HEPE, 4 PULIS SIBAK SA INUMAN SA HARAP NG PRESINTO

PNPLOGO1

(NI ROSE PULGAR)

TINANGGAL sa puwesto ang apat na pulis Las Pinas matapos maaktuhan nag–iinuman sa labas ng presinto habang ang mga ito at naka-duty sa isinagawang surprise inspection ng isang opisyal ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Las Pinas City, Biyernes ng madaling araw.

Agad na ipinag-utos ni Southern Police District (SPD) Director Police Brig. General Nolacso Bathan kay Las Pinas City Police Chief Police Col. Simran Gran ang pagsibak sa apat na sina Patrolman Samrus Inoc,Police Corpural Robemar Abales, P/Corporal Randy Danao, at Patrolman Alquin Orgen na kapwa nakalataga sa Police Community Precinct (PCP)- 6 sa Las Piñas City Police.

Bukod sa apat, tinanggal din sa kanyang puwesto ang commander ng PCP 6 na si Police Captain Gladys Biare dahil sa command responsibility.

Lumabas sa report ,nagsagawa ng sorpresang inspeksyon si B/Gen Jerry Galvan, hepe ng Regional Internal Affairs Service (RIAS) ng NCRPO, kung saan naabutang nag-iinuman ang apat na pulis sa mismong Police Assistance Desk (PAD) sa Petron gasoline station, Alabang-Zapote Road,Barangay Talon 1 sa Las Pinas City, dakong alas-2:00 ng madaling araw.

Kaagad na dinis-armahan ang apat na pulis at nakatikim pa ng matinding sermon mula sa nasabing opisyal.

Agad na dinala sa SPD headquarters ang apat para sumailalim sa community service at turuan ng leksyon ang mga ito.

Kasalukuyang isinasailalim sa masusing imbestigasyon ang apat na pulis at sasampahan ng kasong administratibo.

Please follow and like us:
Read More

BUNTIS NA MISIS PATAY SA TAGA NG MISTER; ANAK KRITIKAL

(NI JG TUMBADO)

DALA ng matinding kalasingan at pagtatalo ay nagawang pagtatagain ni mister ang sarili nitong misis na buntis sa bayan ng Mlang sa lalawigan ng Cotabato.

Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang 35-anyos na biktima na si Marilu Gulmayo, bunsod ng tinamong mga malalalim na sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan nito.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Geovanni Ladeo, hepe ng Mlang Police station, ang suspek sa karumal dumal na krimen ay ang mismong mister ng biktima na nakilalang si Elmer Gulmayo, 31-anyos.

Bukod sa kanyang misis ay pinagtataga rin ng mister ang kanilang apat na taong gulang na anak na lalaki at ang kaanak na si Eliterio Pastolero, 59, na kapwa nasa maselang kondisyon sa ospital.

Batay sa imbestigasyon, nangyari ang insidente sa bahay mismo ng mag-asawa sa Barangay Pulanglupa pasado alas 4:00 ng hapon ng Huwebes.

Nagkaroon umano ng matinding pagtatalo sa pagitan ng biktima at asawa nito na sa pagkakataong iyon ay lasing sa alak.

Narindi umano ang suspek sa kanilang pag- aaway ng biktima, na sinasabing pitong buwan ng nagdadalang-tao.

Nasa kostudiya na ng pulisya ang suspek at nahaharap ngayon sa kasong double murder at double frustrated homicide.

Please follow and like us:
Read More

CALATAGAN, BATANGAS NIYANIG NG LINDOL

batangas1

(NI JEDI PIA REYES)

NIYANIG ng magnitude 4.9 na lindol ang Calatagan, Batangas, Biyernes ng gabi.

Ayon sa Philippine Instititute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), naitala ang pagyanig dakong alas-6:32 ng gabi sa layong 18 kilometro ng Calatagan.

May lalim na 87 kilometro ang lindol na tectonic ang origin o pinagmulan.

Naramdaman ang Intensity III sa Tagaytay City, Intensity II sa Mandaluyong City at Muntinlupa City; at Intensity I- Talisay, Batangas; at Quezon City.

Kung pagbabatayan naman ang instrumento ng Phivolcs, naitala ang Intensity IV sa Puerto Galera, Oriental Mindoro; Intensity II sa Tagaytay City; Calapan City, Oriental Mindoro at Intensity I sa San Jose, Occidental Mindoro; Olongapo City; at Talisay, Batangas. Wala namang inaasahang pinsala o aftershocks dahil sa nasabing pagyanig.

 

Please follow and like us:
Read More

KELOT TUMALON SA FOOTBRIDGE, KRITIKAL

crime143

(NI FRANCIS SORIANO)

NASA kritikal na kalagayan habang inoobserbahan sa MCU Hospital sanhi ng tinamong mga pinsala sa ulo at katawan ang isang kelot na nagtangkang magpakamatay sa pamamagitan ng pagtalon sa isang foot bridge sa Malabon City, Huwebes ng hapon.

Ayon kay police investigator PSSg Mardelio Osting, tinatayang nasa 35-40 ang edad, 5’4 ang taas, nakasuot ng asul na short pants at blue green t-shirt and biktima.

Base sa inisyal na imbestigasyon at pahayag ng mga saksi, naganap ang insidente dakong ala 1:40 ng hapon nang makita nila na lumambitin sa bakod ng footbridge sa kahabaan ng C4 Road, Brgy. Longos ang biktima.

Makalipas ang ilang sandali, bumitaw ang biktima na naging dahilan upang bumagsak ito sa sementadong kalsada kaya mabilis itong nirespondehan ng mga pulis ang Malabon rescue team saka mabilis na isinugod sa naturang pagamutan.

 

 

 

Please follow and like us:
Read More

6 ESTUDYANTE SUGATAN SA BANGGA NG NIGERIAN NATIONAL

accident12

(NI LYSSA VILLAROMAN)

ANIM na college student ang sugatan matapos salpukin ng rumaragasang kotse na minamaneho ng isang Nigerian national at binangga rin nito ang isang nakaparadang motorsiklo noong Huwebes ng umaga.

Lima sa biktima ay isinugod sa Perpetual Help Medical Center sanhi ng mga tinamong sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay nakilalang sina Michelle Diaz; Mae Zosimo; Warren Malanan; John Christian Martine at Rizza Enriquez, kapwa mga 1st year college student sa Dr. Felimon Aguilar Industrial Technology at naninirahan sa Barangay CAA, Las Pinas City.

Isa sa biktima na hindi pa nakikilala ay isinugod a Las Pinas Doctor’s Hospital.

Sa pahayag ni Las Pinas City Mayor Imelda Aguilar, na agad namang nagbigay na tulong sa mga estudyante, ang limang isinugod sa Perpetual Help Medical Center ay ligtas na sa panganib habang ang estudyanteng nasa Las Pinas Doctor’s Hospital ay kasalukuyan pa ring ginagamot.

Nakakulong ngayon sa Las Piñas City Traffic Bureau ang driver na si Jeorge 0uli, 41, isang Nigerian national na nahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Multiple Physical Injuries at Damage to Property.

Ayon sa report na natanggap ng Las Piñas City Police, dakong alas-11:00 ng umaga nang maganap ang insidente sa panulukan ng Dhalia at  Everlasting Sts. Dona Manuela Subdivision, Barangay Pamplona Tres, Las Pinas City.

Base sa report ng pulisya ang mga biktima ay masayang naglalalakad  sa naturang lugar nang biglang humarurot ang isang Honda Civic  na may plakang URC-518 at minamaneho ng nasabing dayuhan.

Hindi nito umano nakontrol ang preno ng kanyang sasakyan hanggang sa mahagip ang anim na estudyante at bukod dito ay sinalpok din nito ang isang nakaparadang Honda motorcycle na may no. 1301-0644033, na pag-aari ni Jurjen Michael Belarmino.

Kaagad na dinala ng rescue team ng Barangay Pamplona Tres ang mga biktima sa ospital habang ang driver na si Ouli ay agad naman naaresto ng mga tanod na nakatalaga sa lugar at dinala sa himpilan ng pulisya.

 

Please follow and like us:
Read More

LOLA, 2 BATA, PATAY SA PACO FIRE

(NI HARVEY PEREZ)

PATAY sa suffocation ang tatlo katao, kinabibilangan  ng isang lola at dalawang bata nang ma-trap sa  sunog na sumiklab sa isang residential area, Biyernes ng tanghali  sa Paco, Maynila.

Wala nang buhay nang matagpuan ng mga tauhan ng  Manila Fire Department ang mga nasawing sina  Veronica Lopez, 74; Jamila Erich Miranda, 2; at Don France Anco, 7, na hindi nakalabas  sa loob ng kanilang tahanan.

Ayon sa  imbestigasyon  ng MFD alas 12:30 ng tanghali nang magsimulang maglagablab ang apoy sa tahanan ng mga biktima sa Cristobal Street, Paco, na itinaas sa unang alarma.

Nalaman  na dalawang bahay na may walong kwarto na paupahan umano ang tinupok ng apoy, at tinatayang aabot sa 15 pamilya ang nawalan ng tahanan at mga ari-arian dahil sa sunog.

Iniimbestigahan naman ng arson ang sanhi ng sunog at kung  magkano ang nasunog na ari-arian.

 

Please follow and like us:
Read More

ANAK NI SENATOR LITO LAPID BAGONG ‘GEM’ NG GMA

AKO PA BA NI ROSE GARCIA(NI ROSE GARCIA)

SI  Ysabel Ortega ang bagong Kapuso star at contract artist ng GMAAC. Hindi na bago sa showbiz si Isabel dahil nanggaling siya ng ABS-CBN. Dati siyang talent ni Ogie Diaz.

Apat na taon din si Ysabel sa Kapamilya network na unang napanood sa On The Wings of Love nina James Reid at Nadine Lustre. That time palang, napansin na namin si Ysabel dahil ganda-gandahan naman talaga.

Hindi rin iba kay Ysabel ang showbiz dahil ang mommy niya ay ang dating artista na si Michelle Ortega at tiyuhin niya si Robert Ortega while ang Daddy niya ay no-less but Senator Lito Lapid.

Ang dahilan daw niya ng paglipat ay ang maranasan na maka-trabaho rin ang iba pang artista. “I’m very happy na binigyan ako ng chance ng GMA. They accepted me, they welcomed me. Switching channel is a big career move po talaga. Pero hindi lang naman ako, even Mommy ko, Tito ko, they’re from GMA rin po.”

Masaya rin daw siya sa ABS at grateful din daw siya sa unang network niya. Ngayon daw, masaya siya na bagong chapter naman ng career niya na Kapuso na siya.

Nilinaw rin niya na okay sila ng dating manager na si Ogie. Sey pa niya, “It’s very mutual. No hard feelings.”

Last week daw ay galing siya sa debut ng panganay na anak ni Ogie at sabi pa niya, “He’s still family and he’s still watching over me.”

Kinamusta namin si Isabel kung okay na ang relasyon nila ng Daddy niya na si Sen. Lito dahil dati, nababanggit niya na wala silang komunikasyon. In fairness kay Isabel, gusto namin ang positive disposition niya.

Hindi siya nagho-hold ng anumang bitterness sa puso niya pagdating sa tunay na ama. Katwiran niya, growing-up naman daw, nakakausap naman niya ang Daddy niya at ngayon daw, may mga pagkakataon na nagkausap din sila.

“Nowadays po, nag-uusap-usap na po kami sa phone, we’re in touch po, but we haven’t met in person yet.”

Ilang taon na rin daw silang hindi nagkikita pero, wala raw siyang sama ng loob dito.

At mukhang si Ysabel ay posible rin sumunod sa yapak ng ama pagdating sa pulitika dahil ang kurso niya ngayon sa college ay political economy.

Hindi pa naman daw niya nakikita ang sarili na papasukin ang pulitika sa ngayon lalo na focused niyang talaga ay ang nagsisimula niyang career sa Kapuso kunsaan, first serye niya ang “The Gift” na magsisimula ng mapanood sa GMA Telebabad sa September 16.

VIRAL NA ANG DIARYO BOMBA PASABOG:  TISOY-PUSA MUTUAL ADMIRATION SOCIETY BA?

Nag-viral pala at nagkaroon ng mixed reactions ang naging Twitter post ng Asia’s Multimedia Star na si Alden Richards kamakailan lang.

Ang naging tweet kasi ni Alden, “LORD para talaga sayo lahat to. Mama kung nasan ka man…sana proud ka sa akin ma. See you soon ok? Thank you sa inspirasyon.”

Ang sinabi niyang “see you soon ok” ang nagpabahala, nagpakaba lalo na sa mga fan niya. Ilan sa mga comments na nabasa namin, “Alden, bisita ka lang sa puntod, ha? ‘Wag mo kami paiyakin,” “See you soon sa dreams lang, okay?”

Meron ding comments na, “pakilinaw kung sino yung see you soon mo ok? Nakakakaba ka eh,” “Teka, see you soon to your mother? Not too soon naman, iho.”

Inisip tuloy ng iba na na may “something” daw ba kay Alden ngayon o may pinagdadaanan kaya nasabi nito yun.

Well, kami na ang nagsasabi bilang kakausap lang namin sa kanya. Overwhelmingly happy si Alden na sabi nga niya, lahat ng nangyayari sa kanya ngayon, talagang ni hindi niya inakalang mangyayari.

Na this time, siya ang maituturing na Box-Office King dahil sa tagumpay ng “Hello, Love, Goodbye” at masaya rin siya dahil sa bagong primetime series niya na “The Gift” na magsisimula ng mapanood sa September 16.

Isa ito sa mga konseptong gustong gawin ni Alden, yung makakapagbigay inspirasyon siya sa mga manonood at the same time, balik genre siya ng drama talaga kunsaan una naman talagang nakilala at minahal si Alden.

 

Please follow and like us:
Read More

3 CHINESE NATIONAL ARESTADO SA KIDNAP NG MALAYSIAN

(NI AMIHAN SABILLO)

TATLONG Chinese national na nasa bansa bilang mga turista ang inaresto ng PNP-Anti kidnapping group dahil sa pagkidnap sa isang Malaysian national na narekober ng mga pulis sa room 1939 ng Okada sa Paranaque noong Miyerkoles.

Ayon kay PNP-AKG Spokesperson PLtCol Elmer Cereno, ang mga suspek ay kinilalang sina Yuyun Gao, 43; Xin Fan, 21; at Wei Guo Li, 46, pawang pansamantalang naninirahan sa  1939 ng Hotel Okada.

Sinabi pa ni Cereno na ang  biktima na si Lim Raymond ay iniwan ng kanyang kasamang si Ah Hui na isa ring Malaysian national sa mga suspek noong nakalipas na Sept 2, matapos na maipatalo nito sa sugal ang P500,000 na ipinautang ng mga suspek sa kanya.

Pagkatapos noon ay hindi na makontak si Ah Hui, at ang biktima na ang sinisingil ng mga suspek sa pagkakautang ng kanyang kasama.

Dahil dito, kinontak naman ng biktima ang kanyang kapatid sa Malaysia na nagpadala umano ng 70,000 RMB sa pamamagitan ng wire transfer, pero sinisingil pa umano ng mga suspek  ng karagdagang 70,000 RMB ang biktima bilang interes.

Nagawa naman ng biktima na makahingi ng tulong sa pamamgitan ng pagpapadala ng email sa management ng Okada, na siya namang nagsumbong sa PNP na nagresulta sa pagkakadakip sa 3 suspek.

Please follow and like us:
Read More

ABOGADO, 2 PA, HULI SA P2-M SUHOL SA PAGLAYA NG KLIYENTE

(NI LILY REYES)

HULI sa  entrapment operation  sa loob ng tanggapan ng  National Capital Region Police Office – Regional Special  Operating Unit  (NCRPO-RSOU)  ang tatlo katao kabilang ang isang abogado at isang Chinese national, Biyernes ng  madaling araw  sa loob  ng headquarters  ng NCRPO sa  Bicutan, Taguig City.

Kinilala ni NCRPO  Chief, Police Maj. Gen. Guillermo Eleazar, ang mga naarestong suspek na sina  Atty. Joselito  Vasquez, 56, ng  Olympia , Makati City,  Huang, Xiangfei, 29 , Chinese national, pansamantalang nakatira sa  Gramercy Hotel, Makati City; at  Meljohn  Palma, 43, may-asawa , company messenger, at residente ng  242 Col Topacio, Poblacion  IV-A , Imus, Cavite.

Ang insidente ay naganap bandang alas 2:00 kahapon ng madaling araw sa loob ng tanggapan ng RSOU-NCRPO sa Bicutan, Taguig City,  kung saan ay tinangkang suhulan ng abogado ng halagang P1.2 million cash si RSOU Chief Rogarth Campo.

Ang naarestong abogado  ay lumapit umano  kay Campo  at direkta itong inalok ng halagang  P2 million  kapalit ng agarang kalayaan ng mga naarestong suspek partikular na si  Li Xuemei.

At dahil dito ay  agad na ikinasa ang entrapment operation na nagresulta ng pagkakaaresto sa abogado, at napag-alaman din na sa nasabing pay off ay  P1 milyon lang ang dala ng abogado at  P200,000 naman ang narekober  sa kanilang  messenger.

Sina Atty. Vasquez, Huang, Xiangfei at Palma  ay  nakatakdang sampahan ng kasong  violation  of Art. 212 Corruption of Public Officer in relation to Art. 6 of RPC.

 

 

Please follow and like us:
Read More

GERALD DEPRESSED SA TINDI NG BASHERS

pwede ed deleon(NI ED DE LEON)

ISANG kaibigan ni Gerald Anderson ang nagsabing nade-depress na raw ang actor dahil sa dami ng nagba-bash sa kanya. Isipin mo, sa dinami-dami ng naging syota niyang iniwan, ngayon lang siya nadagukan nang ganyan.

Kasi kung pag-aaralan mo naman, nagsimula iyan sa hindi tamang reaksiyon ng mga tao eh. Nabalita, may nagulat, may nam-bash, aba biglang tumalak na lang ang kampo ni Julia Barretto kasama na ang nanay at pati ang lola. Medyop misguided eh. Siguro kung iyong tatay ang nakialam mas ayos pa eh.

Noong halos tahimik na, tumalak naman ang nanay ni Gerald mismo, eh di tinalakan na naman sila ng mga bashers. Kawawa talaga si Gerald pero ano ang magagawa niya?

 

Please follow and like us:
Read More

NEXT LEADING LADY NI DANIEL, SARAH G. OR LIZA S.?

pwede ed deleon(NI ED DE LEON)

MAY isang insider na nagkuwento sa amin, talaga nga raw pinag-aaralan nang husto kung ang gagawin bang leading lady ni Daniel Padilla ay si Sarah Geronimo o si Liza Soberano. Halos toss coin na lang daw ang kailangan para sa desisyon, dahil talagang hindi sila makarating sa tamang conclusion kung sino nga ba ang dapat.

Aywan naman kung bakit, kasi naniniwala silang kung naabot ni Kathryn Bernardo ang ganoon kalaking box office record na hindi si Daniel ang kasama, magagawa rin ng actor na abutin ang box office record na iyon kahit na hindi si Kathryn ang partner.

Mayroon pa nga raw proposal, bakit hindi sila gumawa ng isang pelikulang May-December affair at ang kunin nilang partner ni Daniel ay si Congresswoman Vilma Santos, tutal sinabi naman noon na gusto niyang makatrabaho si Daniel.

Pero kung si Ate Vi naman, lalabas na iyon ay nangyari dahil kay Ate Vi at hindi dahil kay Daniel, pero iyon sana ang project na sigurado kung magagawa nga in time.

Sa ngayon, ang sinasabi nilang maaari lamang mapagpilian talaga ay iyong syota ni Matteo Guidicelli o iyong syota ni Enrique Gil.

Kung kami ang tatanungin, mas pipiliin namin iyong syota ni Enrique Gil. Kasi tingnan ninyo ang mukha nina Liza at Daniel, hindi ba nagko-compliment? Isa pa, magaling na artista si Liza, at iyan ang talagang nakikita naming may potentials na makarating sa level ng isang superstar, huwag lang sanang magkakamali sa diskarte sa kanyang career.

Hindi mo masasabi, baka nga ang isang project lamang na kasama si Daniel ang kailangan ni Liza at “bingo” na. Para kang tumama sa “free”, hindi na kailangang lumaban pa ng punuan.

 

Please follow and like us:
Read More

MISIS, MACHONG LOVER, HULI NI MISTER SA INN

crime21

(NI DONDON DINOY)

DAVAO CITY– Agad humingi ng tulong sa pulisya ang isang mister matapos mahuli ang asawa nito na may kasamang macho habang papasok sa ilang lodging inn dito sa lungsod.

Una nito, nagduda ang mister sa kanyang asawa dahil sa makakapal na ang lipstick nito at nagsimulang magpaseksi ng suot.

Dakong alas 9:00 ng gabi, Huwebes, sinundan ni Erwin, 38, ang asawang si Mirasol, 32, ng Kilometro 5, Guadalupe, Barangay Matina Crossing, Talomo District nitong lungsod.

Nagulat na lamang si Erwin dahil nakasuot ng maiksing shorts si Mirasol, habang naka-spaghetti straps ang pang-itaas nito nang makita ng kanyang dalawang mata na pumasok sa lodging inn sa Brgy. 39-D, Trading Boulevard kung saan nag-aabang ang isang machong lalaki.

Matapos humingi ng tulong sa San Pedro PNP, rumesponde ang Mobile Patrol 89 at pinuntahan ang lugar.

Nang katukin ang kwarto dito na tumambad sa mata ni Erwin na wala nang damit ang kanyang asawa, kasama si alyas Roger 41, isang construction worker, ng Punta Dumalag.

Kapwa hubo’t hubad na ang mga ito.

Dahil dito, dinampot ng mga pulis ang dalawa at desidido na si Erwin na kasuhan ang kanyang asawa at kabit nito.

 

Please follow and like us:
Read More

NAKALAYA SA GCTA LAW, EX-INMATE SUMUKO

(NI ROSE PULGAR/PHOTO BY RAFAEL TABOY )

KAMAKALAWA nang marinig sa radyo ang kontrobersya sa Good Conduct and Time Allowance (GCTA) Law ng isang dating inmate sa New Bilibid Prisons (NBP), sumuko sa Pasay City Police upang ipakita na nararapat na siya sa kalayaan na kanyang nakamit kahapon ng hapon.

Alas-4:30 ng hapon nang iprinisinta nina National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director, Police MajGen Guillermo Eleazar, Southern Police District (SPD) Director Police Maj. Gen. Nolasco Bathan at Pasay City Police Chief Police Col. Bernard Yang, sa media si Nicanor Naz, alyas ‘Nick’ 48, binata, isang convicted inmate na nasentensyahan noong Hunyo 3, 1993 ng habambuhay na pagkakulong ng Pasay City Regional Trial Court.

Si Naz ay naharap sa kasong paglabag sa Section 15 ng Republic Act 6425 o Dangerous Drugs Act of 1972.

Nakulong si Naz sa Davao Prison and Penal Farm sa Davao Del Norte at kalalaya lang nitong Hulyo 11, 2019 makaraang pumasa siya sa GCTA.

Nakulong si Naz sa loob ng 26 taon at pinagsisihan umano niya nang husto ang nagawang kasalanan noong kabataan niya.

Pagdating aniya dito sa lungsod ng Pasay ay agad niyang tinawagan ang kanyang pamangkin na si Elias kung saan may kilala itong pulis para doon ito sumuko.

“Sapat na po ang ginawa ko sa loob at wala akong violation na ginawa, lumaya ako sa GCTA at masaya na akong nagtatanim at naghahanap buhay sa probinsiya. Hindi po ako high profile nadamay po ako nitong usapin sa loob, yung pala wala rin nangyari sa paglaya ko, hindi ako binigyan ng makapag bagong buhay” maiyak iyak na pahayag ni Naz.

Aniya handa naman umano siyang harapin muli ang kaso upang ipakita na nararapat siya sa kalayaang ibinigay sa kanya.

Handa naman umano siyang bumalik sa loob ng bilangguan ngunit nanghihinayang lang siya at hindi tuluyang nakamit ang kalayaan.

Iginiit niya na nadamay lamang siya sa kontrobersya dulot ng mga napawalang high-profile inmates ngunit umaasa na muli siyang mapapawalan.

Pahayag naman si Eleazar na pansamantalang ikukulong muna si Naz sa detention cell ng Pasay City Police at mangangasiwa dito ang district director na si Bathan.

“Naniniwala ako na in good faith ang pagsuko niya dito sa Pasay at dito muna siya pansamantalang sa Pasay City Police at makikipag-unagyan pa din kami sa Bureau of Correction hinggil sa pagsuko ni Naz ”ani ni Eleazar.

Samantala, apat pang inmates ang sumuko sa New Bilibid Prison (NBP) na kabilang sa GCTA ngunit pansamantalang hindi muna inihayag ang mga palangan.

Sinabi ni Senior Inspector Eugenio Del Rosario, tapagsalita ng NBP, na ang apat na sumuko ay kabilang sa mga nasentesiyahan dahil sa heinous crime at mga beneficiary ng GCTA law.

 

 

Please follow and like us:
Read More

GILAS MAY GAHIBLANG PAG-ASA PA

(NI ANN ENCARNACION)

HINDI pa man nakapagpapahinga ang Gilas Pilipinas mula sa masaklap na kabiguan kontra Angola, Miyerkoles ng hapon, ay agad itong sasagupa ngayong gabi sa kinabagsakang classification round kontra Tunisia sa napakaimportanteng laban sa 2019 FIBA World Cup sa China.

Nanatiling buhay ang tsansa ng Gilas na makatuntong sa 2020 Olympics matapos na mabigo ang host China sa huli nitong laban kontra Venezuela.

Gayunman puwersado ang Pilipinas na ipanalo ang pinakahuling dalawang laban sa classification round at manalangin na hindi mananalo ang ibang koponan na nakasungkit ng isang panalo sa unang round upang manatiling buhay ang tsansa na maging representante ng rehiyon sa Tokyo Olympics.

Dahil walang koponan mula sa Asia at Africa ang nakatuntong sa Second Round, inaasahang pag-aagawan ngayon ang insentibo bilang isang “best-ranked team” sa bawat rehiyon matapos ang classification games para sa “direct qualification” sa Olympics.

Kaya pilit na hahawiin ng Gilas ang matinik na daan ngayong gabi sa pagsagupa nito sa nangunguna sa kinabagsakan na Group N na Tunisia sa ganap na alas-8 ng gabi.

Bitbit ng FIBA World ranked No. 51 Tunisia ang 1-2 panalo-talong record matapos talunin sa Group C ang dating tatlong beses naging Asia Cup champion na Iran, 79-67.

Abot-kamay na sana ng Tunisia ang silya sa Olimpiyada subalit nabitawan ang kalamangan kontra Puerto Rico kaya’t puwersado itong manalo sa kinabagsakang grupo.

At una nitong makakasagupa ang Gilas Pilipinas, desperadong makasungkit ng panalo upang mapanatiling buhay ang tsansa na makabalik sa kada apat na taong Olympics.

Ilang pagkakataon na muntik nang manalo ang Gilas kontra Angola ngunit sa huli ay kinapos ito,  81-84, at nahulog sa classification round l bitbit ang 0-3 panalo-talong kartada.

Please follow and like us:
Read More

BIR EXEC NILOOBAN NG ‘GAPOS GANG’

(NI TJ DELOS REYES)

PATULOY na nagsasagawa ng follow-up operation ang Quezon City Police District (QCPD) sa limang armadong kalalakihan na nanloob sa tahanan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) executive at Iginapos ang kanyang mister, anak, at kasambahay, Miyerkoles  ng gabi sa nasabing lungsod.

Kinilala ang mga biktima na sina Franco Oqueseña Iglesias, 59,  businessman,  misis niyang si Gilda Balmeo Iglesias,  55,  Assistant Division Chief (Large Tax Payer Division), anak na si  Donn  Jericho, 21, at kasambahay na si Jessa Espana Mae, 20, dalaga, tubong  Agusan Del Sur.

Base sa ulat, dakong alas-7:00 ng gabi nang maganap ang insidente sa bahay ng mga biktima Brgy. West Kamias.

Lumalabas na kadarating lamang umano ng mag-asawang Iglesias sa kanilang tahanan sakay ng kulay itim na Toyota Fortuner (PQM-418) at ipinarada sa loob ng kanilang garahe.

Sinasabi na isasara na ng kasambahay ang gate nang biglang sumulpot ang limang kalalakihan na pawang armado ng baril at itinulak papasok ng bahay ang housemaid.

Mabilis na iginapos ng duck tape ang kasambahay at ang opisyal ng BIR maging ang mister at anak nito saka nag-ikot ng bahay ang mga suspek at tinangay ang P 125,000.00 cash, mga mamahaling alahas, cellular phones at gadgets.

Makaraan na malimas ang mga mahahalagang gamit ay tumakas ang mga suspek gamit ang sasakyan ng mga biktima at isinama pa ang negosyanteng si Franco na nakatali rin ang magkabilang kamay sa loob ng Toyota saka inabandona sa harapan ng  No. 168 RB Mansion E Rodriguez Brgy. Bagumbayan ng nasabing lungsod.

Nang makaalis ang mga suspek ay nagawang makalabas ng sasakyan si Franco at humingi ng tulong sa  security guard ng mansion na nakilalang si Reynante Fajarito na siya namang nag-report sa pulisya.

Agad namang inimbitahan ng pulisya ang BIR official at inilarawan nito ang dalawa sa limang suspek na nanloob sa kanilang tahanan na ngayon ay subject ng manhunt operation ng kapulisan.

 

Please follow and like us:
Read More

AWOL NA PULIS-PRO ARMM, TODAS SA TANDEM SA QC

(NI TJ DELOS REYES)

TODAS ang isang pulis na nakatalaga sa Police Regional Office- Autonomous Region in Muslim Mindanao (PRO-ARMM) matapos na pagbabarilin ng riding in tandem Huwebes ng hapon sa lungsod ng Quezon.

Kinilala ang biktima na si Patrolman Michael Pernecita Delos Reyes, 36, may asawa, ng  Block 2, Lot 26 GK Sitio Pajo, Brgy. Baesa.

Base sa ulat, dakong 1:28 ng hapon nang maganap ang insidente sa Taal St. Brgy. Alicia Bago Bantay ng nasabing lungsod.

Sa pahayag ng saksing na si Richard Muyrong Osita,  tricycle driver, nagulat na lamang siya nang tapatan ng dalawang lalaki na sakay ng itim na motorsiklo at kapwa nakasuot ng helmet, ang nasabing pulis na sakay din ng motorsiklo saka sunud-sunod na malapitang pinaputukan.

Lumalabas na susunduin sana ng pulis ang kanyang mga anak sa paaralan nang mangyari ang krimen.

Narekober sa crime scene ang pitong piraso ng basyo ng bala ng  caliber .45;  deformed slug, at fragment ng fired bullet.

Nabatid na dating nakatalaga sa Quezon City Police District (QCPD) Cubao Police Station 7 si Delos Reyes  subalit itinapon ito sa PRO-ARMM noong 2017 subalit nag-Awol na ito. Patuloy ang isinasagawang imbestgasyon ng pulisya upang malaman kung ano ang motibo sa  pamamaslang sa biktima.

 

Please follow and like us:
Read More

PAG-IYAK MAGANDA SA KALUSUGAN

CRYING MAN

Hindi Dapat Ikahiya

(Ni Edzer Lanuza / Unang Labas)

MARAMI sa atin ang isinilang sa lipunan kung saan ang pag-iyak ay iniiwasang maipakita sa publiko. Dahil di katanggap-tanggap, madalas itinatago ang pagluha.

Umiiyak tayo simula pagkasilang. Pero ngayong adults na, marami sa atin ang pilit nagtatago ng ating pag-iyak. Sa paniniwalang ang pag-iyak ay senyales ng kahinaan. O, ng isang bagay na ating ikinahihiya. Pero talaga bang ang pag-iyak ay dapat ikahiya? O, ang paglalabas ng luha ay aktuwal na nakapagpapalusog sa isang tao.

Ang good cry ay minsang iniuutos ng mga doctor. Sa katunayan, iminumungkahi ng psychologists na may hatid na kapinsalaan kung di tayo regular na iiyak.

“ Ang pag-iyak ay nagpapagana sa katawan sa isang malusog na paraan,” sabi ni Stephen Sideroff, Ph.D., clinical psychologist sa UCLA at director ng Raoul Wallenberg Institute of Ethics.

Ang pagluha ay sobrang  positibo, mainam na bagay. Gayundin ang mga bagay na nangyayari kapag nanonood tayo ng movie na humipo sa iyong puso kaya’t umiyak ka.

Sinabi si Sideroff,  “Ang prosesong ito ay ang pagbubukas sa iyong sarili sa isang bagay gaya ng isang lock at key.”

Malakas ang paniniwala ng mga Japanese sa health benefits ng pag-iyak, na dinadala nila ang kaalamang ito hanggang sa next level.

Sa ilang siyudad sa  Japan, may  “crying clubs” tinatawag na rui-katsu na ang ibig sabihin, literal na, “tear-seeking.”  Ang mga tao rito ay nagsasama-sama para magpakasawa sa good old-fashioned sobfests.

Para matulungan ang sariling dumaloy ang luha, nanonood ang participants ng tearjerkers. Ang pangunahing batayan? Inilalabas ng pagluha ang stress, na mabuti pagdating sa pananatili ng malusog na kaisipan.

Sa pananaliksik sa nasabing teorya, pinag-aralan ang iba’t ibang uri ng mga pag-iyak. Natuklasan na ang emotional tears ay nagtataglay ng higher levels ng stress hormones kaysa nagagawa ng basal (lubricating) o reflex tears (mula sa pagkapuwing).

Ang emotional tears ay nagtataglay din ng mas ­maraming mood-regulating ­manganese kaysa sa ibang uri nito. Pinahihigpit ng stress ang muscles at pinatatas ang tension.

Kaya kung umiiyak ka, nare-release ang ilan dito,” ayon pa kay Sideroff. “Binubuhay ng parasympathetic nervous system at pinanatili ang katawan sa  state of balance.”

Naniniwala rin si Sideroff na ang  “crying clubs” ay maaaring nagbibigay ng supportive, safe space para umiyak sa mga taong hirap ipakita ang kanilang emosyon dahil sa cultural o personal reasons.

Isang magandang ideya, ayon pa rito. Ang pag-iyak ng grupo ay nagpapatunay sa gawain at nagsasabing mabuti itong gawin. Para sa maraming tao, madali kang umiyak dito.

Mga babae, mas ­madalas umiiyak. May kinalaman din dito ang biology kung bakit nangyayari ito. Bagaman, mas maraming hormone prolactine sa katawan ng babae.

Ang prolactine ay hormone na nagsisimbuyo sa milk production,  daan sa pag-iyak.Ipinakita sa research na sa kaso ng sanggol na umiiyak, ang ­level ng  prolactine sa katawan ng babae ay nadadagdagan.

Sa panahon ng orgasm ang mga babae ay umiiyak nang mabilis kaysa mga lalaki dahil sa karurukan ng prolactine concentrations. Mas kaunti ang dami ng prolactine sa mga lalaki.

Mas maraming testosterone ang mga lalaki, na may impluwensya sa pagpipigil sa kanila para umiyak.Mas madalas umiyak ang mga lalaki kapag sila ay tumatanda, dahil sa pagbaba ng testosterone content sa kanilang katawan.

Kapag sumambulat ng iyak ang isang babae sa kanyang pagtatrabaho, iniisip ng mga taong hindi niya kayang hawakan ang kanyang tungkulin.

Mas madalas na ang pag-iyak ng mga babae ay nakikita bilang manipulasyon, habang siniseryoso ang pagluha sa mga lalaki.

Please follow and like us:
Read More

FIXER NANGIKIL NG P11-K SA STUDENT, HULI

(NI HARVEY PEREZ)

BINITBIT ng mga tauhan ng Manila Police District-Special Mayor’s Reaction Team (MPD-SMaRT), ang isang 50-anyos na fixer matapos  tangkaing kikilan ng P11,000 ang isang isang estudyante na gustong makapasok sa Unibersidad de Manila (UdM)  para maging Grade 11 student, nitong Huwebes sa Maynila.

Iniharap sa mamamahayag  ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso  ang suspek na si Celso Dimanlig, na naaresto sa Paco, Maynila.

“Kaya itinatag ang UdM ay para makapagbigay ang pamahalaan ng pagkakataon sa mga bata na mahihirap na makapag-aral,” ayon kay Moreno.

Si Dimanlig ay naaresto ng mga  pulis noomg Martes matapos magsampa ng reklamo ang ina ng bata na hindi na pinangalanan.

“Ano namang uri ng tao ito? Libre naman ang PLM, UdM. All they have to do is pass the exam,” ayon kay Moreno.”Ano ito, may-ari ng paaralan?”

“Naiinis ako. Mahihirap na nga ang mga taong ito, gusto lang iraos mula sa kahirapan, ginagatasan pa. Nahirati kayo sa nakaraang gobyerno,” ani pa  Moreno.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Article 293 (Robbery Extortion) at Article 315 (Swindling or Estafa) Revised Penal Code sa Manila Prosecutor Office ang suspek.

Please follow and like us:
Read More

SOUTHEAST ASIAN GRAND PRIX: PINALAKAS, 16-MEMBER NATL TEAM

MAS malakas na Philippine volleyball team ang sasalang sa Southeast Asian Grand Prix sa Nakhon Ratchasima, Thailand sa Setyembre 20 hanggang 22.

Ito’y dahil makakasama na sina Americans Kalei Mau, Alohi Robins-Hardy at Iris Tolenada sa 16-member national women’s team na kinabibilangan din nina Alyssa Valdez, Frances Molina, Aiza Pontillas, Mylene Paat at Jovelyn Gonzaga.

Ang Philippine team na pangungunahan ni team captain Aby Maraño, Majoy Baron, Maddie Madayag, Roselyn Doria, Dawn Macandili at Kath Arado, ay sasamahan din nina Jia Morado at Eya Laure.

Ayon kay Larong Volleyball sa Pilipinas Inc. president Joey Romasanta, hindi makakasama sa paglipad sa Thailand ngayong araw sina Tolenada, Valdez at iba pang PVL players para sa pagsisimula ng training. Habang sina Morado, Madayag, Laure at Gonzaga ay sa Sept. 15 pa makasusunod.

 

 

Please follow and like us:
Read More

TAPAT NG HOTEL BAGSAKAN NG DROGA; 3 HULI

(NI KNOTS ALFORTE)

DAHIL mainit na sa kanilang lugar kaya sa tapat ng isang hotel nalang ginagawa ang bentahan ng illegal na droga tuwing madaling araw sa Brgy. Mambugan, Antipolo City.

Ayon sa report kay Rizal Police Provincial Director P/Col Renato Sanao Alba ni Antipolo City Chief of Police P/Lt.Col Alvin Consolacion,  dakong alas-2:30 Miyerkoles ng umaga nang matimbog sa tapat ng isang hotel ang mga suspect.

Hindi na nakaporma ang isang matinik na pusher na nakikilalang si Jeffrey Magno, alyas Barok,  at ang kanyang dalawang parokyano.

Nahuli kay alyas ‘Barok’ ang 25 grams ng pinaghihinalaang shabu na aabot sa market value na P170,000.

Nakakulong ngayon ang tatlo at sasampahan ng kaukulang kaso.

Please follow and like us:
Read More

ILLEGAL POGO WORKERS DAPAT IMBESTIGAHAN

HAGUPIT NI BATUIGAS BOMBA

MUKHANG umaarangkada na naman ang mga tauhan ng Bureau of Immigration and Deportation kung saan ang pakay nila ay mag-monitor sa mga illegal alien at mga dayuhang nagtatrabaho nang walang special working permits.

Kamakailan ­lamang ay may pangyayari na may isang grupo ng mga tauhan ng BID ang may misyon na magsagawa ng pag-inspeksyon sa mga ­establisimyento ng ­Philippine Offshore ­Gaming ­Operators (POGO) kung saan isa sa mga ­sangay nito sa Metro Manila ang nainspeksyon ng grupo, subalit nang malaman ng mga ito na limampu (50) katao sa mga nagtatrabaho na Chinese na pawang walang special working permits ay kaagad na nagdeklara ang mga ito ng raid.

Matindi ang koneksiyon ng naturang POGO dahil habang inuusisa ng grupo ang mga papeles ng mga Chinese worker ay tila nakatawag ito ng padrino kung kaya medyo lumamig ang sitwasyon habang mahigpit naman ang ­pagbabantay ng grupo sa mga illegal worker.

Sinasabing nagkaroon umano ng negosasyon kung saan pumapel ang padrino at sinabi nito sa POGO na kailangan ang  halagang P30 milyon para huwag nang arestuhin ang ­naturang mga Chinese worker.

Ang tanong natin, alam kaya ni BID Commissioner Jaime Morente ang lakad ng kanyang mga tauhan? Na pinagkakakitaan ng mga ito ang mga Chinese na walang special working permit na nagtatrabaho sa POGO? Tiba-tiba nga naman ang mga kolokoy kung hindi ito nakarating kay Morente.

Dapat imbestigahan ng mga senador at kongresista ang patuloy na pagdami ng POGO sa ating bansa kung saan marami pala sa mga trabahador nito ay pawang mga walang special working permit.Napakaluwag ngayon pumasok ang mga Chinese sa ating bansa pero dapat salain ang mga ito ng BID.

Mantakin mo nga naman, pinagkakakitaan pa ng mga kupal ang mga Chinese kaya ayos lang sa kanila na pumasok ang mga ito sa ating bansa kaya halos 70% na sa mga condo unit sa Metro Manila ay inuupahan ng mga Chinese.

Bakit hindi kumilos ang mga mambabatas at kuwestiyunin ang Philipine Gaming Carporation (PAGCOR) na patuloy na nagbibigay ng permit sa POGO na mag-operate ng pasugalan sa ating bansa? Sa totoo lang, hindi lamang mga Intsik ang naglalaro sa POGO outlets, ­maging ang mga negosynteng Pinoy ay nagsusugal din kaya tinuturuan ng PAGCOR ang mga Pilipino na magsugal.

Dapat din imbestigahan ng mga mambabatas si PAGCOR Chairwoman Andrea Domingo at Vice President Carmelita Valdez kung saan napupunta ang bilyong pisong pondo ng kagawaran.

May nakarating na impormasyon sa inyong lingkod na napakaluwag umanong magbigay ng pondo ni Domingo sa mga politiko at pagbibigay ng alokasyon ng advertisement sa mga media outlet kahit hindi naman kilala ang istasyon.

Kahit nga raw iyong mga blocktimer na broadcaster sa radyo ay nakakukuha ng alokasyon ng advertisement sa PAGCOR kaya kung tutuusin, nasasayang lamang ang pondo ng ahensiya sa walang kuwentang pinagkakagastusan. Abangan ang karugtong.

oOo

Palaging subaybayan ang aking programa sa social media LATIGO NEWS TV at sa aking Youtube channel, LATIGO ONLINE NATIONWIDE NEWS TV (HAGUPIT NI BATUIGAS / Mario Batuigas)

Please follow and like us:
Read More

YOUNGER BRO NI MALE STAR POWER BOTTOM NI TV EXEC

hunk

pwede ed deleon(NI ED DE LEON)

Yes, suma-sideline na rin ngayon ang younger brother ng male star. Ang younger brother, mas bata, mas sariwa at mas mukhang gym toned pa ang katawan ngayon kaysa kay kuya. Pero pareho pala sila ni kuya na alaga ng isang network gay. Alam naman nila na nakaka-date nila ang network gay ‘alternately’.

Pero ok lang naman sa kanilang dalawa dahil naibibigay naman ng maperang network gay ang kailangan nilang support financially.

Mukhang may plano rin naman ang mag-utol na magpa-manage na sa network kung saan connected din ang friend nilang gay, at kailangan nila iyon para makakuha rin ng prime assignments.

Pero hindi alam ng girlfriend ni kuya ang arrangement ng magkapatid sa network gay, siyempre.

 

 

Please follow and like us:
Read More

KUNG MAY DELICADEZA, PANELO DAPAT MAG-RESIGN

CHRISTIAN BOMB

DAPAT nang pakinggan ni Presidential spokesman Salvador Panelo ang panawagan sa kanya ni retired Judge Harriet Demetriou na mag-resign na siya sa kanyang tungkulin.

Nagalit kasi si Demetriou, ang hukom na humatol at nagpakulong kay rapist-killer ex-Mayor Antonio Sanchez sa naging statement sa Malacañang ni Panelo na puwede raw palayain ang dating alkalde dahil kwalipikado raw ito sa batas na Good Conduct Time Allowance (GCTA).

Noong una, sinabi ni Panelo na hindi niya pakikinggan ang panawagan sa kanyang magbitiw sa puwesto kasi opinyon lang daw niya ang sinabi niya tungkol sa pagpapalaya kay Sanchez at hindi naman daw niya iniuutos na palayain ito, bukod pa sa kahit naging abogado raw siya ng dating mayor ay matagal na raw siyang walang komunikasyon dito at kahit pa sa pamilya nito mula pa raw nuong 1995.

Ang problema ngayon ni Panelo sa isyung ito ay sa pagdinig sa Senado ay ibinisto ni Board of Pardons and Parole Executive Director Reynaldo ­Bayang na sinulatan siya ng Presidential spokesman na nagrerekomendang pagkalooban ng executive clemency si Sanchez, bukod pa riyan ay may record din na nakaharap niya sa Malacañang ang pamilya ng dating alkalde.

Malinaw na nagsisinungaling si Panelo sa mga sinabi niya noon na hindi siya nakikialam sa kaso ni Sanchez kaya’t kung may natitira pang delicadeza sa kanyang sarili ang Presidential spokesman ay dapat magbitiw na siya sa tungkulin.

o0o

ANAK NG JUETENG

Umarangkada na ang pa-jueteng ni “Moriones” sa Albay at “Jaruta” sa Muntinlupa City.

Kung ang mga pa-jueteng na ito sa Albay at Muntinlupa City ay hindi mapatitigil ng mga awtoridad, maaaring mangyari riyan ay magka-jueteng na rin sa iba pang probinsya at lungsod sa bansa.

Dapat ipag-utos na agad ni PNP Chief, Gen. Oscar Albayalde na ­ma-stop ang mga pa-jueteng na ito, dahil baka ang pagsusulputan uli ng jueteng sa bansa ay siyang maging dahilan para magalit sa kanya si ­Pangulong Rodrigo Duterte at ang inaasam niyang posisyon sa ­gobyerno kapag nagretiro na siya sa ­Nobyembre ay maunsiyami pa. (CHRISTIAN’S BOMB / Christian Hernandez)

Please follow and like us:
Read More

KAPATID NG SINUNGALING ANG MAGNANAKAW

yourservice

MAGULO na ang usapin tungkol sa pagpapalaya ng mga taong nahatulan ng pagkakakulong dahil sa mga ginawa nilang krimen na tinatawag nating “heinous crimes.” Ang heinous crimes ay tumutukoy sa mga gawang hindi lamang labag sa mga probisyon ng ating Revised Penal Code kundi ito’y karumal-dumal. Tulad ng mga krimeng panggagahasa at pagpatay. Dahil sa isyung ito — binulabog tayo at parang bangungot na pilit nating naalala ang ilang karumal-dumal na krimen na naganap noon. Ang mas mahirap — tila pilit binuksan ang matagal na sanang naghilom na sugat at sakit na muling mararanasan at mararamdaman ng mga kaanak ng mga biktima. Dahil dito, hindi kagulat-gulat na marami ang umalma sa pamamagitan ng social media sa kaganapang ito.

Mahirap na nga ang proseso ng ating hustisya sa bansa — sa kadahilanang ito’y mabagal, madaming daraanang proseso, kadalasan ay nailalagay sa alanganin at maging kahihiyan ang mga biktima rito, at kung makuha man ang hustisya ay ­ilang taon na ang ­lumipas at malalim na ang sugat.

Ngunit sa ating nababalitaan ngayon na marami na pala ang napalaya — tanda pa natin na sa unang pagsabog ng balitang ito — pinabulaanan ng pamunuan ng ahensyang humahawak sa mga bilanggo na walang pirmahang nangyari, walang pagpapalaya na nangyari, at walang iregularidad na nangyari.

Pero pagkatapos ng ilang araw — malalaman na lamang natin — sa loob pa ng pagdinig ng Senado sa usaping ito — na may pirmahang naganap, may pagpapalayang naganap, at ayon sa ilang senador — may iregularidad na nangyari. Kaya ano na? Magsisinungaling muna at aasang mawawala ang isyu o matatabunan ng ibang problema ng bayan? Tapos sa kalaunan — aaminin din o madudulas na ­nagsinungaling nga.

Hindi ko alam kung ako ay matatawa o maiiyak — o di kaya’y maiinis o magagalit — sa pilit na pagpasa ng responsibilidad sa kaguluhang ito. Sino ba ang tunay na may sala? Magtuturuan na lamang ba kayo?

Sa aking munting palagay — simple lang naman ang nilalaman at mga probisyon ng batas na nagbibigay ng karagdagang puntos para sa good conduct or behavior ng isang bilanggo — at sa dami ng mga abogado sa mga ahensyang responsable rito — iaasa pa sa Kataas-taasang Hukuman?

Kaunting pagsusuri lamang ang kailangan upang makita ang tunay na intensyon ng batas at malinaw ang mga alituntunin o proseso na susundin dito, tulad ng sino ang tunay na may kakayahan o binibigyan ng kapangyarihan at responsibilidad ng batas na pumirma upang palayain ang mga kwalipikadong bilanggo. Kalakip na rin dito ang mga kwalipikasyon at kondisyon kung maari nga bang palayain ang isang bilanggo. Nasunod ba ang mga alintuntunin ng batas tungkol dito? Wala pa rin tayong naririnig na tunay na kadahilanan kung bakit ganito ang nangyari. Sa lahat ng panayam at pagdinig sa mga taong responsable rito — puro dahilan, puro eksplanasyon — walang maliwanag na paliwanag kung sino talaga ang may sala, kung sino ang nag-utos, kung sino ang nagbigay ng basbas upang basta na lamang pirmahan ng kung sino-sino at palayain ang kung sino-sino na hindi sinusunod ang ­alintuntunin at kondisyon ayon sa batas. Puro kasinungalinan — pero tandaan, kapatid ng sinungaling ang magnanakaw. Kaya kayo na lamang ang bahalang humusga (@YOUR SERVICE / ATTY. DAVID ROBERT AQUINO)

Please follow and like us:
Read More