KATITING NA ROLLBACK IPINATUPAD

oil45

(NI ROSE PULGAR)

MATAPOS isyuhan ng show cause order ng Department of  Energy (DOE) ang mga kumpanya ng langis, nagpatupad pa rin ng katiting na bawas sa presyo ng mga produktong petrolyo ang ilang kumpanya ng langis sa bansa na epektibo, Sabado ng umaga.

Naunang nagpalabas ng abiso ang kompanyang Phoenix Petroleum ang bawas presyo na P0.80 kada litro ng gasolina, P1.00 naman kada litro sa diesel na epektibo, Sabado ng alas-6:00 ng umaga.

Inaasahan naman na susunod na magpalabas ng abiso ang ilan pang kumpanya ng langis partikular na ang tinaguriang ‘Big 3’ ng bawas presyo sa kanilang mga produktong petrolyo sa kahalintulad na halaga.

Ang ipinatupad na katiting na bawas presyo sa mga produktong petrolyo ay bunsod sa patuloy na paggalaw ng presyuhan nito sa pandaigdigang pamilihan.

Ang panibagong rollback ay kasunod ng kautusan ng DOE, na magpaliwang sa nauna nang ipinatupad na rollback noong nakaraang linggo, matapos na umalma ang DOE sa maliit na bawas presyo na ipinatupad ,makaraang na magpatupad ng taas presyo na P2.35 sentimos sa kada litro ng gasoline at P1.80 sentimos sa diesel at P1.75 naman sa kerosene kada litro ,kasunod ng nangyaring drone attack sa dalawang planta ng Saudi Aramco.

Batay sa DOE, kulang ang ipinatupad na rollback ng mga kompanya ng langis nitong nakalipas na linggo, dahilan upang pagpaliwanagin ang mga kompanya ng produktong petrolyo hinggil dito.

Please follow and like us:
Read More

MIYEMBRO NG PHIL MARINES KULONG SA PAGMAMALTRATO SA MISIS

(NI ROSE PULGAR)

NAARESTO ng mga tauhan ng Southern Police District (SPD) ang isang miyembro ng Philippine Marines makaraang hainan ng warrant of arrest sa loob ng Fort Bonifacio sa Taguig City, Biyernes ng hapon.

Kinilala ni SPD Director Police Brig. General Nolasco Bathan ang nadakip na Marine na si Marine Corporal Erickson Obias, nakatalaga sa Marine Security Group (MSEG) ng Philippine Marines sa Lawton Avenue, Fort Bonifacio, ng naturang lungsod.

Sinabi ni Bathan, inihain kay Obias ang warrant of arrest para sa kasong paglabag sa Republic Act 9262 o Violence Against Women and their Children Act na inilabas ng Nueva Ecija Regional Trial Court Branch 29 dakong alas-5:30 ng hapon.

Kusang-loob namang sumama sa mga tauhan ng District Special Operations Unit si Obias nang ihain sa kanya ang warrant at magkaroon ng koordinasyon sa pamunuan ng Philippine Marines.

Nabatid na mismong ang misis ni Obias na si Theresa Basco Obias ang humingi ng tulong sa SPD para maaresto ang mister dahil sa umanoý pangmamaltrato nito sa kanya.

Nakakulong ang nasabing Marine sa detention cell ng nasabing himpilan ng pulisya at nakatakdang iturn over ito sa Nueva Ecija na kung saan ito may kinakaharap na kaso.

 

Please follow and like us:
Read More

APELA NI PERASOL IBINASURA

(NI LOUIS AQUINO)

SA kabila ng paghingi ng tawad ni University of the Philippines (UP) coach Bo Perasol, pinanindigan ng pamunuan ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) ang hatol na three-game suspension sa una.

Ayon kay UAAP Season 82 commissioner Jensen Ilagan, malaking kamalian ang ginawa ni Perasol sa pag-atake nito kay referee Jaime Rivano sa naganap sa panalo ng Ateneo kontra UP noong September 29.

Giit ni Perasol, “unjustifiable” ang hatol kaya umangal siya.

Pinapagtibay ng UAAP na isang role model ang pagiging head coach na hindi naipakita ni Perasol sa naturang game.

“Officiating may not be perfect, but it cannot justify outbursts like what he did. As head coach, he should know that he is a role model, and in the UAAP where character building is of paramount importance, Mr. Perasol should have been aware of that,” paliwanag ni Ilagan.

Iginiit pa ng official, hindi nirespeto ni Perasol ang mga opisyal ng UAAP kaya gano’n ang naging  desisyon nila.

Please follow and like us:
Read More

9 PULIS SIBAK SA PAGGAMIT NG SHABU

(NI JG TUMBADO)

SIYAM na aktibong pulis mula sa Police Regional Office-7 (Central Visayas) ang sabay-sabay na sinibak sa serbisyo  matapos magpositibo ang mga ito sa paggamit ng ilegal na droga.

Batay sa naisumiteng report kay PRO-7 Director Police Brigadier General Debold Sinas, ang na-dismiss na mga pulis ay may ranggong Patrolman hanggang Police Master Sergeant.

Kabilang sa mga natiwalag na sa serbisyo ay sina Patrolman Merlo Daclan Laborte, Patrolman Frances Maucesa, Patrolman Greggy Gica, Patrolman Jayrome Solano, Patrolman Joseph Tabo-tabo, Police Corporal Jose Marie Garcia, Police Corporal Gilfredo Carungay, Police Staff Sergeant Joffrey Mulat at Police Master Sergeant Darwin Gonzales.

Lumalabas sa report na nagpositibo ang nabanggit na mga pulis sa paggamit ng shabu sa isinagawang drug test sa kanila noong 2018 at 2019 kung saan una na silang na-relieve sa pwesto.

Pero nitong Oktubre 4, 2019, araw ng Biyernes ay tuluyan na silang tinanggal sa serbisyo bilang alagad ng batas.

Bukod sa pagkakatanggal sa serbisyo, mahaharap pa ang mga ito sa kasong administratibo dahil sa paglabag sa ilalim ng Republic Act 9165 section 11 o ang possession of dangerous drugs.

Ayon kay Sinas, ang mga pulis na tinanggal ay kabilang sa mga itinuturing na ‘ninja cops’ o sangkot sa pag recycling ng shabu na kanilang nakukumpiska sa anti drugs operations pero muli itong ibinebenta sa lansangan.

Kaugnay nito, sinabi ni Sinas na sa kabila ng kontrobersiya sa Senate hearing patungkol sa ‘ninja cops’ ay ipagpapatuloy nila ang kanilang internal cleansing at sa giyera kontra ilegal na droga at maging ng regular na pagsasailalim sa random drug testing sa buong kapulisan sa PRO7.

Please follow and like us:
Read More

LOLO NA NA-STROKE TUMALON SA TULAY 

crime12

(NI ANNIE PINEDA)

SA pakiramdam ay isa na siyang inutil matapos ma-stroke ang isang lolo , minabuti na lamang umano nitong tapusin ang sariling buhay sa pamamagitan ng pagtalon sa tulay, iniulat kaninang umaga sa Iloilo City.

Kinilala ang biktimang Hernan Gonzaga, 69, ng Pavia, Iloilo City.

Batay sa report ng Pavia Municipal Police Station, natagpuan na lamang ang biktima sa ilalim ng tulay at wala na itong buhay.

Ayon sa misis ng biktima, sinadya ng biktima ang pagtalon sa tulay dahilan para magkabali-bali ang katawan na nagresulta ng kanyang kamatayan.

Kuwento ng misis, na-stroke ang kanyang mister at naapektuhan na umano ang utak nito na kung minsan ay bumabalik sa pagkabata.

Madalas din umanong sinasabing ng biktima na mas mabuti pang tumalon na lamang siya sa tulay ay hindi umano nito inaakalang totohanin ng mister ang pagpakamatay.

 

Please follow and like us:
Read More

SANGGOL NABULUNAN SA GATAS, PATAY 

(NI ANNIE PINEDA)

HINDI naisalba pa ang buhay ng 11-buwan na sanggol matapos mabulunan habang dumedede ng gatas sa bote, iniulat kaninang umaga sa Cagayan de Oro City.

Ayon sa kapatid ng biktima na si Jomarie Maque, ng Brgy Macabalan sa lungsod ng Cagayan De Oro, nakaligtaan niya ang pagbabantay sa kanyang kapatid habang pinadedede ng gatas.

Nakita na lamang niya ang kapatid na tila nalulunod sa dinedede nitong gatas at hindi na nakahinga pa.

Kaagad naman dinala sa Northern Mindanao Medical Center ang sanggol pero dineklara na rin itong patay ng umatending doktor.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing insidente.

 

Please follow and like us:
Read More

WALANG FOUL PLAY SA LRT2 FIRE — LRTA

(NI KEVIN COLLANTES)

WALANG nakikitang foul play o anggulo ng terorismo ang Light Rail Transit Authority (LRTA) sa sunog na naganap sa rectifier ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) sa Quezon City, nitong Huwebes, na nagresulta sa pansamantalang suspensiyon ng operasyon nito.

Ayon kay LRTA Spokesperson Hernando Cabrera, sa ngayon ay walang indikasyon na sinadya ang sunog ngunit patuloy pa rin aniya nilang iniimbestigahan kung ano talaga ang pinagmulan nito.

Kaugnay nito, sinabi ni Cabrera na target nila na maibalik ngayong Lunes ang kanilang mga biyahe, ngunit limitado muna ito, o mula sa Recto Station sa Maynila hanggang Cubao Station sa Quezon City lamang.

Inaasahang suspendido naman ng mula anim hanggang siyam na buwan ang biyahe ng LRT-2 sa tatlong istasyon nito na pinakaapektado ng sunog, kabilang ang Santolan, Katipunan, at Anonas, dahil kakailanganin pa nilang mag-angkat ng mga materyales para sa nasirang pasilidad.

Sinabi naman ni Cabrera na pipilitin umano ng LRTA na maibalik din agad ang biyahe sa Anonas Station sa mga susunod na araw.

“Recto to Cubao, Cubao to Recto ang target natin sa Monday pero baka sa mga susunod na araw, maisama na natin ang Anonas,” ani Cabrera.

Habang hindi pa naman fully operational ang LRT-2, magde-deploy muna sila ng mga bus na magsasakay at maghahatid ng kanilang mga pasahero sa destinasyon ng mga ito.

Nauna rito, tinupok ng apoy ang rectifier ng LRT-2 sa Katipunan, sanhi upang mawalan ng suplay ng kuryente ang linya ng tren at magsuspinde ng biyahe ng buong linya nito.

Ayon sa LRTA, sa kanilang pagtaya, aabot ng P428 milyon ang napinsala ng sunog sa kanilang mga pasilidad.

Ang LRT-2 ang siyang nagdudugtong sa Santolan, Pasig City at Recto, Maynila.

Please follow and like us:
Read More

MARK ANTHONY NAGPAPAGANDA NG KATAWAN

boy abunda(NI BOY ABUNDA)

NANGANGARAP si Mark Anthony Fernandez na makagawa ng isang proyekto na comedy ang tema. Matatandaang sumikat ang ‘Gwapings’ noong dekada nobenta na kinabibilangan nina Mark, Eric Fructuoso at Jomari Yllana na naging bahagi ng sitcom na ‘Palibhasa Lalake.’ “Paborito ko talaga ang comedy. ‘Yon ang paborito ko sa lahat kasi noong teenager pa ako, ‘yon ‘yung sobra kong na-enjoy sa Palibhasa Lalake. Pero no’ng nagkaedad na tayo, sa action-drama na ako napunta. Para kasing ‘yon ‘yung mas babagay sa mukha ko eh,” nakangiting bungad ni Mark Anthony.

Ngayon ay apatnapung taong gulang na ang aktor kaya mas pinangangalagaan na ang kalusugan at katawan. Matatandaang mahigit isang taon ding nabilanggo si Mark Anthony dahil nahulihan ng marijuana sa kotse noong 2016. “Health conscious naman ako ever since. Like no’ng 21 years old pa lang ako, ‘yon talaga ang objective ko, ‘yung magandang katawan. Halos araw-araw kong ginagawa ang pagji-gym simula no’ng nakalaya ako kasi parang tumaba yata ako do’n (sa kulungan) eh. Siguro magtu-two years na akong ensayo nang ensayo. Ngayon pansin ko naman pumapayat na ako, umuokey na,” natatawang pahayag niya.

Masayang-masaya ngayon si Mark Anthony dahil sumisikat na rin ang anak na si Grae Fernandez. Huling nakapagbida ang binata sa ‘Hiwaga Ng Kambal’ na nagtapos kamakailan lamang. Para kay Mark Anthony ay posibleng sa mga magulang na sina Alma Moreno at Rudy Fernandez namana ni Grae ang husay sa pag-arte.

“Pwede, pwede naman or sa lolo niya. Pero kahit na ipagpalagay natin na kunyari wala pang nangyayari sa kanya, okay lang naman sa akin dahil kumbaga meron siyang nae-experience, nahahasa siya. So sana sumikat din siya nang mabuting-mabuti,” pagtatapos ng aktor. -Reports from JCC-    

 

Please follow and like us:
Read More

5 PATAY, 4 SUGATAN SA TRUCK VS TAMARAX FX

(NI JUN V. TRINIDAD)

QUEZON –  Lima ang namatay at apat ang sugatan, kabilang ang isang nasa kritikal na kondisyon, matapos sa banggaan ng dalawang sasakyan sa isang bahagi ng Maharlika Highway, sakop ng bayan ng Gumaca sa lalawigang ito noong Sabado.

Sa report ni Gumaca police chief, Major Rodelio Calawit, dead on the spot sina Jimmy Bron, 42; ang asawa niyang si Razel at anak na si JM; at si Emmanuel Junel Sagrit.

Si Francisco Joel Butardo naman ay hindi na umabot nang buhay sa Gumaca District Hospital sa kabayanan sanhi ng grabeng pinsala sa kanyang katawan.

Ayon sa police report, nagmamaneho si Jimmy ng kanyang Tamaraw FX na may sakay na walong pasahero nang aksidenteng bumangga siya sa kasalubong na cargo truck na biyaheng Maynila na minamaneho naman ni Gerome Villar sa isang bahagi ng Maharlika Highway sakop ng Barangay Bamban, bandang 5:45 ng umaga.

Sinabi sa report na tinangka ni Villar na iwasan ang Tamaraw FX na umano’y tumatakbo na wala sa kanyang linya nang maganap ang salpukan.

Sa imbestigasyon, nakatulog umano ang driver ng Tamaraw FX na siyang posibleng dahilan kaya naganap ang banggaan.

Apat na pasahero ng Tamaraw FX na kinilalang sina Fritcie Joyce Butardo, Fatima Jade Butardo, Eda Butardo at Ulpiano Clores, ang pawang nagtamo rin ng mga sugat sa katawan at isinugod sa naturang ospital.

Sa panayam sa telepono, sinabi ni Patrolman Alejandro Veluz Jr., Gumaca police investigator, na nanatiling nasa kritikal na kundisyon si Clores sanhi ng inabot na mas malubhang pinsala.

 

Please follow and like us:
Read More

AMALIA FUENTES, 79

(NI DAVE MEDINA)

PUMANAW ngayong madaling-araw ang batikang aktres na si Amalia Fuentes sa edad na 79 anyos sa St. Lukes Medical Center sa Taguig City.

Ang pagpanaw ni Amalia dakong alas-4:00 ng madaling araw kanina ay inihayag ng pamangkin nitong dating child wonder na si Niño Muhlach.

Dinala si Amalia apat na araw ang nakakalipas dahil sa pagsama ng kondisyon nito makalipas ang ilang taong pagdanas ng karamdaman at pananatiling nakawheelchair.

Ayon kay Niño, kasalukuyang nasa morgue ng St Luke’s si Amalia makaraan ang multiple organ failure.

“Nasa tabi niya ako, nagkaroon siya ng seizures, nakita ko walong beses pa siyang huminga (ng malalim)”, sabi ni Niño Muhlach sa panayam.

Please follow and like us:
Read More

KUYA PINASLANG NI BUNSO SA AWAY-LUPA

crimeshooting

(NI DONDON DINOY)

DAVAO CITY- Nagdadalamhati ngayon ang pamilya ng isang magsasaka matapos mapatay ng kanyang bunsong kapatid na lalaki sa Purok Jacinto, Barangay Coronobe, Maragusan, Compostela Valley, Biyernes ng gabi.

Nakilala ang biktima na isang Marjun Lumikid Magkidong, 32, binata, habang ang suspek ay kinilala na isang Sannyboy Lumikid Magkidong, 30, pawang mga residente ng lugar.

Ayon sa ulat ng Compostela Valley Police Provincial Office, napag-alaman na rumesponde pa ang mga personahe ng Maragusan Emergency Response Team (MERT) sa Maragusan Municipal Police Station upang ipaalam ang nangyari.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, napag-alaman na nakipag-inuman ang suspek sa bahay ng kanyang tiyuhin ngunit pumunta ito sa bahay ng kanyang tiyahin kung saan kinuha nito ang isang homemade shotgun na nakalagay sa kwarto.

Ayon sa mga otoridad galit na galit na ang suspek na sumugod sa bahay ng biktima na kapatid nito at nag-huhurumentado habang sumisigaw na lumabas ito sa kanyang bahay.

Dagdag ng pulisya na hindi nagtagal ay lumabas ang nakatatandang kapatid at nilapitan ang suspek ngunit sinapak ito ng bunso sa kaliwang parte ng tiyan sabay sa pagbaril sa tuhod ni Marjun.

Pagkatapos ng krimen ay agad na umalis ang suspek papuntang Purok Mandayan kung saan sumuko kay Purok Leader Nolan Subayno sa Barangay Coronobe.

Dinala pa umano ang biktima sa Compostela Valley Provincial Hospital-Maragusan ngunit ideneklarang dead on arrival na ito.

Agad namang rumesponde ang mga otoridad sa crime scene ngunit tanging homemade shotgun na ginamit ng suspek sa pagpatay ang narekober.

Ayon sa mga otoridad away sa lupa ang naging motibo ng krimen.

Nakakulong ngayon sa Maragusan Municipal Police Station ang suspek.

 

Please follow and like us:
Read More

SEA GAMES EQUIPMENT PARATING NA — RAMIREZ

poc

(NI ANN ENCARNACION)

GABI at araw na ginagawa ng Philippine Sports Commission (PSC) ang lahat ng paraan upang masiguro na darating sa takdang oras ang lahat ng gagamiting sports equipment para sa ika-30 edisyon ng Southest Asian Games.

Inihayag ni PSC chairman William ‘Butch’ Ramirez na nagkausap ang task force na binubuo ng representante mula Philippine Olympic Committee (POC), Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) at pinamumunuan niyang PSC, kabilang ang iba’t ibang national sports associations (NSAs), para mapabilis ang proseso sa pagkuha ng lahat ng sports equipment para sa SEAG.

Nakipag-usap ang task force sa mga NSA officials sa billiards, ice skating, dancesport, shooting at windsurfing kaugnay sa procurement ng kanilang mga kailangang equipment.

Mayroon lamang 11 mula sa 57 na kasaling NSAs ang nakuha na ang kanilang kailangang equipment. Ang natitirang 46 ay pinoproseso pa.

Gayunman optimistiko si Ramirez na maidedeliber ang mga kagamitan sa tamang oras. “We’re looking at having everything delivered in our warehouse by November 15.”

Dagdag pa ng Chief de Mission ng Team Philippines, “The cooperation among the PSC, POC and PHISGOC is very solid and they are doing a good job screening all the equipment requirements and other requests of the NSAs. The SEA Games task force had gone full blast. We expect everything to be done by next week.”

Ilan sa kinakailangan pang bilhin ay equipment sa shooting, rowing, athletics, weightlifting, wrestling at gymnastics.

Kasama ang mga baril at bala, at practice ranges sa Subic at Philippine Marines headquarters sa Taguig, gagastos ang bansa sa shooting pa lang ng P73.9 milyon.

Sa rowing tinatayang P58.5 milyon,  athletics P43.1 milyon, weightlifting P35 milyon, wrestling P33.3 milyon, at gymnastics P33.1 milyon na ang gagastusin.

Pinakamura ang gastusin sa surfing P549,000, squash P535,000, netball P1 milyon, taekwondo P2.2 milyon, chess P2.3 milyon, jiu-jitsu P2.3 milyion at triathlon P3.9 milyon.

Nagtakda ang gobyerno ng kabuuang  P6.5 bilyon budget para sa paghohost ng Pilipinas sa 30th SEAG kung saan kalahati ay mapupunta sa procurement ng equipment para sa 57 kasaling NSAs.

Ang kada dalawang taon torneo ay magsisimula sa Nobyembre 30 sa Philippine Arena sa Bocaue,  Bulacan at magtatapos sa Disyembre 11.

Please follow and like us:
Read More

MASALIMUOT NA BUHAY TINAPOS SA LUBID

(NI MAC CABREROS)

DALA ng matinding galit, tinapos ng isang tricycle driver ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagbigti sa Pasig City.

Nakapulupot ang nylon cord na nakabitin sa biga ng comfort room nang matagpuan ang bangkay ni Gregorio Caguicla, 50, ng Unit C, Block 62 Lot 5, KC 27 Kaayusan St., corner Kaluwagan St., Karangalan Village, Brgy. Mangahan, Pasig City.

Alas-6:30 ng gabi ng Biyernes nang makita ang bangkay ng biktima ng kanyang anak na si John Wesley at walang nakitang external injury sa katawan ng biktima, ayon SOCO-EPD chief Lt. Col. Marriance
Ebdane.

Bago ang insidente, may pagtatalong naganap sa kanyang ive-in partner, dagdag LtCol. Ebdane.

Samantala, bangkay nang lumutang sa Marikina River si Jamal Soliman, 26, construction worker, matapos ang paulit-ulit na pag-dive mula sa Tumana bridge sa Barangay Tumana, Marikina City.
Sa ulat, huling nakitang buhay si Soliman na ilang beses na tumalon sa tulay at lumangoy hapon ng Huwebes.

Sa huling dive nito ay hindi na ito lumutang kaya nagresponde ang Rescue 161 ngunit nabigo.

Alas-kuwatro ng hapon ng Biyernes nang makita ang lumubog bangkay ng biktima at naiahon gamit ng backhoe.
Pinigilan ng pamilya ni Soliman ang mga awtoridad na magsagawa ng karagdagang imbestigasyon.

Please follow and like us:
Read More

MAG-ASAWA SABAY INATAKE SA PUSO, PATAY

(NI RENE CRISOSTOMO)

KAPWA namatay ang live-in partners , na pinaniniwalaang sabay na inatake sa loob ng kanilang bahay,  sa Tondo, Manila, nitong Biyernes.

Kinilala ang mag live- in na  sina Marcellita Dollete, 54; at Edgar Canus, 52, kapwa residente ng 1953 Juan Luna st., Tondo.

Batay sa ulat ni Det.Jansen Rey San Pedro, ng Manila Police District-Homicide Section, bandang 5:00 ng  madaling araw nang madiskubre na wala nang buhay ang dalawa ng kanilang anak na si Mary Grace, call center agent.

Isa pa nitong kapitbahay ang napasilip sa nakabukas na bintana at nakita ang ginang na nakasandal sa dining table habang nakaupo at inakala niyang natutulog ito kaya kinatok upang gisingin.

Sa kabila ng malalakas na tawag at katok ay hindi umano gumagalaw man lang ang ginang na pinagdudahan kung bakit kaya’t ipinaalam sa nakasasakop na barangay.

Nagkataong dumating na rin ang anak ng mag-asawa na si Mary Grace mula sa trabaho kaya nabuksan ang pintuan .

Nasorpresa siya nang matuklasan na wala nang buhay ang ina at ang ama ay patay na rin sa loob ng bedroom.

Kapwa umano may sakit sa puso ang dalawa subalit nagtataka rin sila kung bakit magkasabay na namatay ang dalawa.

Wala ring nakitang external injuries sa katawan ng mga biktima.

Isinailalim sa awtopsiya ang dalawang bangkay para makasiguro kung anong sanhi ng kanilang kamatayan.

Please follow and like us:
Read More

NCAA SEASON 95: DEFENDING CHAMP BUTATA SA SAN BEDA

(NI LOUIS AQUINO/PHOTO BY MJ ROMERO)

TULUYANG pinalayas ng San Beda ang defending champion Mapua, 91-82, sa NCAA Season 95 seniors basketball tournament Biyernes ng hapon sa Filoil Flying V Centre, San Juan.

Kumabig si Rhayyan Amsali ng double-double 30 puntos at 12 rebounds, kabilang ang two assists at two steals para ihatid ang Red Cubs sa kanilang 11th straight win.

Nag-ambag ang teammates niyang sina Justine Sanchez ng 15 points, five boards, two dimes, at two blocks, at Tony Ynot, 12 points, four rebounds, at two assists.
Dahi

l sa panalo ay napatatag ng San Beda ang kapit nila sa unahan sa kanilang halos perpektong 15-1 panalo-talo.

“On track naman kami sa goal naming mabalik ang San Beda sa taas. Yung no. 1, nakuha na namin sa eliminations, pero sana magtuloy-tuloy pa,” ayon kay Red Cubs coach Manu Inigo na target makapasok sa Final Four ang San Beda.

Nagtala rin ng double-double si Jonnel Policarpio sa kanyang 29 points at 11 rebounds, kabilang ang two assists at two steals para sa Red Robins, ngunit hindi ito naging sapat para maiwasan nila ang maagang pagkakatalsik sa tournament.

Ito ang ikalimang sunod na talo ng Mapua na lumagapak sa 4-11 kartada at tuluyang naetsapwera sa playoff race.

Box Scores:
SAN BEDA 91 – Amsali 30, Sanchez 15, Ynot 12, Andrada 8, Llarena 7, Delfino 5, Alao 4, Alcantara 3, Pascual 2, Nicdao 2, Oftana 2, Cabanero 1, Peregrina 0.

MAPUA 82 – Policarpio 29, Jugo 11, Parial 10, Lugo 8, Fransman 7, Galang 6, Castor 6, Tadeo 2, Buenaflor 2, Mercado 1, Parinas 0, Duarte 0, Ejercito 0.

Please follow and like us:
Read More

LUMA VS BAGO SA PANAHONG MODERNO

JEEPNEYS

Mananakay na Pinoy, saan papanig?

(Ni Mac Cabreros / Huling Labas)

 

NOONG Oktubre 2017, isinapubliko ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Department of Trade and Industry (DTI) ang ilang modelo o proto-type jeepneys na maaring pagpilian para sa modernization program.

Habang isinusulong ang programa, ilang beses nang nagsagawa ang mga transport group ng kilos-protesta sa Metro Manila at ilang pangunahing siyudad sa bansa. Ayon sa mga protesters, sadyang lalong papahirapan ang mga mahihirap ng modernization program na kinatigan ng ilang mambabatas.

Binanggit ng Pinagkaisang Samahan ng Tsuper and Opereytor Nationwide (PISTON) at Kilusang Mayo Uno (KMU), lubhang maapektuhan ang kabuhayan ng 600,000 public utility jeepney (PUJ) drivers at 300,000 small operators.

Ayon sa Crispin B. Beltran Resource Center (CBBRC), tinayang abot sa P30 milyon ang ilalabas ng mga operator para makakuha ng minimum requirement ng 20 jeepneys bawat prangkisa. Samakatuwid, aniya, balakid o hadlang ito sa maliliit at independent jeepney operator.

Bukod dito, aniya, mapapahirapan din ang riding public dahil inaasahang tataas ang pasahe ng limampung poryento.

Kinontra rin ng PISTON at KMU ang pahayag ng gobyerno na nagdudulot ng mabigat na trapiko ang mga jeep. Ayon sa mga nasabing grupo, malayong sila ang sisihin sa mala-pagong na daloy ng mga sasakyan dahil dalawang porsyento lamang ng jeep kumpara sa kabuuang bilang ng sasakyan sa kalsada.

Sa Senado, kinuwestiyon ang kahandaan ng gobyerno sa pagpapatupad programa dahil mangangailangan ito ng P415 bilyon pondo.

Idineklara naman ng DOTr sa pamamagitan ni LTFRB chairman Martin Delgra, na tuloy na tuloy ang implementasyon ng programa.

Mabuburang Imahe

Ang jeepney (auto-calesa dahil sa kabayo sa ibabaw ng hood nito) na tinaguriang ‘Hari ng Kalsada’ noong 1950’s ay naging simbolo ng bansa.

Inilalarawan nito ang Filipino spirit bilang innovative, optimistic at resilient.

Mula sa lumang Willy jeep ng mga Amerikano matapos ang World War II, sa US Air Base sa Pampanga, kinalikot ng malikhain nating kababayan upang maging paboritong sasakyan ng mga Pinoy. Inalis ang upuan at pinalitan ng magkabilaan at magkaharap na upuan para mas marami ang makasakay gayundin na nilagyan ng bubong para pananggalang sa sikat ng araw at tubig-ulan. Naging paborito itong sakyan ng mga Pinoy dahil mas mura ang pamasahe rito.

Pagdaan ng ilang henerasyon, ang jeepney ay humaba, naging makulay at ilan ang naging instant mobile disco. Naging icon na ito sa kultura ng mga Pinoy.

Ngayon, ang nakagisna’y nanganganib na babaguhin ng tadhana sa isang kisapmata?

Ayon sa DOTr, ipinupursige nila ang modernization program dahil hindi ligtas sumakay sa luma dahil kakarag na ito kung saan maaring makalas ang ilang bahagi nito gaya ng gulong na madalas pudpod o kalbo na. Maari ring pumalya ang preno nito. Kapag nakaaberya ang makina o biglang huminto, laking abala ito sa biyahe.

Idiniin din ng DOTr na  nakapagdudulot pa ito ng masikip na daloy ng trapiko.

Hindi rin maganda sa kalusugan ng tao (at ng Inang Kalikasan) ang usok na binubuga ng matandang sasakyan.

Sa kabilang dako, laking ginhawa sa mga pasahero ang modernong sasakyan kung saan bukod sa air-conditioned, mayroon itong CCTV (iwas holdap) at namomonitor sa pamamagitan ng GPS (iwas carnap) at maaring lagyan ng telebisyon at libreng wi-fi  bukod pa sa safe, convenient at comfortable.

Ngayon, kung ang sambayanan ang tatanungin: Ano mas pipiliin

n’yong sakyan – ang luma o ang moderno?

Please follow and like us:
Read More

SINGLE MOMS: CHOOSY PA BA AKO?

GO FOR GOLD

MAY nakapagsabi sa akin na ganito ang nararamdaman ng karamihan sa mga single moms. Wari nila ay mahirap ng makahanap ng lalaki na seseryoso, rerespeto at magmamahal sa kanila ng tapat.

Tutuo ba ito?

Sa aking pag ikot para mag store visits sa mga department stores, napansin ko na marami sa mga promo girls o sales ladies ay mga single mothers. Ganito rin kaya ang nararamdaman nila?

Ano ang dahilan at tila wala nang pag asa ang mga dalagang may anak na makatagpo ng ideal partner o matinong lalaki?

Puwedeng natural lamang na ganito ang kanilang maramdaman. Unang una, dahil sa kanilang sinapit, siyempre medyo di na magtitiwala yan basta basta sa mga lalaki. Kumbaga, napaso na sila. So, para sa kanila, pare-pareho lang ang mga lalaki. Pare-parehong manloloko at bolero.

Pangalawa, sa mata ng tao … damaged goods na sila. Sabi ng iba bumababa ang kanilang market value kapag naanakan sila at hindi pinakasalan. Lalo pa siguro kung ilan na ang anak at iba-iba pa ang tatay. Naku! Lalo na dito sa atin sa Pilipinas na mas konserbatibo pa kaysa sa Amerika at Europa.

Marahil dala ito ng ugat ng problema nila. Maaaring marami sa kanila ay pasaway sa magulang. Nadala ng bugso ng damdamin at puso ang pinairal. Walang sinino. Di nakinig sa mga kaibigan at mahal sa buhay.

Puwede rin na sa simula pa lang mababa na ang tingin nila sa kanilang sarili. Mas lalo pa nang maanakan at iwanan.

Para sa akin, kahit pa tutuo lahat yan, kaya pa rin ninyo umahon sa kumunoy na kinasasadlakan ninyo sa kasalukuyan.

Ang tanong, gusto nyo ba talaga umayos ang buhay nyong mag-ina?

Natural lang ang magkamali sa buhay. Ang importante ay matuto tayo sa pagkakamali. Pero kapag inulit pa natin ang pagkakamali na yon … mas malamang na tayo na ang may diperensiya. Huwag na natin isisi sa iba.

Alam mo na ngang nanggagamit lang ng babae iyan at lima-lima ang anak niyan sa iba ibang babae, okey ka parin? Mali iyan!

Marami sa atin sobra lang talaga ang katigasan ng ulo. Stubborn. Ayaw makinig sa magulang. Yung tipong makikinig lang kapag nakita na nila ang kanilang katawan na nasa damuhan … ginahasa at pinatay!  Iyan ba ang gusto nyo?

Tama na ang isang pagkakamali dahil bawat anak – hindi man yan pinangatawanan ng ama niya – ay biyaya ng Panginoon. Nasa inyo na yan kung gagamitin nyo ang blessing na yan para sa ikabubuti ng inyong situwasyon.

Don’t lose hope. Don’t compromise.

Marami akong kilala na mga single moms na nasa mabuting kalagayan na ngayon. Marami sa kanila successful na ang buhay. Marami sa kanila may matino at mapagmahal na napangasawa.

Kaya’t sa mga single moms diyan … Opo, puwede kayong maging choosy. Huwag mawalan ng pagasa. Magtiwala sa Panginoon dahil mas marami pang matinong lalaki diyan na malinis ang hangarin kahit pa gaano kababa ang tingin ninyo sa inyong sarili. (Go for Gold)

Please follow and like us:
Read More

MANGMANG O NAGMAMAANG-MAANGAN LANG?

BOMBAHAN NA FINAL

HINDI maintindihan ng BOMBAHAN NA, kung walang alam o sinasadyang hindi sundin ng mga tauhan ng Marikina Police Headquarters ang Executive Order No. 02 o mas kilala sa tawag na Freedom of Information (FOI).

Ang EO No. 02 ay nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong Hulyo 23, 2016.

Isa-isahin po nating ipaliwanag sa mga pulis sa Marikina City para maintindihan nila.

Basahin n’yo ito Madamme Ofelia Cruz, secretary ni Marikina City Chief of Police SSupt. Restituto Arcangel; PSInsp. Mauro Gerero at imbestigador na si Ventura para malinawan n’yo ang nilalaman ng FOI EO No. 02.

“The FOI Executive Order provides for full public disclosure of all government records involving public interest, and upholds the constitutional right of people to information on matters of public concern.”

Ang FOI ay binibigyan ng buong laya ang publiko sa lahat ng ahensiya ng gobyerno na makakuha ng mga dokumento na may kinalaman sa public interest.

“Every Filipino shall have access to information, official records, public records and to documents and papers pertaining to official acts, transactions or decisions, as well as to government research data used as basis for policy development”.

Bawat lahi ni Juan ay binibigyan ng karapatan na magkaroon ng access para sa impormasyon. Official records, public records at maraming iba pa.

Sa E.O. 2 Sec. 3: The Order defines “information” to include any:records, documents, papers, reports, letters, contracts, minutes and transcripts of official meetings, maps, books, photographs, data, research materials, films, sound and video recording, magnetic or other tapes, electronic data, computer stored data, any other like or similar data or materials recorded, stored or archived in whatever format, whether offline or online, which are made, received, or kept in or under the control and custody of any government office pursuant to law, executive order, and rules and regulations or in connection with the performance or transaction of official business by any government office.

Mas malinaw pa sa sikat ng araw ‘yan, kung ano ang nakapaloob sa FOI E.O. 2 na pinirmahan ng Presidente ng Pilipinas.

Ngayon ano ‘yang pinapipirmahan n’yo sa tao na form na gusto lang tingnan ang police blotter, pahihirapan nyo pa?

Mga mangmang ba kayo o nagmamaang-maangan lang kayo?

O baka may pinagtatakpan kayo?

Ipaliwanag n’yo ‘yan sa taumbayan, Sr. Supt. Arcangel kung bakit hindi nyo sinusunod ang FOI E.O. 2 na pinirmahan ni Presidente Duterte.

Dapat National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Maj. General Guillermo Eleazar sir, i-seminar ang mga tauhan ng Marikina Police Headquarters sa nilalaman ng FOI kasi hindi nila alam.

Sumunod na sa proseso nila ang BOMBAHAN NA, nag-fill up na sa kanilang FOI Form natapos na’t lahat hindi pa rin ipinasilip sa atin ang police blotter.

Dinala pa kami ni Ventura sa opis ni SInsp. Gerero at nakipagtalo pa sa BOMBAHAN NA tungkol sa nilalaman ng FOI pero bandang huli ay inamin niyang hindi pa siya nagse-seminar tungkol dito.

Kahit grade 1 mga silipero ng BOMBAHAN NA, makakaintindi siya sa nilalaman ng FOI, pero itong mga Police Marikina ay hindi nila maintindihan.

Baka naman natutulog sa pansitan ang mga ito.

Dapat siguro gisingin ni Gen. Eleazar ang mga ito nang matauhan.

Nababalot na kayo sa kontrobersiya dahil sa pagkakabulgar ng ‘Ninja Cops’ ngayon dinadagdagan nyo pa ng isa pang kapalpakan.

Magbasa kayo tungkol sa mga batas nang hindi kayo napupulaan, kakahiya kayo!

Pagka ganitong nakakaharap nating mga pulis ay mabilis na humahaba ang balbas natin sa stress dahil nakikipagtalo pa, mali naman ang pinagsasabi.

Porke’t mga pulis sila pakiramdam nila lagi silang tama.

Mag-seminar nga kayo patungkol sa FOI para magmukhang may alam kayo.

Dokumento o kontrata nga patungkol sa proyekto pinapayagan na makakuha ang ordinaryong mamamayan ng kopya base sa FOI, police blotter lang ayaw nyong ipakita?

Ayan sir Resti, basahin n’yo rin ang nilalaman ng FOI E.O 2 para malaman n’yo.

May kasabihan tayo na mahirap gisingin, ang gising. Ganun siguro sila, nagmamaang-maangan lang kasi nga baka may makitang pinagtatakpan nila na ayaw maibulgar ng media.

Maging makatotohanan po tayo sa lahat ng panahon, Amen.

oOo

Pasabugin ang katiwalian magsumbong sa BOMBAHAN NA, mag-email joel2amongo@yahoo.com o kaya magtext sa 0977-751-40-74. (BOMBAHAN NA / Joel Amongo)

Please follow and like us:
Read More