO), Bureau of Immigration (BI), NAIA management at iba pang PNP territorial units.

Mag-oorganisa din aniya ang AKG ng “summit on casino debt related kidnappings”, kasama ang iba’t ibang law enforcement agencies at casino and hotel operators para mailatag ang action plan kontra dito.

Please follow and like us:
Read More

‘PAG-ATAKE’ NG ISIS BINABANTAYAN

(NI HARVEY PEREZ)

IBINULGAR ni Justice Secretary Menardo Guevarra na mahigpit na binabantayan ngayon ng Armed Forces of the Philippines Northern Luzon Command (Nolcom) ang ilang siyudad at simbahan sa Northern Luzon sa posibleng pag atake ng mga miyembro umano ng Islamic State(ISIS).

Kasabay nito, inatasan  ni Guevarra ang  National Bureau of Investigation (NBI) na makipag koordinasyon sa ibang ahensiya ng gobyerno para madetermina kung nakapasok at may kuta  na sa bansa ang mga miyembro ng  Islamic State-affiliated terror cells.

Nalaman na ang kautusan ni Guevarra sa NBI ay bunsod ng
intelligence report na posibleng magsagawa ng terror attack sa ilang lugar   sa Northern Luzon.

Nalaman na sa ilalim ng Nolcom memo posible umanong magsagawa ng terror attack sa mga siyudad at simbahan sa Northern Luzon ang ISIS.

“Crusader cities is the term used by ISIS in describing target areas to fuel what they call ‘Bandar Crusade,’ or war between Muslim and Christian. While ‘Crusader Churches’ is their generic term for all historic Catholic Churches,” nakasaad sa Nolcom memo na nilagdaan ni  Navy Col. Glenn Celebrado, Nolcom’s assistant chief ng Unified Command Staff for Intelligence.

Tinukoy ni Guevarra ang posibilidad na target ng pag atake ang   Laoag City sa Ilocos Norte, Vigan City sa Ilocos Sur, Tuguegarao City sa Cagayan at Manaoag church sa Pangasinan.

Kasabay nito, inatasan ng Nolcom ang ilang military units na paigtingin ang intelligence monitoring, partikular na sa priyoridad na target area.

Gayundin, idineklara ang red alert status ng militar, ngayong Linggo at bukas (Lunes).

Please follow and like us:
Read More

AUG.12 IDINEKLARANG HOLIDAY 

DUTERTE-SONA

(NI DAHLIA S. ANIN)

IDINEKLARA ni Pangulong Rodrigo Duterte na holiday sa  Agosto 12 bilang paggunita sa Eid al-Adha o ang Feast of Sacrifice ng mga kapatid na Muslim.

Kinumpirma ito ni Executive Secretary Salvador Medialdea sa mga mamamahayag.

Wala pang detalye kung ito ay regular holiday o special non-working holiday ngunit ilalabas din ang opisyal na detalye nito, ayon din kay Medialdea.

Ang Eid al-Adha ay ang pag-alala sa sakripisyong ginawa ni Abraham bilang pagsunod sa kautusan ni Allah.

Ipinagdiriwang ang pistang ito sa Mecca, ang pinakabanal na siyudad ng mga Islam kung saan sila nag-aalay ng hayop, nagdiriwang ng pista kasama ang kanilang mga pamilya at kamag-anak at nagsasagawa ng mga charitable acts sa kanilang kapwa.

 

Please follow and like us:
Read More

LAWYERS’ KILLINGS PINATUTULDUKAN NI REP. NOGRALES

Rep Juan Fidel Nograles-2

KAILANGAN nang tuldukan ang nangyayaring karahasan sa mga abogado at tiyakin ang kanilang kaligtasan at pag-iral ng batas.

Iginiit ito ni House Committee on Justice Vice Chair at Rizal 2nd District Rep. Juan Fidel Nograles.

Kasabay nito ay nanawagan ang mambabatas ng imbestigasyon sa pagpatay sa mga abogado, piskal at huwes.

Kahapon ay inihayag ni Nograles ang kanyang pag-akda sa House Resolution No. 185 dahil panahon na umanong kumilos ang gobyerno sa sunud-sunod na pagkitil sa buhay ng mga abogado na tinawag nitong “mga bantay sa Rule of Law.”

“Ang pag-atake sa abogasya ay pag-atake sa Rule of Law,” ayon sa abogadong mambabatas kasabay ng paliwanag na sa ilalim ng mga Batayang Prinsipyo sa Papel ng mga Abogado (Basic Principles on the Role of Lawyers), “nasa kamay ng gobyerno ang pagtitiyak sa paninilbihan ng mga abogado upang sila ay makaganap ng kanilang tungkulin nang walang pananakot, hadlang, harassment o hindi tamang panghihimasok.”

Ang Basic Principles on the Role of Lawyers ay ipinasa ng United Nations Congress on the Prevention of Crime and the Treatment of Offenders sa Havana, Cuba noong 1990, ayon kay Nograles, na may Master’s Degree in Law mula sa Harvard University.

Ayon pa sa mambabatas, na siyang nangasiwa sa isang free legal aid program sa Rizal bago mahalal sa Kongreso, “kapag napaparalisang maglingkod ang mga abogado dahil sa takot, dito nagsisimulang humina ang pag-iral ng Rule of Law. Huwag nating payagang mangyari ito.”

Mula Hulyo 2016, umaabot na sa 41 abogado, piskal at mga huwes ang napapatay sa bansa.

Kasabay nito, umapela rin si Nograles sa Department of Justice (DOJ) at Philippine National Police (PNP) na bumuo ng task force na tututok sa pagresolba sa mga krimeng ito.

“Kapag ang mga kriminal na ito ay patuloy na mamamayagpag sa lipunan nang walang habas, lalong tatapang ang iba pang kriminal na gumamit ng dahas at pananakot huwag lamang makapagsilbi sa kanilang mga tungkulin ang mga abogado,” daing pa ni Nograles.

“Panahon na po para umaksyon. Di na natin pwedeng hayaan na lumala pa ang problema na ito,” pagtatapos ng mambabatas. (PFI REPORTORIAL TEAM)

Please follow and like us:
Read More

OPERASYON NG LOTTO OK NA ULIT

lotto

TULOY nang muli ang operasyon ng lotto ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Ito ay matapos alisin na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang suspensiyon nito, Martes ng gabi.

“As per the advice of Executive Secretary Salvador C. Medialdea, the suspension of Lotto operations has been ordered lifted by the President,” sabi ni presidential spokesperson Salvador Panelo sa isang statement.

Gayunman, nilinaw ni Panelo na ang iba pang gaming operations ng PCSO — tulad ng Small-Town Lottery (STL), Keno, at Peryahan ng Bayan (PNB) — ay nananatiling suspended.

Mananatili aniyang suspendido ito hangga’t nagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay sa ilegal na aktibidades at corrupt practice na may kinalaman dito. Hihintayin din na masuri pang mabuti ng Office of the President (OP) ang resulta ng nasabing imbestigasyon.

Please follow and like us:
Read More

PAGLAGANAP MULI NG JUETENG TUTUTUKAN

(NI NIC ECHEVARRIA)

MAHIGPIT na binabantayan ngayon ng  Philippine National Police (PNP) ang paglago ng operasyon ng sugal na jueteng matapos ipasara ng Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng gaming outlets ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Sinabi ni PNP Chief General Oscar Albayalde sa press conference sa Camp Crame nitong Lunes, na hindi nila inaalis ang posibilidad na muling maglabasan ang mga illegal numbers game sa bansa partikular ang jueteng.

Ayon kay Albayalde kasalukuyan na nilang minomonitor ang mga intelligence report na kanilang natatanggap kaugnay  sa muling pagbuhay ng operasyon ng jueteng sa dalawang lalawigan sa Central Luzon, isang araw matapos ang closure order ng pangulo sa mga gaming operations ng PCSO.

Bagamat wala pa namang naaarestong sangkot sa mga illegal numbers game mahigpit ang utos ni Albayalde sa kanyang mga police commanders na ipagpatuloy ang kanilang kampanya laban sa nasabing ilegal na mga sugal.

Pinatitiyak ng PNP Chief sa lahat ng mgal police commanders na hindi dapat lumaganap ang jueteng habang suspendido ang operasyon ng mga laro ng PCSO..

Babala ni Albayalde na aarestuhin nila ang sinumang mahuhuling sangkot sa operasyon ng mga illegal numbers game, lalo na ang jueteng.

Sa kasalukuyan umaabot na sa 30,284 na mga Lotto, Small-Town Lottery (STL), Peryahan Ng Bayan at Keno outlets ang naipasara na ng PNP bilang pagsunod sa kautusan ng presidente.

Wala naman umanong naitalang resistance ang PNP mula sa mga may-ari ng mga outlets na kanilang ipinasara, kung saan ang iba aniya ay boluntaryo ng nagsara.

Please follow and like us:
Read More

8 NAMEKE NG EMISSION TEST RESULTS SINUSPINDE

(NI KEVIN COLLANTES)

SINUSPINDE ng Department of Transportation (DOTr) ang walong Private Emission Testing Center (PETC) sa bansa dahil sa umano’y pamemeke ng resulta ng emission test.

Sa inilabas na paabiso ng DOTr, nabatid na kabilang sa mga sinuspinde ay ang MJAS Emission Testing Center na matatagpuan sa 111 Quirino Highway, Barangay Balon Bato, Quezon City; Dumbay Vehicle Emission Testing Center-Pilar, na nasa Panila, Pilar, Bataan; Tarlac Emission Testing Center sa Barangay Dolores, Capas, Tarlac; Clearview Emission Testing Center at RQG Emission Testing Center sa 97 P. Tuazon Boulevard, Kaunlaran, Quezon City; Kanto Motors Davao City Inc., sa Riverside, Ma-a, Davao; 7M Emission Testing Center sa South Villazar, Sipocot, Camarines Sur; at Goldstar Emission Testing Center-Vigan sa Poblacion East, San Ildefonso, Ilocos Sur.

Ayon sa DOTr, epektibo ang suspension order sa loob ng 90-araw o tatlong buwan.

“Advisory: The Department of Transportation (DOTr), through its Investigation Security and Law Enforcement Staff (ISLES), issued a preliminary suspension order (Department Order 2016-017) against the following Private Emission Testing Center (PETC) for falsification of emission test results,” anunsiyo ng DOTr.

Nabatid na napadalhan na ng kopya ng suspension order ang mga naturang PETCs, gayundin ang kanilang Information Technology (IT) Service Provider.

Binalaan din ng DOTr ang naturang IT Service Provider na mahaharap sa suspensiyon kung babalewalain ang kanilang kautusan, at ipagpapatuloy ang pagproseso ng mga data na ipinadadala ng mga suspendidong PETCs sa kanilang tanggapan.

 

Please follow and like us:
Read More

DIGONG NABURYONG SA KORAPSYON, ALL PCSO GAMES PINAHINTO

DUTERTE-PCSO-3

Hindi na napigilan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagkaburyong dahil sa malawakang korapsyon sa loob ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) kaya ipinahinto niya ngayong araw ang operasyon ng Lotto at iba pang sugal sa bansa.

Sinabi ni Duterte, sa isang video message, na maliban sa Lotto, ipinahihinto rin ang operasyon ng iba pang lisensiyado at may prangkisa na mga sugal, gaya ng STL, Peryahan ng Bayan at Keno.

Ang Philippine National Police (PNP) at ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ang inatasan ni Duterte upang tiyaking  maipatutupad ang kanyang kautusan.

Nanindigan ang Pangulo na hindi niya susundin ang anumang utos ng korte na naglalayong pigilan ang gobyerno sa imbestigasyon nito sa malawakang korapsyon sa (PCSO).

Please follow and like us:
Read More

KAHIT MAULAN, WATER LEVEL SA ANGAT DAM PABABA PA RIN

(NI ABBY MENDOZA)

BAGAMAT nakararanas ng pag-uulan sa ilang bahagi ng Bulacan, hindi pa rin ito nakatutulong para mapataas ang antas ng tubig sa Angat Dam at sa katunayan ay bumaba pa ito.

Ayon sa Pagasa Hydrology Division, sa loob mg nakalipas na 24 oras ay bumaba pa ang water level sa Angat dam na nasa 161.22 meters habang

nananatiling mataas umano ang demand sa tubig kaya bumababa ang water level at hindi pa rin sapat ang mga nararanasang pag-uulan.

Una nang sinabi ng Pagasa na sa buwan pa ng Setyembre nila inaasahang      tataas ang tubig sa Angat dam kung saan may mga parating na malalakas na bagyo.

Naragdagan naman nang bahagya ang water level ng La Mesa dam na nasa 73.92 meters habang nabawasan din ang water level ng Ipo, Pantabangan, at Caliraya samantalang naragdagan naman ang water level ng Ambuklao, Binga, San Roque, at Magat.

Please follow and like us:
Read More

SUICIDE BOMBERS SA SULU, INDON COUPLE — AFP

(NI AMIHAN SABILLO)

KAPWA kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang report ng Indonesian Police na Indonesian couple ang suicide bomber sa kambal na pagsabog sa Mount Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu.

Inihayag ni AFP Spokesperson Brig Gen Edgard Arevalo na nanggaling sa imbestigasyon ng AFP  ang impormasyon ng Indonesian police na inianunsyo sa media.

Sa panig naman ni PNP Chief Police General Oscar Albayalde na noon pa man, batay sa kanilang mga testigo, ay kinukumpirma na nilang Indonesian couple ang may gawa ng pagsabog sa Jolo, Sulu Cathedral.

Matagal na umanong naninirahan sa Sulu ang bomber na lalaki dahil nakakapagsalita na ito ng local dialect habang bago lang sa Sulu ang asawa nito.

Magugunita ang  kambal na  pagsabog sa Our Lady of  Mt Carmel Cathedral sa Jolo sulu ay pumatay ng 23 katao at pagkasugat ng mahigit 100 indibidwal.

Marami ang namatay dahil itinaon ang pagsabog habang may misa sa Our Lady of Mount Carmel Cathedral.

Please follow and like us:
Read More

TUBIG SA ANGAT DAM BUMABA MULI

(NI DAHLIA S. ANIN)

BAHAGYANG bumaba ngayong araw ang antas ng tubig sa Angat dam habang tumaas naman ang tubig sa La Mesa dam, ayon sa PAGASA.

Mula sa 161.56 meters nitong Lunes ng umaga, bumaba ito sa 161.46 meters.

Bumaba rin ang antas ng tubig sa iba pang dam sa Luzon tulad ng Binga dam mula 569.85 ay bumaba ito sa 569.67 at ang Caliraya dam na bumaba sa 287.00 mula sa 287.24 nitong Lunes.

Sa kabilang banda, tumaas naman sa 73.72 ang antas ng tubig sa La Mesa dam, mula sa 73.44 kahapon, Lunes.

Gayundin ang Ipo dam na naging 100.66 mula sa 100.61, pati ang Ambuklao dam na mula sa 744.26 ay nagibg 744.50 meters.

Ang lebel ng tubig sa San Roque dam ay tumaas din sa 230.82 mula sa 230.69 at ang Magat dam na tumaas sa 180.94 mula sa 180.46.

Please follow and like us:
Read More

 SUV VS MULTI CAB: 3 PATAY, 3 KRITIKAL

(NI JG TUMBADO)

UTAS ang tatlo katao habang nasa malubha naman ang tatlong iba pa makaraang salpukin ng isang Sports Utility Vehicle (SUV) ang kanilang sinasakyang multi cab sa General Maxilom Avenue sa lungsod ng Cebu Sabado ng gabi.

Nakilala ang mga biktima na sina Raul Largado, 46, Carlo Gahator, 24, at isa pang pasahero na hindi pa natutukoy na kapwa agad nasawi bunsod na rin ng pagkakaipit ng mga ito sa loob ng sasakyan.

Isinugod naman sa ospital ang tatlong iba pang pasahero ng multi cab na nasa maselang kondisyon.

Sinabi ni Police Master Sergeant Antonio Pizarras ng Parian Police Station, nagpagewang-gewang umano ang Fortuner matapos itong mag-overtake sa isang sasakyan kung saan hindi na nagawang mabawi ang linya nito at tuluyang sumalpok sa sasakyan ng mga biktima na nasa kabilang linya.

May isa pang motorsiklo na tinamaan ang SUV na ikinasugat ng driver at angkas nito.

Agad ikinostudiya naman ng pulisya ang driver ng Fortuner na si Angelo Gurrea na nahaharap ngayon sa kasong reckless driving resulting to multiple homicide, injuries and damage to properties.

Please follow and like us:
Read More

TUBIG SA ANGAT DAM TUMAAS SA CRITICAL LEVEL

(NI DAHLIA S. ANIN)

MAS mataas na sa kritikal level ang antas ng tubig sa Angat Dam matapos ang tuluy-tuloy na pag ulan na dala ng Bagyong Falcon.

Sa tala ngayong araw ng ala 6:00 ng umaga, umakyat na sa 160.16 meters ang lebel ng tubig sa dam mula sa 158.29 meters nitong Huwebes ng umaga.

Umaray ang ilang konsumer noong mga nakaraang araw dahil sa halos 19- oras na water interruption ang ipinatupad ng Maynilad at Manila Water

Nagpaalala naman ang National Water Resources Board (NWRB) na mag-ipon pa rin ng tubig ang mga residente hanggang sa tuluyan ng makarecover ang Angat dam.

Tumaas din ang lebel ng tubig sa Ipo dam mula 100.43 meters umakyat na ito sa 100.93 meters, pati ang La Mesa dam 72.27 meter sa 73.09 meters.

Gayundin ang Ambuklao mula 742.22 meters tumaas ito sa 743.11. Ang Binga dam din ay tumaas sa 568.34 mula sa 567.92. Mula naman sa 188.91 meters tumaas sa 189.02 ang Pantabangan dam.

Tumaas din ang antas ng tubig sa Magat dam mula sa 180.36 meters umangat ito sa 180.60 meters at ang Caliraya dam mula sa 286.62 naging 286.35 meters.

Please follow and like us:
Read More

LPA BALIK-PINAS, NAGING BAGYO

pagasa

UPDATED

(NI DAHLIA S. ANIN)

ISANG Low Pressure Area (LPA) ang lumabas na sa Philippine Area of Responsibility (PAR), ang muling bumalik at tuluyan nang naging bagyo.

Ayon sa PAGASA, bumalik sa loob ng PAR ang LPA bandang alas 7:00 ng umaga ng Biyernes at naging ganap ng bagyo na pinangalanang ‘Goring’ makalipas lamang ang isang oras.

Noong Miyerkoles pa binabantayan ang LPA na ito na namataan sa 180 kilometro Kanluran ng Sinait, Ilocos Sur.

Samantala, magdudulot naman ng pag ulan southwest monsoon (Habagat) sa ilang bahagi ng Northern Luzon.

Makakaranas naman ng kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorm ang Metro Manila habang nagbabala naman tungkol sa thunderstorm sa natitirang bahagi ng bansa.

Please follow and like us:
Read More

‘FALCON’, LPA, HABAGAT NAKAPAGPAPAULAN SA BANSA

bagyo12

MAGDUDULOT pa ng malalakas na pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa ang bagyong ‘Falcon’, gayundin ang isang low-pressure area (LPA) sa kanlurang bahagi ng bansa gayundin ang southwest monsoon o habagat, ayon sa state bureau Pagasa.

Si ‘Falcon’ na huling namataan sa 230 kilometers ng northeast ng Basco Batranas ay inaasahang lumabas ng bansa, ngayong Biyernes ng gabi, ayon kay weather specialist Ariel Rojas.

Nakataas pa din sa Batanes ang tropical cyclone wind signal no. 2 habang nasa signal no. 1

ang nalalabing lugar sa Babuyan Group of Islands.

Napanatili ni ‘Falscon’ ang lakas nito sa maximum sustained winds ng 65 kilometers per hour (kph), na may bugso na 80 kph.

Samantala, alas-4:00 ng madaling araw ngayong Huwebes ay namataan ang isang LPA sa 265 kilometers west ng Sinait, Ilocos Sur.

Inaasahan ding magiging bagyo ito sa susunod na ilang araw at tatawaging ‘Goreng’.

Palalakasin ng mga ito ang habagat na magdudulot ng mga pag-ulan sa Ilocos Region, Cordillera, Metro Manila, Calabarzon at Mimaropa.

Uulanin din ang Zambales, Bataan, Cavite, Batangas, Occidental Mindoro, northern Palawan kabilang ang Calamian at Cuyo Islands, gayundin ang Romblon ngayong Huwebes.

Mahina hanggang malakas na  pag-ulan ang mararanasan sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon.

Please follow and like us:
Read More

4 DAYUHAN HULI NG BI SA PEKENG DOKUMENTO

naia immigration 12

(NI FROILAN MORALLOS)

BUMAGSAK sa bitag ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang apat na foreigners habang pasakay sa kanilang flight palabas ng bansa dahil sa paggamit ng pekeng dokumento.

Ayon kay Commissioner Jaime Morente, ang apat na dayuhan ay isang Chinese fugitive, Nigerian impostor, at dalawang Sri Lankans, kung saan na- intercept ang mga ito ng Bureau’s Travel Control and Enforcement Unit (TCEU) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 1 at 2 ng magkakaibang petsa.

Ang Chinese national ay nakilala na si Wang Wen, 33, at nasakote noong Sabado ng umaga sa NAIA terminal 2 habang pasakay sa Philippine Airlines flight papuntang Xiamen.
Nakuha kay Wang ang pekeng Philippine visa na mayroon fake immigration arrival and departure stamps.

Nadiskubre sa verification sa BI  rekord, na si Wang ay  may nakabimbin na summary deportation order noon pang 2018, dahil sa kasong economic crimes.

Matapos ang isang oras nahuli ng BI-TCEU personnel sa NAIA terminal 1 departure si Nigerian Adekunle Michael Ogunade, 55, habang paalis gamit ang fake Solomon Islands passport.

Ayon kay BI-TCEU chief Timotea Barizo inamin ni Ogunade sa isinagawang imbestigasyon ang tunay niyang pagkato matapos madiskubre na peke ang kanyang mga papeles resulta ng BI’s forensic document laboratory.
Huling naaresto itong dalawang Sri Lankans na sina Drosamy Asah, 32, at Talayan Hilamaran, 35, sa transfer desk ng NAIA terminal 2 bago makaalis papuntang Brisbane Australia .

Sina Wang at Ogunade ay kasalukuyang detainee sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang naka-pending ang kanilang deportation, habang ang dalawang Sri Lankans ay pinabalik sa kanilang port of origin.

Please follow and like us:
Read More

COSMIC CARABAO GIN BAWAL NANG IBENTA — FDA

(NI ROSE PULGAR)

IPINAGBAWAL na sa publiko ang pagbebenta ng isang brand ng gin na nakumpirmang nakalalason sa mga umiinom matapos na isailalim sa pagsusuri ng Food and Drugs Administration (FDA) ang laman nito.

“In light of the development on the investigation of the Food and Drug Administration (FDA) with regards to the incident involving two  women who allegedly consumed ‘Cosmic Carabao Gin’, this Office shall order the seizure and/or confiscation of the product as the samples collected and subjected to FDA analysis were found positive for methanol,” base sa pahayag ng FDA.

Nabatid na ang methanol ay isang kemikal na ginagamit sa mga industriya, bahay at fuel para sa eroplano.

Meron din nitong hindi nakalalason na uri na matatagpuan sa mga fruit juices at maaaring ma-prodyus sa pamamagitan ng “fermentation”.

Nagkakaroon ng mataas na konsentrasyon ng methanol kapag inihahalo ito sa mga “alcoholic drinks” at nagreresulta ng sakit ng ulo, sakit ng tiyan, pagbilis ng tibok ng puso, kakapusan sa paghinga at maaari ring pagkabulag.

Nitong Hunyo 30, nakatanggap ang FDA ng ulat ukol sa dalawang babae na nagpakita ng naturang mga sintomas nang uminom ng ‘Cosmic Carabao Gin’ na hindi rehistrado sa ahensya.

Isa sa dalawang babae ang nasawi habang ang kasama nitong babae ay nanatili pa rin sa pagamutan.

Dahil dito, kinumpiska na ng FDA ang lahat ng Cosmic Carabao Gin sa merkado at hiniling sa lahat ng lokal na pamahalaan na tiyakin na hindi ito maibebenta sa kanilang mga pamilihan.

 

 

Please follow and like us:
Read More

OFWs SA HK GIPIT; PASAPORTENG ISINANGLA KINUMPISKA

(NI DAVE MEDINA)

BUKING ang modus ng mga gipit na Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Hongkong na nagsasangla ng pasaporte para makapangutang sa lending company matapos kumpiskahin ang mga pasaporte ng mga ito.

Kasabay nito, umaabot sa 1,400 OFWs ang ilalagay sa watchlist ng Department of Foreign Affairs (DFA) dahil sa naturang iregularidad.

Ang aabot sa 1,400 na pasaporte ng mga (OFWs) na isinangla sa isang lending company ay nasa pangangalaga na ngayon ng embahada.

Sa inisyal na imbestigasyon, napag-alaman na ang naturang mga pasaporte ay ginamit bilang collateral para makapangutang ang mga OFW sa lending company na Overseas First Credit.

Subalit, sa Foreign Service Circular #2014-99 ng Hong Kong ay malinaw na nasasaad  na bawal gamitin ang passport bilang collateral sa anumang pangungutang o iba pang rason.

Bilang parusa sa naturang paglabag sa circular ng mga nahuli, ang kanilang mga pasaporte ay ipapawalang-bisa at isasauli sa Philippine Consulate sa Hong Kong.

Ayon naman sa  Philippine Consulate Office sa Hong Kong, 900 na pasaporte mula sa orihinal na kumpiskadong 1,400 pasaporteng nakumpiska ay na turn-over na sa kanilang tanggapan

Kaugnay nito, nilinaw ng Konsulada na papayagan naman ang mga OFW na muling mag-apply ng panibagong pasaporte ngunit sa paghahain ng panibagong aplikasyon ay kinakailangan nilang magsumite ng affidavit na umaamin at  nagsasabing ang luma nilang passport ay ginamit nilang pang-collateral upang makapangutang.

Please follow and like us:
Read More

BALASAHAN SA PNP NAGPAPATULOY

(NI AMIHAN SABILLO)

ASAHAN ang patuloy na balasahan sa hanay ng Philippine National Police (PNP) sa mga susunod na buwan.

Ito ang inihayag ni PNP Chief Police General Oscar Albayalde, na sa  buwan ng Agosto at Setyembre ay may mangyayaring balasahan sa PNP lalo na sa mga key officers katulad ng PNP Regional Directors.

Matatandaan na nitong buwan ng Hunyo huling nagkaroon ng rigodon sa mga key officers ng PNP matapos magretiro si Brigadier Gen John Bulalacao bilang Regional Director ng PNP Region 6.

Pumalit sa kanyang puwesto si PBGen Rene Pamuspusan na dating director ng Headquarters Support Service, umupo naman bilang bagong director ng Headquarters Support Service si PBGen Jesus D. Cambay Jr.

Si PCol Remus Zacharias Canieso  naman ay naupo bilang Acting Deputy Regional Director for Administration, ng PNP Region 6.

Sinabi ni Albayalde ang promosyon at reshuffle sa PNP ay nakabatay sa patuloy na validation ng performance ng mga key officers lalo na sa level ng performance ng mga provincial directors.

Please follow and like us:
Read More

P1.4-M MARIJUANA SA TORTILLA CHIPS NASABAT SA NAIA

customs naia12

(NI DAVE MEDINA)

NASABAT ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa  Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang tinatayang nasa  P1.4 milyon halaga ng pinatuyong marijuana or  kush marijuana na inilagay sa  tortilla chips mula sa Illinois, USA.

Habang kini-claim  sa  Post office NAIA Customs ang tumitimbang sa 847.20 grams  na kontrabando ay inaresto ng BOC operatives ang suspect na nakilalang si Ryan Ramos Soriano,  isang call center employee, ng  San Juan City.

Nakatakdang sampahan ng pag labag  sa Section 117, 1400 at 1113 ng R.A. 10863 (CMTA) na may kaugnayan sa R.A. No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), ang suspek na si Soriano.

Ang naturang operation ay ika-15 drug bust ng Customs NAIA sa  taong ito at record-breaking sa 44 drug case na nakumpiska nitong 2018.

Please follow and like us:
Read More

PAGASA: ‘EGAY’ HIHINA SA LOOB NG 24-0RAS

ulan1

INAASAHANG hihina ang bagyong ‘Egay at magiging isang low pressure area na lamang ito sa susunod na 24-oras, ayon sa Pagasa.

Samantala, ang low pressure area na namataan sa labas ng Philippine area of responsibility ay huling naitala  sa 575 kilometers west ng northern Luzon.

Sinabi ng Pagasa  na ang namumuong bagyo ay hindi papasok sa bansa at sa halip ay tatahak patungong China.

Nananatili ang signal no. 1 sa Batanes habang naitaas na rin ito sa Babuyan Group of Islands.

Bandang alas-4:00 ng umaga ngayong Lunes, ang bagyong Egay ay huling nakita sa 205 kilometers east ng Calayan, Cagayan, na may maximum winds na 45 km per hour at bugso ng hanggang 60 kph.

May bilis ito patungong northwest sa 40 kph, at patuloy na hihila ng hanging habagat.

Ang Metro Manila, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Antique, Aklan, at western Iloilo ay makararanas ng mahina hanggang malalakas na pag-ulan. Ang iba pang bahagi ng Luzon at Western Visayas ay magkakaroon ng kalat-kalat na pag-ulan.

Pinag-iingat din ng Pagasa ang mga residente na nasa delikadong lugar na magmonitor sa weather updates para sa flashfloods at pagbaha.

Please follow and like us:
Read More

KALBARYO NG PINAY WORKERS SA DUBAI 

pinayworker12

(NI ROSE PULGAR)

SA isang maliit na kuwarto nagsisiksikan, gamit ang iisang palikuran na wala pang pinto at kapos sa pagkain.

Ito ngayon ang sitwasyon ng daan-dang mga kababayang mga Pinay overseas Filipino workers (OFWs) na nasa pangangalaga ngayon ng konsulado sa Dubai, United Arab Emirates.

Ang mga nasabing OFWs ay pawang mga undocumented domestic helpers na naloko ng mga illegal recruiter.

Habang ang iba naman ay tumakas mula sa pagmamalupit ng kanilang mga employer at ang iba naman ay ibinalik ng kanilang dayuhang amo sa konsulado.

Una na rito ang isang OFW na nakauwi na sa Pilipinas dahil sa  pagmamalupit ng kanyang amo.

Kuwento nito, naloko siya ng isang illegal recruiter, na sinasabing magandang trabaho ang kanyang makukuha sa  Dubai, ngunit pagdating doon ay dumanas ng pagmamaltrato tulad ng overwork, walang pagkain at pinaglilinis ng napakalaking bahay.

Dahil dito, tumakas ang nabanggit na OFW kasama ang ilan pang Pinay at nagtungo sa Konsulada.

Masuwerte naman siyang nakabalik sa Pilipinas sa tulong ng Blas Ople Center sa pangunguna ni Susan Ople.

Kaugnay nito, nanawagan naman ang OFW na itinago sa pangalang  “Cristy”  (hindi tunay na pangalan), sa pamahalaan ng tulungan ang iba pang mga  naiwan na mga OFWs doon, dahil sa kaawa-awang kalagayan ng mga ito.

Binanggit pa na sa mahigit na 300 mga Pinay ang umano’y ibinebenta pa ng mga kapwa Pilipino doon sa Dubai at Abu Dhabi para manilbihan at magkapera.

 

 

Please follow and like us:
Read More