19-ANYOS NAKURYENTE SA POSTE NG TRAFFIC LIGHT

electrocution

(NI DONDON DINOY)

DAVAO CITY-Patay na ng dumating sa pagamutan ang isang 19-anyos na lalaking mag-aaral sa Grade 11 matapos pinaniniwalaang nakuryente ng maapakan nito ang tubig na nasa gilid ng poste ng traffic light ala 1:30 ng madaling araw ng Miyerkules sa Barangay Panacan, nitong lungsod.

Ang biktima ay nakilalang isang Laurence Allen Barrios Siarot, mag-aaral sa Rizal Memorial Colleges (RMC), at residente ng Avocado Street, Phase 2, Doña Mercedez Subdivision sa naturang barangay.

Alas 2:00 ng madaling araw, nang isugod ang biktima sa Southern Philippines Medical Center (SPMC) ng mga Panacan volunteers ngunit hindi na umabot nang buhay.

Ayon sa nakasaksi na si Frederick Lumantad Tolibas, 43, security guard ng Depo Panacan, na kabababa lang ng sinasakyang jeepney ang biktima nang bigla na lang mangisay pagdaan nito sa may poste na may nakapondong tubig dahil umano sa buhos ng ulan.

Please follow and like us:
Read More

MAINE: HINDI KO KAYA KAPAG BINIGLA AKO!

boy abunda(NI BOY ABUNDA)

MAS nakapaglalabas ng kanyang mga saloobin si Maine Mendoza sa napababalitang nobyo nito na si Arjo Atayde kaysa sa mismong pamilya ng aktres. Ayon sa TV host ay talagang panatag ang kanyang loob sa tuwing nakakausap ang aktor. “Kasi siya ‘yung nag-i-initiate lagi kapag groups, outspoken kasi siya. Ang kulit niyan kahit kanino kaya niyang makihalubilo, which is hindi ko kayang gawin,” paglalahad ni Maine.

“Wala na rin akong hiya kasi siguro tanggap niya ako kung ano ako. He accepts me for who I am and for who I am not. So ang laking bagay no’n. Para gawin niya ‘yon parang mawawalan na rin ako ng hiya sa kanya para i-express kung ano ako. Kahit sa pamilya niya as in hindi ko pa rin kaya. Sinasabi ko sa kanya, ‘Uy! Ipapakilala mo ako sa relatives mo isa-isa lang. Kasi hindi ko kaya kapag binigla mo ako. As in baka magkaroon sila ng impression sa akin,” pagpapatuloy ng dalaga.

Samantala, noong Martes ay naging emosyonal si Maine nang sorpresahin ng nakatatandang kapatid na si Coleen sa ‘Magandang Buhay.’ Bihira na kasing nagkakasama ang magkapatid mula nang naging artista si Maine. “Ang tagal na naming hindi nagkikita eh. Kasi last time, sa kanya ako nag-vent nang nararamdaman ko. Basta ‘yung mga dinadala ko sa loob, di ko napipigilan eh. Hindi rin kami sanay na as in nagsasabihan ng mga problema. So sa sobrang parang hindi ko na kinaya as in sa kanya ako nagsasabi, sa text lang. Tapos siya lang ‘yung nagsasabi sa akin na, ‘Kaya mo ‘yan, laban lang,” nakangiting kwento ng aktres.

Abala ngayon si Maine para sa promotion ng pelikulang ‘Isa Pa With Feelings’ na pinagtatambalan nila ni Carlo Aquino. Ipalalabas sa mga sinehan ang bagong proyektong ito mula sa Black Sheep simula October 16.  -Reports from JCC- 

 

Please follow and like us:
Read More

MISIS DUMALAW SA PIITAN, NATAGPUANG PATAY

(NI ANNIE PINEDA)

HINDI inakala ng isang ginang na ang pagdalaw nito sa piitan ang magiging dahilan ng kanyang kamatayan, nang matagpuan ang bangkay nito sa pinyahan na tadtad ng tama ng baril sa katawan, sa Soutn Cotabato.

Kinilala ang biktimang si Bonifacia Dela Calzada, 41, at residente ng Barangay Calumpang, General Santos City.

Batay sa report ng pulisya, dakong alas 4:00 ng hapon ng Lunes nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa gitna ng plantasyon ng pinya sa Field 304-A-1, Purok 2, Barangay Langkaliaf, Polomolok, South Cotabato.

Lumabas sa pag-imbestigasyon ng Polomolok PNP, bago ang insidente, bumisita pa ang biktima sa isang preso sa GenSan City Reformatory Center, subalit hindi na nakauwi pa sa kanilang bahay.

May mga tama ng bala sa katawan ang biktima na naging dahilan ng kanyang kamatayan.

Nakita rin sa kamay ng biktima ang tatak na GSC patunay na galing ito sa naturang piitan bago patayin.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya para alamin ang motibo sa krimen o kung may kinalaman ang nasabing pangyayari sa kasong kinakaharap ng taong binisita ng biktima sa kulungan.

 

Please follow and like us:
Read More

SHABU SA TSINELAS

arrested

(NI ANNIE PINEDA)

SA halip na bigyan ng leksyon ang asawa sa piitan, kulong ang inabot ng isang misis dahil pagkunsinti nito sa bisyo ng kanyang mister, nang mahulihan ng iligal na droga na itinago sa kanyang tsinelas nang dalawin nito ang kanyang asawa sa South Cotabato Provincial Jail, sa Koronadal City.

Arestado si Joy Marcera, 41, ng Barangay Avanceña, Koronadal City.

Batay sa report ng pulisya, nagtungo si Macera sa piitan para dalawin ang mister nitong nakakulong na may kinalaman sa iligal na droga, nang mapansin ang kahina-hinala nitong kilos.

Habang kinakapkapan si Macera, napansin ang makapal nitong tsinelas para busisiin ng mga awtoridad at dito bumungad sa kanilang harapan ang supot na naglalaman ng shabu na nagkakahaga ng  P100,000.

Dinakip ang suspek saka idineretso sa South Cotabato Provincial Rehabilitation and Detention Facility at nahaharap sa kasong paglabag sa iligal na droga.

 

Please follow and like us:
Read More

DAGDAG-SINGIL SA KURYENTE IPATUTUPAD NG MERALCO

meralco12

(NI MAC CABREROS)

NAPUTOL ang limang buwan na bawas singil sa kuryente ng Manila Electric Company (Meralco) dahil makararanas ng bahagyang pagtataas ngayong Oktubre.

Ayon Meralco, madaragdagan ng P0.0448 kada kilowatthour ang bill ng kanilang kostumer o P9 sa kumukonsumo ng 200kWh kada buwan.

Bagama’t ganito, binanggit ng Meralco na tinatamasa pa rin ng kanilang customer ang P1.47 kada kWh na bawas sa bill na ipinatupad sa nagdaang limang buwan.

Tinukoy ng Meralco na umakyat sa P9.0862 kada kWh ang rate ngayong buwan kumpara sa P9.0414 noong Setyembre.

Bunsod ito ng pagsirit sa P P4.5406 kada kWh o dagdag na P0.0215 kada kWh ang generatin charge na naiposte sa P4.5406 kada kWh noong nakaraang buwan.

“The increase is due to a smaller Net Settlement Surplus (NSS) refund for October from the Wholesale Electricity Spot Market (WESM).  WESM charges decreased by P0.5290 per kWh driven by an improved power supply situation in the Luzon grid as there were fewer power plants on outage during the supply month,” pahayag Meralco.

Nabatid na nasa 17 porsyento ng supply ng Meralco ay kinukuha sa WESM.

Binanggit pa Meralco na nakadagdag sa pagtaas sa bill ang P0.0249 kada kWh na transmission charge.

Idinagdag ng Meralco na nakatulong para mabawasan ng P0.1412 kada kWh ang presyo ng mga Independent Power Producers ang paglakas ng piso sa palitan sa dolyar.

 

Please follow and like us:
Read More

NCAA SEASON 95; MALAS NG CSB NAPUTOL

MAKARAAN ang anim na magkakasunod na talo, sa wakas ay nanalo na ulit ang De La Salle-College of St. Benilde (CSB) courtesy of Emilio Aguinaldo College (EAC), 62-56, sa NCAA Season 95 tournament Martes sa FilOil Flying V Centre, San Juan.

Huling nanalo ang  CSB August 30 kontra Jose Rizal University (JRU), 74-66.

Nag-imprub ang kartada nila sa 7-8 panalo-talo at ngayon ay katabla na sa fifth place ang Mapua University.

“At least we got back to our winning ways,” ani CSB head coach TY Tang. “That’s one thing we’ve been trying to preach. Whatever happens, it’s either we win or we learn.”

Nagbida para sa CSB si Yankie Haruna sa pagposte ng 16 points at 9 rebounds, habang nagdagdag si Justin Gutang ng 12 points, 6 rebounds, at 2 assists.

Dikit ang iskor sa final minutes ng third period, 32-31, nang kumamada ng 9-0 run ang CSB para magtala ng kumportableng abante, 52-44, sa pagpasok ng final quarter.

Dahil sa pagkatalo ay lalong dumausdos ang EAC Generals sa 3-13. Louis Aquino

Please follow and like us:
Read More

MISIS, LOVER, HULI NG OFW NA MISTER SA MOTEL  

(NI SIGFRED ADSUARA)

HULI sa akto ni mister si misis at ang kalaguyo nito na umuwi lang mula sa kanyang pagtratrabaho sa abroad upang patotohanan  ang pagloloko ng kanyang misis, sa loob ng isang motel sa Kawit, Cavite.

Kasong adultery ang isasampa laban sa 37-anyos na misis at 30-anyos na lover nito dahil sa reklamo ng asawa  na si ‘Alvin’,  40, isang Overseas Filipino Worker (OFW).

Sa ulat ni PSSgt Mark Joseph Arayata ng Kawit Municipal Police station, dakong alas-12:15 kahapon ng madaling araw nang arestuhin ang dalawa sa loob ng Room 31 Intown Motel, Brgy Putol, Kawit, Cavite.

Nauna dito, sinundan umano ni Alvin ang kanyang asawa hanggang sa pumasok ito kasama ang lover sa loob ng nasabing motel.

Dahil dito, humingi  ng tulong sa pulis ang mister at pinuntahan ang motel saka kinausap ang bellboy na siyang kumatok sa pinasukang kuwarto ng dalawa kung saan naabutan pa ang babae na nakahiga sa kama at walang saplot sa katawan dahilan upang sila’y arestuhin.

Ayon kay Arayata, matagal nang may nagsusumbong kay Alvin na may kinalolokohan driver ang kanyang misis kaya nagplano itong umuwi ng Pilipinas upang patotohanan ang sumbong .

“Dumating si Alvin nito lamang Octiober 5 mula abroad upang hulihin ang kanyang misis,” ayon kay Arayata.

Desidido naman si Alvin na kasuhan ang kanyang misis at kalaguyo nito.

 

Please follow and like us:
Read More

4 GINTO SASARGUHIN SA 30TH SEAG

(NI ANN ENCARNACION)

PANIBAGONG responsibilidad ang hahawakan ni Philppine billiards legend Efren ‘Bata’ Reyes na sasabak bilang atleta at aakto din na pangkalahatang coach ng pambansang koponan sa 30th Southeast Asian Games simula Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.

Target ni Reyes at iba pang national cue artists na makapag-ambag ng apat na gintong medalya sa bansa sa pagsargo nila sa SEAG simula sa Disyembre 3 hanggang 10 sa Manila Hotel Tent City.

Sinabi ni Billiards and Snookers Congress of the Philippines (BSCP) secretary general Robert Mananquil, nangako ang billiards team na doblehin ang dalawang ginto, isang pilak at dalawang tansong medalya na naiuwi ng grupo sa huling edisyon ng biennila meet sa Kuala Lumpur, Malaysia noong 2017.

Inihayag ni Mananquil na lumalim ang kanilang pool talents ngayong taon na binubuo nina World No. 3 Rubilen Amit, World No. 4 Carlo Biado, Dennis Orcollo, Johann Chua, Jeffrey Ignacio, Warren Kiamco, Chezka Centeno, Iris Rañola at Floriza Andal.

Mula sa naturang lineup ay inaasahan ang apat na gintong medalya na magmumula sa men at women’s 9-ball competition at men at women’s 10-ball event.

“That’s four gold medals already,” sabi ni Mananquil, board member din ng Philippine Olympic Committee (POC).

“We still have 9-ball and 10-ball doubles where we also have fighting chances. Of course, I can’t promise that we would also win the gold there, but if luck rolls our way, we might sweep all pool events and win six out of the 10 gold medals at stake,” aniya.

Sasabak naman sa snookers sina Alvin Barbero, Michael Angelo Mengorio, Jeffrey Roda at Basil Al-Shajjar habang sina Benjie Guevarra at Luis Saberdo ang bibitbit sa koponan sa English Billiards.

Ang popular at kinikilalang alamat sa pool na si “Bata” Reyes ay sasabak kasama si Francisco Dela Cruz sa carom habang gagampanan niya ang responsibilidad bilang head coach ng national squad kasama ang isa pang legend at kumpare nito na si Francisco “Django” Bustamante bilang deputy chief.

“What we have is a very stacked and solid lineup,” sabi ni Mananquil na aminadong mahihirapan ang grupo sa English Billiards at carom events.

“The Malaysians and the Singaporeans, being former British colonies, are expected to dominate English Billiards while carom is the pet event of the Vietnamese. Despite that, we will still go all out and take advantage of our homecourt edge.”

Please follow and like us:
Read More

GINANG LUBOG SA UTANG, NAGBIGTI

suicide12

(NI JESSE KABEL)

HINIHINALANG  malaking problema sa pagkaka utang ang nagtulak sa isang ginang para magbigti  sa Sitio Habitat, Barangay Pagatpat sa lungsod ng Cagayan de Oro.

Sa ulat  Cagayan de Oro City Police Office , nagpatiwakal si Shiela Palad, residente sa nabangit ng nasabing lugar.

Ayon sa salaysay ng isang kapitbahay  sa mga imbestigador, bago natagpuang walang buhay si Shiela ay  nag-away umano ito at ang mister niya  dahil umano sa kanilang patung-patong na utang.

Hinihinalang ito ang nagtulak para itali ng biktima  ang isang lubid sa kanyang leeg at itinali sa kisame ng kanilang bahay na nagresulta sa kanyang kamatayan.

Subalit hindi agad kinagat ng mga imbestigador ang angulong away sa utang kaya patuloy pa rin na iniimbestigahan ng pulisya kung may foul play sa nangyari.

Please follow and like us:
Read More

EX-YAKUZA MEMBER ARESTADO NG BI

(NI FRANCIS SORIANO)

KALABOSO at himas rehas ngayon ang isang 71-anyos na puganteng Japanese national na wanted sa kasong fraud at sinasabing dating miyembro ng Yakuza syndicate, matapos na maaresto ito ng Bureau of Immigration-Fugitive and Search Unit (BI-FSU) sa Pasay City.

Kinilala ni BI Commissioner Jaime Morente ang suspek na si Katsumi Ohno na hinuli ng mga operatiba ng FSU sa service road ng Roxas Boulevard, Pasay City.

Ayon kay Morente, hiniling ng Japanese embassy ang deportation ni Ohno noon pang Pebrero dahil sa standing warrant of arrest na kinakaharap nito, maliban sa paso na ang kanyang hawak na pasaporte noon pang Nobyembre 2018 kaya maituturing na itong isang undocumented alien.

Base sa records ng BI, dumating sa bansa si Ohno bilang turista mula Hong Kong noon pang April 10, 2011. Dito na siya sa Pilipinas nagtago mula noon.

Kasabay nito ay inilagay na rin sa Immigration blacklist ang dayuhan para hindi na payagan pang makabalik ng Pilipinas habang pinoproseso na ang kayang deportation order na pirmado ng Board of Commissioners.

Please follow and like us:
Read More

MISIS KINATAY NG ‘DEMONYO’

(NI CHERK BALAGTAS)

ISANG hubo’t hubad na 42-anyos na babae ang natagpuang wala nang buhay at tadtad pa ng saksak sa iba’t – ibang bahagi katawan sa Lungsod ng Caloocan, Lunes ng gabi.

Sa ulat ni Caloocan City Police Chief P/Col. Noel Flores, alas-7:30 ng gabi nang matagpuan ng kanyang amang si Benjamin De Villion ang wala nang buhay na biktimang si Florinda De Villion, sa loob ng bahay nito sa Laon Laan Street, Barangay 31, ng nasabing lungsod.

Ihahatid na sana noon ng ama ng biktima sa kanyang ina ang apo nang madiskubre ang insidente, naiwan umanong mag-isa sa kanilang bahay ang biktima matapos pumasok sa trabaho ang kanyang kinakasamang si Abe Pecayo habang ang kanilang anak ay nasa eskuwelahan naman.

Agad naman nagsagawa ng follow up operation ang mga tauhan ng Caloocan CityPolice Community Precinct (PCP) 2 sa pamumuno ni P/Capt. Herson Manegdeg at naaresto ang isang Jay-Ar Malano na kapitbahay ng biktima.

Berbal namang inamin ng suspek ang krimen, at ayon dito alas-10:00 umano ng umaga ay kalalabas lamang umano noon ng banyo ng biktima na nakatapis lang nang looban niya ang bahay biktima, nahuli umano siya ng biktima dahilan upang magkaroon ng komosyon sa pagitan nila.

Doon na umano siya bumunot ng patalim at pinagsasaksak ang biktima, nagmamakaawa pa umano sa kanya ang biktima na huwag siyang papatayin ngunit ayon sa suspek ay parang na-demonyo umano siya at may bumubulong sa kanyang tuluyan na niya ang biktima kaya’t muli niya pa itong pinagsasaksak hanggang malagutan na ng hininga.

“Parang na-demonyo lang ako, may bumubulong kasi sa akin na tuluyan ko na kaya nagawa ko ang krimen,” ayon kay Malanosa pulisya.

Hindi naman masabi ng suspek kung ano talaga ang pakay nito sa pagpatay at panloloob sa bahay ng biktima, isinantabi na rin ng motibong pagnanakaw dahil wala naman umanong kahit anong bagay na nawala sa bahay ng biktima.

Sa ngayon ay patuloy pa ring inaalam ng awtoridad ang tunay na motibo ng suspek, inaalam na rin kung ginahasa ng suspek ang biktima.

Please follow and like us:
Read More

CALOY YULO BYAHENG TOKYO OLYMPICS

(NI ANN ENCARNACION)

DALAWANG Filipino athletes na ang nakaabante sa 2020 Tokyo Olympics.

Matapos ang pole vaulter na si Ernest John Obiena, byaheng Tokyo na rin sa Enero 2020 ang gymnast na si  Carlos Edriel ‘Caloy’ Yulo matapos makapasok sa men’s all-around finals ng 49th FIG Artistic Gymnastics Championships sa Hans Martin Schleyer Halle, Stuttgart, Germany.

Nakakuha ng identical scores na 14.333 sa vault at parallel bars si Yulo sa huling dalawang events niya para makopo ang 18th overall spot, mula sa 160 entries, at makasama sa 24 gymnasts sa all-around finals na magaganap sa Biyernes.

Tumapos na pampito naman siya sa paborito niyang floor exercise matapos umiskor ng 14.666 at  makapasok sa final round na gaganapin sa Sabado.

Kinumpirma ang pag-qualify sa Olympics ng 19-anyos na Pinoy gymnast sa official press notice ng International Gymnastics Federation, may French acronym na FIG, at natanggap ng Gymnastics Association of the Philippines sa pamamagitan ng secretary general nitong si Bettina Pou.
Hindi naman inaasahan nina Yulo at Japanese coach Munehiko Kugiyama ang naging resulta dahil hindi pa man nananalo ng medalya ay nagawa na ni Yulo na maging ikalawang Pinoy na nag-qualify sa Tokyo Olympics.

Si Yulo ang unang Filipino gymnast at una rin sa buong Southeast Asia na nag-qualify sa Olympics.

Matatandaan na una nang nagkuwalipika sa Tokyo Olympics ang paul vaulter na si Obiena matapos nitong lampasan ng .01 ang Olympic qualifying standard na 5.80 metro. Dahil dito, ang 5.81 metro na tinalon niya sa Chiara, Italy ang bagong national record sa pole vault.

“Yes, Caloy (Yulo’s nickname) has already qualified in the all-around because he has moved up as No. 1 in the individual rankings since China, Russia and Japan have already qualified their athletes after their 1-2-3 finish, respectively, at last year’s worlds held in Doha, Qatar,” ayon kay Pou.

“This is wonderful for Philippine gymnastics and for Caloy. It is an honor for GAP to have the second qualifier to the Olympics,” sabi naman ni GAP president Cynthia Carrion.

“Hopefully he will continue to do well and win a medal in both the all-around and floor exercise. And we urge our countrymen back home to pray for his success here,” dagdag nito.

Masayang binati naman ni Philippine Olympic Committee president Bambol Tolentino si Yulo sa kanyang tagumpay. “We would like to congratulate Caloy Yulo for being our country’s second Olympic qualifier. We would like to acknowledge GAP and its president, Cynthia Carrion, in making this happen.”

Sinabi pa niya, “As he continues to train hard, we pray that this boy will be among our medal hopeful in the Tokyo Olympics.”  Ann Encarnacion

Please follow and like us:
Read More

SI JENNYLYN, HINDI SI MARIAN, ANG LEADING LADY NI DINGDONG

ang kulit ni Lolit(NI LOLIT SOLIS)

AYAN ha? Nagsisimula nang mag-taping si Jennylyn Mercado para sa Descendants of the Sun.

Tapos na yung haka-haka na si Marian Rivera ang makaka-partner ni Dingdong Dantes na noon pa man ay sinasabi naman ni Marian na hindi pa niya kayang mag-taping.

Bagay naman kay Jennylyn ang gumanap sa role ni Dr. Maxine Kang eh, na ginawa na nilang si Dr. Maxine dela Cruz.

Abangan natin yan, kung okay ang tandem nila pagkatapos naman nilang magsama bilang host sa Starstruck.

Sa ngayon ay malabo pa raw talagang mag-soap si Marian.

Malalaman daw next year kung ano ang nakaplano sa kanya ng GMA 7, pero okay na muna siya sa ngayon sa Sunday Pinasaya at sa Tadhana.

Mas maganda nga ang aura ngayon ni Marian dahil wala siyang pressure sa trabaho eh.

Napi-pressure lang siya kung may gatas pa ba siyang mapapadedede kay Ziggy. Kasi mas naka-focus na lang siya ngayon sa pagiging ina at housewife. Kaya naman swak na swak siya sa mga endorsements na pang-nanay.

Napakaganda niyang nanay na nag-i-endorse ng produktong pambahay gaya ng Tough Mama na Kitchen appliances, Wilkins, may Beautederm pa siya na mga home scents, at meron pa siyang latest ngayon ang Waltermart Supermarket.

Bagay na bagay naman sa kanya talaga dahil si Marian  talaga ang namamalengke at siya ang nagluluto, Misis na misis kasi talaga yan, kaya sobrang happy ni Dingdong na pag-uwi niya, may masarap siyang nakakain na luto ng asawa niya.

Napakamadasalin pa niya na lahat na ipinagdasal niya ay talagang binigay ng Diyos. Kaya ang bongga bongga  ni Mrs. Dantes na nakikita naman kung gaano sila kasaya ni Dingdong sa kanilang pagsasama.

LEKSIYON NA NAIWAN SA PAGYAO NI AMALIA

Kahapon na inihatid sa huling hantungan si Amalia Fuentes, sa may Loyola Memorial Park sa Marikina.

Base sa kuwento sa akin ng mga bading na naglalagare sa mga dead (kasabay din ng burol ni Tony Mabesa), ang nakikita raw nilang sobrang apektado ay ang paborito niyang apong si Alfonso Martinez.

Hindi na raw ito gaanong nakapagsalita sa eulogy dahil iyak na lang daw siya nang iyak.

Siya naman kasi ang talagang personal na nag-aasikaso sa Lola Nena niya hanggang sa pumanaw ito.

Kaya nga ang pinag-uusapan daw doon sa burol ay tiyak na kay Alfonso daw mapupunta ang karamihang  kayamanan ni Amalia.

Ang sabi raw nila doon ang dami talagang mga properties na ipamamana ni Amalia at siguro naayos naman niya iyun nung nakaratay pa siya.

Naalala ko pa nga na meron siyang adopted son na maaring magmana ng ilang kayamanan, pero nagulat ako sa kuwento nilang namatay na rin pala iyon two years ago pa. Nauna pa siya sa Mama Nena niya. Nakakaloka!

Ang narinig ko lang sa ibang kuwento, naibenta na raw ang ibang properties ni Amalia. Ang ayaw na ayaw daw niya talagang ipabenta ay ang mansion niya sa may New Manila.

Talagang pinaghirapan daw niya kasi ang bahay na iyun, kaya kabilin-bilinan daw niyang huwag na huwag itong ibenta.

Doon sila nakatira ni Alfonso, kaya siguro na kay Alfonso na iyun, di ba?

Napakahalaga raw kasi ng bahay na iyon sabi nila na talagang personal na inayos daw iyon ni Amalia, na sabi nga nila ultimo pako ay bilang na bilang niya.

Eh kahit noong malakas pa si Amalia, grabe talaga siya sa pagkatipid at pagkakuripot, kaya nakita nyo naman ang mga naiwan niyang properties.

Magandang leksyon ito sa ating lahat, pero maganda rin yung habang kaya pa, dapat magbiyahe nang magbiyahe. Magandang experience talaga ang  mag-travel lalo na kung kasundo mo ang mga makakasama mo di ba?

INGGIT AKO KAY GORGY NA MAGIGING SENIOR CITIZEN NG MAKATI

Gusto ko nga pala palakpakan si Makati Mayor Abby Binay, ha?

Ang ganda ng mga benefits na binigay niya sa mga senior citizens ng

Makati noong ipinagdiwang nila ang Elderly Filipino Week noong nakaraang linggo, mula October 1 hanggang 7.

Doon ko nalamang bukod sa libreng sine  sa Makati, ‘yong cake na ipinapadala tuwing birthday, libre pa ang mga gamot, may annual cash gift, primary  healthcare, lahat na kailangan sa kalusugan ay bahala na ang Makati City hall sa kanila.

Kaya  okay talaga ‘pag doon ka na sa Makati tumanda.

Kunsabagay, ang tatay naman niyang dating VP Jejomar Binay ang nagpasimula nito, at itinutuloy-tuloy lang ni Mayor Abby.

Kaya nga inggit ako kay Gorgy na gustung-gusto  na talaga sa Makati.

Ang dami nga raw nilang privileges doon at hindi sila napapabayaan.

Ang galing lang talaga nila.

 

Please follow and like us:
Read More

BABAENG VIETNAMESE, NAGWALA, ARESTADO

arrested12

(NI ROSE PULGAR)

ARESTADO ng mga tauhan ng Makati City Police Station ang isang babaeng Vietnamese makaraang magwala at sabuyan ng tubig ang dalawang traffic enforcer na humuhuli sa kanya sa isang traffic violation, Lunes ng hapon sa sa Makati City.

Nakakulong sa himpilan ng pulisya ang dayuhan na si Yenha Thi Thuy, 30, nahaharap sa mga kasong Alarm and Scandal at Disobedience, Assault of Agent of Person in Authority.

Batay sa ulat ng Makati City Police, dakong alas-3:45 ng hapon nang maganap ang insidente sa kanto ng Jupiter at Makati Avenue sa Barangay Bel-Air.

Lumalabas sa imbestigasyon, sakay ang suspect ng kanyang Ford Echo na may plakang AXA 2941 nang parahin ng mga traffic enforcers na sina Richard Redulfin at Daniel Cha dahil sa traffic violation nang umandar kahit pula na ang traffic light.

Hindi naman makapagbigay ng driver’s license si Yenha dahilan para sabihan siya ng mga enforcers na mai-impound ang kanyang sasakyan.

Dito na nagwala ang dayuhang babae at sinabuyan pa ng tubig buhat sa bottled water ang mga enforcer.

Humingi naman ng tulong ang mga enforcer sa mga pulis na nasa lugar na nagresulta sa pag-aresto sa nagwawalang dayuhan.

 

Please follow and like us:
Read More

2 LOLO NASAGASAAN NG 2 JEEP, DEDO

accident12

(NI KEVIN COLLANTES)

DALAWANG lolo ang kapwa patay nang magkasunod na masagasaan ng dalawang pampasaherong jeepney habang magkasabay na tumatawid sa national road sa Cardona, Rizal, Lunes ng gabi.

Kapwa dead on arrival sa pagamutan ang mga biktimang sina Roland Julian, 62, at Eulogio Estrella, 61, kapwa residente ng ID Julian Street, Barangay San Roque, Cardona, dahil sa matinding pinsala sa ulo at katawan.

Samantala, arestado naman at kapwa nakapiit na ang mga driver ng passenger jeepney na sina Edgar Saligumba, 23, ng 1353 Hinayon Street, Barangay Calumpang at Jan Miggs Tabadero, 22, ng Anore Street, Barangay Mambog, kapwa sa Binangonan, Rizal.

Batay sa ulat ng Cardona Municipal Police Station, sa Rizal Police Provincial Office, dakong alas-7:10 ng gabi nang maganap ang aksidente sa national road sa Barangay San Roque, sa Cardona.

Magkasabay umanong tumatawid ang mga biktima sa national road, nang bigla na lang silang salpukin ng mga pampasaherong jeepney na minamaneho naman ng mga suspek mula Cardona patungong Binangonan.

Si Julian ay nabangga ng itim na Isuzu passenger jeepney na may plakang DXG-181, na minamaneho ni Saligumba at dinala sa Rizal Provincial Hospital, sa Morong, Rizal ngunit idineklara na ring patay ng attending physician na si Dra. Rowena Buloran, habang si Estrella naman ay nabundol ng pulang Isuzu passenger jeepney, na may plakang TXE-759 at minamaneho ni Tabadero, at isinugod naman sa Queen Mary Hospital, sa Cardona, ngunit idineklara na ring dead on arrival ng attending physician na si Dra. Ma. Teresa Tero.

Ang mga suspek ay nakatakdang sampahan ng mga kasong reckless imprudence resulting in homicide sa piskalya.

 

Please follow and like us:
Read More

TATAY PINATAY SA SAKSAK NG ANAK

crime34

(NI HARVEY PEREZ)

NASAWI ang isang 59-anyos na lalaki nang pagsasaksakin ng kanyang sariling anak na dumaranas ng depresyon, kahapon ng tanghali sa Tondo,Maynila.

Hindi na naisalba pa sa Gat Andres Bonifacio Memorial  Medical Center (GABMMC) ang biktimang si Nonito Orlain, 59,  dahil sa mga tama ng saksak sa mukha, dibdib, at iba pang bahagi ng katawan .

Naaresto naman ng mga nagrespondeng tauhan ng Manila Police District-Police Station 2 ,ang suspek  na si Oliver Orlain, 30.

Sa inisyal na ulat ng MPD-homicide section,naganap ang insidente alas 12 ng
tanghali  sa  bangketa ng Tondo Sport Complex, sa N. Zamora Street, malapit  sa panulukan ng Chacon Street, sa Tondo, kung saan naninirahan ang mag-ama.

Naghahanda na umanong kumain ang biktima, at live-in partner nito, at niyaya pang kumain ang suspek.

Sa halip na sumalo sa pagkain ay umalis si Oliver pero maya-maya ay bumalik na armado na ng isang patalim, na may habang 12-pulgada at kaagad na pinagsasaksak ang sariling ama.

Kumuha naman ng payong ang kinakasama ng biktima at hinambalos ang suspek para pigilan sa ginagawa sa ama pero nagpatuloy pa rin sa pagsaksak.

Duguan na umano at nakalugmok na ang biktima nang tigilan ng anak ang pananaksak at saka kaswal lamang na naglakad palayo sa lugar.

Agad naman humingi ng tulong ang kinakasama ng biktima para isugod ito  sa pagamutan.

Please follow and like us:
Read More

BUHAY GURO SA BAHAY KUBO

GURO-4

Makipagtulungang Plantsahin ang Problema

(Ni Mac Cabreros/ Huling labas)

NAGING hungkag ang pagdiriwang ng National Teachers’ Month at World Teachers’ Day dahil hindi man lang naramdaman ng mga guro ang sinseridad sa mga pangako ng pamahalaan para sa kanilang maayos na pamumuhay.

Hinirit ng mga guro ang dagdag allowance para sa kanilang ikaluluwag sa buhay subalit hindi rin naman kaya ng Department of Education ang kanilang hiling kaya’t P1,000 incentive lang ang natanggap.

Hirit kay PRRD

Sa ika-apat na SONA ng Pangulong Rodrigo Duterte nitong Hulyo, inihayag ng Punong Ehekutibo na pagkakaroon ng umento sa sahod ng mga guro.

Pero hindi ito lubos ikinagalak ng mga guro dahil sinambit ng Pangulo na hindi ito ‘kalakihan’. Tanong nila: Magkano naman kaya ang umentong ito?

Binigyang-diin pa ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC) na malamang ang tinutukoy ng Punong Ehekutibo ay ang dagdag-sahod na naayon sa Sa­lary Standardization Law na noon pang 1989 ito ipinatupad.

“Ang masakit  ay kung naka-angkla pa rin ito sa SSL at hindi magbibigay ng hiwalay na iskema para sa teachers. Hindi pa rin itatama ang pagkakamaling nagawa ng nagdaang gobyerno,” diin ni TDC national chairman Benjo Basas.

Dahil dito, nais ng grupo na magpasa ang 18th Congress ng batas na magtatakda sa dagdag benepisyo ng mga guro gaya ng AFP, PNP at GSIS na may batas pinaiiral dito.

Nabatid na sumasahod lamang ang mga guro ng P20,754 kada buwan na malayong mababa sa mga pulis na nakakapag-uwi ng P29,668.

We are not waterproof

“Trabaho namin ay magturo, hindi maglimas ng tubig-baha sa silid-aralan!”

Deklara TDC bilang reaksyon sa ulat na inoobligang pumasok sa trabaho ang mga guro kahit suspendido na ang klase bunsod ng sama ng panahon o bagyo.

“The work of a teacher is to teach. If classes are suspended, teachers cannot render their tasks for that day,” giit ni Basas.

Aniya, base sa EO No. 66, itinakda ang otomatikong class suspension sa Kindergarten kapag nakatala ang bagyo sa Signal No. 1 habang elementary hanggang sekundarya kapag Signal No. 2 at lahat na level kapag Signal No. 3.

Nabigyan na rin ng karapatan ang mga local officials na magdeklara ng suspension of classes kapag batid ng mga ito na malalagay sa panganib ang buhay ng mga bata kasama rin ang mga magulang/guardian na maghahatid gayundin sa mga guro bunsod ng malakas na buhos ng ulan, malakas na bugso ng hangin, pagbaha, pagguho ng lupa, paglindol, pagputok ng bulkan at iba pang sakuna o kalamidad.

Batid naman ng mga guro na magsasagawa sila ng klase kapag Sabado upang mapunan ang oras na nawala sa mga bata bunsod ng pagkansela ng klase.

“Teachers, just like the students need to be safe in the comfort of our homes. We are not flood or waterproof, anyway.” Pagtatapos ni Basas.

Ang senaryong nabanggit ay nagpapakita lamang kung gaano kahirap ang trabaho ng mga guro kung saan inoobliga pa silang gumawa ng extra na trabaho gayong wala namang malinaw na benepisyo gaya ng overtime pay at umento sa sahod.

Bagamat ganito, inihayag Basas na hindi lamang problema ang gusto nilang mapagtuunan ng pansin kundi handa rin silang makipagtulungan upang maplantsa ang mga gusot o problema.

Ang tanong: Papakinggan kaya ng gobyerno ang karaingan ng mga guro?

Please follow and like us:
Read More

DU30, TIWALA PA RIN KAY ALBAYALDE!

HAGUPIT NI BATUIGAS BOMBA

NAKAUWI na ng bansa si Pangu­long Rodrigo Du­terte makaraan ang kanyang limang araw na official visit sa bansang Russia kung saan mainit naman itong sinalubong ng mga opisyal ng nasabing bansa kabilang na ang isa sa pinaka-makapangyarihang presidente sa buong mundo na walang iba kundi si President Vladimir Putin.

Pinagkaguluhan si Du­terte sa Russia at ma­rami sa mga banyaga ang nakipag-selfie, bukod pa sa napahanga nito ang mayayamang negosyante sa Russia at sinasabing maglalagak ng puhunan ang mga ito sa Pilipinas.

Samantala, sa unang pahayag ng pangulo ay may dalawang PNP ge­neral umano ang lumalaro sa illegal drugs, subalit kinalaunan ay binawi rin nito ang kanyang pahayag at sinabing colonel lamang ng PNP at hindi mga heneral ang sangkot sa droga at sinabi pa nitong maghintay lamang ang “ninja cops” sa kanyang pag-uwi ng Pilipinas.

Sa pag-uwi ng pa­ngulo sa bansa, nakasalalay sa kanyang mga kamay ang kapalaran ni PNP Chief Oscar Albayalde na sinasabing sisibakin na sa puwesto dahil umano sa pagkakasangkot nito sa 13 “ninja cops” na sabit sa recycling ng illegal drugs.

Halos 17 buwan na inalagaan ni Albayalde ang pamumuno sa PNP at ngayong pilit siyang isinasangkot sa “ninja cops”, ay tila mawawasak ang kanyang ipinundar na sakripisyo nang dahil lamang umano sa pulitika sa PNP.

So to make a long story short, sa pag-uwi ni Pangulong Duterte, sinabi nito sa interbyu ng media na “give me proof, that Albayalde is involved in ninja cops”. Kaya nga may posibilidad pang makabawi ang PNP sa pagkasira ng imahe nito sanhi ng sunod-sunod na hearing sa Senado.

“Probably, it has something to do with the person who wants to be the next PNP chief,” pahayag naman ni Albayalde sa media.

Samantala, habang demoralisado ang PNP, sinasamantala naman ng isang alyas “Alex Simbulan” ang pagpapalakas ng kanyang gambling empire sa buong Metro Manila lalo na sa Quezon City, Marikina at lungsod ng Maynila ni Mayor Isko Moreno Domagoso.

Sa Maynila ay ipinangako ni Domagoso na walang illegal gambling sa kanyang lungsod, pero bakit namamayagpag ang EZ-2, Pares at Suwertes nito at kumukubransa umano ito ng isang milyon kada araw na malaking hamon kay MPD Director General Vicente Danao.

Hindi lamang sa Maynila malakas ang kubransa ng pasu­galan ni Alex Simbulan kundi maging sa lungsod ng Quezon at Marikina ay tumatabo rin umano ng milyones si Simbulan at tiba-tiba ang mama dahil abala ang mga pulis sa kanilang anti-illegal drugs operations.

Kapag nakarating sa kaalaman ni NCRPO Chief Major General Guillermo Eleazar ang talamak na pasugalan ni Simbulan tiyak ikakasa kaagad ang raid sa mga pasugalan nito dahil galit na galit si Major General Eleazar sa mga nagpapasugal dahil kamakailan lamang ay ipinahinto ni Pangulong Duterte ang operasyon ng Lotto at STL.

Kay QCPD District Director General Montejo, sir at General Batan ng ESP, mga sir… aba’y ipahuli nyo kaagad si Simbulan dahil hindi ito nagbabayad ng buwis at kinukumpitensiya nito ang Lotto at STL na siyang inaasahan ng mahihirap para makahingi ng tulong sa PCSO. (HAGUPIT NI BATUIGAS / MARIO BATUIGAS)

Please follow and like us:
Read More

KUNG WALANG EBIDENSYA, MALING PANGALANAN ANG MGA ISINASABIT NI DUTERTE SA DROGA

CHRISTIAN BOMB

BINAWI na ni Pa­ngu­long Duterte ang sinabi niyang may dalawang heneral na naman ang sangkot kalakaran ng droga sa bansa.

Mabuti na lang at hindi pa niya pinapangalanan ang dalawang tinukoy niyang heneral.

Kung totoo man na may sangkot na dalawang heneral sa droga, dapat pangalanan ni Pres. Duterte kung sino ang dalawang ito, pero kung wala namang sapat na ebidensya ay hindi tama na ipahiya sila sa publiko.

Matatandaan na pagkaupo ni Pres. Duterte sa puwesto ay pinangalanan ng Pangulo noong July 6, 2016 ang limang police generals na sangkot daw sa sindikato ng droga sa bansa. Sila ay sina police generals Marcelo Garbo, Joel Pagdilao, Edgardo Tinio, Bernabe Diaz at Vicente Loot.

Sa panahon nang isiwalat ito ni Pres. Duterte ay retirado na si Garbo, mayor si Loot at tanging nasa serbisyo pa ay sina Pagdilao, Tinio at Diaz.

Ang hindi kagandahan sa isyung ito, ang gobyerno ay walang isinampang drug case sa limang tinaguriang “narco-generals.” Walang ikinaso kina Garbo at Loot, at ang tanging nakasuhan ay sina Pagdilao, Tinio at Diaz na pawang nasa serbisyo pa noon, pero ang kaso ay administratibo lang at hindi drug case.

Kaya walang isinampang drug case sa limang binansagang “narco-ge­nerals” ay dahil walang ebidensyang sangkot sila sa droga, basta ang sabi lang ng Presidente, “narco-generals” sila.

Nalagay sa mala­king kahihiyan ang limang heneral na ito, pati ang kanilang pamilya dahil idinawit sila sa droga nang wala naman palang ebidensya.

Ang nangyari sa limang heneral na binansagang narco-generals ni Pres. Duterte ay huwag sanang mangyari sa dalawang bagong heneral na isinasangkot din ng Pa­ngulo sa droga. Pero sa hu­ling pananalita ng Pangulo ay mga colonel lang daw at hindi heneral ang mga ito.

Kung may sapat na ebidensya, tamang pangalanan sila, pero kung walang ebidensya, mali na sila ay pangalanan dahil hindi lang ang dalawang heneral na ito ang malalagay sa kahihiyan, kundi pati ang kanilang pamilya.

oOo

TIMBRE: Paging PNP Chief Director Ge­neral Oscar Albayalde…Isang alyas “Reden” daw ang may pa-jueteng sa Cebu City. Naglipana ang pick-up girls sa Quezon Avenue, Quezon City. Ang ilang bahay-aliwan daw sa Roxas Blvd. mula Pasay City hanggang Pa­rañaque City ay may mga minor na GRO. (CHRISTIAN’S BOMB / CHRISTIAN HERNANDEZ)

Please follow and like us:
Read More

USAPING CREDIT CARD

yourservice

NABULABOG na ba kayo ng isang sulat o isang tawag na tinatakot kayong makulong dahil sa hindi pagbabayad ng utang sa credit card? Nakatanggap na ba kayo ng mahabang sulat kung saan ikinukwento kung paano kayo kakasuhan sa korte at binibigyan pa kayo ng sampol na reklamo?

Kung oo ang inyong sagot — isa kayo sa ma­rami nating kababayang may parehong problema. Ang problema, hindi lamang kung paano babayaran ang inyong utang sa banko dahil sa paggamit ninyo ng credit card — kundi paano nyo hahara­pin ang makukulit at nananakot na mga kolektor ng mga banko.

Nag-uumpisa ang problema sa credit card bilang isang inosenteng pag-alok ng mga naglalako nito. Kadalasan, pumupunta sila sa inyong opisina o di kaya’y nag-aalok ng credit card sa loob ng mall. Sasabihin na “waived” na ang membership fee at sandali lang ang pag-approve nito. Dahil sa kaaya-ayang mga pangako ng mga nag-aa­lok ng credit card, susubukan ninyong kumuha at pagkalipas ng ilang araw — matatanggap n’yo na ang card.

Masaya ang may credit card — dahil napahahaba n’ya ang inyong kakayahang bumili ng mga kagamitan o di kaya naman ay kumain sa mga kainang mamahalin. At dahil hinahayaan kayo ng banko na bayaran lamang ang “minimum amount”, hindi n’yo napapansin na unti-unti nang lumalaki ang inyong utang hanggang umabot sa panahong nagamit n’yo na ang “credit limit” at kinakailangan nang bayaran n’yo ang balanse upang magamit ulit ang credit card. Dito na nag-uumpisa ang problema — dahil kadalasan ay kinakapos tayo sa pera, hindi na natin nakakayanang bayaran buwan-buwan ang ating utang sa credit card. Dumarating ang panahon na lumalaktaw na tayo ng mga buwan na hindi na natin nababayaran. Pagkatapos nito, darating na ang mga “demand letter” at mga tawag sa telepono, text at email ng banko — naniningil ng utang. Yung iba, makikiusap, yung iba naman magtatago. Dito na mararanasan ang mga bastos na kolektor sa telepono o sa text — minsan bastos, kadalasan naman ay nananakot.

Sa aking munting pa­lagay — may mga alituntunin ang ating Bangko Sentral tungkol sa pagkolekta ng utang sa credit card. Unang-una, hindi dapat nanggugulo ito lalo na sa lugar ng iyong trabaho. Panga­lawa, hindi dapat ito nananakot at hindi nagbibigay ng ma­ling impormasyon tungkol sa balanse. Kadalasan kasi, puro pananakot at panggugulo ang ginagawa ng ibang kolektor — hindi naman lahat — ngunit madalas ito ang nangyayari upang sila ay makakolekta dahil kumikita ang mga kolektor na ito sa komisyon base sa nakokolekta nilang utang. Ang aking munting payo — maki­pag-usap mismo sa banko tungkol sa pamamaraan ng inyong pagbabayad — tandaan, ito’y utang n’yo naman talaga dahil sa paggamit n’yo ng credit card. Makiusap na baka maaaring ayusin ang istraktura ng inyong pagbabayad na nakabubuti sa inyo at sa banko.

Pero sa aking munting palagay, mas magandang maiwasan ang problemang ito kung magkakaroon tayo ng disiplina sa pagkuha at paggamit ng credit card. Sabi nga nila, isang malaking responsibilidad ang pagmamay-ari ng credit card. Hindi dapat ito ginagamit ng basta-basta at para lamang sa luho. Laging tandaan, ang pangunahing gamit ng isang credit card ay tulungan kayo sa mga gastusing biglaan at iwasang maging pabaya rito. (@YOURSERVICE / ATTY. DAVID AQUINO)

Please follow and like us:
Read More