MARUMING TUBIG, YELO SINISILIP SA NALASON NA 40 ESTUDYANTE

(NI ROSS CORTEZ)

KONTAMINADONG tubig o yelong ginamit sa mga palamig na nainom ng mga estudyante mula grade 7, 8 at 9 ng Imus Institute Satellite School, ang sinisilip na sanhi ng pagkahilo, pananakit ng tiyan at pagsusuka ng higit sa 40 biktima na pawang isinugod sa ospital noong Miyerkoles ng hapon.

Ngayong Biyernes ay personal na nagtungo sa Imus Institute ang team ng DoH Regional Office 4A, Provincial Health Office, Imus City Health Office at Imus PNP, para mag- imbestiga at kumuha ng mga water sample sa loob ng eskuwelahan.

Ayon kay Dr Ernesto Pablo Medina, posibleng sa nainom na mga palamig tulad ng sago gulaman, milktea, iced tea at choco drinks nakuha ng mga biktima ang gastroenteritis.
Kaya naman sumailalim sa water sample ang kanilang mga gripo, maging ang mga tubig na gamit ng kanilang mga concessionaires.

Nailayo na rin ang isyu na posibleng sa nakitang patay sa kabilang subdibisyon nanggaling ang posibleng kontaminasyon sa tubig o yelo.

Imposible raw na maging airborne ang virus na nakaapekto sa posibleng kontaminasyon, at malayo na rin daw sa water source nila ang lugar kung saan nakita ang bangkay ng nakabigting biktima.
Bigo namang makakuha ng sample ng yelo ang Provincial Health Office dahil walang tao sa bahay na pinagkukunan nito.

Mula pa nitong Huwebes ay kanselado na ang klase sa buong eskuwelahan at babalik sa normal na klase sa Lunes.
Inaasahan ding makapagpapalabas ng water sample result ang Provincial Health Office, 18-oras matapos itong isailalim sa pagsusuri.

 

Please follow and like us:
Read More

NAG-AWAY NG GF; CHINESE NATIONAL TUMALON SA BUILDING

crime44

(NI ROSE PULGAR)

AGAW-BUHAY ngayon sa pagamutan ang isang Chinese national nang tangkain nitong magpakamatay sa pamamagitan ng pagtalon mula sa ikaapat na palapag sa isang gusali  matapos silang magkatampuhan ng kanyang nobyang Pinay Biyernes ng madaling araw.

Patuloy na nilalapatan ng lunas sa San Juan De Dios Hospital, ang biktmang si Yang Zhuang, 20, binata, empleyado ng isang online gaming customer service, tubong Jiling Province China at pansamantalang naninirahan sa no. 402 GG Cruz corner Airport Road, Baclaran nang nasabing lungsod.

Ayon kay Police Colonel Rogelio Rosales Jr. hepe  ng Paranaque City Police, dakong alas-5:10 ng madaling araw nang tumalon ang biktima mula sa ikaapat na palapag ng Pearl Plaza Building, Barangay Tambo sa naturang lungsod.

Masuwerte namang nakaligtas sa bingit ng kamatayan ang biktima dahil bumagsak ito sa bubong ng yero ng isang bahay sa tabi ng nasabing gusali.

Agad naman naisugod sa nasabing pagamutan ang biktima na nagtamo ng pinsala sa cervical spine at bali sa magkabilang binti.

Sinabi ni Rosales, bago maganap ang insidente, nagkaroon muna nang pagtatalo ang biktima at ang nobya nitong Pinay (hindi na binanggit ang pangalan) na nauwi sa tampuhan.

Labis na dinamdam ng biktima ang pag-aaway nila ng kanyang kasintahan na naging dahilan ng tangkang pagpapakamatay nito.

Iniimbestigahan naman ng pulisya ang insidente at inaalam din kung may naganap na foul play sa insidente.

Please follow and like us:
Read More

ENCHONG MAGTATAYO NG SARILING ESKWELAHAN

boy abunda(NI BOY ABUNDA)

KAMAKAILAN ay nagpunta si Enchong Dee sa Switzerland para sa isang business trip. May ilang negosyo na ang aktor sa Pilipinas at nagpaplano pang magdagdag ng pwedeng pagkakitaan.

“The trip was good but at the same time I know I’m not yet at that level. I think I have to really work hard and put my laser focus on my businesses before I can actually create an account. But hindi naman siya natuloy. May iba akong nakuha which is good. I will make the announcement soon. But I’m happy that it’s not just earning money but it’s more on giving back. Because if I can give you some hint, it’s about education,” pagbabahagi ni Enchong.

Nakatakdang magbukas ng isang eskwelahan ang aktor para sa layuning makatulong sa mga kabataan at mga kababayan.

“Yes, I’m opening a school but I can’t tell what exactly. Sinasabi nila ang gulo-gulo na ng bansa natin. So be part of the solution. I’m just trying to do that on a personal level. So kung meron akong magagawa to empower our country, gawin natin,” paliwanag ng binata.

Aminado si Enchong na sumasagi rin paminsan-minsan sa kanyang isipan na pasukin o subukan ang mundo ng politika. “Gusto ko talaga siya. Gusto ko pumasok sa politika noon. I graduated Politics in La Salle. Pero sabi ko, parang mas marami akong magagawa na malinis kung wala ako sa politika. Pinagdadasal ko talaga na, ‘Lord, huwag mo sana akong dalhin do’n.’ Kasi marami akong sinasabi, marami akong opinyon. Basically ang gusto ko lang naman, gusto kong umunlad ‘yung bansa natin, na lahat tayo umuunlad. Pero sabi ko baka masyado ako maging bitter kung puro salita lang gagawin ko. So I started diverting my attention to what solutions I can do, what solutions I can give. That’s why I also did the ‘Handog Palangoy’ which is teaching kids basic swimming skills. Kasi at least nakaka-save ng buhay. So ‘yung mga little things na ganyan,” paglalahad ng aktor. -Reports from JCC-  

 

Please follow and like us:
Read More

PHOENIX, MERALCO PWERSADONG MANALO

(NI ANN ENCARNACION/PHOTO BY MJ ROMERO)

KAPWA puwersado ang Phoenix Pulse Fuelmasters at Meralco Bolts na ipanalo ang kanilang magkahiwalay na laban ngayong gabi sa Cuneta Astrodome upang manatiling buhay ang tsansa na makapasok sa susunod na round ng 2019 PBA Commissioner’s Cup.

Pilit babangon ang Fuelmasters sa nalasap na  kabiguan sa pagsagupa nito sa napatalsik nang NLEX Road Warriors sa ganap na alas-4:30 ng hapon bago sundan ng pagsasalpukan ng Bolts at nasa ikalawang puwesto na North Port Batang Pier sa ganap na alas-7:00 ng gabi.

Nalasap ng Fuelmasters ang masaklap na 108-128 kabiguan kontra San Miguel Beer kung saan hindi man lamang ito nakatikim ng kalamangan at nahulog pa sa ikawalong puwesto sa 4-6 panalo-talong kartada.

At kahit out of contention na ang Road Warriors ay ayaw pa ring magrelaks ng Fuelmasters.

“Hindi puwede na magkumpiyansa sa NLEX,” sabi ni Phoenix coach Louie Alas. “Gusto din nila na makapagbaon ng panalo bago makumpleto ang lahat ng laro nila kaya kailangan na nasa 100% pa rin ang laro namin.”

Mas mabigat naman ang hamon na haharapin ng Bolts na makakasagupa ang matagal nakapagpahinga at nasa ikalawang puwesto sa team standings na Batang Pier.

Huling nabigo ang Bolts kontra Magnolia Hotshots, 88-99, sa out-of-town na larong ginanap sa MVA Gym sa Zamboanga upang mahulog sa ika-10 puwesto bitbit ang 3-6 kartada.

Matatag naman sa ikalawang puwesto at may twice-to-beat na bentahe sa quarterfinals ang Batang Pier na may 8-2 kartada matapos nitong huling biguin ang Columbian Dyip, 110-108.

Please follow and like us:
Read More

DRIVER NALAGLAG SA CISTERN TANK, PATAY

(NI HARVEY PEREZ)

WALA nang buhay nang matagpuan sa ibaba ng cistern tank, ang isang driver na hinihinalang nalaglag sa isang 10 talampakan na  cistern tank at nagkaroon ng matinding pinsala sa ulo, Biyernes ng umaga sa Sta.Cruz, Maynila.

Kinilala ni PMSG Jonathan Bautista, ng Manila Police District-Homicide section, ang biktimang si   Pablo Bustano,47, driver, at residente ng 125 Alley F. Telecom Company  Compound Sta. Cruz, Maynila.

Dakong alas 8:00 ng umaga nang madiskubre ng kanyang amo na si Angel Tiu ang biktima sa ibaba ng 10 talampakang cistern tank sa 1711 Alvarez St., sa Sta. Cruz, Maynila.

Si Bustano umano ang pinagkakatiwalaang maglinis ng tangke ng kanyang among si Angel Tiu, na isang beses lamang sa isang taon.
Sinabi ng pulisya na posibleng nadulas habang bumababa sa hagdanan , kaya ito nagtuluy-tuloy na nahulog.

Gayunman, inaalam din kung inatake sa puso ang biktima habang naglilinis na nagresulta mg kanyang kamatayan.

Nabatid na na may  limang taon nang nangangamuhan si Bustano bilang driver ng pamilya Tiu at inuutusan itong maglinis ng cistern tank.

Inaalam din  ng pulisya  kung may naganap na foul play sa pagkamatay ng biktima.

Please follow and like us:
Read More

KRIS BERNAL GUSTO NANG MAG-ASAWA AT MAGKA-BABY

ang kulit ni Lolit(NI LOLIT SOLIS)

THIRTY years old na pala si Kris Bernal at ngayon daw ay pinag-iisipan na

niyang mag-asawa para magkaroon na raw siya ng baby.

Sabi niya sa mediacon ng bagong afternoon drama niya sa GMA 7 na Hanggang Sa Dulo ng Buhay Ko, gusto na raw niya magkapamilya sa edad na 32 o 33.

Pero gusto pa rin niyang mag-artista dahil gustung-gusto niya ang trabahong ito.

Kaya ngayon ay medyo namimili na raw siya ng mga project na ginagawa niya dahil marami pa raw siyang gustong gawin, hindi yung paulit-ulit na ginagawa niya.

Kaya gusto niya ang role niya rito bilang multo na gustong ituloy pa rin ang pakikipagrelasyon sa dating boyfriend na ginampanan naman ni Rayver Cruz.

Lagi raw niya kasing ginagawa yung role na ginampanan ni Megan Young, kaya kahit mukhang support siya rito, gusto niya ang role dahil challenging sa kanya.

Gusto na raw niyang gumawa ng iba pang kakaibang project dahil  baka two o three years from now, mag-aasawa na siya at magkaanak.

“Lagi kong sinasabi na more on the character na ako eh…on the role. Sinasabi ko nga na nasa point na ako  kung babalikan ko yung role ni Megan (Young) na laging inaapi, feeling ko ang boring lang ulit for me.

“Maganda naman yung role ni Megan, pero ilang beses ko nang ginagawa na ako lagi yung takot, yung kimi. Sabi ko mas gusto ko nang gawin yung iba,” sabi ni Kris.

Hindi pa naman daw nila pinag-uusapan ng non-showbiz boyfriend niya ang magpakasal, at hindi pa naman daw nag-propose sa kanya. Pero kung sakaling tatanungin na siya, ready naman daw siya anytime.

“Three more years feel ko for family. Pero siguro yung getting married, siguro two years. Gusto ko na kasi ng maraming anak,” pahayag ng Kapuso actress.

Magti-three years na rin pala sila ng non-showbiz boyfriend niya, kaya sa ngayon okay na raw siya kung ito ang makakasama niya forever at magkapamilya.

Sa totoo lang, kaya na ni Kris na mag-settle down kasi nakapag-ipon naman siya.

Nakapag-negosyo siya at kumikita na siya.

Di ba nakabili na nga siya ng bahay sa Amerika, kaya puwede na.

 

 

Please follow and like us:
Read More

METROBANK KAKASUHAN NG OBSTRUCTION OF JUSTICE

(NI NICK ECHEVARRIA)

KAKASUHAN ng Philippine National Police (PNP) ng obstruction of justice ang management ng Metrobank dahil sa pagpigil na makapasok agad ang mga pulis sa isa nitong branch sa Binondo, Maynila matapos  holdapin ng pitong armadong kalalakihan Huwebes ng umaga.

Ito ngayon ang pinatitingnan ni PNP Chief General Oscar Albayalde sa kanilang mga imbestigador.

“We will check on that kasi technically, baka pwede kami makapag-file ng case of obstruction of justice” pahayag ni Albayalde sa media sa Camp Crame.

Ayon kay Albayalde, ang ganitong uri ng gawain saan mang pribadong establisimyento, maging sa mga malalaking malls at hotels mangyari ang krimen, ay pag-abala kung hindi man pagkakait sa kakayahan ng mga pulis na imbestigahan ang insidente.

Nilinaw ni Albayalde na kapag may nangyaring krimen sa isang lugar, ikinukonsidera itong “crime scene” kung saan kailangang makapasok kaagad ang mga imbestigador ng PNP.

Nauna nang iniulat ni P/BGen. Vicente Danao Jr., hepe ng Manila Police District (MPD) na pinigilan ng manager ng hinoldap na sangay ng Metrobank ang mga nagrespondeng police personnel sa crime scene para mag-imbestiga.

Nakapasok lamang umano ang mga rumespondeng pulis sa lugar, matapos ang dalawang oras  dahilan kung bakit wala man lang naaresto sa pitong suspek kasama na ang dalawang bantay sa labas.

Ayon kay Albayalde, mahalaga ang oras sa dagliang ikalulutas ng alin mang krimen, saan man ito nangyari.

 

Please follow and like us:
Read More

AKTIBONG SUNDALO HULI SA BUY BUST OPERATION

SHABU-ARRESTED

(NI JESSE KABEL)

ISANG tauhan ng Philippine Army ang dinakip ng mga kagawad ng Philippine National Police (PNP) sa ikinasang buy-bust operation sa Barangay 31-D, Davao City Huwebes ng gabi.

Sa ulat ng Davao City Police Huwebes ng gabi, isang active member ng Philippine Army 10th Infantry Division sa Mawab Compostella Valley  na may ranggong  staff sergeant ang inaresto ng kanilang mga tauhan .

Nakumpiska sa suspek ang tatlong pakete ng hinihinalang shabu at isang pakete ng umano’y marijuana.

Ayon sa suspek, nag-optional retirement siya noong Nobyembre at naghihintay na lang sa utos sa itaas bago lumabas sa serbisyo.

Tahasang naman na itinaggi ng sundalo ang paratang sa kanya.

“’Di ko alam pagdating ko, umupo ako at nag-usap kami. ‘Di ko alam na buy-bust na pala iyon,” aniya.

Nasa 21 taon na siyang nagseserbisyo sa Philippine Army.

Ayon kay Police Maj. Ronald Lao, station commander ng Talomo police, posibleng nagbebenta na ng droga habang nasa serbisyo ang sundalo.

“Siya ang nagbabagsak dito sa lugar. Makikita naman natin sa cellphone ang mga katransaksiyon niya,” aniya.

Napag-alam ng mga pulis na mula Compostela Valley ang supply ng droga ng sundalo.

Mahaharap sa mga kasong kriminal at administratibo ang suspek.

Please follow and like us:
Read More

KYLIE BUNTIS NA NAMAN

(NI ED DE LEON)

BUNTIS na naman pala si Kylie Padilla. Wala nang career iyan, hindi biru-biro iyong mag-alaga ka ng dalawang anak. Siguro pagbutihin na lang nila kung ano mang negosyo ang magagawa nila dahil wala rin namang naririnig na galaw sa career ni Aljur Abrenica.

Palagay naman namin napaghandaan na nilang lahat iyan pati kinabukasan ng kanilang mga anak. Hindi naman siguro sila umasa na forever na ang kanilang career. Bihira ang kagaya ni Eddie Garcia at hindi naman mukhang si Aljur ang ganoon.

 

Please follow and like us:
Read More

LOLO NINAKAWAN, SINAKAL NG LUBID

(NI ANNIE PINEDA)

BANGKAY na nang matagpuan ng kanyang mga kapitbahay ang 77-anyos na lalaki matapos umanong pagnakawan at sakalin ng lubid sa lungsod ng Davao.

Nagtaka umano ang mga kapitbahay nang hindi lumabas ng bahay ang biktimang si Alfredo Saramosing kaya sinilip nila sa bahay nito sa Barangay Inayangan ngunit doon nila natuklasan na wala na itong buhay.

May sugat sa leeg ang matanda at narekober sa crime scene ang lubid na pinaniniwalaang ginamit sa pagsakal rito.

Robbery ang tinitingnang motibo sa krimen dahil nawala ang pitaka ng biktima na may laman na passbook at hindi pa nabatid na halaga ng pera.

Sa follow-up operation ng mga awtoridad ay hinuli ang isang suspek na kinilalang si Gino Bravo na tumangging may kinalaman sa krimen.

Haharap sa kasong robbery with homicide si Bravo na dati nang nadakip sa mga insidente ng pagnanakaw.

Please follow and like us:
Read More

2 NASAKTAN SA NASUNOG NA BUS

(NI ALAIN AJERO)

DALAWA katao ang sugatan nang magliyab ang isang pampasaherong bus sa bahagi ng EDSA na nasasakop ng Caloocan City, Huwebes ng hapon.

Nasugatan sa kanang siko at kanang binti si Marcyden Resuello, 24; habang nabugbog si Joy Marfil, 18, sa tinatayang P1 milyong pinsala ng sunog.

Napag-alamang tumakas ang driver at konduktor ng AC Trans bus na may plakang TXY 780 matapos ang insidente.

Nabatid na alas 2:20 ng hapon ay binabagtas ng bus ang southbound lane ng EDSA sa Barangay 95, Bagong Barrio Caloocan City nang biglang magliyab ang unahang bahagi nito at naapula matapos ang 20 minuto.

Iniimbestigahan pa ang dahilan ng pagliyab.

Please follow and like us:
Read More

LOLO BINISTAY NG BALA

cebu1

(NI JG TUMBADO)

PATAY ang isang lolo makaraang pagbabarilin habang kasama mismo ang kanyang maybahay at 7-anyos na apong babae sa bayan ng Mandaue City, Cebu araw ng Huwebes.
Apat na tama ng bala ng baril sa katawan ang dahilan ng agarang kamatayan ng biktima na nakilalang si Teodoro Mejares, 53, residente sa bayan ng Consolacion.

Ayon kay Police Staff Sergeant Eracleo Cebuco, ng Mandaue City Police Office Precinct 2, katatapos lamang magbayad ng biktima ng kanyang piyansa sa Mandaue City Justice Hall para sa kaso nitong illegal possession of firearms at pauwi na sana nang biglang pagbabarilin ng riding in tandem pasado alas 4:00 ng hapon.

Nasaksihan pa umano ang krimen ng mismong asawa at apo na pawang kasama ng biktima.
Noong 2018, naaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Central Visayas si Mejares dahil sa pag-iingat ng hindi lisensyadong mga baril.

Naglagak ito ng piyansa sa Regional Trial Court Branch 56 nang barilin sa labas ng Mandaue Hall of Justice.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya at susuriin kung nakunan ng CCTV cameras ang pamamaril.

Please follow and like us:
Read More

PAULO, JANINE MAGSASAMA SA BAGONG PELIKULA

red(NI ISAH V. RED)

MUKHANG nagiging regular na ang pagsasama ng mga artistang magkaiba ng home studio, partikular na ang Kapuso at Kapamilya.

Habang may hysteria sa pagsasanib pwersa ng dalawang network sa katauhan ni Alden Richards at Kathryn Bernardo sa pelikulang Hello, Love, Goodbye na ipapalabas na sa July 31, heto’t magsasama naman si Paulo Avelino at Janine Gutierrez sa isang pelikula ni Prime Cruz para sa T-Rex Entertainment. Sinulat ito ng GF ni Prime na si Jen Chuaunsu.

Nagpa-presscon angT-Rex nung isang Linggo sa restaurant na pag-aari ng producer ng pelikula ni si Rex Tiri. Naroon si Paulo, Janine, Jen, at Prime.

Ipinaliwanag ng direktor at writer kung tungkol saan ang If We Don’t Make It – yan ang titulo ng pelikula – na sisimulan nang i-shoot kapag naayos na ang schedule ng dalawang lead stars. Isipin nyo na parehong may ginagawang serye ang dalawa, Si Paulo ay nasa The General’s Daughter ng Kapamilya. Si Janine naman ay ang babaeng ipinanganak na isang dragona sa  The Revenge of the Dragon Lady ng Kapuso.

Pero masaya sila na magkakasama sila sa isang peilikula. Yan ang sinabi ng dalawa sa mga miyembro ng media na nandoon sa presscon na binusog ng Limbaga 77 Resto Bar sa pancit bihon, fried chicken, turon at iba pa para yata huwag masyadong magtanong kung anong klaseng pelikula ito.

“Definitely,” pagsisimula ni Prime, “hindi ito romcom.”

Eh, kung hindi nga romcom, ano nga ito. “Pwede sigurong romance o romantic drama, pero hindi heavy drama,” paliwanag ng direktor.

Sabi naman ng kanyang ka-relasyong writer, “Base poi to, at least part of it, sa buhay ni Prime,” sabay bungisngis.

Dagdag pa nya,  “This is about two people with unresolved issues in life, a lot things unsaid, and things that need closure.”

Nakaka-relate daw si Janine dun sa karakter na kanyang gagampanan. “Kasi parang naalaala ko na at some point in time parang me ganoon ding akong experience. Kaya nakaka-challenge na gaganap ako ng isang karakter na medyo malapit sa experience ko pero malayo sa kung sino talaga ako.”

Sabi naman ni Paulo, “Parang masarap balikan ang mga taon ng inyon kabataan.  Parang ganoon ako sa pelikula. May kaibigan pero parang hindi ko nasabi sa kanya ang tunay kong mga nararamdaman hanggang sa nagkahiwalay na kami. Ang tanong, nung magkita kami uli, ano ang mangyayari.”

Ang tanong kasi ng pelikula ay simple lang  na “What if?” Kung sa Tagalog, “Ano kaya?”

Ang pelikula ay nakatakdang i-release sa third or fourth quarter ng taon. That is if the production can complete the film on time.

Bagay naman kaya sina Janine at Paulo, o sa lenggwahe ng ng nagdudunung-dunungan sa pelikula…May chemistry ba sina Janine at Paulo? E di tingnan natin pag ipinalabas na ang pelikula kung magtutugma ang dalawa. Malalaman nya yan sa unang eksena pa lang. Isang malaking challenge kay Prime yan, dahil ang isang romantic film will only work if the audience experiences a spark when the two lead characters meet in the first scene.

KADENANG GINTO HATAW SA RATING

Masayang masaya si Daniela at Romina at panalo ang drama nila Kadenang Ginto  sa ratings nuong July 8. Umabot sa 23.5 porsyento ang viewership ng drama na pinangungunahan ni Dimples Romana (Daniela) at Beauty Gonzales (Romina). Ang figures na ito ay base sa Kantar Media. (Ano naman kaya ang masasabi ng katapat na programa nito sa kabilang bakod?)

May extension na ulit ang serye at pumasok na ang bagong karakter na ipinalit sa namatay na si Roberto Mondragon (Albert Martinez). Si Richard Yap ay ipinakilala sa media nung isang linggo at gagampanan niya ang papel na Leon na maging kakampi ni Daniela sa pag-agaw ng mga kayamanang sinamsam ni Romina nung namatay si Roberto. Tutulung nga ba si Leon o gagamitin lang nya si Daniela? Ano ang kaugnayan niya kay Romina? Yan ang mga aabangan natin sa mga susunod na episode ng Kadenang Ginto.

Samantala, TV Patrol pa rin ang pinanood ng sambayanang Pilipino pagdating sa balita. Talo nita ang 24 Oras ng 7 points sa rating nitong 27.9 % nung Lunes, July 8.

Samantala, panalo pa rin ang FPJ’s Ang Probinsyano (37%) kumpara sa katapat na drama ng Kapuso na Sahaya na nangalahati lang 18.7% nung July 8 din.

O baka magalit ang mga taga Eat Bulaga sa ratings ng kalaban nilang It’s Showtime.  Ang matagal nang noontime show ay nag-rate ng 13.2% nung July 9, samantalang ang palabas ni Vice Ganda ay umarangkada ng 17.4%.

Syempre sasabihin ng Kapuso, ratings yan ng Kantar. Eh, kasi sila sa AGB NUTAM naka subscribe. Hintayin natin ang ratings ng AGB.

 

Please follow and like us:
Read More

IKINAKASA: PACQUIAO-MAYWEATHER 2

GUSTO ni boxing trainer Freddie Roach na matuloy ang Manny Pacquiao-Floyd Mayweather rematch matapos ang laban ng Pambansang Kamao kontra kay Keith Thurman sa Las Vegas sa Hulyo 20.

Ayon kay Roach, hanggang ngayon ay hindi pa rin maalis sa isip niya ang pagkatalo ni Pacquiao kay Mayweather sa tinaguriang “Fight of the Century” ng dalawa noong 2015.

Pagkatapos ng naturang laban lang inamin ni Pacquiao na may iniinda siyang shoulder injury kaya’t hindi gaanong nakaporma sa 12-round defeat niya kay Mayweather, na agad din nagretiro nang walang talo.

Nagretiro rin si Pacquiao noong 2016 ngunit makaraan lang ang ilang buwan ay nagdesisyong muling lumaban, at ngayo’y nakatakdang sumabak kontra isa pang American undefeated boxer na si Thurman para sa inaasam na World Boxing Association welterweight crown.

Kumpiyansa si Roach na mananalo si Pacquiao laban kay Thurman at umaasang maging daan ito upang makumbinsi si Mayweather na makipag-rematch sa Pinoy champ.

“Hopefully we can get Mayweather to come to the table,” ani Roach sa mga reporter na nagpunta sa Wild Card gym kahapon. “I would like us to have one more crack at him.”

“We didn’t fight a great fight that night. Manny’s shoulder didn’t help at all. He’s had surgery since then, he’s 100 percent now.

“I would like us to fight Mayweather again because I didn’t like the way we performed. I was disappointed in myself,” sabi pa ni Roach.

Iginiit naman ni Pacquiao na hindi niya iniisip si Mayweather sa ngayon, hanggang nananatili itong retired sa boksing.

“Floyd is retired. I am only looking at active fighters. Floyd is not active anymore,” ani Pacquiao. “Right now I’m only thinking about Thurman.”

Please follow and like us:
Read More

KOREAN RESTAURANT HINAGISAN NG GRANADA

(NI TJ DELOS REYES)

NABULABOG ang mga bystanders at mga residente na malapit sa isang Korean restaurant matapos itsahan ito ng granada ng isang lalaki, kahapon ng madaling araw sa lungsod ng Quezon.

Ayon kay PSupt Louise Benjie Tremor, hepe ng Kamuning Police Station (PS 10) ng Quezon City Police District (QCPD), dakong alas-2:40 ng madaling araw  nang maganap ang insidente sa harap ng Chung Mi Rae  Korean Restaurant sa Scout Tuazon sa  kanto ng Timog Avenue, South Triangle, Q.C.

Sa pahayag ng parking boy na nakilalang si Christopher Isla, natutulog umano siya nang magising dahil sa malakas na pagsabog at doon ay isang lalaking nakasuot ng itim na t-shirt at maong pants ang nakitang naglalakad malapit sa lugar at patungong Scout Madrinan.

Himala naman na walang nasaktan sa pagsabog at tanging dalawang bagong sasakyan na nakaparada sa lugar ang nasira na kinabibilangan ng isang Toyota Innova na may conduction sticker na YYOO79 at isang Ford Explorer na may conduction sticker na IM7818.

Narekober mula sa pinangyarihan ng insidente ang mga bahagi ng isang MK-2 hand grenade  kabilang ang  ‘safety lever, striker spring, at fragments mula sa pinasabog na granada.

Inaalam na ng mga kapulisan kung may CCTV sa establisymento upang matukoy ang mga suspect.

Please follow and like us:
Read More

SHABU PASALUBONG SA PRESONG MISTER, BUKING

arrestwomen12

(NI CYRIL QUILO)

NAHULI ang isang misis na may pasalubong na shabu sa dadalawing preso na mister sa kulungan, Huwebes ng alas 3:30 hapon sa BJMP Tanauan,Batangas.

Ayon sa report ni Jail Officer 1 Donnalyn Castillo, BJMP Tanauan, Batangas, nakapkapan niya ang misis ng isang bilanggo na si Marilyn Guce, 37, na may dalang droga na nakatago sa kanyang bag. Isiniksik umano nito sa kanyang ID ang ilang gramo ng shabu.

Dinadalaw ni Guce ang kanyang live in partner na si Norberto Ebres na nakapiit sa BJMP dahil sa kasong droga rin.
Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek.

Please follow and like us:
Read More

ALLERGIES SA ALAGANG ASO, PUSA

ALLERGIES

Ni EDZER LANUZA

ANG allergies sa dogs at cats ay nakakaapekto sa 10–20% ng populasyon sa buong mundo at ngayon ay isang public health concern dahil sa paglawak nito.

Ikalawa sa pinakasanhi ng allergies sa UK home ang allergies sa pets, ayon sa charity Allergy UK.  Kalahati sa asthmatic children ang allergic sa pusa at 40% sa aso.

Parehong banta sa human at non-human animals ang fleabites, kung saan ito ay napakakati at napakasakit.  Nagdadala rin ng human diseases ang flea o pulgas.

Ang pinakakilalang halimbawa nito ay ang peste. Ang pagkakaroon ng pet ay magtataas sa panganib sa pagkakaroon ng flea infestation, at di lang pet-owners ang nasa panganib.

Maaaring pumasok ang mga pulgas sa ating mga tahanan sa pagkapit nito sa mga tela at balahibo. Mabilis ang breeding cycle nito kaya’t maaaring kumalat sa kung saan-saan.

Pangunahing pagkain ng pulgas ang non-human animals pero maaaring makakagat at maka- infect sa tao. Mahirap itong alisin at maaaring mabuhay ng mahigit 100 araw nang walang host.

Ang kagat ng pulgas ay nagbubunsod ng allergic reactions, bagaman karaniwang hindi ito nagdudulot ng malubhang epekto sa kalusugan ng tao.

Karaniwang maliliit ang fleabites na may kasamang central red spot, kadalasang lumilitaw sa grupo ng tatlo o apat. Ang mga paltos ay mula sa bed bug bites at di sa fleabites.

ALAGANG ASO, PUSA ALLERGIC DIN SA TAO

Gaya ng tao, ang pets ay maaari ring magpakita ng allergic symptoms at maging allergic sa humans. Kahit di nakamamatay, ang allergies sa pets ay pinagmumulan ng discomfort at pagkabalisa.

Ang dogs at cats ay maaaring makitaan ng allergic symptoms kapag ang kanilang immune systems ay makakilala ng substances o allergens araw-araw na peligro para sa kanila.

Kahit karaniwan ang allergens sa kapaligiran at di nakapipinsala sa karamihang hayop, ang harmless pets na may allergies sa kanila ay may extreme reaction.

Ang allergens ay ­maaaring maging isang problema sa sandaling malanghap, malulon o magkaroon ng kontak sa balat ng isang alagang hayop.

Kahit tinatangkang tanggalin o alisin ang sarili sa nasabing substances, lumilitaw pa rin sa balat, digestive at respiratory ang mga sintomas nito.

May tatlong pangunahing uri ng allergies na makakaapekto sa cats at dogs ito ang food allergies, allergies sa flea bites at environmental allergies.

Ang adverse reactions sa pagkain ay nakakaapekto sa halos 10% ng lahat ng cats at dogs at maaaring makita ang mga sintomas sa anomang edad.

Kung allergy sa pagkain, cats ang pinaka-allergic sa beef, dairy, chicken o fish (may kabuuang 80% sa lahat ng kaso) at ang dogs ay allergic sa beef, dairy wheat, lamb, chicken, chicken eggs o soy.

SKIN ALLERGIES  SA ALAGANG HAYOP

Flea Allergy Dermatitis (flea- bite hypersensitivity)- ito ay isang allergic skin reaction sa flea saliva. Isang flea allergies sa aso, at pinakakaraniwang skin disease sa pets.

Ang laway ang sanhi ng iritasyon dahil sa dami ng pulgas sa pets.  Nagdudulot ng environmental allergies ang outdoor allergens gaya ng  damo,  pollen o mold at dust mites o fabrics.

Maaari ring namamana ang environmental allergies. Ilang mga alagang hayop ang nagkakaroon ng asthma, kilala rin bilang allergic bronchitis.

Ang maliliit na mga batang allergic ay maaari ring magkaroon ng bad reaction. Kabilang rito ang pamamaga, pangangati ng balat at rashes.

Matagal nang sinisisi ang house pets sa breathing problems ng humans, pero ang problema ay pareho. Ang mga taong may dandruff ay pinagmumulan ng asthma attacks sa dogs at cats.

Mas karaniwan ang asthma sa mga pusa kaysa sa aso. Hindi na bago ang Feline asthma, inilarawan ito mahigit 90 taon na ang nakalilipas.

Ang asthma ay ang pamamaga o pamumula sa airways sanhi ng allergic reaction. Nagreresulta ito ng obstruction sa  airways kapag napuno ng mucus ang bronchi at mapunta sa spasm.

Karaniwang mild disease ang asthma pero sa ilang mga kaso, pinagmumulan ito ng collapsed lungs at rib fracture dahil sa kahirapan sa paghinga.

PAANO MAIIWASAN ANG ALLERGIES

Makakatulong ang treatment ng human asthma sa sick pets, ayon sa Family Pet Animal Hospital sa Chicago, gaya ng inhaled anti-inflammatory medication tulad sa human inhalers at aerosol chamber na may facemask.

Lumabas sa research, ang human asthma ay maaari ring maisalin sa mga pusa. May kaugnayan ang tao sa bacterial infections at sa paglala ng asthmatic symptoms.

Ang kaparehong bacteria, sa huli, ay natagpuan sa 1/5 ng lahat ng lung fluid samples na nakuha mula sa asthmatic cats.

Gaya sa allergies sa tao, ang affected pets ay nagiging mas sensitive habang tumatagal. Pero ang prognosis ngayon para sa pagkontrol sa sakit ay nagdulot ng kabutihan sa hayop.

Para maingatan ang mga alagang hayop sa  mga sintomas na ito, alamin ang kanilang allergens at ilayo sa mga ito hanggat maaari. Ito man ay kanilang mga pulgas o chicken wings.

Please follow and like us:
Read More

CHECKPOINT DINEDMA; 3 PATAY SA PULIS

(NI JG TUMBADO)

UTAS ang tatlong lalaki matapos makipagbarilan sa mga pulis sa lalawigan ng Abra.

Ayon kay Police Col. Alfredo Dangani, Provincial Director ng Abra, naganap ang engkwentro alas 2:00 ng madaling araw ng Huwebes sa Zone 7, Baranggay Anggad, Bangued, Abra.

Haharangin ng mga pulis na nagmamantine sa checkpoint ang papalapit na isang tricycle pero sa halip na huminto ay tumakas ang mga sakay nito patungo sa Barangay Cosili.

Hinabol ng mga pulis ang tatlong suspek na nauwi sa running gunbattle ang hot pursuit operation hanggang sa mapatay ang mga ito.

Tinutukoy pa rin ng pulisya ang pagkakakilanlan sa tatlong napaslang na lalaki at inaalam na rin kung may grupo ba silang kinabibilangan.

Please follow and like us:
Read More

PACQUIAO ‘DI AABOT NG 6th ROUND –THURMAN 

(NI ARIEL BORLONGAN)

BUONG yabang na sinabi kahapon ni WBA welterweight champion Keith Thurman na patutulugin niya si eight-division titlist Manny Pacquiao bago sumapit ang 6th round ng kanilang unification bout sa Hulyo 20 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.

“I bet none of Pacquiao’s sparring partners were going at his body. Keith ‘One Time’ Thurman is going to touch the body. I want to know how he reacts,” sabi ni Thurman sa BoxingScene.com.

“My prediction? Less than six rounds. I would love to be 30-0 with 23 knockouts. We’ve got 22 and we’ve held those 22 knockouts for a little too long. It’s time to get one more knockout,” dagdag pa niya.

Ngunit iba naman ang nasa isip ni Pacquiao, na gustong turuan ng leksiyon ang mabungangang Amerikano.

“I’m so motivated for this fight for all of the trash talk he’s saying and I want to prove him wrong,” sabi ni Pacquiao.

“The most dangerous thing is when you’re not ready and in condition.”

“At this age, at 40, there is a level of adjustment in terms of body recovery, unlike when you were young, you pushed your body in training day by day, you recovered at night,” dagdag ni Pacquiao.

“At this stage, where you are strong, it is difficult to recover the next day, but right now, the speed is there, the power, the speed … by the grace of God.”

 

Please follow and like us:
Read More

HINDI DAPAT IKUMPARA SI MAYOR ISKO MORENO KAY PRES. DUTERTE

CHRISTIAN BOMB

HUMANGA ang publiko sa ipinakitang reporma ni Mayor Isko Moreno, lalo na ang pagpapaalis niya sa mga illegal vendor sa mga pangunahing kalsada ng Maynila.

Dahil pinag-uusapan ngayon ng publiko ang political will ni Mayor Moreno, ay nagpakalat sa social media, partikular sa Facebook ang mga propagandista ng gobyerno na ikinukumpara si Mayor Moreno kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Mali na ikumpara si Mayor Moreno kay Pangulong Duterte dahil magkaiba sila ng pananaw sa iba’t ibang isyu.

Inalis ni Mayor Moreno ang mga illegal vendor sa mga kalsada dahil nakaaabala sila sa mga motorista, pero base sa mga lumalabas na larawan sa social media, sa Davao City na siyang lugar ni Pangulong Duterte ay may mga nagtitinda sa mga kalsada.

Kilalang human rights violator si Pangulong Duterte dahil sa madugong drug war nito at patunay na iniimbestigahan na ng International Criminal Court (ICC) ang extrajudicial killings o EJK sa Pilipinas, samantalang sa panig ni Mayor Moreno ay nagpakita agad ito ng pagpapahalaga sa karapatang-pantao nang sabihing suportado niya ang war on drugs, basta’t walang magaganap na paglabag sa human rights ng mga taga-Maynila.

Buong tapang din na sinabi ni Mayor Moreno na kanyang ipahuhuli, kakasuhan, iba-ban at ipade-deport ang mga Chinese na mambabalahura at mang-aabuso sa Maynila, na kabaligtaran naman kay Pangulong Duterte na nagpapakita ng takot sa China kahit hina-harass at binu-bully ng Chinese Coast Guard (CCG), Chinese militia at mga mangingisdang Chinese ang mga mangingisdang Pilipino sa karagatang sakop ng Pilipinas.

Nagpalabas na rin ng kautusan si Mayor Moreno na tanggalin ang lahat ng mga pangalan ng politiko sa mga eskuwelahan, tulay, kalsada at iba pang imprastraktura na nasa Maynila, pero si Pangulong Duterte ay walang ipinag-utos na ganito.

Iyang mga isyung iyan ay pagpapatunay na hindi magkatulad sina Mayor Moreno at Pangulong Duterte kaya’t mali na ikumpara ng mga propagandista ng gobyerno na iisa ang uri ng kanilang pamamalakad sa posisyon.

Kapag nagpatuloy ang magagandang ginagawa ni Mayor Moreno sa Maynila at dahil magkaiba naman ang istilo ng pamamahala niya sa local government at pamamahala ni Pangulong Duterte sa national government ay baka ito pa ang maging dahilan upang hilingin ng taumbayan sa Manila mayor na tumakbong Presidente at banggain ang sinomang mamanukin ng administrasyong Duterte sa 2022 Presidential election. (CHRISTIAN’S BOMB / Christian Hernandez)

Please follow and like us:
Read More

3 KOREANO TIMBOG SA BENTAHAN NG PUSLIT NA YOSI

(NI JULIE DUIGAN/PHOTO BY KIER CRUZ)

BINITBIT ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation -Special Action Unit,ang tatlong koreano ,  na nagbebenta nang may P500,000 smuggled na sigarilyo nitong  Martes sa Bacoor,Cavite.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng  NBI detention cell sa Taft Avenue sa Ermirt ,ang mga suspek na nakilalang sina Young Kook Kim,Jong Kook Choi,Gee Pong Lee.

Batay sa ulat ni NBI Director Dante Gierran, nakatanggap sila ng impormasyon kaugnay sa iligal na aktibidad ng tatlong suspek at nang makumpirma ay kaagad na ikinasa ang entrapment operation.

Nagpunta sa shop ni Choi,ang nagpanggap na poseur buyer  na mga ahente ng NBI  sa  Unit 3 & 4 Zapote V.Longos,Bacoor at nang hanapan ng dokumento ay walang maipakita ang mga suspek kaya kaagad silang binitbit.

Kinumpiska ng NBI ang mga puslit na sigarilyo na nagkakahalaga ng P.5 milyon.

Sinampahan ng kasong paglabag sa RA 10863 (Custom Modernization and Tariff Act) ang mga suspek sa  Department of Justice-Task Force -Anti Smuggling.

Please follow and like us:
Read More

TSERMAN, 3 PA, NIRAPIDO, PATAY SA AMBUSH

(NI JG TUMBADO)

APAT na indibidwal, kabilang ang isang kasalukuyan barangay chair ang nasawi matapos pagbabarilin hanggang sa mapatay sa bayan ng Mamasapano, Maguindanao.

Naganap ang pananambang habang sakay sa kotse ang mga biktima sa bahagi ng Notre Dame Avenue sa Cotabato City, araw ng Miyerkoles.

Ayon kay Police Colonel Portia Manalad, Cotabato City Police Office (CCPO) Director, ang mga napatay sa naturang ambush ay nakilalang sina Datu Nurodin Mangandian Guiaman, 34, kapitan ng Barangay Tuka, ang maybahay nito na si Alwaida, 28; barangay treasurer na si Sindatu Agao; at Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) member Basser Guiaman, 42.

Si Datu Nurodin ay nasawi habang ginagamot sa ospital habang ang iba pang biktima ay pawang dead on arrival.

Isa ang ‘rido’ o away pamilya ang sinisilip na motibo sa masaker.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sinasabing nasa anim na armadong lalaki na sakay ng tatlong motorsiklo ang bumuntot at kalaunan ay nagpaulan ng bala sa kotse ng mga biktima.

Nakuha ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang dalawang .45 na baril mula sa loob ng kotse na pinaniniwalaang ginamit pa ng mga biktima para makaganti ng putok.

May narecover namang 40 basyo ng bala ng caliber .45 at 9-mm pistol sa lugar ng pananambang.

Patuloy pa rin ang masusing imbestigasyon at follow up operation ng mga awtoridad para matukoy ang nasa likod ng krimen.

Please follow and like us:
Read More

PATAYAN, DROGA, SUGAL AT PRIME WATER SA BULACAN

BAKBAKAN NATIN

MAGSISIMULA pa lang manungkulan bilang gobernador si Daniel Fernando sa Bulacan ay bigla na lang naging mainit na balita ang kanyang lalawigan.

Ang labis na nakadidismaya sa balita ay “killing fields” ang Bulacan, ayon sa ulat ng Amnesty International (AI).

Ang tinumbok na isyung ito ng AI ay bahagi ng kabuuang ulat nito sa madugong kampanya ng administrasyong Duterte laban sa iligal na droga.

Ang punto ng AI, ang operasyon  ng Philippine National Police (PNP) na nakabase sa Bulacan ay tumindi ang madugong kampanya laban sa iligal na droga, sapagkat tumaas ang bilang ng mga namatay rito nitong nakalipas na taon.

Ang hindi maganda sa kampanya, ayon sa mga bumabatikos sa drug war ni Duterte, ay iyong mga kabilang sa mahihirap na mga pamilya ang tanging kayang patayin ng mga pulis sa Bulacan.

Dahil sa nadiskubreng ito ng AI, maaaring maraming tao ang magsabing mahihirap lang ang puntirya ng PNP – Bulacan laban sa iligal na droga.

Ang masama rito, mayroong impormasyong nagsasabing ang iba ay pinatay ng mga pulis ­pagkatapos nilang kidnapin.

Tapos, pinalabas sa media na sila ay ‘nanlaban’ sa mga pulis, kaya namatay.

Naganap ang mga pangyayaring ito habang ang hepe ng PNP sa Bulacan ay si Col. Chito Bersaluna.

Si Bersaluna ay naging kontrobersyal na rin ukol sa giyera laban sa iligal na droga.

Ito ay noong siya ang hepe ng pulisya sa lungsod ng Caloocan kung saan pinatay ng tatlong pulis ang minor de edad na si Kian delos Santos dahil sa iligal na droga.

Natanggal sa Caloocan si Bersaluna dahil sa pangyayaring ito.

Totoong bagong gobernador si Fernando, ngunit hindi siya bagitong opisyal ng panlalawigang pamahalaan.

Matagal din siyang naging bise-gobernador.

Kaya, hindi dapat ignorante si Fernando sa sinasabing killing field ang Bulacan kaugnay sa kampanya laban sa iligal na droga.

Hindi rin maipagkakailang talamak ang iligal na droga sa Bulacan.

Mainam na paimbestigahan ni Fernando ang ulat ng AI upang malaman niya kung totoo ito o hindi.

Paimbestigahan na rin ng gobernador si ­Bersaluna kung bakit nauwi sa ­pagiging sentro ng patayan ang Bulacan habang siya ang hepe ng pulisya.

Komprontahin din ni Fernando si Bersaluna kung bakit talamak ang iligal na pasugalan sa Bulacan.

Talamak ang bookies ng small town lottery (STL) na ­nagsisilbing prente ng jueteng, kaya hindi kumikita nang malaki ang Philippine Charity ­Sweepstakes Office (PCSO).

Ang siste, ang mga ­pergalan daw ang tambayan ng mga adik, tulad ng pergalan ni alyas “Beth Taba” sa Calumpit.

Isa pa, may artistang ­matagal na ring nakulong sa bilangguan sa Bulacan dahil sa droga na ngayon ay mayroon nang kubol sa kulungan dahil ‘kaibigan’ ng isang opisyal sa pamahalaang panlalawigan ng Bulacan.

Dahil sa pakikialam ng opisyal na ito, espesyal na ang trato sa naturang bilanggo.

Ang isa pang sakit ng ulo sa Bulacan ay ang mataas na singil sa tubig.

Ang sentro ng ­alingasngas ng mga apektado ng mataas na singil sa tubig ay ang Prime ­Water Infrastructure Corp.

Ang singil ng Prime Water ay mahigit P25 kada kubiko-metro.

Ang iba, tulad ng Bustos Water District ay nasa P11 bawat kubiko -metro.

Ang Prime Water Infrastructure Corp. ay pag-aari at kontrolado ng pamilya ni Senadora Cynthia “Hanepbuhay” Villar.

Nang malaman ko ang ­balitang ito tungkol sa napakataas ng buwanang singil ng Prime Water ay pumasok sa isipan ko ang pahayag na: “Hanepbuhay talaga ang pamilya-Villar!”

Mahigit sa kalahati ang presyo ng Bustos Water District kumpara sa Prime Water.

Kaya, hanepbuhay talaga ang mga Villar! (BAKBAKAN NATIN / Nelson S. Badilla)

Please follow and like us:
Read More

NCRPO CHIEF MAJ. GEN. GUILLERMO ELEAZAR, SINIBAK ANG DALAWANG ABUSADONG PULIS!

HAGUPIT NI BATUIGAS BOMBA

SA kabila ng pagiging istrikto at mahigpit sa pagdidisiplina sa mga alagad ng batas nina PNP Chief Director General Oscar Albayalde at NCRPO Chief Major General Guillermo Eleazar, may mga pulis pa rin ang patuloy na umaabuso sa tungkulin tulad na lang ng mga nag-viral kamakailan sa social media.

Sa direktiba ni Albayalde kay Eleazar, ipinag-utos nito na tanggalan ng tsapa ang mga pulis na nasangkot sa pang-aabuso kaya’t inatasan naman ni Maj. Gen. Guillermo Eleazar si Eastern Police District (EPD) Director B/General Nolasco Bathan na alisin na sa San Juan Police Station at Marikina Police Station sina PSMS Arnulfo Ardales at PSMS Nicolas Lapie, Jr. at ilipat sa Regional Headquarters Support Unit (NC RPO-RHSU) sa Camp Bagong Diwa, sa Taguig.

Ang siste, noong Sabado ng gabi, nag-viral sa social media ang pagmumura at pagbabanta ni Ardales sa isang call center agent na nakasabay niyang bumili ng ulam sa karinderya sa San Juan kaya’t nagalit si Albayalde at ipinag-utos na disarmahan ang nasabing pulis.

Samantala, nakakulong naman ngayon sa Pasig City Custodial Center si Lapie, Jr. dahil sa kasong Physical Injuries in Relation to RA 7610 o The Anti – Child Abuse Law dahil sa pananakit sa walong taong gulang na totoy na nanonood ng basketball game sa covered cout ng Barangay Bambang sa naturang lungsod.

Kitang-kita sa video na sinakal ng pulis ang bata at pinagmumura. Nakatakbo ang bata ngunit hinabol pa rin ng pulis at pinilipit ang braso. Mabuti na lang at naglakas ng loob ang mga nakakita at inawat ang pulis.

Nagtataka lamang tayo kung bakit nagagawa ng mga pulis ang umabuso sa tungkulin gayung bago sila pumasok sa pagkapulis ay dumaan sila sa katakot-takot na training at alam nila ang hirap na kanilang pinagdaanan lalo na ang moral values at disiplina sa sarili bilang iang alagad ng batas? O baka naman gumagamit na rin ng illegal drugs sina Ardales at Lapie, Jr. kaya hindi nila napipigilan ang kanilang sarili na umabuso? Kailangan muli ng PNP ang random drug test at patuloy na cleansing para tuluyan nang malinis ang hanay ng PNP at maalis na ang bulok sa kanilang hanay.

Kay Major General Guillermo Eleazar, sir, mabuhay ka dahil patuloy mong nililinis ang hanay ng mga pulis sa NCRPO at dahil diyan nagtitiwala na ang publiko sa mga alagad ng batas. (HAGUPIT NI BATUIGAS / Mario Batuigas)

Please follow and like us:
Read More