‘PAG-ATAKE’ NG ISIS BINABANTAYAN

(NI HARVEY PEREZ)

IBINULGAR ni Justice Secretary Menardo Guevarra na mahigpit na binabantayan ngayon ng Armed Forces of the Philippines Northern Luzon Command (Nolcom) ang ilang siyudad at simbahan sa Northern Luzon sa posibleng pag atake ng mga miyembro umano ng Islamic State(ISIS).

Kasabay nito, inatasan  ni Guevarra ang  National Bureau of Investigation (NBI) na makipag koordinasyon sa ibang ahensiya ng gobyerno para madetermina kung nakapasok at may kuta  na sa bansa ang mga miyembro ng  Islamic State-affiliated terror cells.

Nalaman na ang kautusan ni Guevarra sa NBI ay bunsod ng
intelligence report na posibleng magsagawa ng terror attack sa ilang lugar   sa Northern Luzon.

Nalaman na sa ilalim ng Nolcom memo posible umanong magsagawa ng terror attack sa mga siyudad at simbahan sa Northern Luzon ang ISIS.

“Crusader cities is the term used by ISIS in describing target areas to fuel what they call ‘Bandar Crusade,’ or war between Muslim and Christian. While ‘Crusader Churches’ is their generic term for all historic Catholic Churches,” nakasaad sa Nolcom memo na nilagdaan ni  Navy Col. Glenn Celebrado, Nolcom’s assistant chief ng Unified Command Staff for Intelligence.

Tinukoy ni Guevarra ang posibilidad na target ng pag atake ang   Laoag City sa Ilocos Norte, Vigan City sa Ilocos Sur, Tuguegarao City sa Cagayan at Manaoag church sa Pangasinan.

Kasabay nito, inatasan ng Nolcom ang ilang military units na paigtingin ang intelligence monitoring, partikular na sa priyoridad na target area.

Gayundin, idineklara ang red alert status ng militar, ngayong Linggo at bukas (Lunes).

Please follow and like us:
Read More

TATAY NA NAN-RAPE SA AMPON, NAPATAY

(NI JESSE KABEL)

DEAD ON ARRIVAL sa ospital ang isang lalaki na dinakip sa kasong panghahalay sa kanyang ampon na anak nang mang-agaw ito ng baril habang nasa inquest proceeding sa loob ng police station sa bayan ng Parang, Maguindanao, Biyernes ng umaga.

Sa inilabas na ulat ng Parang Police Station habang kinukunan ng mugshot, biglang nang-agaw ng baril ang suspek

na si alyas “Dong” at nakipagbarilan sa mga pulis.
Ayon kay P/ Lt. Col. Ibrahim Jambiran, hepe ng Parang Police Office napuruhan si “Dong” nang gantihan ng mga pulis kaya’t idineklarang dead on arrival sa ospital.

Sa ulat ng pulisya dinakip si “Dong” ng mga pulis Huwebes ng hapon matapos ireklamo ng panggagahasa ng 12-anyos na ampon nito.

Subalit habang kinukunan ng mug shot ay nang-agaw ito ng baril.

Napag-alaman na bago ang insidente ay nahaharap na ang suspek sa dalawang kaso ng panghahalay.

Please follow and like us:
Read More

TEAM BEA BA O TEAM JULIA SI KRIS?

ANG GARA NI VINIA(NI VINIA VIVAR)

MATAPOS ang pinag-usapang matatapang niyang pahayag patungkol kay Bea Alonzo, moving on na si Julia Barretto mula sa kontrobersiyang kinasasangkutan base na rin sa kanyang recent Instagram post.

Nag-upload si Julia ng latest photo niya at sa caption, she simply wrote, “next chapter.”

Sa comment section ay nangunguna ang komento ni Kris Aquino. Aniya, “nobody else can write that next chapter BUT you. Own it, Live it, and be Proud of it.”

Sinagot naman ito ni Julia ng “hugs, tita Kris.”

Matatandaang nang mag-post si Bea ng “enough” post na siyang pinagsimulan ng love triangle scandal nilang tatlo nina Julia and Gerald Anderson, nangunguna rin ang comment ni Kris and told her, “I’m your Ate for life who will always love you & care about you.”Ang tanong, team Bea ba or team Julia si Kris?

 

Please follow and like us:
Read More

GILAS MAY NATUTUNAN SA SPAIN

(NI ANN ENCARNACION)

HINDI man natupad ang inaasam na makaharap ang host country Spain, masaya pa rin ang Gilas Pilipinas sa kabuuan ng kanilang 10-day training camp sa nasabing bansa lalo’t panalo sila sa huling laro sa Malaga kontra Ivory Coast, 73-63.

Matapos matalo sa pangalawang pakikipagharap sa Congo na humadlang sa kanilang hinahangad na na pakikipagsagupa sa world No. 2 Spain, tinapos ng Gilas ang training camp sa 3-1 record.

Muling naging impresibo si Robert Bolick na pinangunahan ang Gilas sa pagiskor ng 18 puntos, habang nagtala ng double-double si Andray Blatche 18 points, 18 rebounds, four assists, at three steals sa panalo laban sa Ivory Coast.

Sa ulat na lumabas sa abs-cbnnews.com, sinabi ni coach Ryan Gregorio na kuntento naman si head coach Yeng Guiao sa nabuong confidence ng team sa Spain training camp na preparasyon nito para sa nalalapit na FIBA World Cup.

“(Coach Yeng) reminded the players to continue working on their 3-point shooting, defense, and to master the offensive sets for it to be second nature for everyone,” sabi ni Gregorio. “He also told the players to continuously improve and not to regress.”

Ngayon (Lunes) babyahe pabalik ang Gilas at inaasahang darating sa Pilipinas Martes. Kinabukasan (Miyerkoles) ay agad babalik sa praktis ang team.

Magkakaroon pa ang Gilas Pilipinas ng karagdagang exhibition games laban sa Australia bago tumulak sa China para sa 2019 FIBA Basketball World Cup.

Kabilang ang national team sa Group D kasama ang Angola, Italy, at Serbia.

Please follow and like us:
Read More

ANAK NG CITY ADMIN NG TAGBILIRAN, HULI SA PARTY DRUGS

(NI NICK ECHEVARRIA)

INARESTO  ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)  at National Bureau of Investigation (NBI) sa Central Visayas ang anak ng City adminisrator ng Tagbiliran sa Bohol sa isang buy bust operation.

Nakilala ang suspek na si Eric John Borja, 26, na inaresto ng mga tauhan ng PDEA at NBI sa loob ng Crescent Ville Hotel, Gallares St., Tagbiliran City, Bohol makaraang mahulihan ng  mga tableta ng hinihinalang ecstasy sa isang anti-drug operation nitong Sabado ng gabi.

Nabatid na sa nabanggit na hotel sana tatagpuin ng suspek ang kanyang mga parokyano subalit laking gulat nito nang malaman na pawang mga ahente pala ng pamahalaan ang kanyang ka-transaksyon.

Kinumpirma naman ni Atty. Renan Oliva, director ng NBI sa Bohol, na anak ni Tagbiliran City Administrator Leonides “Edi” Borja ang nadakip na suspek.

Nakumpiska mula sa pag-iingat ng suspek ang pitong assorted na mga tableta ng pinaniniwalaang ecstasy na ginagamit bilang party drugs na nagkakahalaga ng P11,900, buy bust money at isang i-phone.

Nahaharap ngayon  sa kasong paglabag sa  Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang nadakip na suspek.

 

Please follow and like us:
Read More

SOLENN IS PREGGY AT LAST

ANG GARA NI VINIA(NI VINIA VIVAR)

AFTER more than 2 years of marriage, finally ay nagdadalang-tao na si Solenn Heussaff sa first baby nila ng mister na si Nico Bolzico. Sabay na nag-post ang mag-asawa last Saturday sa kani-kanilang Instagram account ng larawan na ikinaaliw ng netizens.

Sa larawang ipinost ni Solenn, nakaupo sa harap ng toilet bowl si Nico at tila nagsusuka habang ang aktres naman ay nasa may pinto ng toilet na naka-gown at hawak ang kanyang baby bump.

Sa caption, Solenn wrote, “@nicobolzico we’re in this together” at nilagyan pa ng hashtag na #babybolz.

Sa larawang ipinost naman ni Nico, siya ang nasa may pinto ng CR with the same gown na suot ni Solenn habang ang misis naman niya ang nakaupo sa harap ng toilet bowl na suot naman ang kanyang pants and polo.

Sa caption, saad naman ni Nico, “yes @solenn, we are in this together bebu!” with the same hashtag.

Inulan ng congratulatory messages ang mag-asawa mula sa mga celebrity friends including Heart Evangelista, Dingdong Dantes, Isabelle Daza, Ruffa Gutierrez, Iza Calzado, Luis Manzano, Daniel Matsunaga, Raymond Gutierez, atbp.

Kasalukuyang napapanood si Solenn sa primetime GMA-7 series na Love You Two kasama sina Jennylyn Mercado, Shaira Diaz and Gabby Concepcion.

JAVI HONORED AND PROUD

Sobrang proud and honored ang Star Magic talent na si Javi Benitez na mapasama sa The General’s Daughter kung saan ay napanood siya for 3 episodes.

Ito ang first teleserye niya at sa primetime slot pa kaya naman sobrang happy ng newbie actor.

Sa first taping day daw niya na interrogation scene ay kasama agad niya ang mga bida na sina Angel Locsin, Paulo Avelino at Albert Martinez.

“Pinatodo talaga ako ni direk Manny (Palo), sabi niya, “alam mo, this scene, kasama mo ‘yung mga bida, kailangang magpantay ka, alam kong you’re new but you have to level-up this time,” ganyan.

“So, talagang tinodo ko ‘yung emotions na talagang natatakot, may tali, sa upuan, tapos sina Paulo, ginaganu’n ako. It was a good experience. Kasi, after si Angel was asking, ‘o, okay ka lang ba?’ Sobrang sweet. Kaya siguro, maraming humahanga sa kanya,” ang kwento ni Javi sa intimate tsikahan namin sa kanya last Thursday.

Bagama’t kabado raw siya dahil nga bigating artista agad ang nakaeksena niya, at the same time ay naging challenge raw ito sa kanya para pagbutihan.

May isang scene nga raw na nagtinginan sila ni Angel at parang na-amaze raw siya’t nasabi sa sarili, “si Darna ang tumitingin sa akin!”

Actually, action star talaga ang gustong direksyon ni Javi dahil bata pa nga lang daw siya ay mahilig na siyang manoood ng action films. At natutupad naman dahil sa ngayon ay may ginagawa siyang hardcore action film under the helm of Richard Somes, ang Kid Alpha One kung saan ay siya talaga ang bida.

For the film ay nag-training pa raw siya ng Filipino martial arts bukod pa sa gun training.

Ipinakita sa amin ni Javi ang teaser ng movie at sa totoo lang, parang Holywood film ang pagkakagawa. Bagay na bagay din kay Javi ang maging action star at astig na astig ang dating niya sa movie.

Given the chance ay gusto rin daw niyang makapag-guest sa FPJ’s Ang Probinsyano at makasama si Coco Martin.

Si Javi ay anak ni dating Negros Occidental Representative Alfredo “Albee” Benitez at isa sa new faces na ini-launch recently ng Star Magic.

 

Please follow and like us:
Read More

BASECO SINUYOD, 2 PATAY; 1,000 BINITBIT

(NI HARVEY PEREZ/PHOTO BY MAYA FELIZA)

BINITBIT ng pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police (PNP), Manila Police District at CIDG ang may 1,000 kalalakihan  at dalawa naman ang namatay nang manlaban sa   isinagawang  Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO ), Linggo ng hapon sa Baseco, Port Area, Maynila.

Isinagawa ang pagsalakay sa naturang lugar alas 2:00 ng hapon kung saan nabulaga ang mga residente.

Ang operasyon ay isinagawa sa tugon sa kautusan ni  Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso na linisin ang Baseco sa kriminalidad at droga.

Nabatid na ang operasyon ay pinangunahan ni PColonel Antonio Yarra, deputy director ng MPD.

Isasailalim umano sa beripikasyon ang lahat ng kalalakihan na inaresto at binitbit sa basketball court.

Ang  mga kalalakihan na may records, warrant of arrest at sangkot sa droga ay ihihiwalay habang pauuwiin naman ang mga walang kaso.

Habang isinusulat ang balitang ito ay patuloy pa rin ang operasyon.

Inaalam pa ng pulisya ang pagkakilanlan ng dalawang nasawi matapos na manlaban sa mga pulis.

 

 

Please follow and like us:
Read More

P51-M SHABU NALAMBAT NG 2 MANGINGISDA

(NI JG TUMBADO)

UMAABOT sa P51 milyon halaga ng shabu ang nalambat ng dalawang mangingisda sa karagatang sakop ng bayan ng Biri sa Northern Samar, araw ng Sabado.

Batay sa impormasyon na nakalap ng pulisya, nakitang palutang lutang sa dagat ang nabanggit na ilegal na droga habang nakabalot sa plastic bag at tumitimbang nang halos walong kilo.

Ang dalawang mangingisda na taga Barangay Pio del Pilar ang unang nakadiskubre sa kontrabando habang papalaot ang mga ito dakong alas 2:35 ng hapon sa bahagi ng Sitio Pagul.

Agad namang isinuko ng dalawang mangingisda sa pulisya ang kanilang nalambat na ilegal na droga.

Ayon naman sa mga awtoridad, ito umano ang kauna unahang insidente sa kanilang lugar sa pagkakadiskubre ng ganito kalaking halaga ng  shabu sa karagatan habang patuloy pa ang isinasagawa nilang imbestigasyon.

Please follow and like us:
Read More

AMO TINANGKANG LASUNIN, KASAMBAHAY KULONG

arested12

(NI DAVE MEDINA)

NAKAKULONG ngayon sa Muntinlupa City Police Detention Facility ang isang housemaid dahil sa tangkang pagpatay sa kanyang among babae .

Sa tala ng Muntinlupa City Police, mismong ang target na biktima na kinilalang si Remedios Dalit Gimena, 76, residente  ng Block 11 Lot 2 Soldiers Hills Village, Brgy. Putatan, Muntinlupa City, ang nakadiskubre na gusto siyang lasunin ng housemaid dakong alas-8:30 ng umaga ng Sabado.

Sa salaysay pa ni Gimena, iinumim niya sana ang herbal medicine liquid nang mapansin niya ang kakaibang lasa at nang kanyang silipin ang loob ng bote, nakakita siya ng tatlong piraso ng Camphor Balls (Alcampor) dito.

Tinawag umano niya ang kanyang asawa at sinabi kung ano ang kanyang nakita sa bote ng gamot.

Nang kanilang komprontahin ang kasambahay na si Garnet Balacoy Gallardo, 35, ng Block 39 Lot 32 Carnacion St., Navotas City ,  umamin umano ito na sa sobrang galit sa amo kaya nilagyan niya ng alcampor ang bote ng gamot.

Dahil dito ay mabilis na nagreport ang asawa ng biktima sa mga opisyal ng Barangay Putatan para humingi ng ayuda upang madala ang suspek na si Gallardo sa tanggapan ng Muntinlupa City Police Station para sa kaukulang disposisyon.

 

Please follow and like us:
Read More

GERALD:  ANG GOAL KO TO COME OUT A BETTER MAN!

boy abunda(NI BOY ABUNDA)

KAMAKAILAN ay sumabak si Gerald Anderson sa isang military training. Para sa aktor ay malaki ang naitulong nito upang pansamantalang makalimutan ang mga negatibong mga salitang ibinabato sa kanya dahil sa kontrobersiyang kinasasangkutan ngayon. Ilang linggo nang usap-usapan ang hiwalayan ng aktor at Bea Alonzo at pagkakaugnay ni Gerald kay Julia Barretto.

“Better now! Malaking bagay ‘yung training. Malaking bagay na nalagay sa perspective ‘yung mga bagay-bagay. Sa dami ng negativity, alangan naman na maging negative pati ako di ba? The only way to fight negativity is to be positive and with positive thinking, positive vibes and doing something positive also. Siyempre madami ng negative energy and when you channel that in a right way, may magagawa kang mabuti. So ang goal ko, to come out a better man, better person,” makahulugang pahayag ni Gerald.

Aminado ang aktor na naaapektuhan na rin siya para sa mga taong malapit sa kanyang puso katulad ng pamilya at mga kaibigan dahil sa kontrobersiyang kinasasangkutan. “Siyempre, but more than me is ‘yung mga tao sa paligid mo, ‘yung mga mahal ko sa buhay, ang pamilya ko, ‘yon ang masakit eh. Kasi kung ako lang, okay lang. Sanay naman na ako pero mahirap pati ‘yung pamilya mo,” pagtatapat ng binata.

Ayon kay Gerald ay maraming mga bagay ang kanyang natutunan dahil sa mga nangyari at kanyang pinagdadaaanan. “Just like anybody else, kapag may challenge na darating sa buhay mo, laging may natututunan tayo eh. Ang pinakaimportante doon is we learned something from all of these,” pagtatapos niya. -Reports from JCC-  

 

Please follow and like us:
Read More

1 PANG NAKAGAPOS NA BANGKAY NAANOD SA TAAL LAKE

(NI CYRILL QUILO)

ISA pang nakagapos na bangkay ng lalaki ang muling bumulaga sa mga residente sa Barangay Ambulong na nasa baybayin ng Taal lake, sakop ng  Tanauan City.

Sabado ng alas 9:00 ng umaga nang maanod sa dalampasigan ang bangkay na hinihinalang kasamahan ng unang nadiskubre noong Biyernes ng tanghali.

Kapwa nakagapos ang mga kamay nito at katulad ng naunang nakita sa parehong lugar, may kakabit itong sako na hinihinalang ang laman ay pampabigat para lumubog ang mga bangkay.

Unang inakala ng mga nakakita na katawan lamang ng  namatay na hayop ang kanilang natatanaw na palutang-lutang sa laot, subalit nang mapadpad sa dalampasigan ay natuklasan na bangkay ito ng isang lalaki.

Hinala ng mga imbestigador, sa ibang lugar pinatay ang mga biktima at tinangkang itago ang krimen sa pamamagitan ng pagpapalubog dito sa lawa.

Subalit lumutang pa rin ang katawan ng mga biktima at nadala ng hangin at alon sa baybayin ng nasabing barangay.

Dinala na ang labi sa Funeraria Bayrante sa bayan ng Sto. Tomas.

Isinailalim na rin ang mga ito sa autopsy upang malaman kung ano ang ikinamatay ng hindi pa nakikilalang mga biktima.

 

 

Please follow and like us:
Read More

‘KAHINA-HINALANG’ BAGAHE NAIWAN SA NAIA

(TEKSTO/PHOTO BY AJ GOLEZ)

BAHAGYANG nagkaroon ng tensiyon sa harap ng Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 sa Pasay City dahil sa naiwang kahina-hinalang bagahe. Agad umaksiyon ang awtoridad at masusing ininspekyon ng mga tauhan ng PNP Aviation Security

Group at ilang security guard ang bagahe subalit nang mabuksan ay naglalaman lamang ito ng mga naiwang gamit ng isang pasahero.

Tiniyak naman ng pamunuan ang mabilis na pagresponde sa mga katulad na insidente upang maiwasang magkaroon ng hindi kanais-nais na kaganapan at matiyak ang seguridad at kaayusan ng lahat ng mananakay sa nasabing paliparan.

Please follow and like us:
Read More

REMATCH KINA THURMAN, HORN, AYAW NI PACQUIAO: GAME OVER!

WALA nang kailangan pang patunayan si Manny Pacquiao kaya’t tinuldukan na nito ang rematch kina Keith Thurman at Jeff Horn.

“No. Nothing to prove. [Thurman] had his shot. Game over,” sabi ni MP Promotions chief Sean Gibbons sa ulat ng BoxingScene.com.

Mas lalong walang balak ang eight-division world champ na kalabanin si Horn, ayon kay Gibbons. “Horn who? Another desperate guy.”

Ayon pa kay Gibbons, isang boksingero lang ang gusto nilang makalaban. “We want (Floyd) Mayweather.”

Matatandaan na naagaw ni Pacquiao ang WBA “super” welterweight mula kay Thurman sa split decision noong nakaraang buwan.

Bagama’t tinalo ni Horn ang Pambansang Kamao noong 2017, kabaligtaran ang paniniwala ng maraming boxing fans na kumbinsidong si Pacquiao ang tunay na nanalo sa kontrobersyal na laban.

Please follow and like us:
Read More

5 BATA, 13 PA NALASON SA GINATAANG BUTETE

(NI JG TUMBADO)

AABOT sa 18 katao ang naospital makaraang malason umano sa kinaing puffer fish o butete sa Barangay San Antonio, Ozamiz City.

Nabatid sa ulat ng pulisya, nakaranas ng pamamanhid, pagsusuka, pananakit ng tiyan, at pagkahilo ang mga biktima makalipas ang ilang oras na kumain ng butete na iniluto umano ng kanilang kapitbahay.

Lima sa mga biktima ay mga bata.

Aabot sa apat na kilong butete ang nahuli ng isa sa mga residente na kanyang niluto na ginataan at ibinahagi sa mga kamag-anak at kapitbahay.

Hindi na muna pinangalanan ng pulisya ang kapitbahay habang patuloy nang sinisiyasat ng mga otoridad ang insidente. Kumuha na rin ng sample ang Ozamiz City Health Office upang masuri ang pagkain na maaaring may nahalong nakalalasong bahagi ng isda.

Ayon sa mga opisyal ng barangay, malimit namang kumakain ng butete ang mga biktima ngunit posible umanong hindi nalinis nang maayos ang isda at nahalo ang nakalalasong bahagi nito.

Ang isa sa mga biktima na posibleng nakakain ng mas maraming toxin ay nasa ICU ngayon habang ang isa ay paralisado ang katawan.

Please follow and like us:
Read More

DAGDAG-PAUTANG NG LANDBANK SA MGA MAGSASAKA NAPAKALIIT PA RIN KAHIT 15% ANG ITINAAS

LANDBANK-4

(Ni Nelson S. Badilla / Huling bahagi)

MUKHANG hindi na matutuloy ang babala ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipasara na nito ang Land Bank of the Philippines (LandBank) kung mananatiling hindi nito ginagampanan ang orihinal na mandato at trabaho ng nasabing bangko.

Ito’y matapos mangako ng pamunuan ng LandBank kay Duterte na bibigyan na nito ng ‘wastong pagpansin’ ang mga magsasaka.

15% umento sa pautang sa mga magsasaka

SA inilabas na balita ng ¬Philippine News Agency (PNA), pag-aari at pinamamahalaan ng gobyerno, nitong Agosto 9, nangako ang pangulo at chief executive officer ng LandBank na si Cecilia Borromeo na itataas sa P265 bilyon ng LandBank ang pautang nito sa mga magsasaka sa taong 2020 mula sa P231.25 bilyong target ngayong 2019.

Katumbas sa 15 porsiyento ang nasabing dagdag-pautang ng LandBank mula sa target para sa taong kasalukuyan.

Idiniin ni Borromeo na isang milyong magsasaka raw ang mapapautang sa ipinangakong napakalaking halaga.

Walang binanggit ang opisyal patungkol sa sektor ng mangingisda.

Sabi pa ng opisyal na patuloy itong tataas hanggang umabot sa P350 bilyon sa 2022.

Sa Hunyo 30, 2002 matatapos ang termino ni Duterte.

Tantiya ng pamunuan ng LandBank na 3 milyong magsasaka ang makikinabang sa P350 bilyong pautang.

Tumiklop ang LandBank kay Duterte

MISTULANG tumiklop ang LandBank sa babala ni Pangulong Duterte nang maglabas ito ng malinaw na planong bibigyan na ng wastong pagpansin ang mga magsasaka.

Sa ginawa ng pangulo na hayagang tumbukin nang partikular sa kanyang talumpati sa harapan ng 24 senador, 305 kongresista, tatlong dating pangulo ng Pilipinas, kasapi ng gabinete ni Duterte at mga opisyal ng mga embahada ng iba’t ibang bansa noong Hulyo 22 ang kapalpakan ng LandBank, walang nagawa ang pamunuan nito kundi agarang kumilos at baguhin ang kanilang plano sa mga magsasaka.

Narinig din mismo ni Finance Secretary Carlos Dominguez III ang babala ni Duterte.

Si Dominguez ay isa sa mga opisyal ng LandBank bilang chairman of the board.

Matatandaang idiin sa pitong-serye ng espesyal na ulat na ito na mayroon nang tatlong taong nananawagan si Duterte sa pamunuan ng LandBank na asikasuhin ang pagpapautang sa mga magsasaka at mangingisda.

Ngunit, lumitaw sa pagsasaliksik ng manunulat na ito na simula rin noong 2016 binalewala ng pamunuan ng LandBank si Duterte.

Sa pagtiklop ng liderato ng LandBank, dadagdagan na rin ng bankong ito sa susunod na taon ang lending centers nito sa 50 mula sa kasalukuyang 44, banggit ni Borromeo.

Partikular na itatayo ang nasabing anim na himpilan ng pagpapautang ng LandBank sa Lanao del Norte, lalawigan ng Quirino at Antique.

Sa ganitong hakbang, hindi na mahihirapan ang mga magsasaka sa tatlong lalawigan sa pagpoproseso ng kanilang uutangin sa LandBank.

Sumusunod sa Agra-agri Law na 25% lang ang ¬ipautang sa agrikultura?

TINIYAK ni Borromeo na sumusunod ang LandBank sa Agra-agri Law sa ginagawa nitong pagpapautang sa sektor ng agrikultura.

Idiniin ni Borromeo na nasa 27 porsyento ang pautang ng LandBank sa sektor ng agrikultura mula sa kabuuang pautang nito.

Katumbas ng P222 bilyon ang 27 porsiyento.

Sa eksakto, lampas ng dalawang porsiyento ang pautang ng LandBank sa agrikultura, sapagkat ang nakasaad sa Agra-agri law ay hanggang 10% ang pautang sa aspeto ng “repormang agraryo” at 15% naman sa agrikultura.

“We will, at the very least, maintain that share (27%) in the agriculture sector.

It can be more depending on the economy,” wika ni Borromeo.

Kung isasama ang P1 ¬bilyong nakalaang pautang sa mga magsasaka alinsunod sa itinakda ng Republic Act no. 11203 o Rice Tarrification Law (RTL) sa umentong 15 porsiyentong ipinangako ng pamunuan ng LandBank kay Pangulong ¬Duterte, lilitaw na maliit pa rin ang sinasabing wastong pagpansin ng LandBank sa mga magsasaka at mangingisda, sapagkat higit pang malinaw sa normal na sikat ng araw na wala sa kalahating porsiyento ang kabuuang pautang ng naturang bangko sa mga magsasaka at mangingisda.

Please follow and like us:
Read More

BUS NAHULOG SA BANGIN: 15 SUGATAN

(NI BONG PAULO)

SUGATAN ang 15 mga pasahero ng isang pampasaherong bus matapos mawalan ng preno at nahulog sa bangin na nasa national highway ng Purok 3, barangay De Oro, Butuan City, Biyernes ng tanghali.

Ayon kay Police Senior Master Sergeant Jigger Ugalino, imbestigador ng Butuan City PNP traffic section, naganap ang aksidente alas-12:30 ng tanghali kungsaan 15 mga pasahero ang sugatan mula sa 30 sakay nito.

Ito matapos na mahulog sa 50 metro na lalim ng bangin ang Davao Metro Shuttle bus na minamaneho ni Merlo Fuentes Cutara, 43-anyos na patungo sana sa Butuan City mula sa bayan ng La Paz sa Agusan del Sur.

Ayon kay Ugalino, nag uusap umano ang drayber at ang babaeng sakay nito nang bigla lamang umanong nawalan ng kontrol sa manibela ang drayber na mabilis namang tumakas at napabayaan nito ang mga pasahero.

Ayon sa ilang mga pasahero sa nakaligtas sa aksidente,  mabilis umano ang takbo ng drayber at sinabihan pa ito na maghinay-hinay lamang sa pagmamaneho pero di ito nagpatinag.

Please follow and like us:
Read More

SANGGOL NAGBAGSAKAN NG DURIAN SA MUKHA, KRITIKAL

(NI BONG PAULO)

NASA maselang kondisyon ngayon ang isang 25-araw na lalaking sanggol matapos mabagsakan ng bunga ng Durian sa Barangay Tabara sa Malabang, Lanao Del Sur.

Sa ulat ng isang himpilan ng radyo, sinabi ng nanay ng bata na si Janna Bangnoraida na hapon nitong mga nakaraang mga araw nang bigla na lamang umanong silang nakaranas ng malakas na hagupit ng hangin, bigla rin aniya may kumalabog sa kanilang bubong at dire-diretsong tumama sa mukha ng kanyang anak na si Baby Abdul Bari.

Nabigla umano si Janna nang makitang nahulog sa mukha mismo ng kanyang anak ang bunga ng durian.

Mabilis namang isinugod sa pinakamalapit na ospital sa Malabang si Baby Abdul, ngunit dahil sa nagtamo ito ng matinding pinsala sa mukha ay agad rin itong inilipat sa Ozamis Area.

Kaugnay nito, dahil sa kakapusan, nanawagan sa publiko ang pamilya ni Baby Abdul na sanay matulungan sila sa pagpapagamot ng kanilang anak. Bukod sa kinakaharap na problema sa sitwasyon ng kanilang pangatlong anak, nasira rin aniya ang kanilang tahanan dahil sa hagupit ng malakas na hangin.

Hindi rin aniya nila kakayanin ang mga gastusin sa pagamutan dahil tricycle driver lamang ang kanyang mister, habang wala naman itong trabaho.

Sa ngayon, patuloy na inoobserbahan sa pagamutan ang sanggol na nagtamo ng sugat sa mukha.

 

Please follow and like us:
Read More

AKSYON NI MAYOR ZAMORA

BAKBAKAN NATIN

ISA sa mga ‘isinilang’ na alkalde nitong nakalipas na halalan ay si Francis Zamora.

Tinalo niya si Konsehala Janella Estrada, anak ni dating Senador Jose “Jinggoy” Estrada at apo ni dating Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada sa pagkaalkalde ng lungsod ng San Juan, balwarte ng pamilya Estrada-Ejercito simula noong 1969 hanggang nitong Mayo 13, taong ito.

Sa kanyang pag-upo bilang alkalde ng San Juan, sigurado akong mayroon nang ginawa si Zamora, ngunit hindi lang naibabalita araw-araw sa media at naipakakalat sa social media.

Isa sa mga ginawa na ni Zamora ay ang paglalabas ng Executive Order No. FMZ – 007 na ang pamagat ay “An Order Suspending Pay Parking in All the Streets of the City of San Juan, Metro Manila.”

Ang EO FMZ – 007 ay pagtalima ni Zamora sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na angkinin ng pamahalaan ang lahat ng pampublikong lugar at espasyo mula sa mamamayan at mga negosyanteng pinagkakitaan ang mga ito.

Sa pag-isyu ng kautusan, aabot sa P2.5 milyon ang mababawas sa kita ng pamahalaang lokal ng San Juan kada buwan mula sa nakukolekta nito sa mahigit 300 parking slots sa mga kalsada ng lungsod.

Sabi ni Zamora, isasakripisyo ng kanyang administrasyon ang P2.5 milyon na magreresulta naman sa mabilis na daloy  ng mga sasakyan at makaaalis ng stress sa mga motorista.

Totoo ang puntong ito ni Zamora, sapagkat higit na mainam ang desisyon niya kahit nabawasan ang kita ng pamahalaang lokal ng ilang milyon kung ang kapalit naman nito ay karagdagang kita sa ekonomiya dahil bibilis ang takbo ng mga sasakyan at mawawala ang trapik na dahilan kung bakit stressed ang mga motorista.

Ulitin ko ang banggit ni Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 22 na P3.5 bilyon ang halaga ng perang hindi pumapasok sa ekonomiya ng bansa dulot ng napakalalang trapik sa National Capital Region (NCR).

Isa sa mga tinamaan ng kautusan ng alkalde ay ang Annapolis Street.

Syempre, inaasahan ng lahat, kasama na ang kolumnistang ito, na ipatutupad ng mga traffic enforcer ang nasabing EO FMZ – 007.

Ang totoo, dito magkakasubukan kung istriktong maipatutupad ang nasabing kautusan, lalo pa’t mayroon palang tatamaang mga negosyante.

Ang mga negosyanteng ito ay pinagkakakitaan pala ang mga bangketa na pag-aari ng pamahalaan.

Sa pagpapatupad ng nasabing kautusan sa pangunguna mismo ni Mayor Zamora nitong Agosto 5 ay nadiskubreng pinagkakakitaan ng mga may-ari ng ilang establisimyento ang bangketa ng Annapolis Street.

Base sa isiniwalat ng negosyanteng si John de Castro sa media, P5,000 bawat buwan ang ibinabayad niya at ng mga nakatira sa Richbelt Terraces sa paggamit ng bangketa sa harapan ng gusali na ito at iba pang bayarin.

Ang bangketa sa harapan ng Richbelt Terraces ay pampublikong lugar, ngunit pinagkakakitaan ng mga negosyanteng tulad ng mga nagmamay-ari ng Richbelt Terraces kung sa kanila nga napupunta ang ibinabayad ni de Castro at iba pang tenants ng gusali.

Napakalinaw na labag ito sa batas, ngunit napakalinaw ring pinagkakakitaan ang mga bangketa.

Ang tanong ngayon ay: “Ilan lahat ang mga kaparis ng Richbelt Terraces na pinababayaran kada buwan ang kanilang bangketa sa mga naninirahan sa nasabing condominium?”

Kailangan ang mapagpasyang hakbang dito ni Mayor Zamora.

Kailangang kumilos din dito ang Sangguniang Panlungsod na pinamumunuan ni Vice-Mayor Warren Villa, lalo pa’t nasaksihan at narinig niya mismo ang inihayag ni De Castro sa media na P5,000 ang ibinabayad niya sa bangketang katapat ng Richbelt Terraces upang regular na makaparada ang kanyang sasakyan sa nasabing bangketa.

Ngayong mabilis na umaksyon si Mayor Zamora upang matanggal ang mga sagabal sa mga kalsada ng San Juan, ano kaya ang susunod niyang hakbang laban naman sa mga negosyanteng pinagkakakitaan ang mga lugar at espasyong pag-aari ng pamahalaan?

Malalaman natin sa mga susunod na araw.  (BAKBAKAN NATIN / NELSON BADILLA)

Please follow and like us:
Read More

AMA PINATAY, SINUNOG, NG ANAK NA MAY ‘SAYAD’

(NI JESSE KABEL)

HINDI pa nakuntento matapos pagtatagin kaya’t sinunog pa ng  isang lalaking may sayad ang  bangkay ng kanyang 78-anyos na ama sa ulat ng pulisya sa Pamplona Negros Oriental.

Sa report ng Pamplona PNP, Biyernes ng umaga nang salubungin ng taga ng suspek na umanoy may diprensiya sa pag-iisip ang kanyang ama sa hindi pa malamang dahilan.

Hindi pa umano nakuntento ay sinunog pa nito ang katawan ng biktima saka tumakas.

Subalit sa isinagawang follow-up operation ay nadakip din ang suspek bitbit pa ang ginamit na itak sa pag paslang sa kanyang ama.

Lumilitaw sa pagsisiyasat na may diperensiya umano sa pag-iisip ang suspek base sa pahayag ng kanyang pamilya kaya hindi pa malinaw kung ano ang motibo nito para patayin ang kanyang tatay.

Nahaharap ngayon sa kasong parricide ang suspek.

Please follow and like us:
Read More

MMDA AT LTFRB, ANONG GINAWA N’YO SA EDSA?

KAAA BOOM

MALABANGUNGOT ang pagsisikip sa EDSA na dinanas ng mga commuter nitong mga nagdaang araw hanggang kahapon. Bakit?

‘Nak ng teteng, grabe ang traffic sa EDSA na nagresulta upang ma-late sa kanilang trabaho ang mga obrero, at hindi lang basta late, sobrang late dahil sa malapagong na usad ng trapiko.

Ano ang dahilan ng sobrang traffic na naranasan ng publiko sa EDSA? Hindi kaya ang gustong mangyari ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at itong Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na P2P o ang pagbabawal sa mga provincial bus na makadaan sa EDSA ang dahilan? Bakit?

E, paano ba naman, napahiya ang dalawang ahensya nang katigan ng korte ang isinampang kaso ng Nagkakaisang Samahan ng Nangangasiwa ng Panlalawigang Bus sa Pilipinas Inc., at iba’t ibang bus companies.

Kasi sa kautusan na inilabas ni Judge Caridad Walse-Lutero ng QCRTC Branch 223 noong July 31, sinabing tila walang basehan ang pagsasabing provincial buses ang sanhi ng mabigat na daloy ng trapiko.

Ipinunto pa ng korte na walang klarong distinction na inilabas ukol sa P2P buses na galing sa probinsya o provincial buses at city buses at binigyan naman ng hanggang August 14 ang panig ng pamahalaan na magsumite ng tugon. Nakupo!

Ibig sabihin, hanggang August 14 pa magdurusa ang publiko sa traffic sa EDSA?

Nasabi ko ito dahil simula nang pigilan ng korte ang plano ng MMDA at LTFRB ay nagkalintek-lintek na ang trapiko sa nasabing lansangan na tila pinabayaan na para nga naman may maidahilan sa korte na payagan na ang planong pagbabawal sa mga provincial bus sa EDSA?

Nasaan kaya si Col. Bong Nebrija na itinalagang EDSA Traffic Manager? Anong nangyari sa EDSA nitong mga nakalipas na araw? Nagtatanong lang po.

Itong gustong mangyari ng MMDA at LTFRB ay pahirap sa libo-libong mananakay ng provincial buses para makarating sa Metro Manila o palabas.

Nais ng dalawang ahensya na pagbawalan nang dumaan sa EDSA ang provincial buses sa paniwala nilang isa ito sa nagpapasikip sa trapiko sa Metro Manila samantalang lumalabas na ilang porsiyento lamang ang bilang ng provincial buses na gumagamit ng EDSA araw-araw.

Kung oobserbahan ang totoong nagpapabigat sa trapiko sa EDSA ay makikita ang milyong pribadong sasakyan na umaabot sa 70 porsiyento at ang Metro Manila buses na pinatatakbo ng mga pasaway na driver.

Kung susuriin nga, hindi lang libo kundi daang libo araw-araw o baka aabot pa sa isang milyon ang pahihirapan ng mga opisyal ng MMDA at LTFRB sa oras na matuloy ang kanilang balak.

Ang nakatatawa pa sa solusyon ng LTFRB at MMDA, mayroon naman daw buses na magiging alternatibo na maghahatid sa mga mananakay sa integrated terminal exchange sa Valenzuela at Sta. Rosa, Laguna o vice versa.

Di ba parang ginagawa tayong tanga ng MMDA at LTFRB dahil bakit pagbabawalan pa ang provincial buses gayung papalitan din pala ng mga point to point bus?

Siyempre ang mangyayari ay mag-iisyu ang LTFRB ng bagong prangkisa sa karagdagang point to point buses. Naiisip n’yo rin ba ang naiisip ko?  (KAAA…BOOM!!! / JOEL GOROSPE)

Please follow and like us:
Read More

KAAGAPAY

PINOY ABROAD

“I will ask the Father, and He will give you another ¬Helper, that He may be with you forever;” Jn. 14:16.

Ang Panginoong Hesukristo ay gagawin ang pinakasukdulang sakripisyo nang sabihin niya ang mga salita sa ating mga talata para sa araw na ito. Siya ay kasama ang kanyang mga disipulo sa loob ng tatlong taon bilang kanilang katulong o kaagapay, guro, at tagapayo. Nang sumapit ang araw na kailangan na Niyang lisanin ang kanyang mga disipulo, Siya ay nangako na hihilingin niya sa Ama na magpadala sa kanila ng ibang kaagapay – ang banal na Espiritu. Ang banal na Espiritu na matatanggap nila sa Linggo ng Pentecostes at magiging kanilang bagong katulong o kaagapay.

Ang presensya ng banal na Espiritu sa bawat Kristiyano ay nangangahulugan na may isang pangunahing pagkakaiba sa pagitan ng Kristiyano at hindi Kristiyano. Ang Kristiyano ay may isang supernatural na helper sa loob nila na hindi magkakaroon ang di-Kristiyano. Bagama’t maaaring hindi natin palagiang nauunawaan ang presensya ng Espiritu. Ang Espiritu ay palaging nagtatrabaho sa atin upang tulungan tayo, aliwin tayo, mapalakas at gabayan tayo. Sa katunayan, dahil sa ¬piling at tulong ng Espiritu Santo, magagawa natin ang mga bagay na ginawa ni Jesus at maging ang mga mas ¬dakilang bagay (Juan 14:12).

Kapag nasa atin na ang lakas at tulong na magtutulak sa atin na gumawa ng kaibhan sa daigdig sa halip na tanggapin natin ang mundo kung ano ito, magagawa nating baguhin ang mundo! Kaya pa rin natin mabago ang mundo. The spiritually blind can be led to see, the misguided can be set straight. Mapasaya ang nanlulumo at mapagaling ang may ¬karadaman at iba pa.

Sa gayon, gaya ng ipinahihiwatig ng espesyal na pangalan para sa mga banal na Espiritu sa ating mga talata para sa araw na ito, ang pinakamahalagang aspeto na ginagawa ng Espiritu sa atin ay tinutulungan tayo. Sino ang hindi nangangailangan ng tulong? Sino ang hindi nararamdaman na ang trabaho ay masyadong malaki at masyadong mahirap? Too demanding? It is when things are hard that the help of the Holy Spirit becomes most evident. Na ‘yung akala natin ay imposible ay biglang nagiging posible. Sa mga oras na nanghihina ay pinalalakas tayo.

Tandaan na laging may handang tumulong at magpalakas sa atin sa lahat ng oras. At ito ang Espiritu Santo na padala ng ating Panginoon. (PINOY ABROAD / GUILLER VALENCIA)

Please follow and like us:
Read More