KAWATANG CALL CENTER AGENT HULI SA CCTV

MAGNANAKAW-4

BUKING ang isang call center agent sa ninakaw na Laptop makaraang masapol ng CCTV sa Brgy. Nangka, Marikina City, nitong Lunes.

Kinilala ang nadakip na suspek na si Michael Solis y Gonzales, 41-anyos, binata, call center employee, residente ng 38 Balubad St. ng parehong Barangay.

Nabatid sa imbestigasyon ng Marikina City Police Station, natutulog ang biktimang si Christian Lebrano y Gagarin, 20, estudyante sa kanilang bahay sa Block 25, Lot 2, Phase 2, Balubad Settlement, Brgy. Nangka sa nasabing lungsod, nang pasukin ito ng suspek.

Walang kahirap-hirap na nakuha ng suspek ang Acer laptop ng biktima na P40,000 ang halaga habang mahimbing itong  natutulog makaraang dumaan sa naiwang nakabukas na pintuan.

Pasado alas-6:30 na umano ng umaga nang magising ang biktima ay nadiskubreng nawawala na ang kanyang laptop na nakapatong sa kanyang kama.

Mabilis na nirebyu ng biktima ang footage ng CCTV at doon nabisto na kinuha ng suspek ang nawawalang laptop nito.

Positibo namang kinilala ng  witness na si  Milagros Ragua y Patnubay, 60-anyos, married at nakatira sa 161 Balubad St. ng kanilang Barangay, na ang suspek ang nakita niyang pumasok sa bahay ng biktima matapos nitong mapanood ang CCTV footage kung saan malinaw na nakuhanan ang insidente.

Agad namang inaresto ng mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 5 ang suspek sa ikinasang follow-up operation ngunit hindi na nabawi ang ninakaw na laptop. (NICK ECHEVARRIA)

Please follow and like us:
Read More

RIDER PATAY SA PALYADONG MOTORSIKLO

MOTORSIKLO-10

BINAWIAN ng buhay ang isang rider nang sumemplang ang kanyang minamanehong motorsiklong nawalan ng kontrol dahil umano sa mechanical failure, nitong Lunes ng hapon sa Navotas City.

Hindi umabot nang buhay sa Navotas City Hospital sanhi ng pinsala sa ulo ang biktimang si Carlito Sampayan, 56, driver, ng Blk. 4, Lot 20, Paradise Village, Letre, Brgy. Tonsuya, Malabon City.

Ayon sa ulat ng pulisya, dakong alas-4:00 ng hapon nang mangyari ang insidente sa Road 10, Brgy. North Bay Boulevard South Proper.

Minamaneho ni Sampayan ang kanyang motorsiklo nang mawalan ng kontrol sa nasabing lugar.

Sumemplang ang biktima at nabagok ang ulo sa kalsada. Isinugod siya sa nasabing ospital ngunit  idineklarang dead on arrival. (ALAIN AJERO)

Please follow and like us:
Read More

MAGTIYUHIN TODAS SA BUS

accident12

QUEZON –  Patay ang magtiyuhing sakay ng isang motorsiklo matapos banggain at araruhin ng pampasaherong bus sa Quirino Highway sa bayan ng Tagkawayan sa lungsod na ito, noong Lunes ng hapon.

Kinilala ang mga namatay na sina Celso Postre Jr., 35, driver ng motorsiklo, at Christopher Postre, 21, kapwa residente ng Del Gallego, Camarines Sur.

Base sa report ni P/Capt. Milo Tabernilla, hepe ng pulisya, dakong ala-1:00 ng hapon nang mangyari ang insidente sa Brgy. Bagong Silang.   

Ayon sa ulat ng pulisya, inagawan ng linya at sinalubong umano ng AB Liner Bus ang motorsiklong sinasakyan ng dalawang biktima na patungo sa Barangay Tabugon para magtupada.

Nasugatan ang magtiyuhin sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan na nagresulta sa kanilang pagkamatay.

Agad namang naaresto ang driver bus si Armando Ricarte, 37-anyos at residente ng Gen. Vicente St., Lopez, Quezon.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa lock-up jail ng Tagkawayan police station at sinampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property. (NILOU DEL CARMEN)

Please follow and like us:
Read More

NENE NILASING BAGO SINIMSIM

RAPE-4

MULI na namang napatunayan na kapag may alak, may balak nang lasingin muna ng isang 28-anyos na lalaki ang isang dalagita saka minolestiya sa Valenzuela City, nitong Lunes ng gabi.

Swak sa selda ang suspek na si Jeffrey Borromeo dahil sa kahalayang ginawa sa 14-anyos na biktimang na itinago sa pangalang “Maine”.  

Napag-alaman, inimbita ni Borromeo si Maine at apat pang kaibigan sa isang inuman sa kanilang bahay sa 133 C. Guansing St., Brgy. Polo.

Alas-7:00 ng gabi nang mahilo na si Maine matapos silang makaubos ng ilang bote ng alak kaya’t hinayaan muna siya ng mga kainuman na pansamantalang magpahinga.

Nang umuwi na ang apat na kainuman ay pinasok umano ng suspek sa kuwarto ang biktima at minolestiya.

Ngunit nang maramdaman ng biktima ang ginagawa ng suspek ay agad itong bumalikwas at umalis.

Pagdating sa kanilang bahay ng biktima ay agad siyang nagsumbong sa ina na mabilis na humingi ng tulong sa mga pulis na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.

Sinampahan ang suspek ng kasong acts of lasciviousness na may kaugnayan sa paglabag sa Anti-Child Abuse Law. (ALAIN AJERO)

Please follow and like us:
Read More

NAG-OVERPRICED SA N95 FACE MASK LAGOT KAY YORME

MANANAGOT kay Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang medical suppliers na umano’y nagsamantala sa presyo ng N95 face masks.

Napag-alaman, inatasan ng alkalde  si Manila Bureau of Permits Chief Levi Facundo na magpalabas ng show cause order laban sa mapagsamantalang mga indibidwal o korporasyon na nagtaas ng presyo ng N95 face masks, para pagpaliwanagin.

Sinabi ni Moreno, kapag napatunayan na nagsamantala sila sa presyo ng N95 face mask dahil sa  nararanasang ash fall dulot ng pag-aalburoto ng Bulkang Taal ay posibleng ipawalang-bisa ang permit ng medical supplier na mabibigong magpaliwanag sa pagtataas nila sa presyo ng nasabing produkto.

“Hindi po kailangan magtaas ng presyo dahil sa mataas na demand. Nasa bodega n’yo lang ‘yan at mura lang’ yan na nabili,” giit  ni Moreno.

Nabatid na umabot ng P2,550 ang isang kahon ng N95 face masks na nabili sa isang tindahan sa Bambang Street, Sta. Cruz, Manila.

Samantala, nag-donate naman ng kahon-kahong face masks ang China Embassy sa pangunguna ni Consul Hong Jie, na magagamit laban sa ash fall. (RENE CRISOSTOMO)

Please follow and like us:
Read More

200 PAMILYA NASUNUGAN

sunog11

TINATAYANG 200 pamilya ang nawalan ng tirahan nang tupukin  ang 80 kabahayan sa sunog na nagsimula dakong alas-9:56 ng umaga at tumagal ng halos dalawang oras sa isang residential area sa Good Year Almanza Uno, BF, Las Piñas City nitong Martes.

Ayon kay Bureau of Fire Arson investigator Chief Marvin David, ang sunog ay nagsimula sa bahay na pag aari ng isang Rolando Loreto.

Sinabi ng mga awtoridad, faulty electrical wiring ang isa sa  kanilang tinitingnang posibleng sanhi ng sunog na mabilis na kumalat sa iba pang kabahayan na pawang yari lamang sa  light materials.

Nakadagdag din umano ang malakas na hangin sa mas mabilis na pagkalat ng apoy.

Samantala, isang fire volunteer ang nagkaroon ng first degree burn ngunit agad namang nabigyan ng first aid ng rescue team mula sa Philippine Red Cross.

Nahirapan ang ilang fire volunteers at BFP sa pag-apula sa apoy  dahil makitid ang kalye papasok sa looban na kinaroroonan ng mga bahay na  nilamon ng apoy.

Patuloy  ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang mabatid ang posibleng sanhi ng sunog at kung magkano ang halaga ng napinsalang mga ari-arian. (DAVE MEDINA)

Please follow and like us:
Read More

BIGTIME DRUG PUSHER NAKORNER

ARESTADO ang isang hinihinalang bigtime pusher ngunit nakatakas ang kanyang kasama, sa ikinasang drug buy-bust operation ng Las Piñas City Police, noong Sabado ng  umaga.

Nakuha sa suspek na si Daniel Fernandez ang tinatayang 300 gramo ng umano’y shabu na nagkakahala-ga ng P2,040,000 at nakumpiska ng mga tauhan ng Las Piñas City  Special Operations Unit Follow-Up Section (SOU-FUS), sa ilalim ni Chief of Police  Col.  Segundo Lagundi, ang 50 bala ng .45 kalibreng baril.

Ayon sa ulat, isinagawa ang operasyon dakong alas-9:20 ng umaga noong Sabado sa Rosendo St., Saint Joseph Subd., Brgy. Pulang Lupa 2 sa nabanggit na lungsod.

Samantala, nakatakas naman ang kasama ni Fernandez na si Edgardo Enriquez nang matunugan na may mga pulis sa lugar kanilang transaksyon.

Ang nakuhang mga ebidensya mula sa suspek ay dinala sa SPD Crime Lab para sa chemical analysis habang si Fernandez ay idinetine sa Las Piñas City Police Station Custodial Facility.

Ang nasabing suspek ay sinampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. (DAVE MEDINA)

Please follow and like us:
Read More

SHABU TAYA SA SUGAL,10  HULI SA CARA Y CRUZ

CARA Y CRUZ-2

ARESTADO ang sampu kataong sangkot sa ilegal na droga at shabu umano ang itinataya sa sugal makarang inguso habang naglalaro ng cara y cruz sa Caloocan City, noong Linggo ng hapon.

Ibinalibag sa selda ang mga suspek na sina Jonard Pastro, 25; Manuel Anzale, 28; Renan Janapin, 29; Ricky Mallari, 27; Reynaldo Rico, 41; Alvin Borbon, 36; Christopher Malubay, 30; Bayani Mallari, 29; Edgardo Tuazon, 33; at Jolito Payla, 40-anyos.

Ayon sa ulat, dakong alas-3:20 ng hapon, nagpapatrulya sa Bagong Barrio ng lungsod  ang mga pulis nang isang lalaki ang lumapit at isinumbong ang mga naglalaro ng cara y cruz sa M. Ponce St. kanto ng Tirad Pass St. sa Brgy. 144.

Agad namang nagtungo ang mga pulis at nabulaga ang isang grupo ng kalalakihang nagsusugal na agad nagpulasan.

Hinabol ng mga pulis ang mga suspek hanggang sa masukol ang mga ito.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang tatlong mamisong gamit na pangara sa cara y cruz, P200 bills, isang nakabukas na plastic sachet na may bahid ng shabu, anim na plastic sachet ng shabu na may timbang na 17.82 gramo at tinatayang P19,992 ang street value at drug paraphernalia. (ALAIN AJERO)

Please follow and like us:
Read More

BIYUDO DEDO SA RAPIDO 

BULLET-1

BUMULAGTANG walang buhay ang isang 44-anyos na biyudo makaraang pagbabarilin ng hindi kilalang mga suspek sa Malabon City noong Linggo ng hapon.

Kinilala ang biktimang tinamaan ng bala sa ulo at katawan na si Renato Dacara, driver, residente ng Blk. 1, Lot 3, Sitio Gulayan, Brgy. Catmon.

Ayon sa ulat ng pulisya, alas-3:30 ng hapon, nakatayo ang biktima sa Sitio Gulayan St. nang sumulpot ang mga suspek sa likod at pinagbabaril si Dacara.

Nang matiyak na patay na ang biktima ay tumakas ang mga suspek patungo sa Pilapil St., Brgy. Catmon.

Sa kasalukuyan, blangko pa ang pulisya kung sino ang mga suspek at kung ano ang motibo sa krimen. (ALAIN AJERO)

Please follow and like us:
Read More

CHINESE PATAY SA LEGASPI TOWER FIRE

LEGASPI TOWER FIRE

PATAY ang isang Chinese,makaraang tumalon mula sa ika- 8 palapag ng gusali sa kasagsagan ng sunog sa Legaspi Tower  kamakalawa sa Malate, Maynila.

Dead on arrival sa Ospital ng Maynila si Wang Ser Si, 64,  nanunuluyan sa Unit -E sa 8th floor ng Legaspi Tower 300, sa 2600 Roxas Boulevard sa panulukan ng P. Ocampo St.

Nabatid na nagsimula ang sunog bandang ala-5:30 ng hapon kung saan mag-isa si Si sa unit na kanyang tinitigilan.

Sa takot na masunog sa loob ng kanyang unit, tumalon mula sa bintana ng kanyang unit ang dayuhan at bumagsak sa terrace ng ika-4 na palapag ng Legaspi Tower kaya nabali ang binti nito at nakitang bumula ang kanyang bibig.

Isinugod sa pagamutan si Si subalit hindi na ito umabot pang buhay.

Ayon naman sa Bureau of Fire Protection, naideklarang fire under control ang sunog sa gusali bandang alas-9 ng gabi ng Sabado. (RENE CRISOSTOMO)

Please follow and like us:
Read More

LIDER NG “GUN FOR HIRE” ARESTADO SA CHECKPOINT

NAHULI sa isang checkpoint na isinagawa ng mga tauhan ng Manila Police District -Traffic Enforcement Unit ang isang umano’y lider ng gun-for-hire syndicate na sangkot sa pagpatay sa isang pulis, iniulat kahapon.

Kinilala ang suspek na si Allan de Castro, alyas Allan Metallica, na nakapiit ngayon sa MPD-Integrated Jail matapos mahulihan ng dalawang kalibre. 45 baril noong Biyernes ng gabi.

Nang masita sa checkpoint, nagtaka ang mga pulis kung bakit ito nakasuot ng bullet proof vest gayung hindi naman ito alagad ng batas.

Sa malalimang imbestigasyon na isinagawa laban kay de Castro, nabatid na plano nitong patayin ang isang Police Captain Evangelista na dating nakatalaga sa Navotas Police Station bilang paghihiganti sa pagpatay ng huli sa kapatid ng suspek.

Nakalkal din sa ilang ulat  na si De Castro ang itinuturong responsible sa pagpatay sa isang PO1 Christopher Estor,  na sumita sa kanya sa Road 10, sakop ng Navotas noong Marso 2012.

Napiit umano sa New Bilibid Prison (NBP) si De Castro sa loob ng sampung taon.

Kamakailan lang ay naaresto din si De Castro ng Navotas Police sa pagbibitbit ng kalibre 45 baril at wala pang isang linggo  ay muli itong naaresto ng MPD sa inilatag na checkpoint  (RENE CRISOSTOMO)

Please follow and like us:
Read More

NAKAUNA SA DUWELO NAGMINTIS, SUGATAN

DUWELO

SUGATAN ang isang security guard matapos na maunang magpaputok ngunit hindi tumama nang magduwelo sila ng dating kabaro sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Nagtamo ng tama ng bala sa magkabilang hita si Niño Abia, ng Eastern Force Security Agency,  na isinugod sa Chinese General Hospital ng kanyang live-in partner na si Marilyn Noval.

Nakatakas naman mula sa mga pulis ang suspek na si Marjun Relatado, 32, ng Libis Espina, Barangay 12, dating guwardiya ng kaparehang ahensiya subalit nasibak kamakailan.

Base sa CCTV footage na nakuha ng mga pulis sa NLEX, Barangay 49, pinaputukan ng hindi batid na kalibreng baril  ng ilang ulit  ni Abia si Relatado subalit hindi ito tinamaan.

Kaagad na gumanting putok si Relatado at  nasapul ang biktima sa magkabilang hita. (ALAIN AJERO)

Please follow and like us:
Read More

EXPLOSION SA AGUINALDO TINANGKANG HUWAG ILABAS SA MEDIA

Camp Aguinaldo

NASUGATAN ang isang mag-ina nang sumabog ang isang granada sa loob ng Camp Aguinaldo sa Quezon City kahapon ng umaga.

Tinangka pa umano ng ilang opisyal ng kampo na huwag ilabas sa media ang pangyayari na sinasabing nag-ugat sa domestic problem.

Nabatid mula kay Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesperson Brigadier General Edgard Arevalo,  na nangyari ang pagsabog bandang alas-6:20  sa apartment unit na inookupa ni Staff Sergeant Larry de Guzman, nakatalaga sa Home Affairs Office ng General Headquarters ng AFP.

Nilalapatan ng lunas ang asawa ni de Guzman na si Erliza, 34,  at 11-anyos na anak na lalaki sa AFP Medical Center.

Ligtas at hindi naman nagalusan ang 5-taong gulan na anak na babae ni de Guzman at wala ring nadamay sa mga kadikit na yunit ng bahay sa loob ng kampo.

Sinabi ni Arevalo na lumalabas sa paunang pagsisiyasat na away ng mag-asawa ang ugat ng pagsabog.

Nabatid na ang insidente ay hindi unang pangyayari sapagkat noong kasagsagan ng 30th Southeast Asian Games (SEAG) ay may improvised explosive device component na naipuslit sa loob ng kampo at iniwan malapit sa AFP-CGEA Hospital.  (JESSE KABEL)

Please follow and like us:
Read More

2 TULAK TIKLO SA P220-K SHABU

SHABU BUYER

SWAK sa hoyo ang dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga makaraang makumpiskahan ng P220,000 halaga ng umano’y shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Navotas City, nitong Sabado ng madaling araw.

Ibinalibag sa selda sina Tirso Arevalo, 49, construction worker, at Jay Ar Dublin, 25, pedicab driver, kap-wa residente ng Brgy. 12, Caloocan City.

Nakumpiska sa dalawa ang tinatayang 32.5 gramo ng hinihinalang shabu na P220,000 ang halaga, P300 buy-bust money at isa pang P300 bill.

Ayon sa ulat, dakong alas-12:35 ng madaling araw nitong Sabado nang isagawa ng mga awtoridad ang operasyon laban sa mga suspek sa Area 1, Dalagang Bukid St., Brgy. North Bay Boulevard South,  Dagat-dagatan sa nasabing lungsod.

Isa mga operatiba ang nagpanggap na buyer at nakaiskor sa mga suspek ng isang sachet ng umano’y shabu na P300 ang halaga.

Nang tanggapin ng mga suspek ang marked money mula sa poseur buyer ay agad lumapit ang back-up na mga operatiba at sinunggaban ang mga suspek.

Sasampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (ALAIN AJERO)

Please follow and like us:
Read More

ADIK NA BASURERO GINUTOM ANG SANGGOL NA ANAK, IPINAKULONG NG KA-LIVE-IN

KALABOSO ang isang kolektor ng basura matapos ireklamo ng kanyang live-in partner na kanyang binantaan na papatayin habang kinukuha ang kanilang anak na ginutom ng una sa loob ng limang oras kaya nagpapalahaw ng iyak sa Pasig City.

Mas nabaon sa kaso ang suspek na si Joseph Baradia, 38, ng Camachile St., Barangay Pinagbuhatan, nang maaktuhan siyang sumisinghot ng shabu ng pulis  mula sa Police Community Precinct (PCP) 8 ng Pasig City Police Station na hiningian ng tulong ng kanyang ka-live-in.

Ayon sa babae, ayaw umanong ibigay ni Baradia  sa kanya ang kanilang anak na bandang alas-11 ng umaga pa lang ay hindi na kumakain.

Ilang beses umano niyang tinangkang kunin ang sanggol subalit pinagbabantaan siya ni Baradia na sasaktan ang bata kapag ipinagpilitan niyang kunin.

Iyak nang iyak ang bata kung kaya’t durog na durog ang pusong ina ng babae dahilan upang madesisyon itong humingi ng tulong sa pulis upang mabawi ang kanyang anak.

Sa pagdating ng mga pulis sa kanilang tinutuluyang bahay, naaktuhan si Baradia na sumisinghot ng shabu bukod pa sa nakumpiska ritong 11 gramo ng ilegal na droga. (NICK ECHAVARRIA)

Please follow and like us:
Read More

GRAB DRIVER SINAKSAK NG ANGKAS DRIVER

SINAKSAK

SUGATAN ang 43-anyos na Grab driver matapos pagsasaksakin ng hindi kilalang Motorcycle Angkas driver na napikon umano sa headlights ng biktima sa Mandaluyong City, noong Huwebes ng hapon.

Kinilala ang biktima ng pananaksak na si Rommel Cervantes y Nava, 43, Grab driver, personal na nagtungo sa Victoriano R. Potenciano Medical Center para ipagamot ang sarili.

Ayon sa Mandaluyong City Police Station (CPS), minamaneho ng biktima ang kanyang Toyota Innova habang motorsiklo naman ang dala ng suspek at kapwa nila tinatahak ang iisang direksyon sa  tunnel ng Boni Ave. sa panulukan ng Arayat sa Brgy. Malamig, Mandaluyong City.

Napikon umano ang hindi pa kilalang driver ng Angkas nang magbukas ng headlights ang Grab driver kaya sinadya nitong banggain ang likurang bahagi ng sasakyan ng biktima.

Nang bumaba ang biktima para tingnan ang likurang bahagi ng minamanehong Innova, bigla na lamang umanong bumunot ng patalim ang suspek na may limang pulgada ang haba at saka inundayan ng saksak si Cervantes bago tumakas sakay ng kanyang motorsiklo.

Tinamaan ang suspek ng mga saksak sa pisngi at kaliwang kamay ngunit nasa maayos nang kalagayan habang patuloy na pinaghahanap ang tumakas na suspek.  (NICK ECHEVARRIA)

Please follow and like us:
Read More

PARAK INALOK NG SHABU, MANGINGISDA KALABOSO

SHABU-13

PUNO ng pagsisisi ang isang mangingisda matapos na bukod sa binibiling isdang pampulutan para sa inuman ay alukin pa ng umano’y shabu ang isang pulis para tumagal umano ito sa tagayan sa Navotas City.

Sa karsel humantong ang suspek na si Lerick Razon, 26, ng Barangay San Roque, ng lungsod, matapos makumpiskahan ng halos P40,000 halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation sa nasabing barangay.

Isinagawa ng Navotas City Police Station Drug Enforcement Unit at Philippine Drug Enforcement Agency ang nasabing operasyon dakong alas 10:30 ng gabi.

Isang parak ang lumapit sa mangingisda at sinabing kukuha ng malalaking isdang pang-ihaw at sasabawang ulo.

Sa tagpong ito, lakas-loob na ibinida ni Razon na bukod sa isda ay mayroon pa siyang ibang panindang “pang mahaba-habang inuman”.

Tinindihan naman ng poseur buyer ang pagganap na adik at sinabing kukuha siya ng halagang P300 saka iniabot sa suspek ang marked money.

Nang iabot ni Razon ang isang sachet ng shabu sa undercover cop ay agad na siyang dinamba nito.

Sa kabuuan ay 11 sachet ng shabu na tumitimbang ng 5.8 gramo at may street value na P39,440, ang ang nakuha sa suspek na kakasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (ALAIN AJERO)

Please follow and like us:
Read More

SUNTUKAN TINAPOS SA SAKSAK, 1 PATAY

SUNTUKAN

PATAY ang isang 37-anyos na tambay nang makaharap ang umano’y tatlong araw nang kaalitan, makaraang magsuntukan hanggang sa tarakan ng suspek ang biktima sa Port Area, Manila, nitong Huwebes ng gabi.

Kinilala ang biktimang si John Valderrama y Cuagon, may ka-live-in, ng Blk. 15, Port Area, Baseco Compound, habang mabilis namang tumakas, bitbit ang patalim na ginamit sa krimen, ang suspek na si Jose Marie Dalumpines y Jamot, alyas “Marvin”, 28, empleyado ng Procter and Gamble, ng Blk. 3, Gawad Kalinga sa Baseco Compound, Port Area.

Batay sa ulat na isinumite nina Det. Jansen Rey San Pedro at Det. Charles John Duran, kay P/Capt. Henry Navarro, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, bandang 10:00 nitong Huwebes ng gabi nang mangyari ang nasabing insidente sa kalye ng Blk. 15 ng nasabing lugar.

Bago ang krimen, tatlong araw na ang nakalilipas nang magkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa hanggang sa sila’y magkasuntukan.

Nitong Huwebes ng gabi, nang makakuha ng tiyempo si Dalumpines, bumunot ito ng patalim at tinarakan sa dibdib si Valderama.

Mabilis namang isinugod sa Gat. Andres Bonifacio Medical Center ang biktima ngunit idineklarang dead on arriva. (RENE CRISOSTOMO)

Please follow and like us:
Read More

3 KALABOSO SA P.4-M SHABU

shabu kulong 12

NAKUMPISKAHAN ng halos P.4 milyong halaga ng shabu ang tatlong lalaking kabilang sa drug watchlist sa ikinasang buy-bust operation sa Navotas City, nitong Huwebes ng gabi.

Magkakasunod na isinelda ang mga suspek na sina Ronaldo Papa alyas “Buboy”, 49;  Ofelia Bernabe alyas “Opel”, 45, at Shaira Dequiña alyas “Aira”, 20-anyos.

Dakong alas-11:45 ng gabi nang isagawa ng mga awtoridad ang operasyon kontra sa mga suspek sa  E. Mariano St., Brgy. Tangos North.

Nakaiskor ng isang sachet ng shabu ang isang poseur buyer kapalit P300 marked money at nang magkaabutan ay agad dinaluhong ang mga suspek.

Nang kapkapan, nakuha sa mga suspek ang tinatayang 57.60 gramo ng shabu na P391,680  ang street value, at ang P1000 buy-bust money. (ALAIN AJERO)

Please follow and like us:
Read More

OBRERO NAGBIGTI SA KABLE

suicide

NATAGPUANG nakabigti at wala nang buhay  ang isang construction worker sa loob ng kanyang tahanan sa Marikina City, nitong Miyerkoles ng hapon.

Kinilala ng Marikina City Police Station ang biktimang si Jhun Rey Gutierrez, 22-anyos, nadiskubreng walang buhay sa loob ng kanyang tahanan bandang alas-5:30 ng hapon sa Block 42, Mais Street, sa Barangay Tumana, ng nabanggit na lungsod.

Nabatid sa salaysay ng testigong si Maricris Parale y Tividad, 23, jobless, nakarinig siya ng kakaibang ingay mula sa bahay ng biktima kaya naisipan niyang sumilip sa harapang pintuan para alamin kung ano ang nangyayari.

Nagulat na lamang siya nang makita niya ang nakabigting biktima gamit ang kable ng kuryente.

Tinulungan ng isa ring construction worker na si Marlon Miguel, 33, si Parale na putulin ang kable na ginamit ng biktima sa pagbibigti ngunit wala na itong buhay. (NICK ECHEVARRIA)

Please follow and like us:
Read More

MATANDANG DALAGA, NINAKAWAN NG GIGOLO

facebook nakaw12

WALA pang isang linggong nakilala sa social media ay ninakawan umano ng isang gigolo ang isang matandang dalaga makaraan nilang magtalik sa isang motel nitong Miyerkoles ng gabi sa Malabon City.

Halos iumpog sa pader ng biktimang itinago sa pangalang Cynthia, 47, senior operations manager ng isang telecom company, ang kanyang ulo nang mapagtanto na ninakawan siya ng suspek na kinilalang si Kirby Villanueva, 41, matapos silang mag-check in sa isang motel sa Brgy. Potrero pasado alas-9:00 ng gabi.

Napag-alaman, noon lang Enero 3 nang magkakilala sa isang social media dating site sina Cynthia at Villanueva at dahil sa matamis na pananalita ay agad naakit ang biktima kaya pumayag na magkita sila sa isang fastfood restaurant.

Mula sa kainan ay niyaya ni Villanueva si Cynthia na mag-check-in sa isang motel at ang kotse pa ng biktima ang kanilang ginamit.

Pagkaraan ay niyaya ng suspek ang biktima na kumain sa labas ngunit pinaiwan ang mga gamit at kotse dahil babalik din agad sila.

Kasunod nito ay nagtungo naman ang dalawa sa isang tea house sa Caloocan City ngunit bago dumating ang order na pagkain ay nagpaalam ang suspek na tutungo sa banyo.

Gayunman, namuti na ang mata ni Cynthia sa kahihintay ay hindi  pa rin bumabalik si Villanueva kaya’t mag-isa siyang nagtungo muli sa motel.

Ngunit nanlumo siya nang matuklasang wala na ang kanyang mga gamit kabilang ang mamahaling gadget, relos, salapi, ATM cards, ID at personal na kagamitan.

Ayon sa pulisya, posibleng modus  ng suspek na gamitin ang kanyang gandang lalaki upang mambiktima ng mga babaeng kanyang pangangakuan ng pag-ibig ngunit matapos simsimin ang bango ay kanya nang pagnanakawan.

Dagdag ng pulisya, kahalintulad  ang sinapit ni Cynthia sa mga insidente sa Maynila at Pasay na nakuhanan ng closed circuit television (CCTV) camera at iisa lang ang itsura ng lalaking suspek. (ALAIN AJERO)

Please follow and like us:
Read More

KELOT TUMALON SA CONDO, DEDO

SUICIDE IN CAMPUS

PATAY ang isang hindi kilalang lalaki makaraan umanong tumalon mula sa ika-8 palapag ng isang condominium tower sa Malate, Manila nitong Miyerkoles ng gabi.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng biktimang inilarawang nasa pagitan ng 20 hanggang 30-anyos, may tattoo sa likod at may taas na  5’6” hanggang 5’7″.

Base  sa ulat na isinumite nina Det. Charles John Duran at Det. Johnsen San Pedro kay P/Capt. Henry Navarro, hepe ng Manila Police District (MPD) Homicide Section, bandang alas-10:15 ng gabi nang mangyari ang insidente sa isang condominium tower sa panulukan ng Roxas Boulevard at  P. Ocampo St. sa Malate.

Nakarinig umano ang isang Rogina Rapadas, treasurer of the board ng naturang condominium tower, ng sigaw ng isang babae mula sa labas ng kanilang unit.

Nang alamin niya ang pinagmulan ng sigaw ay nadiskubre ang biktimang duguan at padapang nakahandusay sa entrance pool side ng ikaapat na palapag ng gusali.

Agad umano nilang ipinagbigay-alam ang insidente sa security guard ng gusali at itinawag sa mga tauhan ng Roxas Boulevard Police Community Precinct (PCP) upang maimbestigahan.

Lumilitaw sa imbestigasyon na tumalon ang biktima mula sa Room 8-I sa ikawalong palapag ng gusali at bumagsak sa ikaapat na palapag ngunit hindi pa batid ang motibo nito sa pagtalon.

Nabasag ang bahagi ng mukha ng biktimang agad na binawian ng buhay sa insidente.

Hindi pa mabatid kung naninirahan sa condo ang biktima o dumayo lamang sa lugar. (RENE CRISOSTOMO)

Please follow and like us:
Read More

KRISTONG HUDAS INUTAS

BLOODY GUN

NASAWI ang 54-anyos na tagakuha ng taya o “Kristo” sa sabungan na umano ay sangkot sa pandaraya sa mga sabungero at ipinagkakanulo maging mga sariling amo matapos pagbabarilin sa garahe ng sabungan sa Malabon City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Alexander Francisco, ng 36 S. Pascual Beacum, Brgy. San Agustin habang tumalilis patungong Obando, Bulacan ang hindi pa nakilalang gunman na lulan ng motorsiklong minamaneho ng kanyang kasabwat.

Ayon sa pulisya, naglalakad si Francisco sa garahe ng Dampalit Cockpit Arena dakong alas-6:25 ng gabi nang lapitan at pagbabarilin ng salarin.

Dagdag pa ng pulisya, bilang Kristo ay tinatandaan lamang ni Francisco ang taya ng mga sabungero na umaabot ng libo-libong piso at hindi lang umano minsang inireklamo ito ng pandaraya sa mga nananalo at pagkaraan ay nagtatago ng ilang linggo o buwan.

Napag-alamang nagtrabaho rin bilang trainer ng mga manok na panabong si Francisco para sa “malalaking” sabungero na dinugas din umano nito.

Sinasabi umano ni Francisco na nasa kondisyon at hustong timbang na ang mga manok na ipinagkatiwala sa kanya kahit hindi totoo kaya kapag inilaban ay milyon-milyon ang natatalo sa kanyang mga amo. (ALAIN AJERO)

Please follow and like us:
Read More

14,000 PUWERSA NG PNP KASADO NA SA TRASLACION 2020

TINIYAK ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na sasapat  ang kabuuang 13,624 pulis na pakikilusin para sa seguridad at kaayusan ng Traslacion ng Poong Itim na Nazareno ngayong Huwebes.

Sinabi ng kalihim na bagama’,t pinaigsi ang ruta ng traslacion, kinakailangan pa ring masiguro ang kaligtasan ng libu-libong deboto na inaasahang daragsa sa prusisyon.

“Despite it taking a shorter route than usual, we guarantee the public and the devotees of the Black Nazarene that all bases are covered and all security measures are in place for the Traslacion 2020,” pahayag ni Año.

“This annual display of faith is expected to attract thousands of believers kaya naman siniguro namin na makakaagapay tayo sa pagtitiyak ng seguridad ng lahat,” dagdag pa ng kalihim.

Nauna na aniyang naplantsa ng DILG, Philippine National Police at Bureau of Fire Protection gayundin ng iba pang law enforcement units ang plano ng seguridad at ang daloy ng prusisyon mula sa Quirino Grandstand pabalik ng Quiapo church sa Maynila.

Sinasabing mayroong 2,144 pulis na binubuo ng Regional Mobile Force Battalion at Special Action Force ang magse-secure sa tinawag na “andas wall” habang mayroong 1,065 pulis mula sa Eastern Police District (EPD) ang mangangasiwa sa crowd control at 1,206 pulis mula sa Regional Headquarters at patrolmen ay nakaposisyon sa paligid ng Quiapo.

Hiwalay pa ito sa malaking grupo ng puwersa ng PNP at BFP na nakatutok sa mga ruta ng traslacion at sa iba pang krimen na maaaring mangyari sa panahon ng pagdiriwang ng Kapistahan ng Poong Itim na Nazareno.

“Alam nating ang Traslacion sa kapistahan ng Itim na Nazareno ay isa sa mga pinakamasidhing pagpapakita ng pananampalataya ng ating mga kababayan na nagtitipon ng daang libong Filipino kaya naman ginawa natin ang kinakailangang paghahanda at itinalaga ang ating kapulisan para sa kaligtasan ng lahat,” ani Año.

“Sa lahat po ng ating ginagawa, hinihiling po namin na sana disiplina muna. Nauunawaan po namin na ito ay pagpapahayag ng inyong pananampalataya, ngunit una pa rin po ang hangarin nating walang masaktan at maging ligtas ang lahat kaya sana po makiisa tayo,” paalala pa ng kalihim.  (JG Tumbado)

Please follow and like us:
Read More