YEN, WILLING NANG GUMAWA NG SEXY FILM

boy abunda(NI BOY ABUNDA)

KAPANSIN-PANSIN ang pagbabago ng hairstyle ni Yen Santos ngayon. May kinalaman daw ang bagong ayos ng aktres sa isang proyektong ginagawa sa kasalukuyan. “Abangan n’yo po kung bakit ganito ‘yung haircut ko,” nakangiting bungad ni Yen.

Wala mang teleserye ngayon ay kabi-kabila naman ang ginagawang pelikula ng aktres. Magbibida sina Yen at Kid Yambao sa ‘Two Love You’ na mapapanood na sa mga sinehan simula November 13. Kasama rin ng dalawa sa nasabing pelikula ang mga komedyanteng sina MC at Lassy. “As of now movies muna. It’s a beautiful love story. Hindi kasi madalas nata-tackle ‘yung nagkakaroon talaga ng pamilya (ang miyembro ng LGBTQ), na mag-asawa ang bakla at babae. So dito makikita natin na posible talagang mangyari ‘yung ganoong klaseng pag-ibig,” pagbabahagi ng dalaga.

May bulung-bulungan na todo na ang gagawing pagpapaseksi ni Yen sa pelikulang nakatakdang gawin. “Abangan po natin ‘yan. As long as siyempre may mga limitation pa rin naman tayo. But I’m open to the role,” giit niya.

Samantala, makikita sa Instagram account ng aktres ang hilig sa pagbabakasyon sa iba’t ibang bansa. Kung mabibigyan ng pagkakaton ay may isang lugar pang gustong puntahan si Yen. “Enjoy lang, huwag na masyadong mag-isip, mas masarap mag-explore pa dahil marami kang madi-discover mo na hindi mo pa alam sa sarili mo. Gusto kong makapunta ng Greece, sa Santorini,” pagtatapos ng dalaga

ELHA, PUSPUSAN ANG PAGPAPAPAYAT

Dalagita na ngayon ang The Voice Kids Season 2 winner na si Elha Nympha. Marami ang nakapapansin sa ginagawang pagpapapayat ng singer. “Mga last month po nag-decide po akong mag-gym. Kasi may mga kasama po ako. Kasama ko po sina Janine (Berdin) tsaka si ate Angela Muhlach. Nag-diet po kasi muna ako tapos after po no’n, ayun, nag-gym na po kami,” pagtatapat ni Elha.

Labing isang taon lamang ang singer noong nanalo sa nasabing singing competition. Hindi na umano nagpapaapekto si Elha kapag nakikita ngayon ang mga kasabayang labinglimang taong gulang na mas payat sa kanya. “Pero hindi po ako nagpapaapekto doon. Kasi ‘yung ginagawa ko po ngayon ay gusto ko po, gusto ko pong mangyari sa sarili ko. Feeling ko po kasi habang ginagawa ko sa sarili ko itong exercise, magiging healthy po ako,” paliwanag niya.

Isa si Elha sa magiging guest ni Zephanie Dimaranan sa kauna-unahang concert ng Search for the Idol Philippines grand winner na gaganapin sa New Frontier Theater sa November 28. -Reports from JCC-     

 

Please follow and like us:
Read More

B-DAY BOY NALUNOD SA BEACH PARTY  

(NI NICK ECHEVARRIA)

NALUNOD ang 53-anyos na matandang binata na nagpa-beach party sa araw mismo ng kanyang kaarawan matapos lumangoy ng lasing sa dagat sa Virac, Catandanes, Huwebes ng hapon.

Wala nang malay nang matagpuan sa ilalim ng dagat ang birthday boy na si Jose Naman, karpintero at residente ng Brgy. Danicop ng nabanggit na lugar.

Ayon sa paunang ulat ng Virac  Municipal Police Station (MPS), nagkayayaang maligo ang biktima, mga kaibigan at kanyang mga kamag-anak sa dagat na sakop ng Barangay Balite sa bayan ng Virac para ipagdiwang ang kanyang kaarawan.

Nag-inuman muna umano ang  grupo Huwebes ng hapon bago nagkayayaang maligo at sumisid sa dagat subalit makaraan ang ilang minuto napansin  ng mga kaibigan at kamag-anak nito na hindi pa rin  lumulutang ang biktima na kanilang ipinagtaka kaya hinanap na nila ito.

Pasado alas-4:30 na ng hapon nang matapuan ng isa sa kanyang kamag-anak ang biktima sa ilalim ng tubig na hindi na humihinga.

Nadala pa sa Eastern Bicol Medical Center ang biktima subalit namatay din ito habang nilalapatan ng lunas.

Paalala ng mga awtoridad iwasang  maligo sa dagat dahil mas bumibigat ang katawan ng isang tao kapag nakainom na posibleng maging sanhi ng pagkalunod.

Please follow and like us:
Read More

3 BUGAW NG MINORS ARESTADO NG NBI

(NI HARVEY PEREZ)

NADAKIP ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang tatlo katao, kabilang ang dalawang menor de edad, sa aktong ibinubugaw ang walong kababaihan, kabilang ang anim na menor de edad, sa Maynila.

Iprinisinta ng NBI-Anti-Human Trafficking Division, ang mga suspek na sina Mark Eugine Ando, Alyas Monic Ando, Jun at Ed , pawang menor de edad.

Ang mga suspek ay naaresto noong Oktubre 1  sa Malate, Maynila matapos ang entrapment operation.

Habang nasagip naman ang walong  kababaihan, kabilang ang anim na menor de edad na nasa edad 13-17, at dinala sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sa imbestigasyon, nabatid na iniaalok ang mga dalagita sa halagang P5,000 kapalit ng kanilang pakikipagtalik sa mga parukyano.

Sasampahan ng kasong paglabag sa RA 10364 kilala bilang Expanded Trafficking in Person Act of 2012 ang suspek.

 

Please follow and like us:
Read More

MAINE, CARLO MAY LOVE SCENE SA PELIKULA?

(NI GORGY RULA)

KAMAKALAWA natapos ng shooting ang Isa Pa With Feelings nina

Carlo Aquino at Maine Mendoza.

Ipinost ni Maine sa kanyang Twitter account na “AAAAND IT’S A WRAP!!!! #IsaPaWithFeelings #SEPANX”

Nakikita naman kasi sa kanilang magandang samahan nilang dalawa na nabuo sa shooting na iyun.

Puring-puri pa ni Maine ang magandang pagtrato sa kanya ng mga taga-ABS-CBN 2 kaya nakararamdam na nga naman siya ng separation anxiety o sepanx.

Curious lang ako kung nakunan na ba ang kissing scene nilang dalawa, kasi nung nasa mediacon sila, natawa lang sila sa tanong namin kung meron ba silang intimate scenes. Hanggang saan umabot ang mga kilig-kiligan at ilang intimate scenes nila?

“Parang holding hands lang po. Parang doon lang umabot.

“Beso lang yung naalala ko,” pakli ni Maine.

“May mga papalu-palo. Ganun lang,” sabi naman ni Carlo.

Pero base sa teaser ng pelikula, nakakakilig na lalo na yung parang ballroom dancing nila na sabi ni Maine, two months daw bago sila mag-start ng shooting, inaral na raw nila ang ballroom dancing na iyun, kahit kakapiranggot lang ang eksenang iyun.

Sa October 16 na ang showing ng Isa Pa With Feelings, at ramdam na naming malakas ito. Inaabangan na ng mga fans lalo na ang mga loyal fans ni Maine na alam namin sumuporta rin sa Hello, Love, Goodbye nina Alden Richards at Kathryn Bernardo.

BUBOY KASAMA SINA IPE, MOYMOY AT MOCHA  SA JUNKET NI PDUTZ SA RUSSIA KAYA ABSENT SA DEBUT NI ANGELINA

Hindi naman deretsahang sinagot ni Sunshine Cruz ang tanong ng ilang netizens kung imbitado ba si Cesar Montano sa debut ng panganay na anak nilang si Angelina.

Ipinost kasi ni Sunshine sa kanyang Instagram account ang celebration nila na ginanap sa Blackbird Neilson Tower sa Makati nung nakaraang Sabado.

May ilang followers siyang nagtanong kung inimbitahan ba si Cesar. SInagot ito ni Sunshine ng link sa article na sinabi ni Angelina na inimbita niya ang kanyang ama.

Simpleng selebrasyon lang naman daw iyun na kung saan dinaluhan ang dinner na iyun ng ilang anak ng mga celebrities na sina Carmina Villaroel, Ruffa Gutierrez, Marjorie Barretto at iba pa.

Nalaman naming sumama naman pala si Cesar sa biyahe ni Pres. Rodrigo Duterte sa Russia.

Ilan pa sa mga celebrities na sumama roon sa Russia ay sina Phillip Salvador, Moymoy Macasero ng Moymoy Palaboy, at ang bagong OWWA Deputy Adminstrator na si Mocha Uson.

Magbibigay daw sila roon ng entertainment sa mga kababayan natin doon sa Moscow, bilang suporta pa rin sa lahat na mga lakad n gating pangulo.

Nilinaw nga ng Presidential Spokesperson Atty. Salvador Panelo na hindi raw sinagot ng Malacanang ang biyahe roon ng mga artista.

Mag-entertain daw sila roon ng libre kagaya ng iba pang nakaraang biyahe.

Balik tayo sa mga anak ni Cesar, sinasabi naman noon sa amin ng aktor na okay daw ang komunikasyon niya sa kanyang mga anak.

Wala naman daw siyang problema sa mga anak niya.

Kaya baka nabati naman niya si Angelina nung debut nito.

PROUD SI JASMINE SA PAGIGING DOT REGIONAL DIRECTOR NG DYOWA 

Proud na proud si Jasmine Curtis Smith sa boyfriend niyang si Jeff Ortega

Si Jasmine ang sumama sa boyfriend nang mag-oath taking ito dahil nasa  La Union naman daw ang pamilya ni Jeff.

Bale siya na nga raw ang pamilya rito sa Maynila.

“Lahat ng family niya sa La Union and they all have their own careers in politics, in other industries, so, hindi makapunta yung iba and his Dad is very weak. His mom is ano also, has agenda in the province. So, ako yung family niya here,” pakli ni Jasmine nang nakatsikahan namin sa pocket presscon ng bago niyang pelikulang Cara X Jagger.

Bilang nasa pamilya ng pulitika si Jeff, posible talagang papasukin nito ang pulitika, at nandun naman daw ang suporta ni Jasmine gaya nang pagsuporta ni Jeff sa kanyang showbiz career.

“Siyempre, the same way na na learn niya how to accept my industry, I also have to learn and adopt his industry, para it’s a mutual respect na rin for each other’s professional careers,” saad ni Jasmine.

Sa November na ang showing ng Cara X Jagger ni Jasmine na kung saan kasama niya rito si Ruru Madrid.

Naging close daw sila ni Ruru sa pelikulang ito at nagsi-share sila ng kuwento ng kani-kanilang lovelife.

 

Please follow and like us:
Read More

LIBRENG SAKAY SA MGA GURO SA MRT3 BUKAS

(NI KEVIN COLLANTES)

MAGANDANG balita para sa mga guro dahil pagkakalooban sila ng pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ng free rides bukasm Oktubre 5, kasabay nang pagdiriwang ng National Teachers’ Day.

Batay sa inilabas na advisory ng Department of Transportation (DOTr), na siyang nangangasiwa sa operasyon ng  MRT-3, bahagi ito ng kanilang pakikiisa sa mahalagang okasyon at bilang pagpupugay na rin at pagkilala sa sakripisyo at pagseserbisyo ng mga guro para sa bansa.

Ayon sa DOTr, ang libreng sakay ay maaaring i-avail ng mga guro mula 5:30 ng umaga hanggang 10:30 ng gabi ngayong araw.

“Makalilibre ng sakay sa MRT-3 ang mga minamahal nating guro buong araw bukas, ika-05 ng Oktubre 2019, mula alas-5:30 ng umaga hanggang alas-10:30 ng gabi!” anunsiyo ng MRT-3.

Kinakailangan lamang umano ng mga guro na magprisinta ng kanilang Professional Regulatory Commission (PRC) o kaya ay kanilang Faculty ID  sa mga station personnel sa service gate ng MRT-3 upang maka-avail ng libreng sakay.

Ang MRT-3 ang siyang nag-uugnay sa Taft Avenue, Pasay City at North Avenue, Quezon City via Epifanio delos Santos Avenue (EDSA).

Please follow and like us:
Read More

200 KILO KARNE NG MANOK, NASABAT

(NI SIGFRED ADSUARA)

KINUMPISKA ng  National Meat Inspection Service (NMIS) ang tinatayang 200 kilo ng karne ng manok sa Carmona, Cavite.

Sa ulat ni Corporal Luciano Cortez Jr ng Carmona Municipal Police Station, dakong alas-5:30 Biyernes ng umaga nang sitahin ang may 210 kilo na karne ng manok habang sakay ng isang tricycle na minamaneho ni Carl Saracanlao sa Maguyam Road, Brg Bancal, Carmona, Cavite.

Nauna rito, nagsasagawa ng routinary inspection ang mga tauhan ng NMIS  sa pamumuno ni George Garcia  kung saan pinara nila ang isang tricycle na may mga laman na karne ng manok.

Gayunman, imbes na tumigil ang motorsiklo, pinasibad ito dahilan upang humingi ng tulong sa Carmona MPS na nagresulta sa pagkakaaresto kay Saracanlao.

Wala ring maipakitang permit to transport at meat inspection certificate ang nasabing mga karne ng manok.

Paliwanag ni Cortez, ipinagbabawal  din ang pagta-transport ng anumang klase ng karne sa isang open vehicle.

Ang nasabing mga karne ng manok ay galing pa ng Bulihan , Silang Cavite na pagmamay-ari ng isang Carmina Delos Santos.

Please follow and like us:
Read More

ARCHITECTURE STUDENT, NAGBIGIT SA DOUBLE DECK BED 

(NI ANNIE PINEDA)

POSIBLE umanong depresyon ang nagtulak sa isang Architecture student matapos magpakamatay sa pamamagitan ng pagbigti , sa Iloilo City.

Hindi muna pinangalanan ng mga awtoridad ang 21-anyos na biktima, nag-aaral sa isang unibersidad sa Iloilo City at residente ng Culasi, Antique.

Ayon sa pulisya, nagulat na lamang ang boardmates ng biktima nang makita  sa double deck na nakabigti gamit ang nylon cord at wala nang buhay.

Kaagad naman ipinalaam sa mga awtoridad ang nasabing insidente.

Paniwala ng mga kakilala ng biktima, maaring na-depress ito dahil sa madalas nilang nakikitang nahihirapan ito sa pag-aaral.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa naturang pangyayari.

Please follow and like us:
Read More

2 RIDER, NABANGGA, NAGULUNGAN PA NG TRUCK

accident121

(NI SIGRED ADSUARA)

NAKABANGGA na, nagulungan pa ng truck ang dalawang motorcycle rider nang kapwa matumba matapos na makasagi ang isang kotse sa Trece Martires City, Cavite.

Namatay  habang ginagamot sa Gen Emilio Aguinaldo Hospital si Rogen Almoguera, 20, binata at angkas nitong si Mark Romero , 21, kapawa construction worker  at tubong Masbate at  resident e ng  Blk 4, Lt 32, Regina Ville 200, Brgy. Inocencio, Trece Martires City, Cavite.

Hawak naman na ng pulisya ang driver ng isang kulay orange na Hino truck ma may plakang SAF 165 na si Sonny Reyes, 45, ng Luciano Bitangan, Trece Martires City, Cavite.

Sa ulat ni PSSgt Rene Bibon ng Trece Martires City, Cavite, dakong alas-7:30 Biyernes ng umaga nang maganap ang insidente sa Trece_Indang Road, Brgy Inocencio , Trece Martires City, Cavite kung saan kapwa minamaneho ni Almoguera ang kanyang motorsiklo at  isang kulay gray na metallic na Toyota  naman ni Merlyn Vida, 33,  at binabagtas ang kahabaan ng  Trece-Indang Road, galing sa Regina Ville Subd., patungo sa direksiyon ng San Agustin sa Trece Martires City, Cavite.

Nauna ang kotse ni Vida habang nakasunod naman ang motorsiklo ni Almoguera at angkas nito si Romero.

Minamaneho naman ni ni Reyes ang isang Hino truck at binabagtas ang kabilang kalsada patungo sa direksiyon ng Inocencio St sa nasabing ring Lungsod.

Pero pagsapit sa barangay hall ng Brgy Inocencio sa Trece-Indang Road at nabangga ng harapang bahagi ng motorsiklo ni Almoguera dahilan upang matumba sila sa kaliwang bahagi ng kalsada at magulungan naman ng truck ni Reyes.

Kapwa sinaklolohan ng City Disaster Risk reduction Management ang dalawang motorcycle rider at isinugod sa ospital subalit namatay sila habang ginagamot.

 

Please follow and like us:
Read More

PAMILYA NG KAGAWAD NIRATRAT, 2 PATAY

crime

(NI ANNIE PINEDA)

BUMAHA ng dugo sa balkonahe ng isang kagawad na ikinamatay ng dalawa nitong kaanak habang kritikal ang isa pa matapos silang paulanan ng bala ng mga hindi pa kilalang suspek, iniulat Huwebes ng gabi sa probinsya ng South Cotabato.

Kinilala ang mga namatay na sina Razil Macabangin , 36, at Aserin Macabangion, 25, habang inoobserhanan sa ospital si Jaria Macabangin; pawang mga residente ng Brgy. Koronadal Proper, Polomolok, South Cotabato.

Batay sa report ng Polomok Police Station, dakong alas 8:00 ng gabi nang maganap ang insidente sa balkonahe ng bahay ni Barangay Koronadal Proper Kagawad Aliman Macabangin Jr.

Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya, nakatayo ang mag-anak na Macabangin sa balkonahe kasama ang kagawad nang paulanan sila ng bala na agad ikinamatay ni Razil.

Isinugod naman sa ospital ang dalawa pero nalagutan din ng hininga si Aserin habang patuloy na inoobserhanan si Jaira at masuwerte naman hindi tinamaan si Aliman dahil mabilis itong nakakubli.

Sa pagresponde ng mga pulis sa lugar ng pinangyarihan ng insidente, nakapulot sila ng mga basyo ng bala mula sa 5.56mm at iba pang basyo ng bala sa hindi pa mabatid na kalibre na armas.

Nabatid, nitong Setyembre 2, nagsampa ng kasong arson si Aliman laban sa kanila din kaanak na si Naim Macabingan.

Nagpapatuloy naman ang ginagawang pagsisiyasat ng pulisya para alamin ang tunay na motibo sa krimen at pagkakakilanlan sa mga suspek .

Inaalam na rin kung may kinalaman sa pagsampa ng kaso ng kagawad laban sa kanilang kaanak ang naganap ang  pagpaslang sa mga biktima.

Please follow and like us:
Read More

BABAE INAMBUS, PATAY SA ‘LOVE TRIANGLE’

(NI ANNIE PINEDA)

TATSULOK na pag-ibig ang tinitingnan na anggulo ng mga awtoridad sa pananambang matapos tambangan at mapatay ang isang babae habang angkas sa motorsiklo ng kanyang kinakasama sa Pagadian City.

Kinilala ang namatay na si Joraldine Berondo Simbajon, 26, habang sugatan naman ang live-in partner na si Yahaya Apakil Datumaas, kapwa residente ng sa Purok Antipolo, Banale, Pagadian City.

Batay sa report ng pulisya, dakong alas 6:40 , ng gabi nitong Huwebes nang maganap ang insidente sa Purok Sandayong, Brgy. Sto.Nino ng nasabing lungsod.

Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya, sakay ang mga biktima ng motorsiklo galing sa Agora Public Market at pagsapit sa nasabing lugar ay bigla na lamang silang hinarang ng mga suspek sakay ng Suzuki Raider 150 at binaril si Simbajon na tinamaan sa iba’t ibang parte ng katawan.

Dinala naman sa ospital ang biktima pero nalagutan din ito ng hininga.

Mabilis naman tumakas ang mga suspek patungong sa Brgy. Banale, ng nasabing bayan.

Nabatid, na hiwalay sa asawa si Simbajon at kinasama nito si Datumaas.

Sa pagresponde ng mga pulis sa lugar ng pinangyarihan ng insidente nakapulot sila ng mga basyo ng bala mula sa kalibre .45 na baril.

Patuloy naman nagsasagawa ng imbestigasyon at pagtugis ng mga awtoridad sa mga suspek.

 

Please follow and like us:
Read More

MAG-INA PISAK SA PICK-UP TRUCK

accident12

(NI ANNIE PINEDA)

PISAK ang mag-ina makaraan mabangga ang mga ito ng humaharurot na pick-up truck nang pumutok ang gulong ng traysikel na kanilang sinasakyan, sa Koronadal City.

Kinilala ang mga namatay na sina Lucita Etchona, 75, at anak nitong si Ronnie, 35, kritikal naman ang 5-anyos na bata, habang sugatan ang pitong iba pa, at pawang residente ng Bgy. Paraiso, Koronadal City.

Hawak naman ng pulisya ang driver ng trak na kinilalang si Ennis Cris Yap.

Batay sa report ng Koronadal Police Station, dakong alas 9:00 ng umaga ng Huwebes nang maganap ang insidente sa Purok Mesias, Barangay Paraiso, ng nasabing lungsod.

Lumabas sa imbestigasypn, sakay ng isang tricycle na minamaneho ni Reminito Diego Jr. at papunta sa bayan ng Norala, nang pumutok ang unahang gulong ng tricycle, dahilan para mawalan ito ng kontrol sa manibela.

Napalipat sa kabilang lane ang tricycle at saktong nahagip pick-up truck na minamaneho ni Yap.

Sa bilis ng pangyayari hindi na nito naiwasan pang tricycle kaya nasalpok ang mga biktima.

Dinala naman sa ospital ang mga biktima pero nalagutan ng hininga ang mag-inang Etchona.

Please follow and like us:
Read More

BACKRIDER SA TRIKE NAHULOG, PATAY

accident12

(NI KEVIN COLLANTES)

ISANG lalaking pasahero ang binawian ng buhay matapos na mahulog mula sa sinasakyang tricycle sa Barangay Marikina Heights, Marikina City, nitong Huwebes.

Ang biktimang si Carlos Samaniego, 36, ng naturang lugar, ay binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center, dahil sa matinding pinsala sa ulo.

Samantala, pinaghahanap pa ng mga awtoridad ang tumakas na hindi nakilalang driver ng sinakyang tricycle ng biktima.

Sa inisyal na pagsisiyasat ng Marikina City Police, nabatid na dakong 4:00 ng madaling araw nang maganap ang aksidente sa Balagtas Street, Barangay Marikina Heights.

Naka-backride umano ang biktima sa dilaw na tricycle ng suspek, kasama ang kanyang mga kaibigan, at binabagtas ang lugar mula sa Gen. Ordonez Street, patungong Apitong Street, nang sa hindi pa batid na kadahilanan ay bigla na lang itong mahulog sa sementadong kalsada.

Nagtamo ng matinding pinsala sa ulo ang biktima kaya’t nagpaalam umano ang driver ng tricycle na tatawag ng tulong ngunit hindi na ito bumalik pa at tuluyan nang tumakas.

Rumesponde naman ang mga tauhan ng Rescue 161 at isinugod ang biktima sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center upang malapatan ng lunas, ngunit idineklara na ring patay ng mga doktor.

Please follow and like us:
Read More

PAGGULONG NG LUMA SA MAKABAGONG PANAHON

Public Utility Vehicle Modernization Program

(Ni Mac Cabreros / Unang labas)

Nitong nakaraang mga araw, naging laman sa pahayagan, telebisyon, radio at maging sa social media ang malawakang pagkilos (tigil-pasada) ng transport groups sa ilang pangunahing lugar sa bansa bilang pagprotesta at pagtutol sa Public Utility Vehicle Modernization Program o PUVMP kung saan apektado ang mga PUJ ­drivers. (Laking perhuwisyo ang dinulot nito sa mga papasok sa trabaho gayundin sa galaw ng kalakal o sa kabuuan ay ekonomiya.)

Ayon sa mga nagwelga, hindi nila kinokontra ang programa kundi inaayawan nila ang patakaran at panuntunan sa pagpapatupad dito.

Anila, mabigat sa kanila o hindi nila kakayanin ang halaga sa pagkuha ng yunit o sasakyan gayundin ang proseso.

Alinsunod sa programa na inilunsad ng Department of Transportation (DOTr), bibigyan nila ng P80,00 ­subsidyang mga operator o dryber sa scheme na ‘5,6,7,8’ o 5 percent downpayment, 6 percent ­interest, 7 taon na pagbabayad at P800 daily amortization.

Sa taya ng Landbank of the Philippines kung saan nakatoka ang aspetong financial ng programa, nasa 1.4M hanggang 1.6M ang bagong yunit.

Ngunit sa taya naman ng eksperto, aabot ito sa 2.1M dahil sa interest at iba pang bayarin.

“Saan kami kukuha ng ganong kalaking halaga?” tanong ng mga nagprotesta. “Idagdag pa rito ang pasakit sa proseso kung saan napakaraming dokumentong kakailanganin!” dugtong ng mga ito.

“Hindi mahirap kundi madali lamang,” pahayag naman pro-modernization transport group na Pasang Masda sa pamumuno ni Obet Martin.

“Nagawa na namin. Let us be constructive. Huwag tayong maging destructive,” payo ni Martin sa mga tutol sa programa.

“Wag nating sabihing totally mahirap mag-apply ng loan, maraming requirements, eh hindi pa nila sinusubukan,” dagdag Martin.

Aniya, hindi dapat daanin sa pag-aaklas, pagwewelga o pagtigil-pasada bagkus ay iparating ang mga hinaing sa maayos na paaran.

Nabatid nasa modernization program na ang Pasang Masda at marami na silang yunit na pumapasada sa ilang ruta sa Kalakhang Maynila.

Bakit kailangang ang modernization?

Noong 2017, idineklara ni Transportation Secretary Arthur Tugade na “matagal nang plano ng nakaraang mga ­administrasyon na itaguyod ang modernization program.” Kaya, aniya, nararapat lamang ipatupad na ngayon.

Sa isang panayam ng mamahayag, nilinaw din ni Sec. Tugade na hindi layon ng ­programa na idiin o pahirapan ang mga operator at driver.

“Nililiwanag ko lang na ang programang modernization of public utility is not anti-poor. It is not designed to phase out the jeepneys or the jeepney business. It is actually designed to strengthen and guarantee the profitability of the jeepney business,” pagtutuwid Tugade. “We are not fighting the few. We are protecting the many,” diin nito.

Sa impormasyong nakalap ng PeryodikoFilipino, layon ng modernization program na ­gawing efficient at environmentally friendly ang public transport sa taon 2020. Kasama sa programa ang pagwalis sa mga luma at kakaragkarag na ­sasakyan, maging ito ay jeepney, bus at van na 15 taon pataas ang edad. Papalitan ito ng  mas ligtas, higit na mas kumportable, at higit na maka-kalikasan na sasakyan kung saan Euro 4-compliant engine o electric engine para mabawasan (kung hindi man mawala) ang polusyon. Iminumungkahi rin na mayroon itong CCTV camera, automated fare payment system, speed ­limiters at GPS monitor.

Dagdag sa programa ang mapaganda at mapabuti ang franchising system, pagbisita at pagbabago sa mga ruta kung saan magbubukas ng bagong ruta kung kinakailangan at pagsasailalim sa training ng mga driver at konduktor.

Itinakda ng DOTr ang target o goal ng programa: Safe and comfortable transport, ­predictable travel time, disciplined and competent drivers, fair ­regulations at spacious PUVs.

“The program’s environmental and economic ­benefits will be felt by commuters, ­operators and drivers alike. The changes in routes and optimized networks will be more ­convenient for commuters. Drivers will have better monthly salaries and benefits. With reduced traffic and more passengers to accommodate translates into added income. And, finally, public health and the environment will be safeguarded with less pollution,”deklara DOTr.

Please follow and like us:
Read More

MISAMIS OR. COLLECTOR ATTY. JOHN SIMON PATULOY ANG MAGANDANG PERFORMACE!

HAGUPIT NI BATUIGAS BOMBA

TALAGANG hindi matatawaran ang kahusayan at sipag ni Misamis Oriental District Collector Atty. John Simon dahil sa patuloy na pagpapakita nito ng magandang performance kaya’t lalong tumaas ang tax collection sa kanyang nasasakupang departamento.

Hindi uubra kay Collector John Simon ang mga palusot ng ilang indibidwal na magpasok ng mga ilegal na kontrabando at umiwas sa hindi pagbabayad ng tamang buwis.

Si Collector Atty. John Simon ay kilalang dedicated sa trabaho, masipag, may word of honor at isang mapagkakatiwalaang opisyal ng Bureau of Customs (BOC) kung kaya’t ­itinalaga ito ni BOC Commissioner Leonardo “Jagger” Guerrero na pamunuan ang Misamis Oriental Port.

Biruin mo nga naman, ilang buwan pa lamang sa pwesto si Collector John Simon ay napataas pa lalo nito ang collection ng buwis na ikinagalak ni Comm. Guerrero at Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Patunay ng kahusayan at kagalingan ni Collector John Simon ay nang mahuli nito ang tone-toneladang basura na ipinasok ng mga Koreano na sina Chul Soo Cho, alyas Charles Cho at dalawa pang kasama nito na sina Jae Ryang Cho at Sena. Kung saan kinasuhan na rin ang mga ito ng paglabag sa R.A. 6969 sa CDO-RTC at naibalik na rin sa bansang Korea ang kanilang hazardous na basura.

Sa kasaysayan umano ng Pilipinas, pinakamalaking basura ang ipinasok ng mga suspect sa bansa noong July 21, 2018 na umaabot sa (6,500 metric tons) na naging dahilan upang magdulot ng malaking pinsala sa kalikasan at kalusugan ng mga tao sa Northern Mindanao.

Kung nagkataon na ­palamya-lamya si Collector ­Simon ay malamang manganib ang kalusugan ng taumbayan ng Misamis Oriental dahil sa nakamamatay na basura mula sa South Korea dahil karamihan sa mga ito ay hospital waste.

Kay Collector Atty. John Simon, Sir congratulations sa mahusay mong performance! Keep up the Good Work! Mabuhay ka!

oOo

Ugaling manood at ­makinig sa aking Live ­Program na “Latigo ni Batuigas” sa aming Official ­Facebook Page: Latigo News TV at Mag-subscribe sa ­aming Youtube Channel: Latigo online Nationwide News TV. Maraming Salamat po! (HAGUPIT NI BATUIGAS / Mario Batuigas)

Please follow and like us:
Read More

JEFF ENTERPRISES INIWAN ANG P19.5–M PROJECT SA FTI TAGUIG CITY

BAKBAKAN NATIN

MARAMING nakabubuwisit na ahensiya ng pamahalaan na matapos bigyan ng multi milyong pondo para sa proyektong gusto nilang gawin, ay hindi naman tinatapos.

ltong ilalantad ko ay kitang-kita ko mismo ang nakatiwangwang na proyekto sa lungsod ng Taguig, kaya eksklusibo ito ng Bakbakan Natin!

Sa Langka at Cucumber Roads sa Food Terminal Inc. Complex (FTI) sa Taguig ay mayroong proyekto ang FTI na pagpapalawak ng kalsada dahil hindi na kasya ang kasalukuyang sukat ng kalsada sa sobrang dami ng mga sasakyang dumaraan papasok at palabas ng FTI Complex.

Kasama rin ang paglalagay ng imburnal upang hindi bumaha sa lugar at ang pagpapasemento ng gilid ng bangketa ng kalsada na daraanan ng mga tao.

Ang halaga ng proyekto ay P19,533,453.54, ayon sa nakasulat sa tarpaulin tungkol sa nasabing proyekto.

Nakasaad din sa tarpaulin na ang nakakuha ng multi milyong proyekto ay ang Jeff Enterprises.

Marahil sa pamamagitan ng pagsubasta (bidding), sapagkat sa ganitong proseso naman makukuha ng isang kompanya ang anomang proyekto ng anomang ahensiya ng pamalaan na siyang itinakda at ipinag-utos ng batas.

Hindi tulad ng nagaganap sa ilang sangay ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na mistulang ­‘palabas’ na lang ang subasta.

Ito’y dahil mayroon nang ‘nanalo’ bago pa man maganap ang bidding sa ipatutupad na proyekto.

Ang matindi pa nga ay mayroong ‘ubod nang palad’ na kompanya dahil regular itong nagwawagi sa bidding.

Ang P19,533,453.54 proyekto ng FTI na napunta sa Jeff Enterprises ay nagsimula ilang araw bago maganap ang halalan noong Mayo ng taong kasalukuyan.

Nang matapos ang eleksyon, tumigil ang mga manggagawa ng Jeff Enterprises sa paggawa ng nasabing proyekto.

Kaya, simula nang matapos ang halalan noong Mayo hanggang ngayon Oktubre na ay nakatiwangwang pa rin ang proyektong nakuha ng Jeff Enterprises.

Sa kalagitnaan ng Oktubre ay limang buwan nang iniwan ng Jeff Enterprises ang halos P19.54 ­milyong proyekto ng FTI.

Pokaragat na ‘yan!

Ilang ulit ko nang nakikita ang napabayaang proyekto ng FTI.

Ang huli ay nitong ­Setyembre 28 nang mayroon akong pinuntahan malapit sa nasabing lugar.

Kaya, kapag umuulan, lalo na kapag bumabagyo ay maputik sa nakatiwangwang na proyekto.

Mayroong naiipong tubig sa mga binungkal na bahagi na walang imburnal na puwedeng pamahayan ng mga lamok na mayroong dala-dalang dengue.

Marami na ngang basura sa mga binungkal na bahagi ng kalsada.

Ang daming masamang epekto sa pagpapabaya ng Jeff Enterprises!

Sinu-sino ba ang may-ari ng Jeff Enterprises?

Syempre, nakababanas dahil halos P19.54 milyon ang nasayang na pondo ng pamahalaan.

Dapat, managot ang pamunuan ng FTI rito, lalo na ang Jeff Enterprises!

Mahigit P19 milyong pera ng mamamayang Filipino ang nasayang ulit! (BAKBAKAN NATIN / Nelson Badilla)

Please follow and like us:
Read More

SA TIGIL-PASADA APEKTADO MAMAMAYAN, SA JEEPNEY PHASEOUT MARAMING MAGUGUTOM

CHRISTIAN BOMB

PARA kay Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) Secretary General Renato Reyes ay naging matagumpay ang isinagawang malawakang ­tigil-pasada nitong Lunes, Setyembre 30, 2019 ng iba’t ibang organisasyon ng mga jeepney driver.

Sa statement naman ni Metro Manila Development Authority (MMDA) spokesman Celine Pialago, ay bigo raw ang tigil-pasada.

Kung ganyan ang statement ng mga militante at mga taong-gobyerno na laging nagkokontrahan, malabo talagang ­masolusyunan ang problema ng mga tsuper at operator at malabo rin na maayos na maisakatuparan ang nais na transport ­modernization ng ­gobyerno.

Nang magbanta ang mga tsuper at operator ng tigil-pasada, ang resbak ng gobyerno ay tatanggalan sila ng prangkisa.

Matapos ang tigil-pasada, ang banta ng mga tsuper at operator na kasapi ng mga militanteng grupo ay maglulunsad pa uli sila ng panibagong tigil-pasada, at ang banta uli ng gobyerno, tanggal-prangkisa.

Wala sanang naganap na tigil-pasada kung laging nag-uusap ang magkabilang-panig tungkol sa jeepney phaseout at transport modernization, ang problema walang nangyayaring magandang usapan.

Tutol ang mga tsuper at operators sa jeepney phaseout at ang hiling nila, kung nais ng gobyerno ng transport modernization ay tulungan sila para mapaganda ang kanilang mga jeep, pero tutol dito ang pamahalaan, dahil ang nais ay i-phaseout na ang mga lumang jeepney at ang ipalit dito ay mga bagong electric jeep, na ayaw naman ng mga tsuper at operator dahil hindi raw nila kayang bayaran ang presyo nito na kada unit ay abot sa mahigit P2 million.

Dapat, mag-usap na nang maayos ang magkabilang-panig sa isyung ito at hindi laging nagbabangayan, dahil sa tuwing nagtitigil-pasada ang mga jeep, ang ­mayoryang mamamayan ang naaapektuhan, at sakaling ipatupad naman ang jeepney phaseout, maraming tsuper at operator ang mawawalan ng hanapbuhay na magdudulot upang ang kanilang pamilya ay makaranas ng gutom.

o0o

TIMBRE: Paging PNP Chief Director General Oscar Albayalde… Hindi pa rin daw tumitigil ang lotteng ni alyas “Jun Moriones” sa Tondo, Manila…May pa-jueteng na rin daw ang isang alyas “Jaruta” sa Caloocan City… May pa-STL bookies naman daw ang isang alyas “Tepang” sa Quezon City. (CHRISTIAN’S BOMB / Christian Hernandez)

Please follow and like us:
Read More