SIMBANG GABI

SIMBANG GABI-4

(Ni Guillermo Octavio)

KANINANG umaga, dinagsang muli ang mga simbahan sa Pilipinas ng mga Katoliko—na karamihan ay may kahilingan na gustong matupad, gaya ng makuha ang salaping nararapat lang ibigay sa kanila, o kaya ay makikipagtagpo sa kung sinong taong itinuturing nilang mahalaga sa mga sandaling iyon — dahil sinimulan na ang Simbang Gabi, isang tradisyong Pilipino tuwing sasapit ang Kapaskuhan.

Ang Simbang Gabi ay siyam na gabing debosyon, katulad ng serye ng misa sa bukang-liwayway na dinadaluhan naman ng mga Puerto Rico na tinatawag namang “Misa de Aguinaldo”.

Ang serye ng Misa para sa Simbang Gabi ay idinaraos mula ika-16 hanggang ika-24 ng Disyembre at ginaganap sa iba’t ibang oras sa pagitan ng alas-3 ng madaling-araw hanggang alas-5 ng umaga.   Misa de Gallo sa Español, o Misa ng Tandang sa Filipino ang tawag sa huling simbang gabi sa bisperas ng Pasko.

Noong unang panahon…

Mga unang bahagi pa ng higit 300 taong pananakop sa atin ng mga Español, noong 1669, nang magsimula ang Simbang Gabi sa Pilipinas bilang isang praktikal na gawain para sa mga magsasaka, na nagsisimulang magtrabaho sa bukid bukang-liwayway pa lamang upang maiwasan ang matinding init mula katangha­lian. Sinisimulan ng mga pari ang Misa umagang-umaga.  Ang kaugaliang ito tuwing Pasko ay nakasanayan na at naging bahagi ng kulturang Pilipino.

Ang Pilipinas mula noon at hanggang ngayon, taliwas sa gustong ipilit ng ilang pulitiko, ay isang bansang agrikultural.  Kilala tayo noon sa ating mga plantasyon ng niyog, tubo at bigas.  Hindi siguro maniniwala ang mga ninuno natin noon kung sasabihin mo sa kanilang sa susunod na milenyo ay magiging isa, o magiging tayo ang pinakamalakas umangkat ng bigas sa buong daigdig.

Maghapon sa sakahan noon ang mga kasama at sakada at nagpapahingan lamang para mananghalian, kung kailan pinakamainit ang sikat ng araw.  Dahil sa nawalang isang oras na ito, doble kayod ang ating mga ninunong magsasaka at pinagkakasyang pili tang oras dahil sa mga takot sa mga enkargado, o katiwaldas…katiwala pala, na namamalakad sa mga lupain ng Español na “panginoon” o haciendero.

Sa pagitan ng pagtatanim at pag-ani lamang napapahinga sa pwersahang trabaho ang ating mga ninuno.  Yaong mga nasa edad na para magtrabaho ay tinitipon sa ilalim ng sistemang tribute, kung saan, marahil dahil sa takot o kamangmangan, o kombinasyon ng dalawa, ay pumapayag ang mga sinaunang Pilipino na magtrabaho ng libre para sa mga proyekto ng kolonyal na pamahalaan ng Espanya. Ang mga babae naman ay inaaalagaan ang mga tanim nilang gulay sa tumana o kaya ay nagiging kasambahay para sa mga elitista.

Nakalulungkot mang isipin, hanggang sa kasalukuyan ay mga tila hindi natuto sa mga aral ng kasaysayan at nag-aasal “panginoon” sa paniniwalang wala namang pagpipilian ang mga manggagawa kundi sumunod.

Sa pagdating ng Kapaskuhan, naging kaugalian na ang mga novena tuwing gabi, at nakita ng mga pari na dumadalo pa rin ang mga parokyano sa kabila ng maghapong pagod.  Bilang kompromiso, sinimulan ng pari na idaos ang misa ng umagang-umaga habang hindi pa sumisikat ang araw bago magsipunta sa bukid o pumalaot sa dagat ang ating mga ninuno.

Pagkain at inumin

Noong panahon ng mga Español at unang bahagi ng panahon ng mga Kano, walang maihandog ang mga parokyano sa Misa kundi bigas, prutas, gulay at itlog.  Ipinamamahagi ng Simbahan ang ani sa buong kongregasyon matapos ang misa.

Matapos ang Misa, kakain ang mga Pilipino ng mga pagkaing ibinebenta malapit lamang sa simbahan.

Gaya noong unang panahon, sa kasalukuyan ay mayroon na ring handang makakain sa labas lamang ng simbahan.   May latik at yema, gayundin din ang uraro, barquillos, Lengua de Gato.

Nariyan rin ang arróz caldo  at sa maniwala kayo o hindi, papaitan, pang-almusal at hindi pang-pulutan sa mga kapatid nating Ilokano.

Hindi nawawala mula noong panahon pa ng a­ting mga lolo at lola ang bibing­ka, puto bumbong, suman at iba pang kakanin, pero kung noong una ay mainit na tsokolate, kapeng barako o kaya naman ay salabat ang kapares nito, marahil ngayon ay kape na mula sa Starbucks o kaya naman ay milktea.

Ang mga pagkaing gawa sa bigas ay itinitinda para mapuno ang sikmura ng ating mga magsasaka, dahil ito ay mura at mula pa noong una ay “staple food” na ng mga Pinoy.  Ang mga kakanin ay puno rin ng carbohydrates ay kailangan din ng mga kolonyal na Pilipino para sa maghapong pagtatrabaho sa mga bukid at gilingan ng asukal.

Sa kasalukuyan…

Ngayong sinasabing tapos na ang panahong kolonyal at panahon na ng mga millennial, idinaraos na rin ang Simbang Gabi sa mga mall.  Gayunpaman, kamakailan ay nagpahayag ng hindi pagsang-ayon si Cardinal Luis Antonio Tagle sa pagdiriwang ng Misa sa mga mall, maliban na lang kung may sarili itong kapilya.

May Simbang Gabi na talagang sa gabi  idinaraos at nagsisimula ito sa ika-15 ng Disyembre at nagtatapos sa ika-23, kung saan ang mga pagbasa para sa misa kinama­daling-arawan ang siya ring binabasa, bagama’t may mga nagsasabing ito raw ay labag sa kautusan ng Simbahan.

Para maranasan ng mga milenyal kung paano ang Simbang Gabi noong panahon nina Andres Bonifacio, may mga pangkat na nagdiriwang ng tradisyunal na Misa sa Latin, kandila ang gamit at ang daan-daang taong musika at awiting pang-Misa ang ginagamit.

Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa rin nawawala ang paniniwalang kapag nakumpleto ang siyam na araw na Simbang Gabi ay matutupad ang kahilingan ng nakakumpleto ng novena, kaya’t tiyak, maraming nagsimba kanina, na may kani-kaniyang gustong mangyari at pansari­ling motibo, at nakaligtaan ang tunay na diwa ng Pasko, ang mensahe pag-ibig sa kapwa na dala ng sanggol na si Hesus.

Bilang paalala, wakasan natin ang pitak na ito sa pagtatapos ng isang kantang Pamas­kong tiyak na alam ng lahat:

“At magbuhat ngayon, kahit hindi Pasko ay MAGBIGAYAN! At magbuhat ngayon, kahit hindi Pasko ay MAGBIGAYAN!”

Please follow and like us:
Read More

MILITARY TAKE-OVER SA MAYNILA AT MANILA WATER DAPAT SUPORTAHAN

CHRISTIAN BOMB

NAGBANTA ng military take-over si Pangulong Rodrigo Duterte upang patakbuhin ang Maynilad at Manila Water kung hindi raw niya magugustuhan ang paliwanag ng mga Ayala at ni Manny V. Pangilinan na may kaugnayan sa ipinasok na kontrata ng dalawang water firms sa gobyerno.

Hindi lang military take-over sa Maynilad at Manila Water ang banta ng Pangulo, kundi ipapa-warrantless arrest daw niya ang mga Ayala at si Pangilinan.

Dapat nga yata ay huwag lang banta, kundi totohanin na ni Pres. Duterte ang military take-over sa dalawang water firms at pagpapaaresto sa mga abusadong negosyanteng ito.

Nang kanselahin na kasi ng Manila Water Sewerage System (MWSS) ang extension ng kanilang kontrata ng hanggang 2037 sa dalawang water firms na ito, at ang paiiralin na lang ay ang original na kontrata na hanggang taong 2022 na lang magseserbisyo ng tubig sa Metro Manila, Cavite at Rizal ang Maynilad at Manila Water, ay nagbanta ang mga representante ng mga Ayala at ni Manny Pangilinan na ang kanselasyon ng kontrata ay posibleng maging sanhi ng pagtaas nila ng singil sa tubig.

Isipin n’yo, ang tagal na hinuthutan ng mga Ayala at ni Pangilinan ang publiko dahil ang corporate income tax na dapat binabayaran nila sa gobyerno ay sa konsyumer nila ipinapasa, tapos may lakas pa sila ng loob na magbanta ng taas singil sa tubig.

Malas lang nila dahil nang mabisto kanilang kawalanghiyaan ay sa panahon ni Pres. Duterte, kaya’t dapat suportahan ng taumbayan ang Presidente sakaling ipa-take-over na sa military ang Maynilad at Manila Water at ipakulong din ang mga Ayala at si Pangilinan para maturuan ng leksyon ang mga tulad nilang mapagsamantalang negosyante sa bansa.

oOo

TIMBRE: Paging NCRPO Director, Brig. Gen. Debold Sinas, sa Pasig City daw ay may pa-lotteng si alyas “Laarni:.. hindi pa rin daw tumigil ang video karera operations ni “Madam” sa Parañaque City. (CHRISTIAN’S BOMB / CHRISTIAN HERNANDEZ)

Please follow and like us:
Read More

BIGAS

yourservice

ANG ating Kongreso ay binuo sa ilalim ng ating saligang batas upang magsuri, pag-aralan at sumulat ng mga batas na makatutulong sa pagsulong ng ating mga adhikain sa bayan. Kabilang dito ang seguridad sa ating soberanya at kasarinlan, seguridad sa ating kaligtasan, seguridad sa kalusugan, at seguridad sa pananatili ng ating uri ng pamumuhay.

Isama na rin natin ang isa sa mga pinakaimportanteng aspeto ng pamumuhay natin bilang Filipino, ang seguridad sa pagkain, lalong-lalo na sa pananim at suplay ng bigas. Kalakip sa aspetong ito ang pananatili ng isang resonableng pamilihan sa bigas mula sa magsasaka hanggang sa merkado.

Ngunit nakatatakot na ang mga nangyayari ngayon sa ating mga kababayang magsasaka. Kabi-kabila ang balitang hirap na hirap na sila dahil sa epekto ng isang batas na inilabas ng ating Kongreso, ito ang tinatawag nating Rice Tarification Law na naglayong payagan ang pagpasok o pag-angkat ng mga murang bigas mula sa ating mga kapitbahay na bansa. Ano ang naging epekto nito? Ang naging epekto ng batas na ito ay ang pagbaha ng napakaraming bigas na inangkat mula sa ibang bansa at sa murang halaga. Natural, mas bibilhin o tatangkilikin ng mamimili ang murang bigas na ito kesa bumili ng bigas na lokal. Lalong lalo na ngayon sa hirap ng buhay at sa mahinang kapangyarihan ng piso, natural lamang na mas bebenta ang mga inangkat na bigas at mas malaking kita ito sa mga negosyanteng umangkat.

Sino ngayon ang talo? Sino ngayon ang napinsala dahil dito? Tayo ba? Hindi naman dahil bilang mamimili, tila mas pabor sa atin na may mas mura tayong bibilhin na bigas. Ang tunay na naagrabyado rito ay ang ating mga magsasaka. Dahil sa kaganapang ito, dahil sa isang batas na naglayong ibsan ang taas ng presyo ng bigas, bumaba naman nang sobra ang presyo ng lokal na bigas para maaari itong makipagkumpitensya sa inangkat na uri ng bigas. Ang resulta, lugi ang ating mga magsasaka dahil hirap nilang bawiin ang puhunan nilang ginamit sa pagtanim at pag-ani ng bigas.

Ang solusyon naman ng pamahalaan, magpautang ng labin-limang libong piso kada magsasaka. Sapat na ba ito? Natural hindi, lalo pa nga nitong pinahihirapan ang mga magsasaka dahil ito ay utang at hindi subsidiya. Panandaliang lunas lamang ito para lang may masabi na may ginagawa ang pamahalaan natin para tugunan ang problema ng mga magsasaka.

Sa aking munting palagay, hindi puhunan o kakulangan ng puhunan ang problema, kung maaari lamang ay balikan ng ating mga mambabatas, sa tulong ng mga numumuno sa Kagawaran ng Pagsasaka, ang batas na pasimuno sa kaganapang ito. Totoo na siguro maganda ang hangarin ng nagsulong ng batas nito sa Kongreso, ngunit hindi natin pwede ipikit ang ating mga mata sa hirap at hinagpis na tinatamo ngayon, oo ngayon, ng ating mga kababayang magsasaka. Ang suliraning ito ay umaapekto sa isang aspetong napakalapit sa ating mga puso bilang mga Filipino — ang industriya ng ating pagsasaka at ang kinabukasan ng pamumuhay ng ating mga magsasaka. Hahayaan na lamang ba nating mamatay ang lokal na pagsasaka natin at ang pagtanim at pag-ani ng lokal na bigas at umasa na lamang sa pag-angkat ng bigas mula sa ibang bansa? Tuluyan na lamang ba nating papatayin at kalilimutan ang pamumuhay at industriyang agraryo at tayuan na lamang natin ang ating mga lupaing sakahan ng mga mall? Kayo na ang humusga. (@YOURSERVICE / ATTY. DAVID AQUINO)

Please follow and like us:
Read More

ALAALA NG ISANG ALAMAT

FPJ-10

Fernando Poe Jr. (1939-2004)

(Ni Guillermo Octavio)

APAT na taon nang namamamayagpag sa telebisyon ang programang “FPJ’s Ang Probinsyano.”  Sa mga nakababatang tagasunod ng nasabing programa, si Coco Martin  si Cardo Dalisay, ang magiting na pulis na nakikipaglaban para sa kapakanan ng naaapi kahit siya mismo ay ‘di lang minsang natapakan, nasaktan at nawalan, tapagapagtuwid ng mga baluktot sa lipunan, at tagapagtanggol ng katarungan.

Marahil, muli sa mga nakababata ay palaisipan kung sino ang FPJ na lumikha ng Ang Probinsyano, at ang alam  lamang nila ay ang mga napanonood na sinasabi ng mga dati niyang kakilala sa mga tribute sa mga pang-Linggong programa sa  telebisyon.

Pero tiyak na kung botante ka na noong halalalan 2004, tiyak na kilala  mo  si Fernando Poe Jr., na lumahok sa politika sa unang pagkakataon bilang kandidato sa pagka-pangulo ng oposisyon, at tinalo ng nakaupong pangulo noon na si Gloria Macapagal-Arroyo, sa eleksyong hanggang ngayon ang resulta ay pinagtatalunan, at ‘di iilan ang ayaw itong paniwalaan.

Ronald Allan Kelley Poe

Labinlimang taon na kahapon (Disyembre 14) mula nang pumanaw si Ronald Allan Kelley Poe (Agosto 20, 1939 – Disyember 14, 2004) na mas kilala ng mga Pilipino bilang si Fernando Poe Jr..  Bantog din siya sa kanyang mga inisyal na FPJ, sa kanyang pangalang ginagamit na Ronwaldo Reyes bilang direktor,  at sa tawag na Da King, dahil malaon na, at patuloy siyang kinikilala bilang Hari ng Pelikulang Pilipino.

Si FPJ ay isinilang sa lungsod ng Maynila noong Agosto 20, 1939.  Siya ay anak ng aktor na si Fernando Poe Sr. na ang tunay na pangalan ay Allan Fernando Poe y Reyes, tubong San Carlos, Pangasinan at Elizabeth “Bessie” Kelley, isang mestisang Irish- American.

Ikalawa sa anim na magkakapatid, si FPJ Poe,  ang orihinal na pagkakabaybay ng apelyido FPJ mula sa kanyang lolo sa ama,ang manunulat ng dula na si Lorenzo Pou na nanirahan sa Pilipinas mula sa Majorca, España at nagmina at nagnegosyo sa Pilipinas.

Nagtapos ng elementarya si Poe sa San Beda College, Lepanto noong 1953, at lumipat sa San Sebastian College noong high school.  Matapos ito ay nagkolehiyo si Da King sa Mapua Institute of Technology at University of the East at theater arts ang kanyang naging kurso.

Ang pagsibol

Nang mamatay ang kanyang ama dahil sa rabies sa edad na 35, naobligang kumayod, maging breadwinner ng pamilya si FPJ at tumigil sa pag-aaral at nagsimulang magtrabaho bilang mensahero sa industriya ng pelikula.  Nakakuha rin siya ng mga papel sa mga pelikula at naging stuntman sa Everlasting Pictures, hanggang sa magbida sa “Anak ni Palaris”  noong 1955 sa edad na 14 ngunit hindi ito gaanong tinangkilik sa takilya.

Noong 1956 gamit ang screen name  na Fernando Poe Jr., na nakuha niya sa kanyang kapatid na si Andy, na ang tunay na pangalan ay Fernando Poe II, ay nagbida si FPJ sa pelikulang ‘‘Lo Waist Gang’’, at simula noon ay naging patuloy na ang kanyang kasikatan.

Itinatag ni Da king ang FPJ Productions noong 1961 at kinalaunan ay bumuo pa ng ibang kumpanya ng pelikula.   Noong 1963, tumestigo siya laban sa grupo ng mga kriminal, ang Big Four, na umano ay hinuhuthutan ang industriya ng pelikulang Pilipino.

Noong 1965, kasama niyang nagbida si John Saxon sa pelikuilang “The Ravagers,” isang pelikulang tumatalakay sa pagsasanib-pwersa ng mga Pilipino at Amerikano laban sa mga Hapon.

Ikinasal si FPJ sa aktres na si Susan Roces, Jesusa Sonor sa tunay na buhay, sa isang civil wedding noong Disyembre 1968. Ikinasal din sila sa simbahan kinalaunan. Inampon ng mag-asawa ang isang batang babae, si Grace Poe, na ngayon ay isang senadora.

Nagwagi si FPJ ng mga pagkilala bilang pinakamahusay na aktor ng  Filipino Academy of Movie Arts and Sciences  (FAMAS) para sa mga pelikulang Mga Alabok ng Lupa (1967), Asedillo (1971), Durugin si Totoy Bato (1979), Umpisahan Mo, Tatapusin Ko (1983), at Muslim .357 (1986), o limang beses sa 15 nomnasyon, ang pinakamarami sa kasaysayan ng  FAMAS.   Nanalo din siya bilang Best Director ng dalawang beses at nakakuha rin ng parangal para sa Best Screenplay.

Kabilang sa iba pang mga hindi malilimutang karakter na ginampanan ni Da King ay ang papel na Flavio sa seryeng Ang Panday at Aguila.  Karamihan sa mga  batang-bata, pinakamagaganda at seksing aktres  sa Pilipinas ay naging leading lady din ni Da King kahit noong may edad na siya kabilang sina Alice Dixson, Nanette Medved, Anjanette Abayari at Ara Mina.

Ang huling pelikula niya, sa humigit kumulang 250 niyang ginawa sa loob ng halos limang dekada niyang pamamayagpag sa pinilakang tabing ay ang Pakners, kasama ang isa pang alamat, si all-time billiards great Efren “Bata” Reyes noong 2003.

Noong 2012 ay kinumpirma sa pamamagitan ng Proclamation 435  ang pagiging National Artist ni Da King na unang idineklara noong 2006 dahil sa kanyang ‘di matatawarang ambag sa pelikulang Pilipino.

Isang  umagang tila hindi sumikat ang araw

Sa kanyang mga pelikula ay pirming api at malimit magulpi sa simula si FPJ ngunit nananatiling lumalaban hanggang sa manalo sa dakong huli, ngunit malungkot man ay kailangang tanggapin na iba ang pelikula sa tunay na buhay.

Noong gabi Disyembre 11, 2004 ay isinugod sa St. Luke’s Medical Center si FPJ  matapos na mahilo sa Christmas Party sa kanyang production studio.

In-admit siya sa nasabing ospital dahil sa stroke at na-comatose habang ginagamot ang kanyang brain clot .  Inilarawan ng mga manggagamot ang kalagayan niya bilang cerebral thrombosis with multiple organ failure at ala-12:01 noong Disyembre 14 ay pumanaw na si Da King.

Gaya ng dapat asahan, dinumog ang burol at libing ni Da King.  Inilibing siya sa lupa ng pamilya Poe sa Manila North Cemetery.

Marami ang nagpapalagay na sama ng loob ang ugat ng pagkakasakit at kamatayan ni Da King dahil alam umano nitong siya ang tunay na nagwagi sa nakalipas na halalan.

Please follow and like us:
Read More

MAHALAGA ANG KASAMA

PINOY ABROAD

SA araw na ito ay tatalakayin natin ang tungkol sa pagpili ng mga nakakasama. Sa pagpili ng makakasama kaugnay sa mithiin mo sa buhay. Paano tayo magtatagumpay sa larangan ng pampamilya, pangkabuhayan o sa ating propesyon?

Malaking bahagi  sa ating tagumpay ang mga taong nakakahalubilo natin. Tagumpay sa ating ispiritual, pinansyal o propesyon ay malaking impluwensya ang ating madalas na nakakasama. Halimbawa, kung lagi nating kasama sa araw-araw ay  iresponsableng magulang na maraming bisyo, sooner or later magiging katulad na rin tayo nila. Sabi nga, “Birds of the same feather flock together,” gayundin ang kasabihan, “Tell me who your friends are and I’ll tell you who you are.”

Tandaan natin, na hindi tayo  makararating  kung saan natin gustong pumunta  sa ating  sarili. Kakailanganin natin ng tulong ng iba para gabayan tayo. Anoman ang nais nating makamit o marating sa buhay kailangan may mga nakasasama tayo na magagaling sa ganung propesyon o mga taong matagumpay sa buhay at pamumuhay.

Paalala pa rin, kahit sa ating mga sinasamahan na tayo ang pinakamahina o pinakamaliit na tao sa grupo at sila ay magagaling, hindi ito magiging sagabal sa atin para tayo ay maging matagumpay. Bagkus, sila ang magiging inspirasyon natin at nahahawa tayo sa kanilang mga style  o gawi bilang isang matagumpay.

Gayundin naman, kung sa panahon na tayo ay dumadalo sa isang seminar o pag-aaral kahit tayo ang pinakamahina sa grupo o sa klase, sila’y nagiging challenge sa atin para tayo makapagpunyagi o magsumikap. Wala na ring kwenta kung tayo ang pinakamagaling o top on the group, ibig sabihin lang na hanggang doon na lang tayo. Kaya ang payo nga, kahit tayo ang pinaka-least sa grupo mas mabuti doon sumama at doon tayo masasanay at magiging magaling katulad nilang mahuhusay o magagaling na.

Mahalagang makihalubilo o makisama sa mga matagumpay at mabubuting tao upang tayo’y maging matagumpay rin. May kasabihan ang mga Afrikano,”If you want go fast go, alone, if you want go far go, together.”

Lastly, sarili natin ang magiging sagabal sa ating pag-unlad. Kaya  kailangan ng ating sarili ang aksyon mismo natin, mentor at makakasama nating mga achiver. Wika nga ng author and educator na si James Thom, “Probably the most honest self-made man ever was the one we heard say: ‘I got to the top the hard way—fighting my own laziness and ignorance every step of the way,’” (PINOY ABROAD / GUILLER VALENCIA)

Please follow and like us:
Read More

ELEAZAR: ‘TULOY ANG LABAN SA DROGA AT NARCO COPS’

BAKBAKAN NATIN

MATUNOG na matunog sa media ang pangalan ni Lieutenant General Guillermo Eleazar na susunod na hepe ng Philippine National Police (PNP) makaraang magbitiw sa posisyon si General Oscar Albayalde.

Ang pagiging malinis ni Eleazar, simula nang maging pulis siya noong 1988 dahil hindi nasangkot sa kahit anong kaso o reklamo, ay tugmang-tugma sa gusto ni Pangulong Rodrigo Duterte sa sino mang itatalaga niya sa pinakamataas ng posisyon sa PNP.

Gusto rin ni Duterte na ang susunod na PNP chief ay hindi matatakot na ipagpatuloy ang agresibong kampanya ng administrasyon laban sa ilegal na droga.

Nang igawad kay Eleazar ang ikatlong estrelya sa kanyang balikat upang maging lieutenant general na ang ranggo niya, idiniin ng ikaapat na pinakamataas na opisyal ng PNP na tuloy ang laban sa ilegal na droga.

“Having seen the success of the President’s war against illegal drugs, I, in my personal and current official capacity shall intensify my efforts to win as many battles in this bloody war,” pahayag ni Eleazar.

Idiniin at tiniyak din ni Eleazar na puntirya rin niya ang “narco-cops” o ang mga pulis na kumikita ng malaking halaga dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na droga.

PDEA NAGPALIWANAG SA BIRADA NG BAKBAKAN NATIN

NOONG Nobyembre 24, binatikos ng Bakbakan Natin! ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) dahil sa kapalpakan ng nasabing ahensiya sa trabaho nitong habulin ang high-value-targets (HVTs) drug dealers.

Sa kolum na ito na may pamagat na “PALPAK ANG PDEA SA HVT DRUG DEALERS,” totoong nabatikos ang PDEA sa pagiging palpak nito.

Ganito ang eksaktong banggit ko: “May listahan ang PDEA ng high-value-target.

“Ngunit hanggang ngayon ay walang nahuhuling high-value-target drug dealers ang PDEA.

“Ibig sabihin, palpak ang PDEA sa pamumuno ni Aquino.”

Ang tinutukoy ni Aquino ay si Aaron Aquino na director general ng PDEA.

Noong Nobyembre 25, nagpadala ng liham ang PDEA na nilagdaan ni Assistant Secretary Gregorio R. Pimentel, office-in-charge ng PDEA, sa tanggapan ng Diaryo Bomba.

Natanggap at nakuha ko ang liham nitong Disyembre 12.

Narito ang mahalagang bahagi ng paliwanag ni Pimentel: “Nais po naming ilahad ang PDEA, bilang pangunahing institusyon sa bansa na nagpapatupad ng Republic Act 9165, o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, ay nanalig  na ginagawa namin sa abot ng aming makakaya upang pigilan ang suplay, mailayo ang mamamayan at maibsan ang mga kapahamakang dulot ng ilegal na droga.

Kabilang sa aming sinumpaang tungkulin ang pagdakip ng HVTs o mga taong may ginagampang papel sa kalakalan ng droga sa bansa. Batay sa talaan ng PDEA mula Hulyo 1, 2016 hanggang Oktubre 31, 2019, 148,037 anti-drug operations ang naisagawa kung saan 215,569 ang naarestong personalidad na sangkot sa droga. Sa bilang na ito, 8,092 dito ay tinaguriang HVTs. Ito ay kinabibilangan ng mga sumusunod:

  1. 296 mga taong nahalal sa puwesto;
  2. 82 alagad ng batas (uniformed personnel);
  3. 346 kawani ng pamahalaan;
  4. 220 dayuhan;
  5. 724 lider o miyembro ng drug groups;
  6. 57 miyembro ng armed groups;
  7. 10 artista at sikat na personalidad;
  8. 191 nasa wanted list;
  9. 2,257 nasa target list;
  10. 801 drug den maintainers; at
  11. 3,108 naaresto sa mga high-impact operation (HIOs)

Sana po sa pamamagitan nitong liham at datos na nabanggit, naihayag nang mabuti ang aming panig sa maling paratang na ito.”

ASec. Pimentel, napakalinaw po ang inyong pahayag.

Ang problema, sa mga nahuli ng PDEA mula Hulyo 1, 2016 ay hindi naman binabanggit sa media kung sinu-sino ang HVTs sa kanila.

Mayroon palang mga nasakoteng sangkot sa droga na nahalal sa puwesto.

Kahit kailan ay hindi binabanggit ng Public Information Office (PIO) ng PDEA ang mga pangalan ng mga nasakoteng opisyal ng pamahalaan.

Hindi rin nabanggit ang mga pangalan ng mga nahuling lider ng sindikato ng droga.

ASec. Pimentel, sana po bukas ang PDEA na magbigay ng datos o impormasyon tungkol sa mga nahuhuli ng PDEA na HVTs, mga nahalal na mga politiko, mga lider ng sindikato at iba pa.

Ang gusto po kasi ng PDEA – PIO, lalo na ni Director Derrick Carreon, pabor na pabor sa PDEA ang mga naisusulat sa pahayagan o online news companies.

Napipikon at nababanas si Carreon kapag hindi pabor na pabor sa PDEA ang ibinabalita sa media.

oOo

Alam ko na kayong mga mambabasa ay higit na maraming nalalaman kaysa inyong lingkod.

Kaya tumawag o mag-text na sa 0998 – 565 – 0271. (BAKBAKAN NATIN / NELSON BADILLA)

Please follow and like us:
Read More

BACKYARD OLYMPICS

teofilo yldefonso

Pagiging  kampeon dapat bang ikatuwa?

(Ni Mac Cabreros)

SA kasalukuyan ay ma­rami ang walang pagsidlan ng tuwa ang mga Fi­lipino dahil sa pagkakampeon ng bayan na­ting Pilipinas sa katatapos na Southeast Asian Games (SEAG).

Hindi na mahalaga kung ilan ang ginto, pilak at tanso na nakuha ng ating mga manlalaro, basta tayo ang nagkampeon sa basketball, dahil doon naman baliw na baliw ang mga Pinoy.

Iba ang SEAG sa Asian Games kung saan buong Asya ay kasali at ginagawa lamang tayong basahan ng mga bansang gaya ng Tsina at South Korea at mga kapitbahay natin sa Timog Silangang Asya.

Lalong iba sa Summer Olympics na ginaganap tuwing apat na taon, kung saan halos buong daigdig ay kasali.

Laban ka sa drama?

Simula noong unang Summer Olympics na idinaos noong 1896, 31st  Summer Olympics na sana ang naidaos,  pinakahuli noong 2016 sa Rio de Janeiro, Brazil . Idaraos ang susunod na Olympiada sa 2020 sa Tokyo, Japan. Di na mabilang na sapatos ang napudpod at katakot-takot ang medalya ang napanalunan  dito, at katakot-takot na drama ang naganap.

31st  sana dahil dapat idaraos ang VI Olympic Games sa Germany noong 1916 pero kinansela dahil sa World War I.

Nanood pa si Hitler noong 1936 Olympic Games nang sa wakas ay makarating sa Berlin ang Olympiada.

Ilang taon pa sumabog na ang World War II  nang salakayin ng kawan ni Hitler ang Poland noong 1939.

Kinansela naman XII Olympic Games na idaraos sana sa Tokyo, Japan na kaalyado ni Hitler dahil patuloy pa ang World War II.

Taong 1944 sa kaaway ni Hitler sa United Kingdom sana gaganapin ang XIII Olympics, pero di natuloy dahil hindi pa tapos ang WWII.

Nang bumalik sa Germany ang Olympics, sa Munich noong 1972 hinostage at pinatay ng Palestinian terrorist group Black September ang 11 Israeli Olympic team members kasama ang isang pulis na German.

Pinakahuli, nitong hu­ling XXXI Olympic Games sa Brazil, pinalayas umano ng isang kasapi ng Brazilian synchronized swimming team ang kanyang ka-partner sa kanilang silid para makipag-sex sa kababayan din nilang mananagwan (canoeist).

Olympic Games 1916Backyard Olympics

Naiiba talaga ang drama sa Olympics at maging sa mga lugar na pinagdausan at dapat pagdarausan nito.

Masasabing ang SEAG ay walang binatbat, at ayon sa aking kaibigang si Manong Chito, kumpara sa Olympiada ay pwedeng ituring na “backyard Olympics,” parang Ligang Inter-Tsinelas tuwing bakasyon ng summer, kung saan maraming bagong tuli ang naglalaro, ang ikinumpara mo sa NBA.

Bakit?  Dahil sa 120-taong kasaysayan ng nasabing Olympiada, nakaka-10 medalya pa lang ang Pilipinas:  tatlong pilak at pitong tanso.   At iisang Pilipino pa lamang ang nakakadalawang medalyang tanso at ito ay si Teofilo Yldefonso na ang laro ay swimming.

Samakatuwid, tunay ngang pwedeng ituring na “backyard Olympics” ang SEAG dahil kung sa SEAG ay nagkakampeon tayo, sa Olympiada ay halatang nangungulelat tayo.

Ang SEAG ngayong taon ang ikalawang pagkakataong ang Pilipinas ang naging kampeon sa nasabing timpalak na idinaraos tuwing dalawang taon at sinimulan noong 1977.

Ang mga sumusunod ay mga katanungang ukol sa nagdaang SEA Games.  Sa mga tanong na walang tiyak na sagot, o hindi n’yo gusto ang sagot,  bahala na kayong humusga

1) Ilang beses nang naging host ng SEA Games ang Pilipinas?

* Apat. 1981, 1991, 2005 at 2019

2) Ilang beses nang nagkampeon ang Pilipinas?

* Dalawa. 2005 at 2019

3) Saan idinaos ang SEA Games noong huli tayong magkampeon?

* Dito rin sa Pilipinas.

4) Masasabi bang maganda lang ang ipinapakita ng ating mga atleta kapag nasa sarili tayong bakuran?

* Pwede.

5) Bakit kaya?

* Siguro dahil sa suporta ng mga kababayan.

6) Pwede kayang nanggigil ang mga atleta sa sari-sa­ring kahihiyang nangyari bago at habang ihino-host natin ang palaro kaya nagbigay sila ng record-breaking performance?

* Pwede.

7) Samakatuwid, hindi pala dapat imbestigahan at pwede pang ituring na bayani si Speaker Alan Peter Cayetano at simbulo ng kadakilaan ang kanyang P50 milyong kaldero?

* Totoo nga ang sinabi ng DOH na dapat madagdagan ang mga psychologist at psychiatrist sa bansa dahil dumarami na nga ang baliw sa Pilipinas.

Please follow and like us:
Read More

JD AT MAGNUM 357 NG DPWH

PASABOG

WALANG kakupas-kupas itong magkasanggang dikit na sina JD at Magnum 357 sa cash division ng Department of Public works and Highways (DPWH) dahil may ipinagmamalaking bosabos na nagproprotekta sa kanilang modus.

Tila manhid at walang pakiramdam itong dalawang kupal kahit pa ipagwagay-way at ipagsigawan ang kanilang mga pangalan sa loob ng opisina, no effect sa kanila, dahil bukod sa talk of the town ang mga ito, still taas noo pa itong mga walang modong kawani.

Nakararating sa inyong lingkod na medyo nag-laylo sa unang arangkada ng PASABOG, meaning huminto panandalian sa kanilang panghihingi sa mga kontraktor ngunit makalipas ang isang linggo ay back to normal ang kanilang operasyong hingi isang libong piso sa mga kontraktor.

Siguro tama ang umaalingaw-ngaw na impo na tila natutulog nang mahimbing sa pansitan ang kanilang boss, sabagay ok ‘yan dahil busog si boss sa kanyang kinalalagyan na canteen. Ok ka lang manager?

Ngunit ang siste, itong dalawa niyang tauhan, nasanay sa hingi rito hingi roon, kapag walang gaybi, tigil ang trabaho, pero kapag mayroong gaybi, parang 120 kilometer per hour, kaya bilis gawa. Sabi nga Intsek!

Itong kanilang boss, walang paki sa dalawa, kung baga “Mined your own business” dahil bakit kamo? Ha, ha, mayroon din siyang pinagkakaabalahang ilegal na sugal, OMG Secretary Villar.

Bakit po mahal na kalihim, wala na ba kayong makuhang empleyado na mayroong paninindigan o nagpapahalaga sa kanyang trabaho? (PASABOG / FROILAN MORALLOS)

Please follow and like us:
Read More

MERI ANG XMAS NG MGA PINOY

KAAA BOOM

TALAKAYIN po muna natin ang isyu sa diwa ng Pasko sa Pilipinas.

Ang nag-iisang bansa na napakahaba ng Pasko.

Sa bansa ng lahi ni Juan, simula pa lang ng ‘ber month’ na Setyembre ay simula na rin ang Pasko.

Maririnig na sa mga mall ang kantang pamas­ko ni Jose Mari Chan, samantala ang ibang Pinoy ay nagsimula na ring maglagay ng dekorasyon na may kaugnayan sa Pasko.

May mga empleyado na rin na maagang nakatatanggap ng kanilang 13th month.

‘Yung iba buwan pa lang ng Hunyo ay natatanggap na nila ang kalahati ng kanilang 13th month at ang kabuuan ay muli nilang natatanggap pagdating ng Nobyembre.

Kaya ang ‘ber months’ na Sept., Oct., Nov. at Dec. ay itinuturing ng mga Pinoy na pinakamasayang panahon sa atin.

Sa holiday seasons na ito ay nagtitipon-tipon ang mga magkakamag-anak at magkaklase sa mga re­union na isinasagawa.

Ito rin ang panahon na itinuturing ng mga Pinoy na panahon ng pagbibigayan ng mga regalo.

Sabi tuloy ng mga bata, sana araw-araw ay Pasko para lagi silang nakatatanggap ng mga regalo galing sa kanilang mga ninong, ninang at mga kamag-anak.

Pagpasok naman ng Dec. 16 ay simula na ng Simbang Gabi o pagpupugay sa Panginoon na magkakasama ang mga pamilya.

Kaya nga ang mga Pinoy na naninirahan na sa ibang bansa, ito ang hinahanap-hinap nila, ang Pasko sa Pinas.

Kaya nga kahit nasa ibang bansa na sila ay nagsi-celabrate pa rin sila ng Pasko.

Sana ‘wag po natin kalimutan ang mga lugar na tulad ng Northern Samar na binayo ng Bagyong Tisoy.

Sa lugar na ito ang mga residente ay magpa-Paskong tuyo.

Naniniwala po ang BOMBAHAN NA na ang mga Pinoy ay may pusong mamon at maawain, ‘wag po natin sila kalimutan kung ano po ang kaya na­ting ibigay sa kanila.

Sa panahon ngayon, kailangan po natin magtulong-tulong nang sa gayun ay makabangon agad sila sa kanilang inabot na pinsala mula kay Tisoy.

Wala po tayong magagawa kundi tanggapin na daanan tayo ng mahigit sa 20 bagyo taun-taon.

Magtulungan na lang po tayo para maibsan ang dulot ng mga bagyong  ito.

God Bless Us!

oOo

Pasabugin ang katiwalian, isumbong sa BOMBAHAN NA. mag-email joel2amongo@yahoo.com//operarioj45@gmail.com. (KAAA…BOOM!!! / JOEL GOROSPE)

Please follow and like us:
Read More

BARYA MO, BUHAY KO (2)

BARYA-2

(Ni Mac Cabreros)

MARAMING ­pinagdaanan ang baryang noong unang panahon ay napakahalaga subalit sa paglipas ng panahon ay unti-unti hindi na binigyang halaga at minsan at itinatapon na lang dahil wala na ngang mabili ang isang sentimo hanggang piso.

Nagkaroon ng iba’t ibang klase ng barya sa Pilipinas simula nang masakop ang bansa ng Espanya. Nasa ilalim ng pamamahala ng mga Kastila ang Pilipinas sa ilang daang taon kung saan iba’t ibang denominasyon ang lumabas at meron pang lumabas na gawa sa ginto, pilak at tanso.

Noong panahon ng pamamahala ni Gen. Emilio Aguinaldo naglabas siya ng barya at perang papel na may tatak ng “Republica Filipina” habang noong panahon ng pananakop ng mga Amerikano ay nagkaroon din ng iba’t ibang demominasyon ng barya mula isang sentimo hanggang piso.

Naglabas naman ng    ang pamahalaan ng Hapan ng fiat currency na kilala bilang Mickey Mouse money noong World War II.

Noong 1967, pumasok naman ang ‘Pilipino series’. Nakatatak dito ang larawan ng mga bayani ng Pilipinas kung saan pinaliitan ang laki ng mga barya. Nagkaroon ito ng 1, 5, 10, 25 at 50 sentimos. Ibinalik din ang one peso denomination noong 1972 o Jose Rizal coin.

Panahon ni dating ­Pangulong Ferdinand Marcos nang nailabas ang ‘Ang Bagong Lipunan o ABL series’. Nakatatak pa rin ang ­imahe ng mga bayani ng Pilipinas sa denomination na 1, 5, 10, 25, centavos, P1. Nawala ang 50 centavos ngunit napanday noong 1975 ang P5 kung saan mukha ni Pangulong Marcos ang makikita sa harap ng barya. Inilimbag ito ng ­Royal Mint sa England at ­Vereinigte Deutsche Metallweke sa West Germany, Philadelphia at San Francisco mint sa United States, ­Franklin Mint, Sherritt Mint sa Canada, at mismong panday ng Pilipinas.

Matapos ang walong taon, pumasok sa sirkulasyon ang ‘Flora and Fauna series’ saan nakatatak ang mga imahe ng mga bayaning Pilipino at iba’t ibang klase ng hayop at halaman sa likod. Kasama ang mga baryang 1, 5, 10, 25 at 50 ­sentimos ang P1, P2 at ang nagbabalik sa sirkulasyon na P5. Mayroon ­nailistang error o pagkakamali sa baryang 1 sentimos saan nakasulat ang ‘Pandaka pygmea’ imbes na ‘Pandaca pygmaea’ at 50 sentimos saan nakasulat ang ‘Pithecobhaga jeferryi’ imbes na ‘Pithecophaga jeferryi.’ Nademonetized o nawalan ng bisa bilang legal tender ang mga baryang ito noong Enero 2, 1998.

Bilang kapalit sa ABL series coins, naglabas ang Bangko Sentral ng Pilipinas noong Disyembre 1995 ng mga ­baryang nakatatak sa likod ang logo nito. Noong Hulyo 10, 2001, naglabas ang BSP ng 10-piso coin saan nasa harapan ang nagkasamang mukha nina Andres Bonifacio at ­Apolinario Mabini. Napalitan din ang ABL series na perang papel. Ang mga P5 pisong barya na may petsang 1997 at 1998 na nailimbag ng Royal Canadian Mint ay walang mint mark habang ang mga napanday sa Pilipinas ay mayroong mint mark. Lahat na P5 coins na may petsang 1999 pataas ay mayroon nang mint mark.

Sa pagbabago ng panahon, sabay na nagbago rin ang anyo maging ang ­metal na ginagamit sa mga barya. At sa inilabas na New Genaration series, bakal na ang ginamit kaya magnetic o dumidikit sa magnet.

Nakasaad dito ang ilang uri ng halaman gaya ng Kapal-Kapal baging, Tayabak at Katmon.

Noong Hulyo 2019, inanunsyo ng BSP na plano nilang palitan ang mga perang papel na P20 sa barya. At noong Septyembre ng taon kasalukuyan, inihayag ng BSP na papalitan din ang ­disensyo ng P5 barya upang maiwasang magkamali o mapagkamalang P1 ang ­baryang nabanggit.

Nakatakdang ilabas ang bagong anyong P5 ngayong Disyembre.

Suporta sa ­magandang ­layunin

Upang maibalik sa sirkulasyon ang mga baryang 1, 5, 10 at 25 sentimos, naisip ng isang ­miyembro ng Pugad Lawin ­Philippines – International Incorporated – ­Balangay ng Pugad Lawin sa Quirino na ilunsad ang ‘Barya Mo! Buhay Ko!’ Layon nito na makolekta ang mga nasabing barya at maibili ng gamit gaya ng maliit na solar power system at ibigay sa mahihirap na kababayan natin lalo ang mga wala pang kuryente o ilaw sa tahanan.

“Kahit kabilang ako sa ‘isang kahig, isang tuka’, nais kong makapag-ambag ng ngiti sa kapuspalad nating ­kababayan,” wika ni Lawin Almazan. “Hindi sa halaga nang malilikom ang batayan. Ang mahalaga ay ang pagbibigay importansya sa ating pera lalo na sa mga barya,” dugtong nito.

Idinagdag nito: “Kung maibabalik natin sa ­sirkulasyon ang mga barya, makakatulong ito sa ating ekonomiya.”

Ang Pugad Lawin ­Philippines – ­International Inc. ay matagal nang ­gumagabay at kaagapay ng mga Pilipino lalo ang mga underprivilege. Nagsimulang magpalaganap ang PLPII bolunterismo o ­Lawinism sa buong bansa noong 1970.

Hinihikayat ng PLPII ang sambayanan na pahaalagahan ang mga barya dahil malaki ang halaga nito. Suportahan ang Barya Mo! Buhay Ko! sa pag-share ng mga sentimos. Kung hindi man mai-donate, ay gamiting pantustos sa ­ating pangangailangan. Maliit man ay malaki kapag napagsamasama.

Please follow and like us:
Read More

P62–B KINITA NG MANILA WATER AT MAYNILAD

BAKBAKAN NATIN

NANALO ang Manila Water Company Inc. sa ipinaglaban nito kontra sa pamahalaan ng Pilipinas sa arbitration panel hinggil sa ikinalugi umano noong Hunyo 2015 hanggang Nobyembre 2019 ng nasabing kumpanyang pag-aari ng pamilya Ayala.

Ang Manila Water ay kumpanya ng Ayala Corporation na pag-aari ng pamilya Ayala.

Nagpasya ang Permanent Court of Arbitration (PCA) na bayaran ng pamahalaan ng Pilipinas ang Manila Water ng P7.4 bilyon.

Bababayaran din ng pamahalaan ang ibinayad ng Manila Water sa PCA nang ihabla nito ang pamahalaan ng Pilipinas at iba pang singilin.

Sa reklamo ng Manila water, umabot sa P7.4 ­bilyon ang kabuuang halaga na ikinalugi ng ­kumpanyang ito mula 2015 hanggang 2019 dahil hindi pumayag ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System – Regulatory Office (MWSS – RO) na itaas ng Manila Water sa babayaran ng mga kustomer nito kada buwan simula dapat noong 2015.

Kaya tumutol ang MWSS – RO  dahil naniniwala itong hindi dapat isama ng Manila Water sa kahilingan nitong umento sa sinisingil nito sa kanilang mga kustomer, ang corporate income tax (CIT) na P2.77 per cubic meter.

Kaya ginaya ng Manila Water ang Maynilad nang ihabla ng kumpanya ng pamilya Ayala ang pamahalaan ng Pilipinas sa PCA sa Singapore.

Ang gustong mangyari ng Manila Water ay isama sa pagtaas ng buwanang singil nito sa kanilang mga kustomer, ang buwis na ibabayad sa Bureau of Internal Revenue (BIR) mula noong 2015.

Ang CIT ay uri ng buwis na ibinabayad ng isang kumpanya sa pamahalaan batay sa kinikita ng kumpanya sa negosyo nito.

Ang pagbabayad ng buwis ng mga kumpanya at negosyante ay tungkulin at obligasyon nila sa pamahalaan na itinakda at ipinag-utos ng batas.

Hindi dapat ipinapasa ng mga negosyante, tulad ng pamilya Ayala na siyang pangunahing ­may-ari ng Manila Water, ang pagbabayad ng buwis sa publiko o sa mga kustomer nito.

Kapag ipinasa kasi sa kustomer  bilang bahagi ng babayaran nila kada buwan ay malinaw na ang mga kustomer ng Manila Water ang nagbayad ng buwis ng kumpanyang ito sa BIR.

Ang argumento ng Manila Water sa PCA ay labag sa kontrata sa pagitan ng Manila Water at pamahalaan ang paghadlang sa umento ng buwanang ­singil ng naturang kumpanya sa mga parokyano nito.

Iginiit ng Manila Water na ang paglabag sa kontrata ay nagresulta sa malaking pagkalugi nito.

Ngunit sa rekord mismo ng Manila Water ay umabot sa P25 bilyon ang kinita ng kumpanyang ito mula 2015 hanggang 2018.

Kung kukuwentahin, pumalo sa P6.25 bilyon ang tubo ng pamilya Ayala sa kanilang Manila Water kada taon mula 2015 hanggang 2018.

Napakalaki nang itinaas sa tubong ito ng pamilya Ayala kung ikukumpara mula sa 2011 hanggang 2014 na umabot sa P22.4 bilyon (P5.6 bilyon bawat taon ang kita sa panahong ito).

Nalugi pa ba ang Manila Water ng pamilya Ayala samantalang napakalinaw ng tubo nilang P25 bilyon sa panahong tumanggi ang MWSS – RO na isama ang taripa.

Masama pa ba ang P25 ­bilyong tubo samantalang distribusyon ang negosyo ng Manila Water?

Bago makakuha ng magandang desisyon ang Manila Water Company Inc., nauna nang pinaboran ng PCA ang Maynilad Water Services Inc.

Pareho ang dahilan ng Maynilad sa Manila Water nang katigan ng PCA ang kumpanya ni Pangilinan.

Iginiit ng Maynilad sa PCA na nalugi ito ng P3.4 ­bilyon mula 2013 hanggang 2017 dahil hindi pumayag ang MWSS – RO na itaas ang buwanang singil ng Maynilad sa kanilang mga kustomer.

Sa rekord ng Maynilad, umabot sa P36.7 bilyon ang kabuuang kinita ng Maynilad mula 2013 hanggang 2017.

Lugi pa ba ang Maynilad kung P36.7 bilyon ang kinita nito noong mga taon na iginiit nito sa PCA na sila ay nalugi?

Ang Maynilad ay kontrolado ng Metro Pacific Investments Corporation samantalang ang DMCI Holdings Inc. ay tinatayang 27 porsiyento ang pag-aari sa nasabing kumpanya.

Ang namamahala ng Metro Pacific Investments dito sa Pilipinas ay si Manny ­Pangilinan.

oOo

Alam ko na kayong mga mambabasa ay higit na maraming nalalaman kaysa inyong lingkod. Kaya tumawag o ­mag-text na sa: 0998 – 565 – 0271. (BAKBAKAN NATIN! / Nelson Badilla)

Please follow and like us:
Read More

KUNG MAY DELICADEZA SI USEC. VILLAR DAPAT MAG-RESIGN NA SIYA SA DOJ

CHRISTIAN BOMB

NABISTO na si Justice Usec. Emmeline Aglipay-Villar, misis ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Mark Villar ang isa sa nag-review sa water concession contract ng mga nakaraang administrasyong Ramos at Arroyo sa Manila Water at Maynilad.

Ang gobyerno ni dating Pangulong Fidel V. Ramos ang unang pumasok sa kasunduan na ang kontrata sa pamamahala ng Manila Water at Maynilad sa Metro Manila, Cavite at Rizal ay mapapaso sa taong 2022 at sa panahon ng dating gobyerno ni ex-Pres. Gloria Macapagal-Arroyo ay in-extend ang kontrata ng hanggang taong 2037.

Sa pinasok na kontrata ng gobyernong FVR sa Manila Water at Maynilad ay talo ang pamahalaan at taumbayan dahil isa sa nakasaad sa kasunduan, kapag nalugi ang mga kumpanya, ang lugi nila ay sa gobyerno babawiin.

Iyan ang ikinagalit ni Pres. Rodrigo Duterte lalo’t natalo sa Permanent Court of Arbitration sa Singapore ang Pilipinas, na ang utos sa Philippine government ay bayaran ng pinagsamang mahigit P10 bilyon ang Manila Water at Maynilad dahil nalugi raw ang mga kumpanya nang tumanggi ang ­dating administrasyon ni ex-Pres. Benigno Aquino III na magtaas ang mga ito ng singil sa tubig.

Minura at pinagbantaan ni Pres. Duterte na sasampalin, kakasuhan, ipakukulong ang mga Ayala ng Manila Water at si Manny V. Pangilinan ng Maynilad, at pagkaraan niyan ay kinansela na ng MWSS ang kontratang hanggang 2037, na ibig sabihin, hanggang taong 2022 na lang ang pamamahala ng Manila Water at Maynilad sa serbisyo ng tubig sa Metro Manila, Cavite at Rizal dahil may iba nang kumpanyang papalit sa kanila.

Ang pagkansela ba ng MWSS sa kontratang ito ay ibinase sa review ng DOJ, na ang isa sa ­reviewer ay si Usec. Villar, na ang pamilya ay nagmamay-ari naman ng Prime Water ?

Malinaw na may conflict of interest diyan, kaya’t kung may natitira pang delicadeza si Usec. Villar sa kanyang sarili, dapat mag-resign na siya sa puwesto. (CHRISTIAN’S BOMB / Christian Hernandez)

Please follow and like us:
Read More

RAPE SUSPEK NAMARIL SA LOOB NG PCP, PATAY

BARIL-9.jpg

BAGAMAT namatay sa engkuwentro, nanganib naman ang buhay ng isang 8-anyos na batang lalaki nang makalimutang kapkapan at dis-armahan ang una na inimbitahan para imbestigahan sa kaso ng  panggagahasa  sa loob ng Police Community Precinct (PCP) sa Dasmariñas City.

Kapwa isinugod sa Pagamatuan subalit idineklarang dead on arrival ang suspek na si Justine De Guia, nasa wastong edad at residente ng Block 25, Lot 5 Extension, Brgy Luzvimindas 2, Dasmariñas City, Cavite.

Tinamaan naman ng ligaw na bala ang batang si “Jayjay”  ng Burol  2 ng nasabing siyudad.

Sa ulat ni SSgt Richard Domingo ng Dasmarinas City Police Station, na unang  inimbitahan  ang suspek sa loob ng Burol  Police Community Precinct (PCP) 10 dahil sa sumbong ng isang Natalie Rose Yunching na pinagbantaang papatayin ito matapos na ituloy ang demanda laban sa suspek

Agad namang nagresponde ang mga pulis sa lugar  at dinampot ang suspek at dinala sa nasabing PCP.

Gayunman, habang iniimbestigahan ay bigla umanong dinukot ang nakatagong kalibre 22 na  baril sa loob ng kanyang brief at tinangkang paputukan  ang isa sa mga Police Officer sa presinto subalit nagmintis saka ito tumakbo palabas.

At habang papalabas, muli itong nagpaputok ng baril kaya napilitan ang mga otoridad na gumanti ng putok hanggang sa tamaan ang suspek.

Sa kalagitnaan ng engkuwentro ay tinamanan si Jayjay na noon ay naglalaro sa lugar .

Ang insidente ay naganap dakong alas-12:30 ng hapon kamakalawa.

Nasa maayos nang kalagayan ang bata. SIGFRED  ADSUARA

Please follow and like us:
Read More

BARYA, MALIIT O MALAKI, MAHALAGA (1)

BARYA-1

(NI MAC CABREROS)

SABI ng lolo’t lola ko, noong mga bata pa sila, masaya na silang makahawak ng isang sentimo, limang sentimo at dies sentimo. Noong araw, sa halagang piso, nakakabili na ng kalabaw at kapag may P10 ang isang tao ay mayaman na siya dahil kaya na niyang makabili ng isang hektaryang lupain.

Napakahalaga noon ang mga barya, ng pera, kaya ang pagtitipid at pag-iimpok ay ‘ipinamana’ sa atin ng ating mga ninuno. Kumapara kaya ngayon, may halaga pa ba ang barya lalo ang 1, 5, 10, 25 sentimos?

Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas, abot sa ISANG BILYONG PISO (1 Bilyon) ang baryang sentimos. Opo, malaki ang halaga ng mga barya. Bukod ito sa mga espesyal na barya lalo ang mga sinauna kung saan libu-libo o milyones pa ang katumbas nito sa mga coin collector.

Malimit hindi na pinapansin o binibigyang halaga ang mga barya. Madalas ay pinaglalaruan lamang ng mga bata at minsan ay itinatapon na lamang. Ito ay dahil pakiwari natin ay wala na itong silbi. Ano nga ba ang katumbas o nabibili ng sentimos?

Noon, nakakabili tayo ng tinapay sa isang ‘nickel’.

Humihingi pa tayo ng ‘tawad’ o discount na kahit isang kusing lamang kapag may binibili tayo. Para naman sa mga negosyante, malaking kawalan sa kanilang kita ang sentimos.

Sabi, hindi mabubuo ang piso (P1) kung walang sentimos. Tama po, mahalaga ang sentimo. Kasinghalaga ng numeral na ‘0’ , kahit katumbas nito ay bokya o wala,  dahil hindi magiging sampu, isang daan, libo, milyon, bilyon, trilyon, quadrillion, quintillion, sextillion, septillion, octillion, nonillion, decillion hanggang sa centilliion, kung walang ‘0’ matapos ang ‘1’.

Dati, ang barya ay gawa sa ginto, jade, quartz at kahoy.

Tawag dito ay ‘cowry shells’. Ginagamit ito pambili ng produkto sa ilalim ng sistemang barter trade noong panahon ng ating mga ninuno o pre-hispanic era. Nagamit din sa barter trade ang mga alahas at gamit na gawa sa ginto at pilak noong panahon ng mga Tsino. Nagamit din ng ating mga ninuno, lalo ang Kingdom of Tondo, Namayan at Rajahnate of Butuan ang ‘Piloncitos’, maliliit na ginto na may tatak bilang patunay na pera o legal tender na maaring pambili o pamalit sa produkto.

Nang manakop ang mga Espanyol noong 1521, nauso ang pera o salaping gold onzas o eight escudos. Lumaganap din ang macuquinas o silver coins na may markang krus at royal coat-of-arms. Tinawag ito ng mga Pinoy na ‘hilis kalamay’ dahil nahahawig ito sa pabilog na rice cake. Napalitan ito ng mga Columnarios o dos mundos na naimprenta o napanday noong 1726. Bilog na ito at lumaganap sa Pilipinas at iba pang bansa.

Noong 1857, ipinag-utos ni Queen Isabella II ang pagtatag sa Casa de Moneda de Manila sa Pilipinas. Nahulma dito ang 1, 2 at 4 peso coins na gawa sa ginto at inilabas noong 1861. Kasunod nito, napanday naman ang 10 at 20 sentimo na gawa sa silver. (Sa panahong ito, unang lumabas ang unang perang papel noong 1851 at kilala bilang ‘Philippine peso fuerte.’ Nilimbag ito ng El Banco Espanol Filipino de Isabel II, ang kaunaunahang banko sa Pilipinas).

Noong 1898-1901 o Revolutionary period, naglabas ang administrasyon ni General Emilio Aguinaldo, bilang Pangulo ng Pilipinas, ng mga baryang centavo at perang papel na One Peso na may tatak ‘Republica Filipina’.

Nang mapasailalim sa kontrol ng mga Amerikano ang Pilipinas, may baryang gawa sa ginto at pilak. At noong US Commonwealth, napanday ang mga barya saan nakatatak sa harap ang isang lalaki na nakaupo sa pandayan o anvil at nakatayong babae at taglay ang tatak na agila at

‘Commonwealth of the Philippines’ sa likod. May denomination itong 1 centavo, 5 centavo, 10, 20 at 50 centavos at one peso.

Noong World War II, naglabas ang gobyerno ng Japan ng fiat currency o kilala rin bilang Mickey Mouse money.

Nang maglabas ang Pilipinas ng barya noong 1958, napalitan ang 20 sentimos na US-PH coin sa 25 sentimos gamit ng base metal.

Nakatatak pa rin dito ang isang lalaki na nakaupo sa pandayan o anvil o nakatayong babae at ang Mayon volcano sa harap habang sa likod ay ang tatak ng Central Bank of the Philippines.  Hinulma o minted sa Philadelphia mula 1958 hanggang 1963, sunod ang Royal Mint ng

Inglatera at Vereinigte Deutsche Metallweke sa West Germany noong 1965 at 1966. Tinawag itong ‘English series’.    May kasunod

Please follow and like us:
Read More

‘PAG WALA ANG PUSA NAGLALARO ANG DAGA

BOMBAHAN NA FINAL

ITO ang nangyari sa naganap na kidnapping sa isang babaeng Chinese national sa Makati City na nakunan ng video noong Lunes ng gabi.

Parang pusa na nalusutan ng daga habang wala sila.

Kaya hayon, natangay ng kapwa Tsekwa si Manay, kawawa naman.

Nangyari ang pangingidnap bandang alas-9 ng gabi noong Lunes sa isang kalye sa Makati.

Kitang-kita at dinig na dinig sa video ang boses ng babae na nagsisigaw sa loob ng puting sasakyan na nag-viral sa social media.

Kung mayroong pulis na nakalat sa kalye sa lugar ay hindi sana nangyari ang kidnapping.

Ibig sabihin, natutulog sa pansitan ang Police Makati nang mga oras na ‘yun kaya sila nalusutan?

Alam na nilang dumagsa na ang mga Tsekwa sa Pinas at may mga ulat na sila sila mismo ay nagkikidnapan.

Sana alertado na sila nang hindi sila nalulusutan.

Nagpapatunay lamang po sa pangyayaring ito na ang mga Tsekwa ay nagkalat na sa Pinas.

Dito na sila nagkakalat ng lagim, mga biktima nila ang mismong mga kababayan nila.

Maraming mga tao ngayon ang nasa lansangan dahil Disyembre na kaya dapat maging mapagmatyag at alertado ang mga awtoridad.

Wala kayong karapatang magpakuya-kuyakoy.

Naglipana rin siyempre ang iba pang mga kriminal tulad ng holdaper, isnatser at iba pang masasamang loob.

Nariyan din na dapat n’yong bantayan ay ang vendors na atat na atat na namang bumalik sa bangketa.

Maraming masasamang loob ang mananamantala dahil alam nila na ang mga tao ngayon ay may mga pera.

Hindi lingid sa kaalaman ng mga pulis na tuwing sasapit ang ‘ber months’ ay dumarami ang mga tao sa Metro Manila.

Kaya nga pagdating ng holiday seasons ay hindi na sila pinapayagan na magbakasyon.

At alam din nila na kung kailan maraming tao ay saka sumasabay ang mga kriminal.

Payo naman po ng BOMBAHAN NA sa mamamayan na mag-ingat po kayo at maging mapagmasid sa kapiligiran.

‘Wag din po kayo magdadala ng mamahaling gamit tulad ng mga alahas sa tuwing lalabas kayo ng bahay para hindi kayo mabiktima ng mga masasamang loob.

Tiyakin n’yo rin po na naka-padlock ang inyong mga bahay bago po kayo umalis.

Ang kaligtasan po ninyo ay nakasalalay rin sa inyo.

Advance merry Christmas po sa ating lahat.

oOo

Pasabugin ang katiwalian, isumbong sa BOMBAHAN na, mag-email joel2amongo@yahoo.com//operarioj45@gmail.com (BOMBAHAN NA! / JOEL AMONGO)

Please follow and like us:
Read More

ASTIG MO TATAY DIGONG

NIPIS

KUNG noon ay marami na ang pumanig at naniwala sa katatagan ni Presidente Rodrigo Roa Duterte, ngayon mas lalong maraming pumanig sa kanya sa tatag sa paninindigan at at higit sa lahat ay sa paging tapat sa Pilipinas.

Marami ang nag-aakusa sa Pangulong Duterte na panig na panig ito sa China kung kaya’t hindi niya magalaw ang bahagi ng Pilipinas, ang Scarborough Shoal, lalo na nang magkaroon ng sigalot sa pagitan ng Chinese at Filipino fishermen nang mabangga ang sasakyan ng mga mangingisdang Pinoy ng barko ng Chinese fishermen.

Higit na bumatikos kay Pangulong Digong ang mga oposisyon o tinatawag na dilawan na ayon sa pagkakaintindi ng marami ay dahilan umano nang paglubog ng ekonomiya ng ating bansa.

Mukhang tama naman ang akusasyon dahil tila sa mga kumpanya ring nasa pag-aari ng mga kaibigan ng mga dilawan napunta ang mga kontratang pangserbisyo ng gobyerno na sa halip na magpaangat ng kalagayan ng mga mamamayan ay mas lalong nagpahirap dahil sa pangit na ibinibigay ng mga ito.

Sabi nga ng isa sa mga anak ko na maka-Duterte noon pa mang bago maghalalan, “Ma, sabi ko sa’yo astig ang Tatay Digong. Akalain mo, pawang urong ang sungay ng mga kumpanya ng tubig sa kanya.”

Batid kasi ng anak ko na hindi naman si Pangulong Rodrigo Duterte ang ibinoto ko noong 2016 elections kung hindi ang pumanaw na si dating Senadora Miriam Defensor Santiago.

Pero sa pag-upo ng pangulo bilang ulo ng bansa, wala tayong magagawa kundi tanggapin ang katotohanan na siya ang ibinoto at ginusto ng 16 na milyong Pilipino  na hindi matanggap ng halos 6 na milyong bumoto sa katunggali nito.

Subalit bago matapos ang termino ni Pangulong Digong, unti-unting nakukuha nito ang suporta ng mga politiko, totoong politiko na nagmamahal sa Pilipinas at kanyang mga kababayan, hindi politikong trapo.

Malaking bagay para sa mga mamamayan na nagkaroon ng takot kay Pangulong Duterte ang mga puno ng Manila Water at Maynila Water kung kaya’t umatras ang mga ito sa kanilang mga nais mangyari – ang maging sunud-sunuran ang mga tao sa kanilang gusto at patakaran.

Saan ka nga ba naman nakakita ng negosyong kapag kumita ang kumpanya ay sila lang ang masaya at kawawa ang kanilang mga kliyente habang kapag nalugi sila ay kinukuha nila ang bayad sa bulsa ng mga mamamayang kumukonsumo ng tubig.

Ibang klase ang concessionaires ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System dahil ang kanilang buwis ay sa mga mamamayan din nila sinisingil. Saan ka pa? Aba’y todo-todo ang ginagawa nilang paggisa sa sariling mantika sa mga Pinoy.

Maganda ang ginawa ng pangulo na galit sa Manila Water at Maynila Water dahil sinabi ng mga pinuno ng mga ito na hind na nila sisingilin ang utang ng gobyerno sa kanila bukod pa sa sila na rin ang magbabayad ng buwis ng kanilang kumpanya at maging iba pang bayarin at higit sa lahat iasasaayos na nila ang mga dapat ayusin tulad ng pag-set up ng  wastewater treatment facilities.

Galing! Elib na ang marami kay Tatay Digong. Sana, matapos ang tubig,  isunod naman ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kumpanya ng kuryente tulad ng Manila Electric Company at iba pa at kumpanya ng langis tulad ng Big 3 – Shell, Petron at Caltex.

Siguro naman, kapag maayos na ang tubig, kuryente at gasolina ay puwedeng magtuloy tuloy na ang pag-ahon ng bansa mula sa paghihirap.

Dalangin ng marami ay sumagi sana sa isip ni Pangulong Duterte na hindi lang mga kumpanya ng tubig ang nagsasamantala subalit maging ang mga kumpanya ng enerhiya. Gayunman, maganda na rin ang nangyayari dahil nadaragdagan ang mga humahanga at naniniwala kay Pangulong Duterte at sa adhikain nito na mapaunlad ang bansa sa pamamagitan nang pagpapaangat ng ekonomiya. (NIPIS / LEA BOTONES)

Please follow and like us:
Read More

PINOY AKO! IPINAGMAMALAKI ANG LAHING KAYUMANGGI

Philippine Identification System

(Ni Mac Cabreros)

PINOY Ako. Ipinagmamalaki ko ang lahing aking pinagmulan at meron akong pagkaka­kilanlan. Nakatatak ito sa aking pagkatao. Kaya naman tanggap ko sa identification document (ID) ko na Filipino ako sa isip, sa salita at gawa.

Isinusulong ngayon ang Philippine Identification System o PhilSys ID o Pambansang Pagkakilanlan.

Mahalaga ang ID sa buhay ng bawat Pinoy. Gina­gamit ito sa anumang transaksyon sa gobyerno at maging sa pribado.

Unang ikinasa ng admi­nistrasyon ni Pangulong Fidel V. Ramos noong 1990 ang pagkakaroon ng national ID system.

Ngunit nabigo ito dahil matinding pagtutol ang isinasalubong ng ilang sector sa kadahilanang panghihimasok sa privacy at malalabag ang karapatang pantao ng bawat indibidual.

Sa sumunod na admi­nistrasyon, isinulong sa Kongreso ang panukalang magkaroon ng iisang ID. Bahagyang naitaguyod ang Unified Multipurpose ID kung saan nakapaloob sa iisang ID ang lahat na impormasyon ng bawat individual o isang ID na lamang ang gamitin sa transaksyon. Ngunit hindi pa rin ito naging malawakan ang implementasyon. Maraming establis­yemento, gaya ng banko, ang nagre-require na magpakita ng dalawa o higit pa na ID para sa transakyon.

Dahil sa kagustuhang magkaroon ng nag-iisang ID, isinalang muli sa Kongreso ang panukala hinggil dito. Nagkaroon ng balitaktakan o masusing pagtalakay sa committee ng Mababang Kapulungan at Senado hanggang sa Bicameral Conference Committee. Ngunit, kalauna’y naipasa at nilagdaan ito ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Agosto 6, 2018.

Saklaw ng National ID system ang lahat na mamamayang Filipino kasama ang may dual citizenship, gayundin ang mga resident alien o dayuhang nakatira na sa Filipinas.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), maari nang magparehistro para sa national ID system sa Hulyo 2020.

Bago nito, magkakaroon ng pilot testing sa Metro Manila particular sa mga benepisaryo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD); mga empleyado ng National Economic and Development Authority (NEDA) at PSA.

Pasisimulan dito ang pagkuha ng biometric at demographic features na ilalagay sa ID.

Ito, ayon sa PSA, ay para mabatid kung siguradong ‘secured’ ang mga impormasyong maipapasok sa sistema at mapangalagaan ang privacy at karapatan ng indibidual.

“We want to ensure that the processes are efficient, the systems are fully functional, and all information within the system are secure,” pahayag PSA.

Kung maganda ang resulta ng pilot test, sunod na ipatupad ang ID system sa iba pang rehiyon particular sa Region III at IV-A.

“If the initial test run proves to be successful, the government will ramp up the project’s implementation,” pahayag ni Socio-economic Planning Secretary Ernesto Pernia.

Binanggit ni Pernia, nakalahad sa ID ang buong pangalan, kasarian, kapanganakan, lugar ng kapanganakan, tipo ng dugo, tirahan, at kung Filipino o dayuhan.

Bawat transaksyon, kailangan ang ID. Maging sa Barangay Health Centers, gaya sa mga barangay sa Pasig City, ay hinahanapan ng Voter’s ID ang hihingi ng serbisyong medical.

Dahil dito, ipinag-utos ng bagong alkalde ng Pasig na alisin ang politika at  palakasan sa pagkakaloob ng serbisyo publiko at sa halip ay pairalin ang “totoong serbisyo publiko”.

Tama nga naman po. Bakit kailangang botante ka sa lugar bago ka bigyan ng gamot? Paano kung taga-pro­binsya ka at nagtatrabaho ka sa Lungsod?

Kailangang pumunta ka sa barangay mo para magpa-check up?

Anupa’t anuman, kailangan talaga na magkaroon ng iisang ID. Batid naman natin na magtungo sa iba’t ibang sangay o ahensya ng gobyerno para kumuha ng ID gayundin na magbayad sa kada ID na kukunin.

Sa ganang amin, wala kaming tutol sa National ID system.

Please follow and like us:
Read More

WAR ON SA DRUG CARTELS LABAN NI ELEAZAR

KAAA BOOM

MULING iniha­yag ni P/Lt. General Guiller­mo Lorenzo Eleazar na nakatutok pa rin siya para labanan ang drug cartels sa bansa.

Ito ang inihayag ng heneral sa kanyang talumpati nang bigyan siya ng isang star kaya naman sa ngayon ay 3 estrella na ang nasa balikat nito.

Sa pahayag ni Eleazar “I personally declared war against the bigtime drug lords and cartels when I joined hands with BuCor Director General Gerald Bantag in demolishing the kubols in the Bilibid a few months back”.

Matatandaan na sina Eleazar at Bureau of Corrections (BuCor) director, Gen. Gerald Bantag ang naglakas loob na gibain ang “business rooms” sa loob ng New Bilibid Pri­son (NBP).

Kasi nakaabot sa kaa­laman ng dalawang opisyal na kahit nasa loob ng NBP ang convicted drug lords  ay patuloy ang mga ito  sa kanilang operasyon kung saan ang pronta ng kanilang bentahan at nagiging stock room ng ile­gal na droga ay ang mga kubol na itinayo sa nasabing kulungan. Ganun?

Nakakikilos pa rin sa kanilang negosyo ang mga drug lord sa loob dahil sa pakikipagsabwatan ng i­lang jailguards. Siyempre malaking halaga ang kapalit ng sabwatan ng drug lords at jail guards pero walang pakialam sina Elea­zar at Bantag kung sino pa man ang kanilang nasagasaan sa pag-demolish nila ng mga kubol sa NBP dahil dito  nangyayari ang lahat o karamihan sa mga transaksyon sa droga.

Dahil dito, hindi ako magtataka na marami ang galit kina Eleazar at Bantag sa kanilang ginawa at tiyak pinag-iinitan na ang dalawa ng drug cartels.

Ang siste pa, nalaman ni Eleazar na ang pagkakasangkot ng convicted drug lords sa pagkakalat ng ilegal na droga sa bansa ay  kompirmado makaraang mapatunayan sa iba’t ibang drug ope­rations sa kanyang superbisyon, simula nang ma­ging District Director siya ng Quezon City Police District (QCPD)

Noong nasa QCPD pa ang heneral, kaliwa’t kanan ang ginawa niyang panghuhuli na mga bigtime drug pusher bilang bahagi ng kanyang seryosong pagsugpo sa ilegal na droga na numero unong kautusan ng aking Lolo Digong.

Dahil dito, inilipat o na-promote ang opisyal sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) bilang Regional Director at  halos dalawang buwan lamang ang kanyang itingal sa nasabing rehiyon ay malaki ang ginawang kampanya ni Eleazar para mapilayan ang mga drug lord sa naturang mga probinsya.

Hayun, nakita uli ng palasyo ang sinseridad ni Elea­zar kaya agad siyang inalis (promoted uli) sa PRO 4A. Ginawa siyang Regional Director ng National Capital  Regional Police Office (NCRPO) at iginawad sa kanya ang isa pang estrella.

Sa NCRPO ay naging mas lalo pang seryoso ang heneral sa kampanya sa ilegal na droga kaya hinirang ang NCRPO bilang best region.

Labis naman na nagpasalamat si Eleazar kay Pangulong Rodrigo ‘Roa’ Duterte ganoon din kay dating PNP chief at ngayon Senator Ronald ‘Bato’ Dela Rosa sa ibinigay na tiwala sa kanya dahilan upang lalo pang pagbutihin ng heneral ang serbisyo niya sa pambasang pulisya.

Ngayon ang tanong, sino pa nga ba ang may karapatan at may napatunayan na mayroon iniambag para tapusin ang ilegal na droga sa bansa sa tatlong heneral na sinasabing nasa shortlist ni Lolo Digong ko? Kayo na po ang humusga! KABOOM. (KAAA…BOOM!!! / JOEL GOROSPE)

Please follow and like us:
Read More

INIONG AT SAGLAG, BUMIGWAS NG GINTO SA SEA GAMES KICKBOXING

KICKBOXING

(Photo: NAISKORAN ni Gina Iniong ang karibal sa solidong atake sa kaagahan ng kanilang duwelo sa women’s -55kg kick light category sa kickboxing competition ng 30th Southeast Asian Games.)

HINDI nagpahuli ang Philippine Kickboxing Team sa combat sports na dinomina ng Pinoy sa 30th Southeast Asian Games.

Sa huling araw ng kompetisyon sa Manila cluster ng biennial meet nitong Martes ng gabi, tinuldukan ng Philippine Kickboxing Team ang matikas na kampanya sa napagwagihang gintong medalya nina Gina ‘The Conviction’ Iniong at Jean Claude Saglag sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

Taglay ang karanasan na hinubog sa international arena ng pamosong Team Lakay, nadomina ng Baguio City pride na si Iniong ang karibal na si Mingkwan Api ng Thailand tungo sa 3-0 panalo sa women’s -55kg kick light category gold medal match.

Hindi nagpahuli si Saclag na mistulang makina sa bilis ang mga paa at kamay para pigilan na makaporma ang karibal na si Mahmoud Mohammed ng Malaysia sa kanilang duwelo sa championship match ng men’s -63.5kg low kick category.

Nagdagdag naman ng bronze medal si Cordilleran fighter Karol Maguide matapos magwagi kay Cheuangvanheuang Phan ng Laos sa men’s-51kg full contact category.

“Masaya kami at nakapag-ambag kami sa kampanya ng Team Philippines. Mahusay din ang mga kalaban namin, talagang nakapaghanda lang kami ng mabuti. Malaki ang pasasalamat namin sa aming mga opisyal, sa pamumuno ni Senator Francis Tolentino,” pahayag ni Iniong, sumasabak sa atomweight division ng pamosong ONE FC.

Sa unang pagkakataon na nilaro ang kickboxing sa biennial meet, impresibo ang Pinoy fighters sa napagwagihang 3 ginto, 2 silver at isang bronze sa eight-division tournament.

Walang pagsidlan naman ang kasiyahan ni Samahang Kickboxing ng Pilipinas (SKP) president Senator Francis ‘Tol’ Tolentino sa kahanga-hangang kampanya ng Pinoy fighters sa kabila ng katotohanan na bago pa lamang na nabubuo ang kickboxing association, kumpara sa karibal na bansa na may nilalaro nang pro tournament.

“Kumpara sa ibang atleta ng ibang mga bansa, bagito tayo pagdating sa laro na ito, pero pinatunayan ng mga manlalaro natin na ang Pinoy, hindi magpapatalo at lalaban hanggang dulo,” pahayag ni Tolentino.

Inamin ni Tolentino na kailangang doblehin ang kanilang programa, higit sa aspeto ng grassroots sports development upang mas maihanda ang koponan sa susunod na SEA Games na gaganapin sa Ho Chi Mi, Vietnam sa 2021, gayundin ang posibilidad na makapasok ang sports bilang regular sports sa Asian Games sa 2022 sa China.

“Nandito naman ang lahat ng representatives ng Sea Games Federation. We’re united for the inclusion of kickboxing in Vietnam edition and hopefully makasama na rin tayo sa Asian Games.”

“Palalakasin natin ang ating programa, kaya kakausapin namin ang DepEd para maisama ito sa Palarong Pambansa para maenganyo naman ang mga kabataan na magsanay at lumahok din dito. Hopefully, makombinsi rin natin ang mga collegiate league na maisama ang sports sa kanilang programa,” pahayag ni Tolentino.

Please follow and like us:
Read More

PAMILIHANG TUBIG

yourservice

NAGALIT kama­kailan ang si Pangulong Rodrigo Duterte nang mabalitaan niya na pinagbabayad ang pamahalaan ng mahigit pitong bil­yong piso sa Maynilad at Manila Water. Ang kautusang ito, ayon sa balitang kumakalat ngayon sa mga diyaryo, social media at sa telebisyon, ay dulot nang paghain ng mga kaso ng Manila Water at Maynilad dahil sila raw ay nalugi nang hindi sila pinahintulutan ng pamahalaan na itaas ang kanilang singil sa tubig. Nangyari ito noong termino pa ng nakaraang administrasyon.

Dahil daw sa pagka­lugi at hindi pagpayag na itaas ang singil, dumulog ang mga ito sa arbitration court at sila’y nanalo. Ito na nga, kung susumahin ay mahigit sa pitong bil­yon ang kailangan daw ibayad ng ating pamahalaan sa kanila. Kung titignan mo ang halaga, parang budget na ng isang kagawaran o proyekto ng pamahalaan.

Hindi ako magugulat kung nagalit ang Pangulo lalo na sa kanyang paha­yag tungkol sa concessionaire agreement  na tagilid daw o dehado ang pamahalaan. Ayon sa Pangulo, na iniulat ng mga pahayagan at ng mga network sa television, nakasaad daw sa mga kontrata ng pamahalaan na ginagarantiya ang kikitain ng mga service providers na ito at kung makikialam daw ang pamahalaan ay maaaring idulog ang isyu o usapin sa isang international arbitral court. Ito na nga ang nangyari kaya may malaking problema tayo ngayon.

Ayon pa rin sa mga pahayag ng Pangulo sa telebisyon, hindi rin tumupad ang service providers tulad ng pagpapagawa ng sewage treatment facilities. Ngayon, dahil dito, inatasan ng Pangulo ang Department of Finance at ang Office of the Solicitor General na gumawa ng bagong kontrata na hindi dehado ang pamahalaan.

Sa aking munting palagay, hindi nakagugulat na makita nating galit ang Pangulo tungkol sa nangyayaring ito. Hindi biro ang mahigit sa pitong bilyon. Pera ng kabang bayan ang gagamitin kung babayaran man natin ito, ayon sa kautusan ng international arbitral court. Pera ng bayan, pera natin. Sa panahong sunud-sunod na ang mga suliraning hinaharap ng ating bansa, kasama na rito ang korapsyon, droga, trapik, mga kalamidad, epidemya, kabagalan ng pag-ikot ng hustisya, daragdag pa ito. Isama na rin natin ang kakulangan ng pera para salubungin ang mga suliraning ito.  Kinakapos na tayo sa pondo, kinakapos na rin sa pasensya ang mga tao.

Alam naman ng karamihan na mayroon tayong problema sa tubig ngayon, nakikita natin sa balita ang haba ng pila, ang sakri­pisyo at ang paghihirap ng ating mga kababayan sa pila at pag-igib ng tubig. Araw-araw itong nararanasan at tila walang lunas na darating. Tapos heto pa, kailangan pa pala tayong magbayad dahil hindi pinahintulutan ng pamahalaan noon na itaas nila ang singil sa tubig.

Ngunit naniniwala ako na may solusyon ang problemang ito, lahat naman ay may solus­yon. Kinakailangan lamang nating maging mahinahon muna, tapos irebisa natin ang mga batas na sumasakop sa usa­ping ito at bigyang lunas ito sa lalong madaling panahon. Tila madali sa salita, alam ko. Ngunit  mas maiging pagtuunan na natin ng solusyon kaysa naman tayo ay mananatiling galit at walang ginagawa. Maraming matatalinong tao sa pamahalaan na maaaring magsama at pagtuunan ng pansin at mag-isip ng solusyon. (@YOURSERVICE / ATTY. DAVID AQUINO)

Please follow and like us:
Read More

AYALA AT PANGILINAN, ATRAS SA TAPANG AT MALASAKIT NI PRES. DUTERTE

CHRISTIAN BOMB

HINDI na sisi­ngilin ng Manila Water at Maynilad sa gobyerno ang napanalunan nilang kaso sa Permanent Court of Arbitration PCA) sa Singapore na may kaugnayan daw sa pagkalugi ng kanilang negosyong tubig sa bansa.

Base sa desisyon ng PCA, pinagbabayad ang gobyerno ng Pilipinas ng P7.4 billion sa Manila Water ng mga Ayala at P3.4 billion sa Maynilad ni Manny Pangilinan.

Nag-ugat ang kaso nang tutulan ng gob­yerno ni dating Pangulong Benigno Aquino III ang hirit na dagdag-singil sa tubig ng Manila Water at Maynila, at ang ginawang basehan ng mga Ayala at ni Pangilinan ang kasunduan nuong 1997 sa gob­yerno ni dating Pangulong Fidel V. Ramos, na kapag tinutulan ang kanilang taas-singil sa tubig at sila ay nalugi, ang gobyerno ng Pilipinas ang dapat managot.

Minalas nga lang ang mga Ayala at si Pangilinan, dahil sa panahon ng gobyerno ni Pangulong Duterte inilabas ang desisyon na sila ay nanalo, at dahil dito, nagalit ang Pangulo at binantaang sila ay sasampalin at sasampahan ng kasong economic sabotage.

Sa takot sa banta ng Presidente, sinabi ng mga representante ng Manila Water at Maynilad na hindi na nila sisingilin ang gobyerno sa kanilang napa­nalunan sa kaso.

At hindi lang iyan, may bonus pa ang taumbayan, dahil nangako din ang Manila Water at Maynilad, na hindi  na rin nila ipapatupad ang dagdag-singil sa tubig sa Enero 2020.

Dapat saluduhan ng taumbayan si Pangulong Duterte dahil ipinakita niya ang tapang laban sa mga abusadong negosyante at malasakit sa mamamayan sa isyung ito.

oOo

TIMBRE: Paging NCRPO Director, Brig. Gen. Debold Sinas, isang alyas “Cruto” raw ang may pa-video karera sa Las Pinas City. Tuloy pa rin daw ang pasakla ni alyas “Amang” sa Quezon City…Isang alyas “Joy” daw ang may pa-lotteng sa Paranaque City. (CHRISTIAN’S BOMB / CHRISTIAN HERNANDEZ)

Please follow and like us:
Read More

PINOY KICKBOXERS, WAGI NG ISANG GINTO AT 2 SILVER SA SEA GAMES

SKP-3

TINUPAD ng Pinoy kickboxers ang pangako na makapag-aambag ng medalya sa Team Philippines sa nasungkit na isang ginto at dalawang silver Lunes ng gabi sa unang araw ng final round sa kickboxing event ng 30th Southeast Asian Games sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

Dumagundong ang hiyawan ng crowd na walang humpay ang pagsuporta sa Nationals matapos makamit ni Jerry Olsim ang unang gintong medalya para sa Team Philippines sa martial arts discipline na kauna-unahang nilaro sa biennial meet.

Ginapi ng pambato ng Benguet ang karibal na si Klinming Sarayut ng Thailand via decision sa -69kg kick light category.

Kinapos naman sina Jomar Balangui at Raquel Daquel sa kani-kanilang weight division finals match laban sa Vietnamese opponents.

Naungusan si Dacquel ni Nguyen Thi Hang Nga, 1-2, sa women’s -48kg full contact, habang nagapi si Balangui ni Phan Ba Hoi, 1-2, sa  men’s -54kg low kick.

May dalawang pagkakataon pa ang Pinoy na makasungkit ng gintong medalya sa pagsalang nina internationalist Gina ‘The Conviction’ Iniong  at  Benguet pride Jean Calude Saclag sa finals ng women’s -55kg kick light category at men’s -63kg. low kick class.

Malugod ang pagbati ni Samahang Kick-boxing ng Pilipinas (SKP) president Senator Francis ‘Tol’ Tolentino sa kampanya ng mga atleta na aniya’y nagpamalas ng katatagan at kahusayan sa harap ng sambayanan.

“Nakita naman natin na talagang lumaban tayo, hindi natin ito expertise pero nakipag-laban ang mga manlalaro natin. Congratulations sa mga nanalo. Pahuhusayan pa natin sa susunod,” pahayag ni Tolentino.

Please follow and like us:
Read More

DUMI NG TAO, HAYOP MALAS O BWENAS?

(Ni Guillermo Octavio)

“KUNG minsan ang takbo ng buhay mo,  pagdurusa nito’y walang hanggan, huwag kang manimdim ang buhay ay gulong ng palad, gulong ng palad,” ayon sa liriko o theme song ng prog­rama sa radyo na napunta sa telebisyon na “Gulong ng Palad,” kung saan makanti mo lang ang balahibo ng ng batang Romnick Sarmenta ay iiyak na siya, ‘di gaya ngayon na may kaunti na siyang bigote at gumaganap na kontrabida sa “Ang Probinsyano”.

Tunay nga, habang umiinog ang mundo ay umiikot din ang gulong ng ating kapalaran.  Ang nasa ibabaw ngayon ay maaaring nasa ilalim bukas, ang kampeon noon, kulelat ngayon, ang mga kasama natin ngayon, posibleng wala na bukas, ang mga nagsusuot ng karsonsilyo para sa promosyon ng pelikula noon, alkalde na ngayon.

Tayong mga Pilipino ay maraming pinaniniwalaang bagay na nagdadala ng bwenas, karamihan ay walang anumang basehang batay sa agham, at ang pinakakatuwa dito at pinakamasangsang at karimarimarim ay ang paniniwala ng mga nakatatanda na  nagdadala ng swerte ang dumi, na mas kilala bilang tae, o ebak.

 ‘Wag mawalan ng pag-asa

Sa loob ng nakalipas na limang taon, mula noong 2015 hangang 2019 ay pumasok sa finals ng National Basketball Association (NBA), at nakasungkit ng tatlong titulo.  Nitong nakalipas na taon, nabugbog sa injury ang Warriors hanggang sa finals, at ginapi ng Toronto Raptors sa loob ng anim na laro, at ngayong taon ay nasa ilalim ng standings sa lahat ng 30 koponan sa NBA.

Tunay nga umikot na ang gulong ng palad ng koponang pinamumunuan ni Steve Kerr, mula sa pagiging kinatatakutan, sila ngayon ay pinagtatawanan.

SAN FRANCISCONgunit, kung ikaw ay isang tunay na die-hard Warriors fan at naniniwala sa mga kasabihan ng mga matatanda, dapat kayang magdiwang sa pagbalik ng homecourt ng Golden State sa San Franciso mula sa Oakland sapagkat ayon sa artikulo ni R. Cort Kirkwood na “San Francisco Feces Complaints Heading for New Record”  noong ika-22 ng Nobyembre sa website na The New American (https://www.thenewamerican.com/usnews/politics/item/34117-sf-feces-complaints-heading-for-new-record), matindi ang problema ng San Francisco sa dumi ng tao.

Batay sa nasabing akda, kung noon ay kinukutya lamang ang San Francisco dahil sa problema nito sa ebak, ngayong ang mga kalsada nito ay para nang isang bukas na imburnal, ay isa na itong malalang suliranin sa kalusugan.

Ayon sa website na RentHop, ang “poop sightings” sa tinaguriang City by the Bay ay nakababahala at dapat na may ibayong ingat o natata­nging talent kapag naglalakad sa nasabing lungsod dahil ang mga ulat tungkol sa nakakalat na dumi ng tao ay mas mataas ng 7% ngayong taon kumpara sa parehong panahon noong 2018.

Noong nakalipas na taon, ayon muli sa  RentHop, nakatanggap ang lungsod ng 28,315 reklamo ukol sa ebak ng tao at hayop, mataas ng 35  porsiyento mula noong 2017, ngunit hanggang Nobyembre 6 ng kasalukuyang taon ay higit na naman sa 25,000 reklamo ang nakuha ng siyudad.  Ito ay halos 81 reklamo kada araw ng nakakalat na dumi ng tao sa 310-araw na pag-aaral na ginawa ng RentHop.

Kapag ito ay nagpatuloy, hanggang sa pagtatapos ng taon ay makakakuha ang San Francisco ng karagadagang  5,265  na reklamo tungkol sa dumi ng tao at aabot ang kabuuan sa 30,265.

Kung magdadala nga ng bwenas sa Warriors ang mga kaganapang ito ay panahon lamang ay tila panahon lamang  makapagsasabi

Hindi ka nag-iisa

GSW-2Gaya ng Golden State, nakatikim din ng matinding dagok ang koponang tumalo sa kanila, ang nag-kampeong Toronto Raptors, matapos na layasan ng kanilang star player na si Kawhi Leonard.

Ngunit, di ‘gaya ng koponan ng nabalian ng brasong si Stephen Curry, hindi nangu­ngulelat ang Toronto, at marahil ay totoo nga ang paniniwala ng matatandang bwenas ang dumi ng tao dahil  isang lalaking nagngangalang Samuel Opoku, 23, ang kinasuhan ng  five counts of assault with a “weapon” at five counts of mischief interfering with property matapos na sabuyan ng balde-baldeng tunaw na dumi ng tao ang limang lalaki sa tatlong magkakahiwalay na pagsalakay sa Toronto.

Ayon sa akdang “Bail hearing for man accused of dumping feces on 5 people set for Dec. 18” ng CBC sa idaraos ang pagdinig sa piyansa ni Opuku sa nasabing petsa, at dismayado umano ang abo­gado ng nasasakdal na si Jordan Weisz sa pagkasuspinde ng hearing dahil mananatiling nakapiit ang kanyang kliyente hanggang sa nasabing petsa.

“It’s always been disappointing to counsel when their client has to sit in custody for a period of time,” sinabi ni Weisz sa CBC Toronto.

Ayon sa Toronto police, dalawa sa mga naganap na “ebak attacks” ay ginawa sa mga silid-aklatan ng mga unibersidad.

Noong Noyembre 22 dakong 5:20 p.m., sinabi ng pulisya na isang lalaki ang pumasok sa John P. Robarts Research Library sa 130 St. George  St., sa University of Toronto downtown campus at binuhusan ng dumi ng tao ang isang bebot at isang bata.

Noon namang  Nob. 24 dakong 5 p.m., isa naman umanong lalaki ang pumasok sa Scott Library, sa 4700 Keele St.,  York University at sinabuyan din ng dumi ng tao ang isang lalaki at babae.

Kinabukasan, alas 11:55 ng gabi, nilapitan naman ng isang kelot ang isang bebot sa College at McCaul streets at binuhusan ng isang  timbang dumi ng tao ang walang kamalay-malay na bebot.

Dumi ng tao ang Tagapagligtas

sewage tank truck.Mula naman sa Mother Russia, isang nagliliyab na BMW ang nailigtas sa tulu­yang pagkatupok nang bombahin ng lusaw na dumi ng tao mula sa isang nataong naroong  sewage tank truck.

Ayon sa artikulong “BMW on fire extinguished with liquid shit” na isinulat ni Rhonda Vance sa website na nag-viral (https://mashviral.com/bmw-on-fire-extinguished-with-liquid-shit/) naganap ang karima-rimarim na insidente sa lungod ng Samara, nang isang BMW X6 ang biglang magliyab.

Ayon kay Vance, hindi niya maisip kung ano ang amoy ng lusaw na dumi ng tao pagtama sa nagbabagang kaha ng nasusunog na kotse.

Madali naman umanong naapula ang apoy ngunit naligo naman sa dumi ng tao  ang nasabing sasakyan.

Matapos ang inyong nabasa, kayo na ang bahalang humusga kung malas nga ba, o bwenas, ang dumi ng tao.

Please follow and like us:
Read More

HUMANGA ANG MGA DAYUHANG DELEGADO SA SEAG HOSTING

BAKBAKAN NATIN

LAHAT naman ng lahi ay may puso at malasakit sa kapwa.

Naiiba lang sa lahat ang puso at pagmamalasakit ng mga Filipino.

At ang kakaiba sa mga Filipino ay ipikikita ng Pilipinas sa pagho-host nito ng Ika-30 taong South East Asian Games (SEA Games) simula noong Nob­yembre 30.

Sa hosting ng admi­nistrasyong Duterte sa Ika-30 taon ng SEA Games ay walang dudang pinahanga nito ang mga dayuhang delagado sa nasabing palaro.

Syempre, napakarami ring Filipino ang pinahanga sa paghahandang ginawa ng Philippine Sea Games Organizing Committee (PHISGOC).

Bago magsimula noong Nobyembre 30, kaliwa’t kanan ang pambabatikos ng mga kritiko ng administrasyong Duterte at ni Speaker Alan Peter Cayetano, PHISGOC chairman, dahil ilang aberya at biyun-bilyong ginastos sa SEA Games.

Ngunit, ngayon ay walang tigil ang papuri ng lahat ng kalahok sa SEA Games, partikular na ng mga malalarong dayuhan at delegado, sa nakikita at nararanasan nila sa palahok sa SEA Games na rito ginanap sa Pilipinas.

Testigo sila sa kakaibang lambot ng puso at pagmamalasakit ng mga Filipino.

Tampok diyan ang ipinamalas ng kababayan nating si surfer Roger Casugay matapos nitong iligtas ang kalabang Indonesian surfer na si Arip Nhuridayat.

Naputol ang tali ng surf board ni Nhuridayat, dahilan upang humampas sa kanya ang  napakalakas na alon sa Monaliza Point sa La Union.

Sa oras na iyon ay kaunting galaw na lang ni Casugay ay nakuha na niya ang gintong medalya na siya namang gustong makuha ng sinumang manlalaro sa SEA Games.

Ngunit, iba ang ginawa ni Casugay – binalikan niya si Nhuridayat at iniligtas hanggang madala ng nasabing Filipino surfer ang Indonesian surfer sa pampang.

Napakalaki ng pasasa­lamat na ipinarating ng Indonesian Sports officials at mga manlalaro nila kay Roger Casugay.

Kahanga-hanga si Roger Casugay, sapagkat pinatunayan niyang puso at awa sa kapwa ang dapat mangibabaw at hindi kasibaan sa medalyang ginto.

Iyan ang totoong gintong medalya!

Ang isa pang kahanga-hanga sa mga Filipino sa SEA Games ay ang madalas na pagtsi-cheer sa mga manlalaro ng Timor Leste upang makasungkit ang mga ito ng medalya.

Kaya, walang tigil din sa pasasalamat ng mga manlalaro ng Timor Leste sa mga Filipino.

Sa huling talaan ng mga medalya, nangu­nguna pa rin ang Team Pilipinas sa pagkamit ng medalya, lalo na ng gintong medalya.

Nakahabol na rin ang Timor Leste na nakapagtala na ng medalyang tanso.

Patok na patok rin ang balitang sunud-sunod ang papuring ibinabato sa naggagandahang sports fa­cilities na ipinatayo ng administrasyong Duterte para sa Ika-30 taon SEA Games, lalo na ang world-class sports stadium at aquatic center sa New Clark City sa Tarlac.

Pinuri rin ni Thailand lawn bowl coach Daniel John Simmons ang pasilidad sa Clark Freeport, isa sa venues ng lawn bowl competition.

Ayon kay Simmons, nakakabilib ang ginawa ng Pilipinas na isang world-class sports faci­lity sa loob lamang ng 40 araw.

Sinabi naman ng Malaysian official na si Abdul Kader, director general ng International Sepaktakraw Federation, na nakakamangha ang Sepak Takraw venue sa Subic gymnasium at tinawag niya itong pinakamagandang Sepak Takraw venue sa kasaysayan ng SEA Games.

Maging ang Olympic gold medalist swimmer na si Joseph Schooling ay napahanga sa kanyang naging karanasan sa SEA Games.

Pati na ang SEAG first ti­mer event na e-sports ay umani rin ng papuri.

Ang venue lamang sa San Juan ay balot ng iba’t-ibang ilaw, smoke machine at hiyawan ng mga manonood.

Sabi ni Benjamin Assarasakorn ng Thailand E-Sports Federation, ang “landmark hosting” ay dapat tularan ng ibang bansa sa Asya ang pagpapahalaga ng Pilipinas sa sports.

Kaya, hindi nakapagtataka ang komentaryo ni Olympic Council of Asia (OCA) Vice President Wei Jizhong na handang-handa ang Pilipiinas para sa mas malaking sports event dahil sa magandang pagho-host nito ng Ika-30 taong SEA Games.

Ayos! Mabuhay ang Pilipinas!

oOo

Alam ko na kayong mga mambabasa ay higit na maraming nalalaman kaysa inyong lingkod.

Kaya, tawag o magtext na sa: 0998 – 565 – 0271. (BAKBAKAN NATIN / NELSON BADILLA)

Please follow and like us:
Read More