LALAKI NAGWALA SA PARTY, TINADTAD NG BISITA

(NI ANNIE PINEDA)

INATADO ng saksak ang isang lalaki sa dinaluhan nitong birthday party matapos umanong magwala nang mabitin sa alak, sa probinsya ng Capiz.

Kinilala ang biktimang si Sanito Arcelis, 46, at residente ng Purok 5, Barangay Acbo, Sigma, Capiz.

Kusa naman sumuko sa pulisya ang suspek na kinilalang sina Jesus Baranet, ng Mianay, Sigma, Capiz at Romeo Altimo 19-anyos, ng Barangay Acbo, Sigma.

Batay sa report ng Sigma-PNP, naganap ang insidente sa bahay ni Baranet nang bigla na lamang magwala ang suspek saka naglabas ng kutsilyo.

Nakita naman ni Altimo na nagtatalo sina Baranet at Arcelis kaya lumapit ito at naglabas rin ng patalim saka pinagtulungan nilang saksakin sa tiyan, leeg, at iba pang parte ng katawan ang biktima.

Agad naman dinala sa ospital si Arcelis pero hindi na umabot nang buhay. Sumuko sa pulisya ang mga suspek at hindi nagsampa ng kaso laban sa mga ito ang pamilya ang biktima.

 

Please follow and like us:
Read More

ENGINEER NAHIWALAY SA PAMILYA, NAG-SUICIDE 

suicide12

(NI ANNIE PINEDA)

HINDI umano nakayanan ng isang engineer ang labis na pangungulila sa kanyang pamilya dahilan para wakasan ang sariling buhay sa pamamagitan ng pagbigti nang madestino sa lugar ng Ilagan City.

Kinilala ang biktimang Engineer Jesherwin Mataui Gutierrez, 23, ng Baguio City, nagtatrabaho sa isang construction company at nakadestino sa Naguilian, Isabela.

Batay sa report ng Naguilian Police Station, dakong alas 4:00 ng madaling araw nang matagpuan sa banyo ng bahay na inuupahan sa Magsaysay ang nakabigting biktima.

Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya, tatlong araw pa lamang simula nang dumating ang biktima sa nasabing lugar kasama ang ibang trabahador.

Kuwento ng kanyang kasamahan, nakita nilang nakaluhod ang biktima sa banyo at inakalang may ginagawa lamang ito hanggang sa napansin nila ang lubid na nakatali sa leeg ng biktima.

Agad naman dinala sa ospital ang biktima pero dineklara na rin itong patay ng mga doktor.

Nabatid, bago ang insidente, kausap pa umano ng biktima sa cellphone ang kasintahan at nagsabing labis ang kanyang pagkalungkot sa pagkakalayo sa kanyang pamilya.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing insidente.

 

Please follow and like us:
Read More

SELOSONG MISTER, TINARAKAN NG MISIS NA KAGAWAD

crime34

(NI ANNIE PINEDA)

BUTAS ang likod ng isang mister makaraan saksakin ito ng kanyang misis na barangay kagawad nang magselos umano ang una sa ginanap na assembly meeting sa barangay, sa Iloilo City.

Ginagamot ngayon sa ospital ang biktima na kinilala sa alyas Jun, 53, at suspek na misis nitong si alyas Lyn-Lyn, 49, kapwa ng Calinog, Iloilo City.

Batay sa report ng Calinog Municipal Police Station, kasama ang biktima sa pagdalo ng pagpupulong sa barangay ng kanyang misis nang makita nitong may umakbay sa suspek.

Dito, kinompronta ng biktima kung sino ang umakbay sa kanya na nauwi sa pagtatalo, nakita ng suspek ang kutsilyo sa mesa saka kinuha at sinaksak sa likod ang mister .

Kapwa dinala sa ospital ang mag-asawa para lapatan ng lunas ang tinamong sugat ng mister habang inatake naman sa alta-presyon ang suspek.

Wala naman planong magsampa ng kaso ang biktima laban sa kanyang misis dahil sobrang mahal niya kaya siya nagseselos.

 

Please follow and like us:
Read More

AMERICAN SURFER NALUNOD

(NI ANNIE PINEDA)

BINAWIAN ng buhay ang isang American national surfer matapos umanong malunod sa kalagitnaan ng pag-surfing kasama ang mga kaibigan dayuhan, iniulat kaninang umaga sa probinsya ng Eastern Samar.

Kinilala ang biktimang si Scott William Wesch, 56 , taga Nevada USA at pansamantalang naninirahan sa Barangay 1 ng Lawaan Eastern Samar.

Batay sa report ng Lawaan Municipal Police Station, naganap ang insidente sa isang beach resort sa Barangay Umawas Lawaan, Eastern Samar.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, nasa ilalim umano ng impluwensiya ng alak ang biktima habang nag-surfing kasama ang mga kaibigan.

Napansin ng mga kaibigan ng biktima na nawalan ito ng balanse habang nagsu-surfing hanggang sa hindi na nila ito nakita. Makalipas ang ilang oras ay nakita nila ito pero wala nang buhay at sinubukan pa rin dalhin sa ospital pero idineklara na rin itong patay.

Patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa pangyayari at inaayos na rin ang dokumento nito para makipag-ugnayan sa embahada ng Amerika.

Please follow and like us:
Read More

MALL ROBBERY: SEKYU PATAY SA HOLDAPER

(NI JG TUMBADO/PHOTO BY JIMMY CARBO)

SA pagganap ng 32-anysna lalaki bilang security guard ang naging mitsa ng buhay nito nang barilin siya ng  isang holdaper sa loob ng isang mall sa San Jose Del Monte, Bulacan, nitong Martes.

Tuluyang bumulagta sa sahig at binawian ng buhay ang biktima na nakilalang si Ronnie Pascua ng Vanguard Security Agency, bunsod ng isang tama ng bala ng baril sa dibdib.

Sinabi ni San Jose del Monte City Police chief Lt. Col. Orlando Castil, hinoldap ng hindi pa tukoy na lalaki ang isang Bayad Center sa loob ng Starmall, pasado alas 2 ng hapon ng Martes.

Gayunman, sinubukan dakpin ni Pascua ang holdaper nang maharang ito hanggang sa magpambuno ang dalawa sa dalang baril ng suspek.

Pero nagawang makapiglas ng salarin sa guwardya at pinaputukan ito bago mabilis na tumakas palabas ng nabanggit na mall.

Patuloy pa na tinutugis ng pulisya ang suspek.

Please follow and like us:
Read More

MAGKAPATID NA PASLIT PATAY SA SUNOG

(NI HARVEY PEREZ)

NASAWI ang magkapatid na paslit dahil sa suffocation nang  masunog ang ikalawang palapag ng kanilang bahay, Miyerkoles ng umaga sa Tondo, Maynila.

Hindi na nailigtas ng kanilang lola ang mga biktimang sina Aliyah Raine Morales, 9, at kanyang kapatid na si Anastacia Marie Morales, 18 buwang gulang, kapwa residente ng Gagalangin, Tondo.

Sa imbestigasyon ng Manila Bureau of Fire Protection  (BFP), dakong alas 9:16 ng umaga nang sumiklab ang sunog sa second floor ng tatlong palapag na tahanan, ng mga biktima sa 633 B. Bulacan Street, Gagalangin, Tondo.

Nabatid na ang bahay ay pagma-may-ari ni  Marina Sia  na inuokupahan ng isang Rica Marie Ocampo.

Nalaman na alas 9:37 ng umaga nang maapula ang sunog na umabot  sa kalahating oras at idineklarang fire out alas 9:39 ng umaga.

Ayon kay   F/Insp. John Joseph Jalique, hepe ng Intelligence Division ng Manila Fire District, wala ang mga magulang ng mga bata nang maganap ang sunog dahil pumasok ang mga ito sa trabaho.

Gising na umano ang mga bata nang umalis ang kanilang ina, at iniwan sila sa pangangalaga ng kanilang lola, kaya’t nagtataka ito kung bakit nasa silid pa ang mga ito nang maganap ang sunog.

Habang ang lola naman mg mga biktima ay nasa unang palapag umano ng bahay at nang sumiklab ang sunog ay hindi na nagawa pang isalba ang mga biktima.

Ayon kay  Jalique gawa naman sa konkretong materyales ang bahay, pero  maliit umano ito at tila pinilit  lamang na malagyan ng ikatlong palapag at makitid din ang daanan kung kaya hindi na nagawa ng mga biktima na makababa.

Inaalam kung ano ang sanhi ng sunog na sa  inisyal na imbestigasyon ay  posibleng appliances na naiwan nakasaksak.

Please follow and like us:
Read More

LOLO PATAY SA SEX

crime123

(NI SIGFRED ADSUARA)

NAKARATING pa sa rurok ng kaligayahan bago tuluyang nalagutan ng hininga ang isang 62-anyos Lolo mula sa kandungan ng isang bebot sa loob ng hotel sa Gen. Trias City, Cavite.

Hinihinalang may ilang oras nang patay ang biktimang si alias ‘Ernie’, may-asawa ng 12 Buenaflor St., Brgy. Kaunlaran, Rosario, Cavite.

Sa ulat ni  PSSgt  Armine Matro, ng Gen. Trias City Police Station, dakong alas-9:45 Martes ng gabi nang pumasok ang biktima sa One Sereneta Hotel sa Brgy. Bacao, Gen Trias City, Cavite, kasama ang isang menor de edad.

Gayunman, pagkatapos na ilang oras na pagtatalik ay nakaramadam umano ng hirap sa paghinga ang biktima kaya lumabas si ‘Sirene’ upang humingi ng tulong  sa roomboy ng hotel kaya agad isinugod ito sa ospital pero dakong ala-1:30  kahapon ng madaling araw nang ideklara itong patay.

“Katatapos lang daw nilang mag-sex ng biktima nang nakaramdam ng  hirap sa paghinga ang biktima,” ayon kay Matro.

Dagdag pa ni Matro, ito na ang pangalawang pagkakataon na inatake ang biktima sa loob ng hotel matapos na nakipag-sex sa isang babae kung saan ang una ay  sa isang hotel sa Dasmarinas City.

Inaalam din kung may naganap na foul play sa pagkamatay ng biktima bagama’t tumanggi nang isailalim sa awtopsiya ang katawan ng biktima.

 

Please follow and like us:
Read More

2 MOTORSIKLO NAGSALPUKAN: 1 PATAY; 3 SUGATAN

motoraccident12

(NI FRANCIS SORIANO)

ISA ang patay habang tatlo naman ang sugatan matapos magsalpukan ang dalawang motorsiklo sa Bagong Silang Barangay 176 Caloocan City, Martes ng gabi.

Kinilala ng Caloocan City PNP ang mga namatay na sina Luis Abejar, 55, ng Phase 1 PKG 2 Block 29 Lot 17 Bagong silang habang ang suspek naman ay nakilalang si Randelito Lesigues, 38, binata,  construction worker, ng Phase 5A PKG 2 Block 16 Lot 6 Bagong Silang, Barangay 176, Caloocan City.

Ayon sa ulat,  binabatagtas ni Abejar ang panulukan gamit ang kanyang motorsiklo habang angkas nito si Annabelle Manahan, kasapi ng MMDA at residente sa Phase 1 PKG 2 Block 29 Lot 1T, Bagong silang Barangay 176, nang salpukin ni Lesigues na sakay din ng motorsiklo.

Sa lakas umano ng impact ay nagresulta sa kamatayan ni Abejar at pagkakasugat naman ang angkas nitong si Manahan.

Habang sugatan din si Lesigues at angkas nitong si Jemery Sison, 44.

Isinugod ng mga rumespondeng ambulansiya ng Barangay 176 Bagong Silang ang mga biktima sa Dr. Jose Rodriguez Memorial Hospital Tala Caloocan City subalit hindi pinalad si Abejar.

 

Please follow and like us:
Read More

UMPISA NA NAMAN NG PAG-IGIB BUKAS

WATER MANILA

(NI DAHLIA S. ANIN)

MAGSISIMULA na bukas, Oktubre 24, alas-10 ng gabi ang rotational water interruption na maaring umabot ng hanggang 18-oras, ayon sa Maynilad at Manila Water.

Sa tala ng Pagasa, muling bumaba sa 186.23 meters ang tubig sa Angat mula sa 186.46 noong Martes.

Hindi pa masabi ng pamunuan ng mga water concessionaire kung hanggang kailan ang titiisin ng publiko dahil nakadepende sa antas ng dam ang sitwasyon.

Ayon kay Maynilad Media Relations Assistant Manager Grace Laxa sa panayam sa radyo, mananatili pa rin sa 40 cubic meters ang water allocation sa mga water concessionaire dahil sa patuloy na pagbaba ng antas ng tubig sa dam.

Nakaiskedyul naman sa gabi ang water interruption ng Manila Water, upang magkaroon umano ng sapat na oras ang kanilang mga consumers na mag-ipon ng tubig, ayon kay Corporate Communications Head Jeric Sevilla.

Nanawagan sila sa mga consumer na mag-ipon ng tubig na sasapat lamang sa kanilang pangangailangan sa maghapon.

Para naman sa oras ng water interruption ay maaari nila itong makita sa official website ng mga kumpanya o maari silang tumawag sa hotline 1627.

Inaasahang magdadala ng ulan ang Hanging Amihan sa Silangang bahagi ng bansa pagpasok ng Nobyembre, na makakatulong upang mapataas ang antas ng tubig sa Angat. (Dahlia S. Anin)

 

Please follow and like us:
Read More

MISIS BINARIL NG ASAWANG PARAK; SUSPEK NAGBARIL SA SARILI

crimeshoot

(NI ANNIE PINEDA)

PATAY ang isang misis makaraang barilin ng kanyang asawa na kasapi ng Philippinr National Police (PNP) saka nagbaril sa sarili ang huli, matapos umano ang pagtatalo kaninang umaga sa Palawan.

Kinilala ang namatay na si Karen Amparo Cacho, 24, habang kritikal naman sa ospital ang suspek at asawa nitong si Raymond Cariaga Cacho, miyembro ng Regional Mobile Force Battalion at kapwa residente ng San Miguel, Puerto Princesa, Palawan City.

Batay sa report ng Palawan Police Station 2 , dakong alas 10:00 ng umaga nang maganap ang insidente sa Sports Complex, Brgy. Sta Monica, ng nasabing lungsod.

Lumabas sa imbestigasyon, nagtalo ang mag-asawang Cacho sa loob ng sports complex hanggang sa nagpaputok sa itaas ang suspek at sunod na niyang ipinutok sa ulo ng biktima na agad nitong ikinamatay.

Pagkatapos ay nagbaril din sa sarili ang suspek habang isang estudyante pa ang sugatan nang tamaan ng ligaw na bala na kinilalang si Leigh Magbanua.

Kaagad naman dinala sa ospital ang mga sugatan para lapatan ng lunas.

Nakuha sa lugar ng pinangyarihan ng insidente ang 1-beretta 9mm na may PNP property at apat na basyo.

 

Please follow and like us:
Read More

GRAB DRIVER NIRATRAT SA BEACH RESORT

batangas1

(NI NILOU DEL CARMEN)

PATAY  ang isang grab driver matapos pagbabarilin ng isang umano ay lango sa ipinagbabawal na gamot habang nasa isang beach sa Nasugbu, Batangas, Martes ng hapon.

Dead on the spot dahil sa mga tama ng bala sa ulo at katawan ang biktimang si Junnel Mar Alano, 35, residente ng Bicutan, Taguig City.

Ayon kay PMaj Ronald Cayago, hepe ng Nasugbu police,  naglalaro ang biktima  sa dalampasigan ng Munting Buhangin Beach Camp sa Barangay Natipunan nang pagbabarilin ng suspek dakong alas dos ng hapon.

Bigla na lamang umanong lumapit ang suspek at binaril sa ulo ng ilang beses ang walang kamalay-malay na biktima.

Kinilala ang suspek na si Dennis Esmeralda, 31, negosyante at residente ng Binan City, Laguna at guest din sa nasabing resort.

Batay sa imbestigasyon lango sa iligal na droga ang suspek at napagtripan lamang nito ang pamamaril sa biktima.

Ayon sa girlfriend nito, tatlong gabi na umano itong hindi natutulog,

Bigla na lamang umano itong lumabas sa kanilang cottage na bitbit ang baril na caliber. 40.

Nasa beach naman ang biktima matapos maarkila ang sasakyan nito patungo sa lugar.

Napag-alaman din na may dati na rin kasong kaso ng murder ang suspek sa Muntinlupa City.

Nakakulong na ito ngayon sa Nasugbu police station at sinampahan na ng kasong murder.

 

Please follow and like us:
Read More

MAG-ASAWA KINATAY NG BALAE

crimeshooting12

PINAGBABARIL hanggang mamatay ang isang mag-asawa ng nakaalitang balae sa San Pablo City, Laguna.

Nakikipaglaro ang mag-asawang Arthur at Evelyn Laydia sa kanilang mga apo sa loob ng kubo sa Barangay San Diego nang pagbabarilin ng suspek na si Edwin Brioso, ayon kay Police Lt. Col. Eliseo Bernales, hepe ng San Pablo police.

Unang binaril si Arthur, na nakatakbo pa pero tinamaan din at agad namatay, ani Bernales.

Sinugod pa umano sa ospital si Evelyn pero namatay rin habang ginagamot.

Hindi naman nasaktan ang 3 apo ng mag-asawa.

Naaresto na ng pulisya si Brioso at kinasuhan ng double murder.

May personal na galit umano ang suspek sa mga biktima.

Ayon naman sa anak ng mga biktima na si Rachelle Laydia, wala sa katinuan ang suspek.

 

Please follow and like us:
Read More

 LUMPIANG SHABU; 1 ARESTADO

arrested12

(NI JUN V. TRINIDAD)

QUEZON – Isang 28-anyos na lalaki ang dinakma ng mga pulis matapos matuklasan na bukod sa pambalot ng lumpia ay nagtutulak rin umano ito ng shabu sa Lucena City, sa lalawigang ito.

Nasakote si Gliserio Rengconada sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Barangay Ibabang Dupay, bandang 8:10 ng gabi.

Nakumpiska sa suspek ang apat na plastic sachet ng shabu na tumitimbang ng 3.76 gramo at nagkakahalaga ng P20,680 sa street market sa kasalukuyang presyo ng bentahan na P5,500 bawat gramo.

Ang iligal na gawain ng suspek ay isinumbong sa pulisya ng mga dating suki nitong drug users na sumuko na’t nagbabagong buhay at katulong ngayon ng pamahalaan sa kampanya laban sa iligal na droga.

Ayon sa isang operatiba, ginagawa umanong front ng suspek ang panggagawa ng pampabalot ng lumpia bilang kober sa pagbebenta ng shabu sa nasabing barangay at mga karatig na lugar.

“Minsan nga ang sachet ng shabu ay nasa loob ng balutan ng lumpia,” anang operatiba.

Ang suspek ay nakakulong sa Lucena police jail.

 

Please follow and like us:
Read More

KARAMBOLA NG SASAKYAN; 3 UTAS, 18 SUGATAN

accident12

(NI BONG PAOLO)

TATLO katao ang naiulat na nasawi habang 18 iba pa ang sugatan matapos magkarambola ang tatlong sasakyan sa Barangay Hijo, Maco sa Compostela Valley, Lunes ng umaga.

Ayon kay P/Capt. Woody Sabdani, hepe ng Maco PNP, dead on the spot ang drayber ng multicab na si Alberto Cambal at ang dalawang pasahero nito na sina Bern Gestapa at Zaida Rongoc.

Batay sa ulat, naganap ang insidente alas-8:00 ng umaga kungsaan nagkabanggaan ang tatlong mga sasakyan na kinabibilangan ng Navarra Nissan pick-up na minamaneho ni Robert Paul Molina, 29, residente ng Tagum; isang kulay puting Toyota Innova (LAC 5920) na minamaneho ni Paulino Camay at kulay berdeng Suzuki multicab (LWP 759) na minamaneho ni Cambal, ng Barangay San Roque, Maco.

Nabatid na binabaybay ng Navarra Nissan pick-up at ng Toyota Innova ang nasabing daan mula sa Tagum city patungo sa munisipyo ng Mabini, subalit nawalan ng kontrol ang drayber ng Navarra Pick-up dahilan para mabangga nito ang Innova kungsaan bumangga ang huli sa isang multicab na ikinamatay naman ng tatlo katao at ikinasugat ng 18 iba pa.

Mabilis namang isinugod sa Davao Regional Medical Center ang mga sugatan habang nasa kustodiya naman ngayon ang drayber ng Navarra Pick-up para sa imbestigasiyon.

Please follow and like us:
Read More

STEPSON PINALAKOL NG ‘TATAY’

crime ax 12

(NI BONG PAOLO)

UMABOT na umano sa kasukdulan ang galit na kinimkim ng isang step father sa kanyang anak-anakan na tuwing umuuwing lasing ay may mga pasaring ang huli dahilan para palakulin nito hanggang sa mapatay sa Sitio Rumangrang, Barangay Liliongan, Carmen, North Cotabato, Martes ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Dennis Degado Dagala, 23, ng nasabing lugar.

Sa ulat, alas 9:45 ng gabi nang dumating sa kanilang bahay ang biktima na lango sa alak hanggang sa nagkaroon sila ng mainit na pagtatalo ng kanyang amain na kinilalang si Jonny Layoan Takinding, 40.

Ayon sa ulat, lasing na umuwi ang biktima at may mga pasaring umano sa suspek dahilan kung bakit napuno si Takinding.

Ang pagtatalo ng biktima at suspek ay humantong sa pagpalakol. Naisugod sa Provincial Hospital, Amas Kidapawan City si Dagala pero idineklarang patay ng mga doktor.

Sumuko naman ang suspek na kanyang amain sa Carmen Municipal Police Station na ngayon ay nakapiit na sa custodial facility ng PNP at inihahanda na ang kasong isasampa laban sa kanya.

 

Please follow and like us:
Read More

DOKTOR NA TULAK NG SHABU, ARESTADO

(NI KOI HIPOLITO)

BUMAGSAK na sa kamay ng mga operatiba ng Sta. Ana Police Station (PS1) ang isang suspek na doktor na nagbebenta at nagtutulak ng iligal na droga at  itinuturing na high value target sa isinagawang drug buy-bust operation, medaling araw ng Martes sa Suazo St., Barangay 28-C, ng Davao City.

Nakilala ang suspek na si John Perrett Herrera, alyas “John”, 33, residente sa parehong lugar at kasama sa Drug Watchlist ng Directorate for Intelligence (DI).

Base sa ipinadalang report ni PMaj.Michael Uyanguren sa Davao City Police Office, nakabili umano sa suspek ng isang piraso ng transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu kapalit ang P1,000 sa pulis na nagpanggap na poseur buyer at nang magpositibo ang transaksyon ay agad sumenyas ang poseur buyer at inaresto ang suspek na doktor.

Narekober sa posisyon ng suspek ang karagdagang iligal na droga na nagkakahalaga ng P10,000., isang cell phone, syringe at isang kotse na Toyota Vios na kulay pula.

Ayon pa sa Davao City PNP na ang karamihan sa mga parokyano ng suspek ay miyembro umano ng LGBT community at mga tao na kanyang nakikilala sa pamamagitan ng social media application na Grinder at isa rin itong resident doctor/surgeon na empleyado ng Southern Philippines Medical Center (SPMC).

Mahaharap ngayon ang suspek sa kasong paglabag sa violation of Section 5 at 11 ng RA 9165 (Comprehensive Laws on Dangerous Drugs Act.2002).

Please follow and like us:
Read More

MAG-INGAT SA MENINGO (2)

meningococcemia-3

Nakakahawa, Delikado

(Ni Nenet L. Villafania)

Nakakahawa nga ba? Gaano kadelikado?

AYON sa science dictionary, ang meningococcemia ay ­impeksyon sa dugo dahil sa bakterya na tinatawag na Neisseria meningitidis, o meningococcus. Nakakahawa ito katulad ng sipon o ubo, o kahit pa kapag ­nahingahan ka ng direkta ng taong maysakit nito.

Kapag nahawa na, lalagnatin ang pasyente at mananakit ang katawan na parang tinatrangkaso. Kapag nagkaroon na ng rashes, seryoso na ang lagay ng pasyente na posibleng ikamatay niya. May kumplikasyon kasi ito na maaaring maging sanhi ng septic shock, multiple organ ­failure, hindi makakapag-circulate ang dugo sa mga kamay at paa – na maaaring maging sanhi upang putulin ito o mawalan ng kakayahang gamitin kahit gumaling pa ang pasyente – at syempre, kamatayan kung mapapabayaan.

Sakaling makaligtas ang pasyente, pwede siyang makaroon ng bacterial meningitis na maaari din niyang ikamatay sa hinaharap.

Nagagamot ba ang meningococcemia?

Nagagamot ang sakit na meningococcemia gamit ang intravenous antibiotics. Injection po na sa totoo lang, masakit daw, pero kailangang tiisin dahil nakamamatay nga ang sakit na ito kung hindi maaagapan.

May bakuna rin para hindi mahawa ng ­meningococcemia, ngunit wala pa ang gamot na ito sa Pilipinas, at napakamahal daw nito. Inirerekomenda ng mga doktor na bakunahan nito ang mga bata kapag 11 anyos na at bigyan ng booster dose kapag 16 anyos na.

Dapat din umanong bakunahan ang mga matatanda o ang mga taong dumaan na sa operasyon dahil mahina na ang kanilang immune system. Ngunit mas pinag-iingat ang mga ang mga positibo sa HIV.

Dapat din umanong magpabakuna ang mga taong madalas magbiyahe, sa Pilipinas man o sa abroad, mga college students at militar na nakatira sa mga dormitoryo at barracks, at higit sa lahat, ang mga kasama sa bahay ng mga taong may close contact sa mga hinihinalang may ­meningococcemia tulad ng manggagamot, nars, health workers at iba pa.

Ayon sa pag-aaral, dalawang linggo ang incubation ng bacteria sa katawan ng tao kaya mabuti na ang nag-iingat.

Paano mo ­iniingatan ang sarili mo sa meningococcemia?

Nagsagawa kami ng survey upang malaman kung paano umiiwas ang mga Pinoy sa sakit na ito. Narito ang kanilang mga kasagutan;

Lyndon Plantilla, “Nagtatakip ng bibig at ilong kapag ­inuubo o may umuubo sa malapit at naghuhugas ng kamay palagi.”

Jorge Jr Castro, “Yong pag-spelling lang ng sakit na yan, mahirap na, eh, yon pa ­kayang lunas dyan.”

Susan H. Barcelon, “Painumin ng vitamin C ang mga bata.”

Rosalina Agrava-Gulinao, “Yung mga bata dapat babantayan lalo na sa labas naglalaro. Dapat sasabihan maghuhugas ng kamay ng tamang pamamaraan. Di lang ­meninggo ang dapat iwasan. ­Maraming sakit pa lalo na at bata ang madalas kapitan!”

Ciara Maecy Domingo, “Tigil na lang po sa bahay, di na masyadong naggagala.”

Dolet Fenomeno Botones, “Wag na munang pumasok sa school. Advance vacation.”

Kahit may ilang pasaway na sumagot, ang payo pa rin po natin ay ingat-ingat lang kapag may time. Iisa lang ang buhay ng tao, at ayaw naman ninyo sigurong kayo ang ­maging susunod na biktima.

Please follow and like us:
Read More

PARTYLIST NI SINGSON HINDI PANG-PROBINSYANO KUNDI PANG-NEGOSYANTE

CHRISTIAN BOMB

IMBES na suportahan ang Security of Tenure bill para mawakasan na ang Endo (end of contract), ang ipinanukala ni Probinsyano Ako ­Partylist Rep. Jose Singson ay pahabain pa ang probationary period ng mga manggagawa na imbes daw anim na buwan, ay gawing dalawang taon o 24 na buwan ang gawing ­batayan ng mga ­management ng kompanya bago desisyunan kung dapat o hindi i-regular ang isang manggagawa.

Hindi nagustuhan ng publiko, Senado at maging ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang panukalang ito ni Singson.

Ayon sa mga ­workers organization, sa anim na buwan ay hirap nang maging regular ang mga manggagawa kaya’t hindi katanggap-tanggap ang panukala ni Singson dahil lalo lang madedehado rito ang mga ­worker, sabi naman ni Senate President Tito Sotto ay kung tutuusin daw ay sa isa o dalawang buwan ay puwede nang ­magdesisyon ang kompanya para ­gawing regular ang mga kuwalipikadong ­manggagawa at para kay DOLE Sec. Silvestre Bello III ay ­masyadong agrabyado raw ang workers sa panukalang ito ni Singson.

o0o

TIMBRE: Paging PNP-Officer-in-Charge, Lt. Gen. Archie Gamboa…sa Nueva Vizcaya, nagkalat daw ang mga illegal gambling na drop ball, hi-lo, beto-beto at color games ni alyas “Mislay” sa Bilang St., Brgy. ­Caloocan, Bambang; sa NVAT ­Pamilihang Bayan, North Bambang; ­Kumyangan St., North Bambang. Pakitawagan ng pansin sina PNP-Region 2 chief Gen. Jose Espino at Provincial commander Col. Richard Saavedra na aksyunan ito. (CHRISTIAN’S BOMB / CHRISTIAN HERNANDEZ)

Please follow and like us:
Read More

PAALAM, SENATE PRESIDENT NENE PIMENTEL

yourservice

NAALALA ko pa noong manungkulan si Senator Nene Pimental bilang Senate President.

Ngunit mas lalo ko siyang nakilala nang maisama ako sa mga napiling sasama sa kanyang grupo sa Davao upang isulong noon ang kanyang minumungkahing Pederalismo para sa Pilipinas.

Bilang senador — makikita mong tapat siya sa sinumpaang tungkulin — madalas nakikilahok sa mga sesyon at usapin tungkol sa samu’t ­saring panukalang batas na tinatalakay sa komite man o sa plenaryo. Bilang ­Pangulo ng Senado — naipamalas niya hindi lamang ang kanyang kakaibang liderato sa Senado kundi ang kanyang unawa para sa mga taong bumubuo nito — ang mga opisyales at mga tauhan sa Secretariat. Sa ilalim ng kanyang pamumuno at pamamahala ay naging pangalawang ama siya ng lahat.

Bukas lagi ang kanyang pinto para makinig at umunawa sa mga hinaing at hiling ng mga tao — ano man ang ­kanilang antas sa trabaho. Tumayo siya bilang ama hindi lamang ng Senado dahil siya ang nahirang na Pangulo nito, kundi dahil tinuring niya kami na parang mga anak.

Bilang tao — ­minabuti niyang ipamalas sa kanyang mga salita at galaw ang respeto sa ­kapwa tao, ang ­pang-unawa sa bawat suliranin, ang pasensya sa gitna ng gulo, at pakikiisa sa pagsulong ng mga solusyon sa ­problema ng ating bayan nuon. Simple, mapagkumbaba, ­maalalahanin — mas ­naaalala ko si Senator Nene Pimentel sa kanyang pagngiti sa mga pulong, sa mga usapin at sa pakikitungo sa kanyang makakasalubong sa loob ng mga pasilyo ng Senado. Isang ngiting totoo na nagsasabing handa Siyang makinig, makiramay, at makiisa sa ikalulutas ng anomang suliranin sa abot ng kanyang makakaya. Walang halong pambobola, walang halong pamumulitika — tapatan, seryosohan, trabaho lang.

Sa kanyang pagpanaw, isang tanyag na ilaw at gabay ng demokrasya ang nawala.

Tinuturing ng karamihan ito na isang ­malaking kawalan. Hahanap-hanapin natin ang kanyang mga opinyon, mga payo at mga paalala sa ating mga haharaping suliranin. Sa kanyang pagpanaw — iniwan niya ang isang alaala ng kagitingan at katapatan sa paglilingkod sa bayan. Kung ating iisipin, mahirap sundan o tularan man ang kanyang mga ginawa para sa bayan ngunit nagbibigay siya ng pag-asa na sa bawat suliranin — may solusyon.

Iniisip ko na lamang na sa kanyang pagpanaw ay iniiwanan niya tayo ng isang hamon.

Isang hamon sa bawat Pilipinong nabubuhay ­ngayon — na gampanan natin ang ating tungkulin bilang anak ng Bayang ito — matapat, masipag, mapangunawa at mapagmahal sa kapwa. Ating tularan ang buhay ng yumaong Senate President Nene Pimentel at matuto tayong ­maging tunay na Pilipino sa ­ating sariling bansa — sa isip, sa puso, sa salita, at sa diwa. Paalam, Senate President Nene Pimentel, hindi ka namin makalilimutan at salamat sa inyong mga nagawa para sa ating Inang Bayan. (@YOURSERVICE / ATTY. DAVID AQUINO)

Please follow and like us:
Read More