2 DALAGITA SINAGIP, VENDOR NALUNOD

PINULIKAT at tuluyang nalunod ang isang 47-anyos na cigarette vendor makaraang sagipin ang dalawang nalulunod na dalagita sa Baseco beach sa Port Area, Manila, iniulat ng pulisya nitong Biyernes.

Kinilala ang biktimang si Rio Santos y Manuela (lalaki), part-time janitor at cigarette vendor, tubong Nueva Ecija, walang permanenteng tirahan sa lungsod.

Base sa ulat na isinumite ni Det. Bernando Cayabyab kay P/Capt. Henry Navarro, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, bandang 1:20 ng hapon nitong Huwebes nang mangyari ang insidente sa Baseco beach sa bahagi ng Block 1, Gasangan, Baseco, Port Area.

Salaysay ng dalawang dalagita na sina “Cristine”, 14, ng R-10, Pier 4, at “Nene”, 12-anyos, ng Sta. Rosa, Tondo, kapwa out of school youth, naliligo sila sa dagat kasama ang iba pang mga kaibigan, nang bigla silang lumubog kaya sumigaw ang kanilang mga kasama sa paghingi ng tulong.

Agad namang kumilos si Santos at lumusong sa tubig para sagipin ang dalawang dalagita.

“Nung sinagip niya po kami, magkabilang braso niya ang kinapitan namin pero po nung nagsabi siya na namumulikat siya ay binitawan na kami kaya ‘yung mga ibang nandoon ang tumulong sa amin para doon na kami sa gilid… tapos nakita na lang namin na lumubog na siya at hIndi na namin siya nakita,” ayon sa isang nasagip na dalagita.

Makaraan ang kalahating oras ay lumutang ang katawan ng biktima.

Mabilis namang umanong nakahingi ng tulong ang mga kabataan at nang magresponde sina Pat. Rey Palawing at P/Cpl. Romeo Catabay, kapwa nakatalaga sa Baseco PCP sakop ng Ernita Police Station 5 ng MPD, ay agad iniahon ang biktima ngunit wala na itong buhay.

Salaysay naman ng mga lalaking kasama ng biktima, nagdiriwang sila ng kaarawan ni Santos kaya roon sila sa gilid ng dagat nag-inuman.

Nakainom na umano ang biktima at pabalik-balik sa paglalangoy sa dagat hanggang sa napansin nitong nalulunod ang dalawang dalagita kaya nito sinaklolohan. (RENE CRISOSTOMO)

Please follow and like us:
Read More

2 SEX DEN MAINTAINER HULI, 18 BABAE NASAGIP

SEX DEN

NASAGIP sa pagkapariwara ang 18 kababaihan makaraang salakayin ng mga pulis ang dalawang hinihinalang prostitution den sa Makati City.

Ayon kay Police Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police, may nagbigay ng impormasyon sa kanila tungkol sa isa umanong prostitution den sa lugar.

Sinalakay ng mga pulis ang tinukoy na prostitution den sa kanto ng Casino Street at Bautista Street sa Barangay Palanan.

Nagpanggap na customer ang isang police operative at kumuha ng isang babae na nagkakahalaga ng P3,000.

Nang mailabas ang napiling babae ng nagpanggap na customer ay agad nilusob ng mga awtoridad ang prostitution den na 11 babae at isang lalaki ang kanilang naabutan.

Pagkatapos nito, nagkasa ng follow-up operation ang mga pulis sa isa pang prostitution den sa kanto ng Araro Street at Emilia Street sa Barangay Palanan makaraang ituro ito ng isa sa mga babaeng nasagip.

Sa nasabing follow-up operation ay naabutan doon ang pitong  babae, dalawang Chinese at ilang mga lalaki.

Kakasuhan ng paglabag sa RA 10364 o Anti-trafficking in Persons Act ang mga suspek na sina Junyen Barrios na siyang tumanggap ng P3,000 marked money, at ang kasama niyang si Winston Gella habang dinala sa himpilan ng pulisya ang naabutang lalaki para sa isailalim sa profiling. (DAVE MEDINA)

Please follow and like us:
Read More

RELIEF GOODS SINOLO ‘DSWD VOLUNTEER’ TIMBOG

VOLUNTEER-3

CAVITE – Arestado ang isang 29-anyos na lalaking nagpanggap na volunteer ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) matapos kumuha ng mga donasyon para sa mga bakwit at sinolo ito sa bayan ng Tagaytay sa lalawigang ito.

Nakakulong ngayon sa Alfonso Custodial Center ang suspek na si Jeffrey Alcedo, binata, walang trabaho, ng Brgy. Amuyong, Alfonso, Cavite.

Sa ulat ni Corporal Archie Paclibar ng Tagaytay City Police Station, dakong ala-1:30 nitong Huwebes ng hapon nang magpakilala ang suspek na  coordinator at volunteer ng DSWD sa Tagayaty Rehabilitation Center sa Brgy. Kaybagal South, Tagaytay City at humingi ng relief goods para umano  sa  mga kasama nitong mga bakwit sa evacuation center.

Ngunit nagduda sila sa suspek kaya pinuntahan nila sa evacuation center  kung saan nakuha sa pag-iingat nito ang ilang kahon ng mineral water, can goods, cup noodles, mga biskwit, damit at ilang sako ng bigas, dahilan upang siya ay arestuhin.

Sinampahan ng mga awtoridad ang nasabing suspek ng kasong estafa. (SIGFRED  ADSUARA)

Please follow and like us:
Read More

ENGINEER TIKLO SA BITBIT NA MGA BALA

bala-1

NADAKIP ang isang 26-anyos na electronics engineer na umano’y kamag-anak ng comedy actor na si Betong Sumaya, makaraang magtangkang magpuslit ng mga bala ng iba’t ibang uri ng armas sa MRT-3 EDSA/Taft Avenue Station.

Sa ulat ng Pasay City Police, sa pamumuno ni P/Col. Bernard Yang, ang suspek na si Xavier Sumaya ay papasok sa MRT-3 Taft Ave./EDSA Station nang isailalim sa standard operating procedure na pagsusuri ng mga gamit ng mga pasahero ng security personnel noong Huwebes ng gabi.

Nang bulatlatin ng security guard on duty ang bag ni Sumaya ay nadiskubre ang iba’t ibang klase ng mga bala sa loob nito.

Bunsod nito, dinala si Sumaya sa Pasay City Police Headquarters para sa malalimang imbestigasyon upang mabatid kung sangkot sa gunrunning o iba pang ilegal na aktibidad.

Ayon sa Pasay City Police, naglalaman ang bag ni Sumaya ng mga bala para sa M203, .45 caliber pistol, M16 rifle at mga bala para sa tatlong iba pang klase ng mga  armas.

Inaalam din kung totoong kamag-anak ng suspek ang comedy actor na si Sumaya. (DAVE MEDINA)

Please follow and like us:
Read More

P1.2-M SHABU NASABAT SA TAMBAY

shabu-1

RIZAL – Nakumpiskahan ang isang tambay ng tinatayang P1.2 milyong halaga ng umano’y shabu sa ikinasang buy-bust operation ng mga tauhan ng Binangonan Municipal Police Station’s Drug Enforcement Unit dakong 4:45 ng hapon noong Huwebes sa Brgy. Mahabang Parang ng nabanggit na bayan.

Ayon sa report na nakarating kay Rizal Police Provincial Director P/Col. Renato Sanao Alba, matagal na umanong minamanmanan ang suspek na kinilalang si Mark Louie Garcia alyas “Macky”, nasa hustong gulang, bagama’t hindi pa ito kabilang sa drug watchlist ng Rizal Police at baguhan lamang.

Nakuha mula sa suspek ang 18 sachet na naglalaman ng 180 gramo ng umano’y shabu na umaabot sa P1,224,000 ang market value, cellphone, timbangan, P3,500 marked money, at P5,000 drug money.

Kasalukuyang nakadetine ang suspek sa nasabing himpilan at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (KNOTS ALFORTE)

Please follow and like us:
Read More

2 MAUTE TERRORISTS PATAY SA MILITAR AT PULIS

MAUTE TERRORIST

LANAO del Sur – Napatay ang dalawang kilabot na miyembro ng ISIS influenced Maute/ISIS terrorist group sa inilunsad na joint AFP-PNP law enforcement operation.

Ayon kay Lanao del Sur police provincial director, Col. Madzgani Mukaram, magsisilbi sana ng warrant of arrest ang pinagsanib na pwersa ng pulisya at militar sa Brgy. Pagalamatan Saguiaran, Lanao del Sur ngunit nanlaban ang mga suspek.

Tumagal ng mahigit 10 minuto ang palitan ng putok ng mga awtoridad at mga terorista.

Makaraang mapaslang ang target ng law enforcement operation ay nakuha sa encounter site ang isang Glock 9mm pistol, isang KG9 caliber 9mm, mga bala at walong pakete ng umano’y shabu.

Nabatid sa ulat ng militar na kapwa miyembro ng grupo ni Osoph Hadji Nasif alyas Kumander Asrap ang mga napatay.

Ang grupo ni Kumander Asrap ay suspek sa pananambang kay Mayor Nasser Pangandaman Jr. ng bayan ng Masiu na nagresulta sa pagkamatay ni Staff Sergeant Jabbar Pangandaman.

Apat naman sa mga kamag-anak at asawa ni Mocsir ang hinuli ng mga awtoridad. (JESSE KABEL)

Please follow and like us:
Read More

NO.4 SA NPD DRUGLIST KULONG SA P.2-M SHABU

shabu22

KALABOSO ang tatlo, katao kabilang ang isang Tsinoy na ikaapat sa 10 most wanted drug personalities sa Caloocan City, nang masakote sa buy-bust operation at makumpiskahan ng mahigit sa P.2 milyong halaga ng ilegal na droga at baril nitong Miyerkoles ng madaling-araw

Ibinalibag sa selda ang suspek na si Tristan Steve Wong y Tupasi, no. 4 sa top 10 drug personalities ng NPD, 27-anyos, ng 21 Esperanza St., Brgy. Marulas, Valenzuela City, at kakasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at illegal possession of firearms and ammunitions.

Dinakip din ang kanyang dalawang alalay na sina Mark Ryan Raymundo y Absalon, 37, ng No. 38, Blk. 5, Phase III D, Brgy. 28, Dagat-dagatan, Caloocan City, at Dianne Kathleen Miraran y Sevilla, 25, ng Blk. 54, Lot 29, Brgy. MRC Mabalacat, Pampanga City.

Isinagawa ang operasyon laban sa mga suspek dakong ala-1:00 ng madaling araw sa No. 38, Blk. 5, Phase III D, Brgy. 28, Dagat-dagatan, Caloocan City at nakumpiska sa mga suspek ang 30  gramo ng umano’y shabu na tinatayangP204,000 ang halaga at pitong ecstacy tablets na P11,900 ang street value.

Bukod dito, nakumpiska rin kay Wong ang isang Colt caliber .45 pistol na kargado ng magazine at may pitong bala. (ALAIN AJERO)

Please follow and like us:
Read More

RETIRADONG BOKSINGERO TUTULUNGAN NG GAB

boxing gloves

KARAGDAGANG benepisyo sa mga propesyunal sa sports athletes ang sentro ng programa sa 2020 ng Games and Amusement Board (GAB) upang mas mapaangat pa ang karera at kabuhayan ng mga ito, kabilang ang mga retiradong boksingero.

Kabilang na dito ang maalamat na sina Erbito C. Salavarria at Luisito ‘Lindol’ Espinosa.

Nabatid kay GAB Chairman Abraham “Baham” Mitra, gagawin ng ahensiya ang lahat upang mas mapangalagaan at mabigyan ng seguridad ang mga propesyunal na atleta sa kanilang paghahanda, habang lumalaban at matapos ang kanilang career.

“Sa ngayon po ay nakikipag-usap na ang ating butihing Commissioner na si Ed Trinidad sa pamunuan ng Armed Forces of the Philippines para sa libreng dental program ng ating mga atleta sa lahat ng AFP camp at hospital sa buong Pilipinas,” pahayag ni Mitra sa kanyang pagbisita sa TOPS (Tabloids Organization in Philippine Sports) ‘Usapang Sports’ kahapon sa National Press Club sa Intramuros, Manila kahapon.

“Alam naman po natin na very active ang AFP sa community services, kaya baka naman puwedeng maisama na rin natin ang ating mga atleta dito. Napakahalaga po ng dental services para sa kanila lalo na sa boxing at iba pang contact sports,” ayon sa dating Palawan Governor at Congressman.

Ikinagalak naman ni Brigo Sandig, isa sa pinaka-agresibong boxing promoter sa kasalukuyan (Highland Boxing Promotions), ang pinakabagong programa ng GAB.

“Mula po nang magsimula si Chairman Baham sa GAB, talaga pong mas maraming manager at promoters ang naging aktibo. Iyong libreng medical po ay talagang malaking tulong sa amin. Isipin po ninyo na gumagastos ang manager ng hindi bababa sa P5,000 noon kada boxer para sa medical expenses nito,” pahayag ni Sandig, isa sa agarang tumugon sa pakiusap ng GAB na punan ang walong bakanteng Philippine title.

Nangako rin ng ayuda si Mitra kay Espinosa, dating two division champion (bantamweight at featherweight), upang makuha ang prized purse (US$150,000) sa kanyang laban may ilang dekada na ang nakalilipas sa South Cotabato.

“Hinihingi po natin ang kopya ng kontrata niya (Espinosa) at hihingi tayo ng tulong sa ating lawyer para mapag-aralan ito at baka naman po makuha pa natin iyong premyo niya,” sambit ni Mitra.

Kasama ni Espinosa, nakabase na sa China kung saan ay nagtatrabaho siya bilang boxing trainer, si Salavaria, dating WBC flyweight champion para makuha ang insentibong kaloob ng Thai promoter na si Singwungha sa lahat ng mga dating Pinoy world champion.

Sa gabay din ng GAB, nabigyan ang 73-anyos na si Salavaria ng financial assistance ng World Boxing Council Jose Sulaiman Boxers Fund.

“Nagpapasalamat po ako sa patuloy na pagtulong ng GAB at ni Chairman Mitra sa aming mga retiradong boksingero,” pahayag ni Salavaria.  (DENNIS INIGO)

Please follow and like us:
Read More

PELIGRO NANANATILI SA TAAL

ISLA NG TAAL

NABAWASAN ang mga aktibidad ng bulkang Taal kumpara sa mga nakalipas na araw matapos ang pagsabog nito noong Linggo.

Gayunman, ibinabala ni Ma. Antonia Bornas, pinuno ng Phivolcs Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division, na nanganganib pa rin na mangyari anomang oras ang matinding pagsabog ng bulkan. Nakataas pa rin kasi aniya ang Alert Level 4 na ang ibig sabihin ay may posibilidad ng biglaang malakas na pagsabog sa main crater ng Taal volcano.

Tinukoy ni Bornas na isa sa mga nakababahalang epekto ng bulkang Taal ay ang tinatawag na base surge o ang napakalakas na pagsabog mula sa bulkan na lilikha ng mataas na pagbuga at babagsak sa bilis na 60 hanggang 80 kilometro kada oras.

Kapag aniya nangyari ito ay wala nang pagkakataon ang mga nasa paligid ng volcano island na makatakas o makalayo.

Maliban pa rito ang posibilidad na magkaroon ng volcanic tsunami.

Umuuwi sa danger zones

Dahil sa bahagyang pananahimik ng bulkang Taal, aminado si Bornas na may mga residenteng pinipilit bumalik muna sa kani-kanilang tahanan upang alamin ang sitwasyon o kumuha ng iba pang mga naiwang ari-arian at hayop.

Gayunman, lubhang delikado ang ganitong sitwasyon dahil hindi natatantya kung ano ang susunod na magiging pagkilos ng bulkang Taal.

Humingi rin si Bornas ng panahon para makakuha at mapag-aralan ng Phivolcs ang mga datos at impormasyon patungkol sa mga aktibidad ng Taal volcano.

Samantala, inihayag ni Batangas Police Provincial Director Colonel Edwin Quilates na pinayagan ang ilang mga residente na bumalik sa kanilang bahay ngunit kailangang tumagal lang ng dalawang oras.

Kung sosobra na umano sa dalawang oras ay dadamputin na sila ng mga pulis. Kailangang magcheck-in at mag-check out ang mga residenteng sisilip ng kanilang bahay para ma-monitor ang oras ng pagpasok ng mga ito. (JG TUMBADO, JESSE KABEL)

Please follow and like us:
Read More

LAST INDONESIAN HOSTAGE NASAGIP

Lt Gen Cirilito Sobejana

SULU – Nasagip ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang huling Indonesian na bihag ng Abu Sayyaf group (ASG) sa bisinidad ng Barangay Bato-Bato sa bayan ng Indanan sa lalawigang ito.

Ito ang inihayag nitong Huwbes ng AFP Western Mindanao Command (Wesmincom) makaraang matunton ang Indonesian fisherman na si Muhammad Fahan sa Barangay Bato-Bato matapos na makakuha ng impormasyon kung saan ito itinago.

Ayon kay Lt. Gen. Cirilito Sobejana, Wesmincom commander, pinuntahan nila ang lugar dahil sa sumbong sa kanila na may kahina-hinalang tao na naglalakbay na mag-isa.

“Intensive combat and intelligence operations launched by the military troops led to the rescue of the last captive of the Abu Sayyaf Group in Sulu,” ani Sobejana.

Si Farhan, kasama ang dalawa pa ay dinukot ng hinihinalang mga miyembro ng ASG sa Lahad Datu, Sabah, Malaysia noong Setyembre 23, 2019.

Nabatid na nagsagawa ng special intelligence operation ang mga tauhan ng Intelligence Task Group-CALDER ng militar na nagresulta sa pagkakaligtas sa biktima.

Hindi ito makausap ng mga tao dahil hindi marunong masalita ng Tausog kaya malaki ang hinala na ito ang dinukot na mangingisdang Indonesian

Agad dinala ang nailigtas na Indonesian national sa Camp Teodolfo Bautista Hospital sa Jolo, Sulu upang masuri.

Nauna nang nailigtas ng militar ang mga kasama nito na sina Maharudin Lunani at Samion Bin Maniue noong Disyembre ng nakalipas na taon.

“We are very pleased with this remarkable accomplishment of our Joint Task Force Sulu,”

“Our ground troops have succeeded in rescuing all remaining captives of the Abu Sayyaf Group. This proves that our sustained rescue efforts and security operations to run down and degrade ASG have been very effective. Hence, this breakthrough will be sustained to thwart kidnappings, dismantle the terror group to bring about peace and sustainable development in Sulu,” ani Sobejana. (JESSE KABEL)

Please follow and like us:
Read More

TRAFFIC AIDE BUKING SA TONG SA PLANT BOX

TRAFFIC AIDE

ARESTADO ang isang traffic aide makaraang mabisto ang tong collection na inilalagay sa isang plant box ng mga konduktor ng bus na hinahayaan nitong tumambay at magpuno ng mga pasahero sa harap ng Polar building sa Brgy. Wack-Wack sa Mandaluyong City, noong Miyerkoles ng gabi.

Ayon sa Mandaluyong City Police Station (CPS), napansin ng kanilang mobile patrol na hinahayaan lamang ng suspek na si  Rodrigo Maghanoy, 47, traffic enforcer ng MMDA, habang nagmamando ng trapiko sa kahabaan ng EDSA Southbound sa harap ng Starmall, ang mga bus na ilegal na nagsasakay ng mga pasahero sa kabila nang mabigat na daloy ng mga sasakyan sa nabanggit na lugar.

Dahil dito, bumaba ng mobile patrol ang sakay na pulis nito na si P/SSgt. Capito para magmasid hanggang sa mapansin ang mga konduktor ng bus na palihim na naglalagay ng P20  sa nasabing plant box malapit sa nakaparadang motorsiklo ng suspek kapalit ng hindi pagsita sa kanila.

Hindi nagtagal, nakita ng pulis na kinuha ng suspek ang mga nilamukos na P20 bills mula sa plant box kaya inaresto ang nasabing traffic aide.

Ang suspek na nakumpiskahan ng 13 piraso ng mga lukot na P20 bills, ay nahaharap sa reklamong paglabag sa RA 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees at RA 3019 o Anti-Graft and Corruption Practices Act. (NICK ECHEVARRIA)

Please follow and like us:
Read More

2 BEBOT SA MOTORSIKLO PATAY SA TRUCK

accidentsign1

KAPWA patay ang dalawang babaeng magkaangkas sa motorsiklo nang masalpok ng isang trailer truck sa Tondo, Manila nitong Huwebes ng madaling araw.

Kinilala ang mga biktimang sina Ana Virginia dela Cruz, 27, residente ng 63 San Roque St., Bagumbayan, Quezon City, at Ilora Joyce Suñer, 25, ng 1783 Yakal St. sa  Tondo.

Samantala, timbog naman ang driver ng trailer truck na kinilalang si Roilan Ruado, 41, ng 232 A. Paz St., Bagumbayan, Pililia, Rizal.

Base sa ulat ng Vehicle Traffic Investigation Section (VTIS) ng Manila Police District (MPD), bandang 1:00 ng madaling araw nang mangyari ang insidente sa northbound lane ng Jose Abad Santos Avenue sa panulukan ng Quiricada St. sakop ng Tondo.

Nabatid sa report ng pulisya, lulan ang dalawa sa isang Yamaha Mio (MVF No. 1380-943235)  na minamaneho ni Dela Cruz, at binabagtas ang westward lane ng Quiricada Street.

Pagsapit sa naturang lugar, bigla itong sumalpok sa  Isuzu Giga na 14-wheeler trailer truck ( AAT-3526)  na minamaneho naman ni Ruado na bumabaybay sa Jose Abad Santos Avenue.

Tumama ang unahang bahagi ng motorsiklo sa kanang hulihang bahagi ng truck at sa lakas ng impact ay kapwa tumilapon ang mga biktima na nagresulta sa kanilang agarang kamatayan.

Hawak na ng pulisya ang driver ng truck na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in double homicide. (RENE CRISOSTOMO)

Please follow and like us:
Read More

TRADER PATAY SA AMBUSH

gun15

HINDI umabot nang buhay sa ospital ang isang negosyante makaraang pagbabarilin ng isang lalaki sa Palace St., Southland, Brgy. CAA/BF Intl., Las Piñas City, nitong Miyerkoles ng hapon.

Sa inisyal na report ng Southern Police District, dakong alas-5:30 ng hapon, sakay ang negosyanteng si Michael Padlan, 42-anyos, residente ng B19, Elizarde St., EVS Subd., CAA/BF Intl., Las Piñas City, ng kanyang kotse na silver grey na BMW na may plakang AOT 88, nang biglang sumulpot ang suspek na sakay ng motorsiklo at pinagbabaril ang biktima.

Agad isinugod sa University of Perpetual Help Hospital ng asawa ng biktima na si Pearl Ann Evangelista, ang negosyante ngunit hindi umabot nang buhay.

Samantala, makaraan ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang suspek na natatakpan ng panyo ang mukha kaya hindi nakilala ng mga saksi.

Sinisikap ng mga imbestigador na sina P/Msgt. Tobias at P/Cpl. Oblea na matukoy ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng suspek. (DAVE MEDINA)

Please follow and like us:
Read More