DRUG DEN NA BARKO; MANGINGISDA NILIKIDA

(NI GUILLERMO OCTAVIO)

ISANG mangingisdang pinaniniwalaang nilikida ang natagpuan sa isang barkong pangisda na nagsisilbi rin umanong drug den sa Navotas City.

Nakaluhod at duguan nang matagpuan ang bangkay ni Rene Liman, 39, ng Barangay North Bay Boulevard South, sa barkong nakadaong sa Pier 4 sa nasabi ring barangay.

Dagling ipinaalam ng saksi sa pulisya ang natagpuan at lumitaw sa imbestigasyon na tama ng bala sa ulo ang ikinamatay ng biktima kaya’t ipinapalagay na ito ay itinumba.

Nabatid na ang nasabing barkong pangisda kung saan natagpuan ang bangkay ni Liman ay pinupwestuhan umano ng mga adik at dito rin nagaganapan ang mga transaksyon ng droga.

 

Please follow and like us:
Read More

P47-M ILEGAL NA DROGA, NAKUMPISKA SA UNANG BUWAN NI SINAS

(NI NICK ECHEVARRIA)

UMAABOT sa  P47 milyon halaga ng mga ipinagbabawal na gamot ang nakumpiska sa mga isinagawang police operations sa Metro Manila na nagresulta sa pagkakadakip ng mahigit 2,500 inidibidwal sa unang isang buwan ng panunungkulan ni National Capital Region Police Office (NCRPO) acting chief P/BGen. Debold Sinas.

Nabatid na mula Oct. 12-Nov. 17,  nasa  1,274 na mga police operations ang inilunsad ng mga tauhan ng NCRPO kung saan nadakip ang 2,531 mga drug personalities  at pagkakabawi ng  6.686 Kilos of shabu na nagkakahalaga ng P45,467,316.00.

Kasama sa mga nakumpiska ang 18,098.51 gramo ng  marijuana na may street value na P2,171,821.68 at 14.11 gramo ng cocaine na nagkakahalaga ng P 74,783.00.

Sa mga naarestong drug personalities 1,866 ang mga users habang 665 naman ang mga  pushers.

Lumalabas na ang  Southern Police District (SPD) ang may pinakamaraming bilang ng mga naarestong drug personalities na umaabot sa  829 habang ang Quezon City Police District (QCPD) ang pumangalawa sa bilang na 519, kasunod ang Manila Police District (MPD) na nakapagtala ng 515, Northern Police District (NPD) 440 at ang Eastern Police District (EPD) 228.

Ang  QCPD naman ang nakapagtala ng pinakamaraming huli ng ilegal na droga na nagkakahalaga ng P16,696,502, pangalawa ang NPD sa nakumpiskang droga na may katumbas na halagang P13,548,740, kasunod ang  MPD na may naitalang P11,394,938, habang ang SPD ay may P 5,422,708, samantalang  ang EPD ay nakapagtala lamang P654,430 na halaga ng mga nahuling ilegal na droga.

 

Please follow and like us:
Read More

DAGDAG-BAWAS SA OIL PRICE KASADO NA

(NI ROSE PULGAR)

BUKAS ng umaga ay magpapatupad ng dagdag-bawas sa presyo ng mga produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis sa bansa.

Alas-6:00 ng umaga ipatutupad ang dagdag-bawas na pinangunahan ng kompanyang Pilipinas Shell, Petron Corporation, Petro Gazz, Chevron, at Total ang P0.85 sa kada litro ng gasolina habang nagbawas naman ng P0.15 sa kada litro ng diesel at P0.25 sa  kerosene na kada.litro.

Inaasahan naman na susunod na magpalabas ng abiso ng dagdag-bawas sa presyo ng mga produktong petrolyo ang ilan pang malalaki at maliliit na kompanya ng langis sa bansa sa kahalintulad na halaga.

Ang ipinatupad na dagdag bawas sa presyo ng mga produktong petrolyo ay bunsod sa patuloy na paggalaw ng presyuhan nito sa pandaigdigang pamilihan.

Matatandaan na nito lamang nakaraang linggo ay nagpatupad ng dagdag bawas ang mga kompanya ng langis sa bansa kung saan nagdagdag ng P0.80 sa kada litro ng gasolina habang nagbawas naman ng P0.15 sa kada litro ng diesel at P0.15 kerosene.

 

Please follow and like us:
Read More

P1.5-M SHABU NAKUMPISKA SA BUY BUST

SHABU-ARRESTED

(NI CHERK BALAGTAS)

TATLONG mga umano’y notorious na tulak ng ipinagbabawal na gamot ang naaresto sa isinagawang buy bust operation ng mga awtoridad kung saan nasa 225 gramo ng shabu na nagkakahalagang P1.5 milyon ang nakumpiska sa kanila sa Lungsod ng Navotas, Linggo ng madaling araw.

Sa ulat ni Navotas City Police Chief P/Col. Rolando Balasabas, kinilala ang mga suspek na sina Warly Romay, 36, Edmundo Quijano, 48, pawang ng R. Domingo Street, Barangay Tangos North; Roxanne Jimenez, 36, ng Golden City, Taytay, Rizal at Romeo Limbaro, 32, na nakatakas at pinaghahanap na ngayon ng pulisya.

Ganap na alas-3:30 ng madaling araw nang magkasa ng operasyon ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pamumuno ni P/Lt. Charlie Bontigao sa lugar nina Romay at Quijano na may isang linggo na ring nasa surveillance operation.

Nang magkaabutan na ng inorder na shabu at marked money na P500 ay doon na dinamba ng mga awtoridad ang tatlong sa mga suspek ngunit nagawang makatakas ni Limbaro.

Nang kapkapan ay nasa 79 piraso ng small heat-sealed transparent plastic sachets ng shabu ang nakuha sa kanila na may street value na P1.539,090.90 milyon at iba’t ibang mga drug paraphernalia.

Nasa kustodiya na ng Navotas City detention facilities ang mga naarestong suspek at nahaharap sa kasong RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, patuloy naman ang manhunt operation sa nakatakas na suspek.

Please follow and like us:
Read More

SEAMAN KARARATING NG NAIA ITINUMBA NG RIDING IN TANDEM

GUN FIRE-2

(NI TJ DELOS REYES)

PALAISIPAN pa sa pulisya kung ano ang motibo sa pagpatay sa isang seaman ng riding-in-tandem matapos walang habas na pagbabarilin habang nasa gasolinahan Sabado ng madaling araw sa lungsod ng Quezon.

Kinilala ang biktima na si Bethuel Amoroto, 54, nakatira sa No.001 Del Rey Aguinaldo St., Brgy. Baesa, Caloocan City.

Base  sa ulat, pasado 1:30 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa Petron gasoline station sa kanto ng Quirino Highway at Tandang Sora Ave., Brgy. Sangandaan, QC.

Lumalabas na kararating lang ni Amorato kung saan sinundo siya sa NAIA nina Joan Romagos, Nestor Ignacio at Chickee Tan.

Nabatid na sakay ng Mitsubishi Montero ang biktima kasama ang tatlo na sumundo at habang nagpapakarga ng gasolina ay basta na lamang sumulpot ang mga suspek sakay ng motorsiklo at pinagbabaril si Amorato.

Sinubukan pang itakbo biktima sa MCU Hospital subalit idineklarang dead on arrival ito bunsod na rin ng mga tama ng bala na tinamo nito sa iba’t ibang parte ng katawan habang ang mga suspek ay mabilis na pinaharurot ang motorsiklo na hindi nagawang maplakahan.

Patuloy ang ginagawang pagsisiyasat ng mga otoridad sa pangyayari at inaalam na nila kung may CCTV sa lugar upang makilala ang mga suspek.

Please follow and like us:
Read More

GINANG PATAY SA SUNOG 

SUNOG-7

(NI ROSE PULGAR)

PATAY ang isang ginang makaraang ma-trap sa loob ng nagliliyab niyang bahay nang sumiklab ang sunog sa Taguig City, Sabado ng madaling araw.

Nakilala ang nasawing biktima na si Rose Franco, 39, may-ari ng nasunog na bahay sa Dimasalang St. Barangay Hagonoy, ng naturang lungsod.

Batay sa ulat ng Taguig City Bureau of Fire Protection , dakong ala-1:10 ng madaling araw nang sumiklab ang apoy sa Dimasalang St. nang nasabing lungsod.

Tatlong bahay ang nasunog kabilang ang bahay ng pamilya Franco.

Agad naman nakalabas ng bahay at nakaligtas ang tatlong anak at mga magulang ni Franco ngunit hindi na nakalabas ang biktima dahil sa  mabilis na kumalat ang apoy.

Dakong alas-2:25 na ng madaling araw nang maapula ang apoy at magdeklara ng ‘fire-out’ si Taguig City Bureau of Fire  Marshal Police Supt. Randolf Bidess.

Nabatid na walong pamilya ang naapektuhan at nawalan ng tirahan sa naganap na sunog  habang inaalam pa ng mga imbestigador ang sanhi ng apoy at ang kabuuang halaga ng mga ari-arian tinupok na apoy.

Please follow and like us:
Read More

BINTI, PAA NG TAO LUMUTANG SA ILOG

(NI GUILLERMO OCTAVIO)

IPINALALAGAY ng pulisya na anumang oras ay may matagpuang  mga parte ng katawan ng tao matapos lumutang sa Tullahan River sa Malabon City ang binti at paa ng pinagpira-pirasong katawan ng tao.

Ayon sa pulisya, walong pulgada ang haba ng natagpuang paa sa bahagi ng ilog na sakop ng Barangay Tinajeros, at ang karugtong na binti ay may sukat namang 18 pulgada.

Kasamang lumutang ng mga basura sa ilog ang binti at paa. Hindi pa batid kung sa lalaki o sa babae ang mga ito.

Ayon sa Malabon Police, posibleng mula pa sa ibang lugar ang natagpuang bahagi ng katawan ng tao at inanod lamang sa Tullahan River kaya’t nakikipag-ugnayan na sila sa mga karatig na lungsod at maging sa lalawigan ng Bulacan upang matukoy kung sino ang biktima at matagpuan ang iba pang parte ng katawan nito.

 

Please follow and like us:
Read More

HIGIT 3K VENDORS BAWAL NA SA BACLARAN

(NI LYSSA VILLAROMAN)

MAHIGIT 3,500 na vendors ang hindi makapaglalatag ng kanilang mga paninda makaraang ipagbawal na ng lokal na pamahalaaan ang pagtitinda sa paligid ng Our Lady of Perpetual Help Church sa Redemptorist Road, Barangay Baclaran, Parañaque City, lalo na sa Kapaskuhan.

Ito ay napag-alaman kay Parañaqaue City Administrator Fernando ‘Ding’ Soriano na nagsabi na ang hakbang ay alinsunod sa isang memorandum ng Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa lahat ng lokal na gobyerno sa bansa na naglalayong kunin ang pampublikong lugar at linisin ang mga ito sa anumang sagabal na ilegal na istruktura.

“Itong kahabaan ang Redemptorist Road, ‘yung paligid po nito, bawal na po talaga ‘yan sa mga vendors,” ani Soriano.

Dagdag pa ni Soriano, kanila lamang sinusunod ang utos ng DILG na mantinahin ang kalinisan ng mga kalsada at ipagbawal ang pagtitinda ng mga vendors sa palibot ng Baclaran lalo na sa Kapaskuhan.

Bibigyan lamang ng pahintulot na magtinda sa lugar ang mga vendors na nabigyan ng permits ng lokal na pamahalaan sa palibot ng isa sa pinakaprominenteng shrine sa Baclaran, ang Our Lady of Perpetual Help Church.

Ayon kay Soriano, nakipagpulong na si City Mayor Edwin Olivarez sa mga establisimiyento ng may mga negosyo sa buong lungsod at nakiusap ang alkalde na akuin ang mga naapektuhang vendors.

“Bagama’t aminado po tayo na hindi nating kayang i-accommodate lahat ‘yan, so we have a long-term solution,” ani Olivarez.

Sinabi ni Olivarez na naghihintay na lamang ng pagsang-ayon galing sa ating gobyerno ang lokal na pamahalaan ng Parañaque sa inihain proposal nitong tungkol sa pangmatagalang solusyon kung saan sa tapat ng Redemptorist Church sa may Roxas Boulevard ay magtatayo ng isang multi-level market na kung tawagin ay Baclaran gateway.

Kung mabibigyan ng pagkakataon ay malaki ang posibilidad na buksan ang naturang proyekto sa kalagitnaan ng susunod na taon.

“Meron po tayong nakalaang P150 milyon na pondo at anumang oras na mabigyan na po tayo ng basbas ng ating gobyerno ay ipapatupad na po natin ang pagpapagawa para sa naturang proyekto,” pagtatapos ni Olivarez.

Please follow and like us:
Read More

SEAMAN TINADTAD SA MOTEL

(NI HARVEY PEREZ)

WALONG saksak sa katawan ang nakita sa bangkay ng isang lalaki sa isang motel sa  Sta. Mesa, Maynila.

Kinilala ang biktima na si Darell Miana, 22.

Kwento ng nanay ng biktima, kinabahan siya matapos na hindi makauwi ang kanyang anak na nagpaalam lamang na pupunta sa isang kaibigan.

Kaya’t pinuntahan na niya ang bahay ng kaibigan na sinabing pupuntahan ng anak at nagulat na hindi rin umano sila nagkita nito. Pinost na rin nila ang litrato ni Darell sa mga social networking sites.

Lunes ng madaling araw nang makita ang bangkay ni Miana sa loob ng isang motel. Nakita pa sa CCTV ang pagcheck-in nito at ng kasama nitong lalaki bandang alas -11 ng gabi.

Ngunit pagkalipas ng tatlong oras na check-out time na sana nito ay isang lalaki na lamang ang lumabas. Sinita ito ng gwardiya ng motel, ngunit, dire-diretso itong umalis sakay ng motorsiklo dahilan upang i-check nila ang kwarto na pinaggalingan ito at tumambad sa kanila ang walang buhay na katawan ng biktima.

Pagnanakaw ang isa sa motibong tinitingnan ng pulisya dahil wala na ang wallet na may pera, cellphone, ATM at ang motor nito.

Blangko ang pamilya ni Miana sa pagkakakilanlan ng suspek at sa motibo ng krimen at labis ang paghihinagpis ng kanyang ina dahil pasakay na sana ng barko ang anak upang mag-seaman.

Nanawagan naman ang Manila Police District sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon tungkol sa salarin na nakuhanan ng CCTV.

 

Please follow and like us:
Read More

HERO DOG: FARAH PUMANAW NA

(NI LYSSA VILLAROMAN)

BINIGYAN ng isang tribute ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) K9 Corps ang isa nilang hero rescue dog na si Farrah sa pagpanaw nito noong Martes.

“Today we lost a seasoned veteran. With a successful live find under her intense stress and pressure of deployment,” ayon sa Facebook post ng MMDA K9 Corps.

“We will miss working and training with you. We know that you will get a hero’s welcome in heaven. Thank you Farah for your service,” ayon pa sa grupo.

Nagpakita rin ng lungkot ang mga netizens lalo na ang mga dog lover sa pagpanaw ni Farah.

Pinasalamatan din ng netizen si Farah sa kanyang serbisyo sa pagtulong sa MMDA sa panahon ng kalamidad kagaya sa lindol na tumama sa Porac , Pampanga noong April.

Si Farah, maging ang dalawang Senior K-9s na sina Billy at Thunder, ay kasama sa search and rescue operation sa bumagsak na four-story supermarket sa Porac, Pampanga nang tamaan ang Central Luzon ng 6.1 magnitude earthquake.

Napag-alaman pa na noong October 25 ay naka-attend pa si Farah sa pagpupulong ng disaster preparedness resilience panelist talk kung saan ay muling  tinalakay ang search and rescue.

Si Farrah ay na-designate na isang disaster puppy noong May, 2018 at ito ay sumailalim sa isang katatagan at pagiging masunurin.

“Today we lost a seasoned veteran. With a successful live find under her belt, Farah demonstrated obedience and willingness to work under the intense stress and pressure of deployment,” dagdag pahayag pa ng MMDA K9 Corps sa kanilang Facebook post.

 

Please follow and like us:
Read More

2 ARESTADO SA P6.8-M SHABU SA WATER FILTERS

(NI KOI HIPOLITO)

ARESTADO ngayon ang dalawang suspek na may-ari ng package na naglalaman ng isang kilo ng pinaghihinalaang shabu  na inilagay sa loob ng mga water filters, Martes ng hapon sa isang sports bar sa Makati City.

Nakilala ang mga suspek na sina Edison Chua at Brian Bantegui.

Ayon sa report ni Port District Collector Carmelita ‘Mimel’ Talusan kay BOC Commissioner Rey Leonardo Guerrero, nadiskubre sa Fedex warehouse ang mga droga noong Nov.6.

Inaresto ng magkasanib na otoridad ng PDEA, PNP at ng NAIA Inter Agency Task Force (NAIA-AITG) ang mga suspek matapos ang isinagawang physical examination sa mga water filters na pinaglagyan ng mga kontrabando at matunton ang mga suspek.

Napag-alaman na ang mga pinaghihinalaang shabu ay nagkakahalaga ng P6.8 milyon.

Nakatakdang iturn over sa PDEA ang kustodiya ng dalawang suspek at ng mga nakumpiskang mga ebidensya.

Mahaharap naman ngayon sa mga kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. (RA 9165) in relation to Sec.118 (Prohibited Importation), 113 (Goods Liable for Seizure and Forfeiture) and 1401 (Unlawful Importation) of RA 10863, otherwise known as Customs Modernization an Tariff Act.(CMTA) ang mga nakakulong na suspek.

Please follow and like us:
Read More

BABAENG CHINESE, DINUKOT, NI-RAPE NG 6 KABABAYAN

rape 12

(NI LYSSA VILLAROMAN)

INIREKLAMO ng isang babaeng Chinese national ang kanyang anim na kababayan na umano’y dumukot at gumahasa sa kanya sa Makati City.

Ang 24-anyos na biktima na itinago sa pangalang Gina (hindi tunay na pangalan), waitress, sa isang Chinese resto, at pansamantalang nanunuluyan sa Roxas St., South Admiral, Parañaque City, ay nagtungo sa Women’s and Children Protection Desk (WCPD) ng Makati City police dakong alas-12:30 Martes ng madaling araw upang magharap ng reklamo laban sa kanyang mga kababayan.

Ang isa sa anim na suspect na nakilalang si Xiao Ming Wei, nanunuluyan sa Mini Hotel sa Dela Rosa St., Ayala Southbound, Legaspi Village, Makati City, ay nadakip na sa isinagawang follow-up operation ng Makati City police.
Base sa sinumpaang salaysay ng biktima, napag-alaman na dakong alas 3:00 ng madaling araw noong Setyembre 9 ay naglalakad siya malapit sa Okada Hotel kasama niya ang apat niyang kaibigang babaeng mga Tsino rin nang bigla siyang dukutin ng mga suspect.

Dagdag pa ng biktima sa kanyang salaysay,  dinala siya ng mga suspect sa isang condominium unit sa Greenbelt, Ayala Center, Brgy. San Lorenzo, Makati City kung saan doon umano isinagawa ang panggagahasa sa kanya.

Patuloy na nagsasagawa ng follow-up operation ang Makati City police upang madakip ang lima pang kasabwat ni Wei sa pagdukot at panggagahasa sa biktima.

Please follow and like us:
Read More

ESTUDYANTE NAG-SUICIDE SA DORM

crime12

(NI RENE CRISOSTOMO)

MALALIMANG imbestigasyon ang isinasagawa ng mga awtoridad sa motibo ng pagpapatiwakal ng isang 25-anyos na estudyante ng University of Sto. Tomas, makaraan umano itong tumalon sa tinutuluyang domitoryo sa Sampaloc,Manila, Lunes ng umaga.

Nakilala ang biktimang si Paul Justine Tensioco, binata, may kursong BS Accountancy at nanunuluyan sa Adelina Dormitory sa 1117 Adeline St.,. Sampaloc.

Batay sa ulat na isinumite ni Det. Donald Panaligan, kay P/Capt. Henry Navarro hepe ng Manila Police District-Homicide Section , bandang  alas-8:50 ng umaga, nang makarinig ng malakas na kalabog ang isang Bemars  Endino, 41, caretaker ng nasabing dormitoryo.

Salaysay ni Endino, habang nagkakape ito sa harap ng dormitoryo nang makarinig ito ng malakas na kalabog at nakita nitong duguan at wala nang buhay na biktima.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente gayundin sa dalawang roommates ng biktima.

Please follow and like us:
Read More

ATE PINATAY NI BUNSO SA HATIAN NG MANA

(NI ROSE PULGAR)

KAKASUHAN ng homicide ng Paranaque City Police ang isang lalaki makaraang pagsasaksakin hanggang sa mapatay nito ang nakakatandang kapatid na babae matapos magtalo sa hatian ng tinitirhan nilang bahay na minana nila sa kanilang mga magulang, Lunes ng hapon sa Paranaque City.

Hindi na umabot nang buhay sa Ospital ng Paranaque ang biktimang si Arlene Monzarrate, ng 0324 Quirino Avenue, Brgy. Don Galo, ng naturang lungsod sanhi ng mga tinamong tama ng saksak ng kutsilyo sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Kaagad naman naaresto ang suspect na si Warren Guaddrama, 55, walang trabaho at nakatira rin sa naturang lugar.

Batay sa isinumiteng report ni Police Col. Ribon Sarmiento, hepe  ng Paranaque City Police, dakong alas-3:05 ng hapon nang maganap ang insidente sa loob ng tinitirhan nilang bahay na iniwan sa kanila ng mga namayapang magulang.

Nabatid na isang pagtatalo ang naganap sa mag-ate ukol sa kung sino ang mas may karapatan sa bahay ng mga magulang hanggang sa mapikon at kumuha ng kutislyo si Guadarrama saka pinagsasaksak ang kaniyang nakatatandang kapatid.

Sinaklolohan at isinugod ng mga kapitbahay ang biktima sa nasabing pagamutan ngunit hindi na umabot nang buhay.

Agad naman nadakip ng mga rumespondeng barangay tanod ang suspect at agad itong dinala sa Paranaque City Police.

Nitong Martes ay isinampa na ng pulisya ang kasong homicide laban sa suspect sa Paranaque Prosecutor’s Office.

 

Please follow and like us:
Read More

CONTAINER VAN KUMALAS ; TRIKE DRIVER SUGATAN

accident12

(NI RENE CRISOSTOMO)

ISANG 60 footer container van ang kumalas sa isang trailer truck na kung saan sugatan ang isang tricycle boy at madamay din ang isang pick-up, taxi at isang tindahan , Martes ng madaling araw sa Anda Circle, Port Area, Manila.

Batay sa ulat ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), naganap ang insidente bandang  alas-2:00  ng madaling araw.

Nagtamo ng mga galos at sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang tricycle driver na si Menancio Alfino nang umano’y tumilapon ng may ilang metro ang layo.

Sa report ng pulisya , kalalabas lamang sa Port Area ni Arman Mercado, driver ng truck may plate number AUA-4085 nang kumalas sa lock ang 60 footer container van may kargang medical supplies.

Kaagad dinala sa MDTEU si Mercado na dumipensa na hindi naman siya ang nag-lock sa container van pero napag-alaman na amoy alak ito.

Tiniyak naman ng driver na pananagutan nito ang mga napinsalang sasakyan.

Umabot naman ng dakong 7 :00 ng umaga bago  tuluyang naalis ang container van na bumalagbag sa Anda Circle at naging sanhi ng pagsisikip ng daloy ng trapiko.

Please follow and like us:
Read More

HABULAN NG PUSHER VS PULIS: 3 TIMBOG SA APARTELLE

(NI DAVE MEDINA)

NAUWI sa habulan ang pagsita ng mga pulis sa isang delivery boy ng droga gamit ang bisikleta sa San Isidro, Makati City, Lunes ng hapon.

Bukod sa lalaki ay arestado rin ang dalawang babae na naaktuhan namang nagre-repack ng shabu alas-3:00 ng hapon ng Lunes.

Ayon kay Makati Police chief Col. Rogelio Simon, nagpapatrulya ang kanyang  mga pulis sa Batangas St. nang makita ang isang lalaki na naka-bisekleta na may iniaabot sa isa pang lalaki.

Nang lalapitan ng mga pulis, inihagis sa lapag ng isa sa mga suspek ang isang sachet ng shabu sabay nagpulasan ng takbo patakas.

Nagkaroon ng habulan ang mga suspek at mga pulis na umabot  sa kwarto ng Morales Apartelle sa Batangas St., kanto ng Zansibar St., Bgy San Isidro , Makati City at  sorpresang  naabutan ang dalawang babae na nagbabalot ng ipinagbabawal na droga.

Nasamsam sa mga suspek na sina Joshua Gonzaga, Geraldine Belmes at Lyselle Braga ang 43 sachet ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P50,000.

Please follow and like us:
Read More

KONTRABANDO WINASAK SA BILIBID

(NI LYSSA VILLAROMAN)

WINASAK ang iba’t ibang uri ng kontrabando na nakumpiska sa mga selda ng mga preso sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) sa pamamagitan ng pagsagasa ng pison sa mga ito, Lunes ng umaga sa Muntinlupa City.

Pinangunahan ni Bureau of Correction (BuCor) Director General Gerald Bantag ang pagsira sa mga kontrabando makaraang masuhin ang mga laptop at iba pang nakumpiskang mga cellphone na ginagamit sa iligal na transaksyon ng droga sa loob ng NBP.

Kabilang sa mga sandamakmak na electronic gadgets na winasak sa labas ng NBP matapos ang flag raising ceremony ang iba’t ibang uri ng cellphone, laptops, powerbank chargers, portable WiFi at mga improvised na patalim.

Sinabi ni Bantag na kusa namang isinuko ng mga inmates ang kanilang mga itinagong kontrabando makaraan ang sunud-sunod na pagsasagawa ng clearing operations sa loob ng maximum security compound sa NBP.

Dagdag pa ng BuCor chief na nagsunog din ang mga tauhan ng BuCor ng iba’t-ibang klaseng tabako na umabot sa isang malaking drum.

Napag-alaman din na may nag-aalok sa mga NBP prison guards ng P150,000 kapalit ng isang cellphone at ng hindi pumayag ang naturang gwardiya ay itinaas pa ito sa halagang P200,000.

Ayon naman sa intelligence report ng NBP, may banta umano sa buhay ni  Bantag na sinang-ayunan naman ng naturang hepe ng BuCor.

Ani Bantag, hindi siya nababahala sa mga banta na kanyang natatanggap at kanya pang pag-iibayuhin ang kanyang sinimulan na trabaho upang mapigil ang korapsiyon sa loob ng NBP.

Kasabay nito, nangako pa si Bantag na kanyang pahahabain ang kanyang balbas hanggang sa panahon na maging maayos na ang sitwasyon at matapos na ang problema sa loob ng NBP.

Please follow and like us:
Read More

ISKO DISMAYADO; VENDORS SA YLAYA, BAWAL NA

(NI DAHLIA S. ANIN)

LABIS na nadismaya si Manila Mayor Isko Moreno sa surprise inspection na kanyang ginawa sa kalsada ng Ylaya sa Binondo, Maynila, kung saan tumambad ang tambak na basura.

“Kayo ba’y hindi nahihiya? Hindi ba kayo nahihiya nya’n? O talagang baboy lang kayo sa bahay?,” tanong ni Isko sa mga tindero sa kanyang pag-iinspeksyon.

Wala umanong kusa ang vendors na patuloy sa pag-iiwan ng mga basura sa lugar. Kooperasyon lamang umano ang kanyang hinihingi sa mga ito na ito nang payagan niyang makapagtinda basta susunod sa mga patakaran tulad ng paglilinis sa kanilang kapaligiran.

Agad niyang ipinagbawal ang pagtitinda sa nasabing lugar.

Ani Isko, kung patuloy lang ang pagkalalat ng mga vendor ay tumigil na lamang sila sa pagtitinda.

Lahat ng basura sa umaga at gabi ay nagsasama kaya naman nagiging bundok ng basura ang hinahakot araw-araw sa Divisoria.

Una nang pinaalis ni Isko ang mga vendor sa Recto Avenue at Juan Luna St. at inilipat ang mga ito sa Carmen Planas, Ylaya, Zamora at Santo Cristo St.

Mula ng umupo bilang mayor ay pinangarap ni Isko na isulong ang kalinisan at disiplina sa lungsod, kaya inalis ang lahat ng obstruction sa mga pangunahing kalsada sa Maynila.

Please follow and like us:
Read More

SHABU SA HELMET: ANGKAS DRIVER, BABAE ARESTADO

NASA 20 sachet ng hinihinalang shabu ang nakuha sa driver ng Angkas at pasahero nito sa Cubao, Quezon City, Linggo ng gabi.

Gayunman, itinanggi ng driver ang akusasyon at sinabing isinabay lang niya ang babae at pagbaba nito ay nagulat na lamang siya na puno na ng shabu ang helmet.

Giit naman ng babaeng pasahero, ibinugaw siya ng kanyang kaibigan para kitain ang driver.

Nagtalik umano sila, pero sa halip na pera ay shabu ang ipinambayad sa kanya.

Magkaiba man ang pagkakasalaysay nila sa umano’y nangyari, parehas silang makukulong. Sa buy-bust na isinagawa, nabilhan ng droga ang babae matapos nitong kumuha ng supply sa lalaki. Bukod sa helmet, may nakuha ring shabu sa bra ng babaeng suspek.

Parehong nasa watch list ang mga suspek, ayon kay Police Captain Ramon Aquiatan, hepe ng Cubao Police Station. Ang babaeng suspek ay una nang sumuko habang ang lalaki naman ay kalalaya lamang noong 2018.

Please follow and like us:
Read More

BEKI TINADTAD NG SAKSAK

(NI HARVEY PEREZ)

PATULOY na iniimbestigahan ng pulisya ang pagpatay sa isang bading na nakitang naliligo sa dugo at tadtad ng saksak sa katawan, sa Port Area, Maynila, Linggo ng medaling araw.

Sinabi ni PSGJohn Paul Rojo, ng Manila Police District-homicide section, ang biktimang ay nakilala lamang sa  alyas na ‘Twinkle Bakla’, may edad  30 -35 anyos ; nasa 5’8 – 5’10 ang taas, naka suot ng itim na blouse at olive green short pants.

Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng salarin at ang motibo ng pagpatay.

Nabatid na ala-1:30 ng madaling araw  sa Blk. 1 Aplaya s Baseco Compound Port Area natagpuan ang naghihingalong biktima.

Nalaman na  kay Mark Angelo Gungob , 31, barangay tanod, na nakatanggap siya ng tawag na  nagsabing  nakita ang biktima na duguan at tadtad ng saksak ang katawan .

Nadala pa ang biktima sa Gat. Andres Bonifacio Medical Center,  pero idineklarang patay dakong alas-  2:20 ng madaling araw.

 

Please follow and like us:
Read More

HOLDAPER NA TANDEM PATAY SA PASIG ENCOUNTER

(NI KEVIN COLLANTES)

PATAY ang isa sa dalawang lalaking umano’y holdaper na riding-in-tandem nang mabaril ng mga rumespondeng awtoridad sa isang engkwentro, matapos nilang holdapin ang isang call center agent sa Barangay Manggahan, Pasig City, Sabado ng madaling araw.

Dead on arrival sa Pasig Doctors Hospital ang di kilalang suspek dahil sa mga tama ng bala sa katawan, habang nakatakas naman ang kanyang hindi pa rin nakilalang kasabwat.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Pasig City Police, nabatid na dakong 2:20 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa Amang Rodriguez Avenue, sa Barangay Manggahan.

Nauna rito, naglalakad umano sa lugar ang biktimang si Ritchell Pontillano, 30, isang call center agent, kasama ang kanyang dalawang anak na lalaki, nang bigla na lang silang hintuan ng mga suspek, na magkaangkas sa isang motorsiklo.

Tinutukan umano ng baril ng mga suspek ang mag-iina at saka nagdeklara ng holdap.

Hindi naman nasiraan ng loob ang biktima at kaagad na nagsisigaw at humingi ng tulong sa mga nagdaraang motorista.

Nataranta naman ang mga suspek kaya’t mabilis nang tumakas ang mga ito habang nagtungo ang mag-iina sa tanggapan ng Police Community Precinct 7 (PCP7) at nagsumbong sa mga pulis.

Hinabol ng mga awtoridad ang tumatakas na mga suspek ngunit sa halip na sumuko ay nanlaban ang mga suspek na nauwi sa palitan ng putok, hanggang sa tamaan ng mga awtoridad ang suspek na nagmamaneho ng motosiklo kaya’t sumemplang ang mga ito.

Mabilis namang kumaripas ng takbo at nakatakas ang kanyang backrider habang isinugod ng mga pulis sa pagamutan ang suspek ngunit binawian rin ng buhay.

Narekober ng mga awtoridad mula sa crime scene ang isang hindi pa batid na kalibre ng baril, isang fired cartridge at isang unit ng SYM motorcycle na may plakang 5655 UF.

Tinutugis naman ng mga awtoridad ang nakatakas na suspek.

 

Please follow and like us:
Read More

NPA SA LIKOD NG DOLE OFFICIAL SLAY? LABOR CASE INAALAM NG NCRPO

(NI HARVEY PEREZ)

MAY posibilidad umano na mga miyembro ng New People’s Army (NPA) ang pumaslang  sa isang opisyal ng Department of Labor and Employment (DOLE), noong Nobyembre 3 sa Malvar St. Malate, Maynila.

Ayon kay NCRPO Regional Director PBGen Debold Sinas, sa imbestigasyon ng pulisya, nabatid na walang kaaway o kaalitan ang biktimang si  Helen Dacanay, 59, senior labor and employment officer sa DOLE Manila head office, at residente ng Block 11, Lot 1, Casimiro THMS Queensrow East, Molino, Bacoor, Cavite.

Maari umanong  may kinalaman sa kanyang trabaho sa DOLE ang posibleng motibo  ng pagpaslang kay Dacanay kaya inaalam nila kung anu-anong labor case ang dumaan sa tanggapan nito.

Una nang nakita sa CCTV ang mukha ng dalawang gunman na nakitang bumaril ng may 16 na beses sa biktima.

Gayundin, nanawagan si Sinas sa  publiko na agad ipagbigay alam sa mga awtoridad kung kilala nila ang mga   suspek na muling sumakay sa motorsiklo at iniwan sa isang lugar sa Linao St., bago sumakay lamang ng tricycle.

Naganap ang insidente alas 4 :45 ng hapon noong Nobyembre 3 sa Malvar Street, sa nabanggit na lugar.

Kalalabas lamang  umano ni Dacanay sa kanyang tanggapan sa DOLE Manila head office, sa 4th Floor ng DY International Building, San Marcelino Street, kanto ng Malvar Street, sakay ng itim na Honda Brio, na may plakang ACA-7338.

Habang binabaybay ang Malvar Street, pagitan ng Singalong at Benitez Streets, nang tambangan at pagbabarilin ng dalawang suspek na riding in tandem.

Idineklarang dead in arrival sa Ospital ng Maynila (OSMA) ang biktima.

Hindi naman tinamaan ng bala si Atty. Agata Ann Daquigan, labor arbiter sa DOLE main office at kasama ni Dacanay sa sasakyan nang maganap ang krimen.

 

Please follow and like us:
Read More

SURPLUS APPLIANCE STORES SA PORT AREA, NASUNOG

(NI DAHLIA S. ANIN)

SUMIKLAB ang apoy sa isang commercial complex sa Port Area, Maynila, Sabado ng madaling araw.

Alas 2:40 ng madaling araw nang magsimula ang sunog at agad kumalat sa anim na stalls sa New Port Area Commercial Complex.

Kabilang sa nasunog ang puwesto na may mga panindang, refrigerator, washing machine, helmet sa motorsiklo at mga sewing machine.

Isa rin ang naitalang nasugatan, ayon kay Fire Insp. John Joseph Jalique, ng Manila Fire District, na dinala sa Ospital ng Maynila matapos masunog ang kamay at katawan nito.

Mabilis na kumalat ang apoy sa lugar dahil sa gawa ang mga ito sa light materials at may kalumaan na rin ang complex.

Tinatayang aabot sa 1 milyon ang halaga ng mga nasunog na paninda sa naturang commercial complex.

Umabot sa first alarm ang sunog bago ito naapula.

Pinayuhan naman ng Bureau of Fire Protection ang publiko na i-check ang kable ng kuryente ng mga aplliances sa kanilang mga bahay, upang makaiwas sa disgrasya ng sunog.

 

Please follow and like us:
Read More

KOTSE NG KOREANO KINARNAP NG DRIVER; 2 HULI

(NI ROSE PULGAR)

ARESTADO ang dalawang propesyunal na swindler sa isang entrapment operation na isinagawang ng mga tauhan ng Paranaque City Police matapos tangkaing ipatubos sa isang negosyanteng Korean national ang kanyang kinarnap na kotse Huwebes ng hapon sa naturang lungsod.

Kinilala ni Police Col Robin Sarmiento, hepe  ng Paranaque City Police ang dalawang nadakip na sina Analiza Gayamo, 49, isang real estate broker at Ruperto Liquiran, alyas Feng, 49.

Pinaghananap naman ang isa pa nilang kasabwat na nakilala lamang sa alyas na “Erwin”.

Batay sa salaysay ng biktimang si Sungsu Kim, 48, nabigo ang kanyang driver na si alyas “Erwin” na ibalik sa kanyang parking space sa City of Dreams sa Paranaque City ang kaniyang Ford Everest SUV noong Nobyembre 5.

Hindi na niya makontak si “Erwin” hanggang nitong Nobyembre 7 dakong alas-11:00 ng umaga nang tumawag sa kaniya ang mga suspect at nanghingi ng halagang P350,000 para maisauli sa kaniya ang sasakyan.

Dahil dito, nagtungo at nagreklamo ang biktima sa PNP Maritime Group na nag-refer sa kaso sa Anti-Carnapping Unit ng Paranaque City Police.

Dito nagplano ang pulisya ng entrapment operation saka nakipagkasundo si Sungsu na makipagkita sa mga suspect.

Bandang alas-3:30 ng hapon nitong Huwebes nang magkita ang biktima at mga suspect sa harap ng isang fastfood restaurant sa may Macapagal Avenue sa Barangay Tambo, nang nasabing lungsod.

Matapos na tanggapin ng mga suspect ang marked money sa mga suspect, dito na sumulpot ang iba pang mga pulis at inaresto ang dalawa.

Bigo naman ang mga pulis na marekober ang behikulo ng biktima ngunit patuloy pa ring nagsasagawa ng imbestigasyon at operasyon upang madakip ang tsuper ng biktima.

Sasampahan ng kasong robbery extortion ang mga nadakip na suspect sa Paranaque Prosecutor’s Office.

 

Please follow and like us:
Read More