P160-M PEKENG YOSI NASABAT SA BULACAN

(NI FROILAN MORALLOS)

NA-INTERCEPT ng mga tauhan ng Bureau of Customs-Enforcement and Security Service (BOC-ESS) ang tinatayang aabot sa P160 milyon halaga ng pekeng cigarettes, cigarette-making machines at iba pang smuggled na kargamento na nakaimbak sa loob ng isang bodega sa Bulacan.

Ayon sa impormasyon, nadiskobre ang mga ilegal na kargamento sa loob ng bodega  makaraang salakayin ng BOC-ESS noong June 13 ang naturang bodega na pinamunuan ni Director Yogi Filemon Ruiz, sa bisa ng Letters of Authority (LOAs) na inisyo ni Customs Commissioner Leonardo Guerrero.

Napag-alaman na ang bodega na matatagpuan sa Benedicto St. Prenza Uno Marilao Marilao Bulacan ay naglalaman ng 1,339 master cases ng fake Mighty, Fortune, Hope, Belmont, Marlboro, Modern, Double Happiness at Camel cigarettes na nagkakahalaga sa P40.170 milyon.

Nakita ng raiding team sa loob ng bodega ang siyam na cigarette-making machines, imported drinking glasses  at fake cigarette tax stamps na aabot sa P120 milyon sa Kaybanto, Caysio Road, Brgy. Caysio, Sta. Maria, Bulacan. 
Nakatakdang isyuhan ng BOC ng Warrants of Seizure and Detention (WSDs) ang mga kargamento dahil sa paglabag ng Section 1113 of Republic Act No. 10863, o Customs Modernization and Tariff, in relation to Section 1401, at ng RA 8293 or the Intellectual Property Code of the Philippines.

Please follow and like us:
Read More

TRAHEDYA NG MOBILE LEGENDS

(NI JG TUMBADO)

DEDBOL ang dalawang binata na magpinsan makaraang tamaan sila ng sumasagitsit na kidlat sa bayan ng Sta. Elena sa Camarines Sur.

Kapwa wala nang buhay na natagpuan sa isang bahagi ng bukirin sa Barangay Patag Ilaya ang mga biktima na sina Jimboy Magsino Lora at Jericho Compra Lora, kapwa 18-anyos, residente ng nabanggit na lugar.

Base sa imbestigasyon ng Sta. Elena Municipal Police, nangyari ang insidente pasado alas 4:00 ng hapon nitong Sabado.

 Hirap umanong makasagap sa kanilang lugar ng signal ng internet para sa online game na Mobile Legends kung kaya’t nagpaalam sa kanilang kaanak na lalabas ng bahay para humanap ng signal.

Sa kanilang paghahanap ay nakasagap ng signal ang magpinsan sa mataas na bahagi ng bukid ng Barangay at doon pumuwesto sa isang puno.

Pero hindi pa man nakatatagal sa paglalaro ng online game ang magpinsan nang bigla dumilim ang kalangitan at nag-umpisang kumulog at kumidlat.

Sinasabi pa sa report na tinangkang umalis ang mga biktima sa kanilang kinauupuan dahil sa pumapatak na ang ulan hanggang magkasabay silang masapol ng kidlat.

 Nagtamo ng malaking sunog sa katawan ang magpinsan at sa kanilang katabi ay ang nagkahiwa-hiwalay na parte ng kanilang cellphone.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay ng pangyayari.

Please follow and like us:
Read More

6 MAG-ANAK NATUSTA SA SUNOG

fire

(NI FRANCIS SORIANO)

DAHIL sa napabayaang kandila, anim na magkakaanak ang patay nang tupukin ng apoy ang kanilang bahay sa napabayaang kandila sa Bagong Silang Caloocan City, Linggo ng madaling araw.

Kinilala ng Bureau of Fire Protection Caloocan  City, ang mga nasawi na si Maricel Roxas, 32, at magkakapatid na si Robert Basas, 10, RJ, 4, JP, 2, at tatlong buwan gulang na si Niño Basas, at kanilang pinsan na si Eduardo Roxas, 8, habang patuloy naman ginagamot sa Tala Hospital si Benedect Basas, 13.

Ayon kay FO1 Cedrick Pardenias, imbestigador, naganap ang sunog dakong alas 2:45 ng madaling araw habang mahimbing na natutulog ang mga ito sa loob ng kanilang bahay.

Hindi na umano nakalabas ng bahay ang mga biktima nang makulong sa apoy.

 

Please follow and like us:
Read More

EX-COP PATAY SA TANDEM

trike12

(NI KOI HIPOLITO)

Dead on the spot ang isang dating miyembro ng Philippine National Police (PNP) matapos pagbabarilin ng dalawang hindi kilalang suspek sakay ng hindi naplakahan na motorsiklo, Sabado ng hapon sa Antonio Arnaiz Avenue, Pasay City.

Nakilala ang biktima na si Darwin Cruzin, 44, ng Tramo Street, Brgy.64 sa Pasay.

Ayon sa report, lulan ng minamanehong tricycle ang biktima nang sabayan ng isang motorsiklo sakay ang dalawang suspek at pinaputukan ng sunud-sunod sa likod ang biktima na nagresulta ng agaran nitong pagkamatay.Tumakas ang dalawang salarin patungo sa direksyon ng Edison Street sa Makati City.

Narekober sa crime scene ang isang piraso ng basyo ng bala para sa cal.45 na baril nagpapatuloy ang isinasagawang technical investigation ng SPD-SOCO at naglatag na ng follow up investigation ang Station Investigation and Detection Management (SIDMB) at inaalam na ang motibo sa nangyaring pamamaslang sa biktima.

Please follow and like us:
Read More

BABY NAHULOG SA IRRIGATION CANAL, PATAY

isabela12

(NI JESSE KABEL)

PATAY ang isang taong gulang na batang babae nang aksidente itong mahulog sa  irrigation canal malapit sa kanilang tahanan sa Namnama, Cabatuan, Isabela.

Ayon sa Cabatuan PNP, patay sa pagkalunod ang biktima na kinilalang si Angel Faith Sinampaga.

Sa salaysay ng  ina ng bata na si Lara May Sinampaga, sandali niyang iniwan  ang kanyang anak sa labas ng kanilang bahay na naglalaro upang magpakain ng kanilang baboy.

Subalit makalipas ang may isang oras ay hindi na niya makita ang anak nang kanya itong balikan.

Kahit taranta at kinakabahan ay hinanap ng ina ang anak hanggang sa matagpuang wala nang buhay at nakalutang sa irrigation canal malapit sa kanilang bahay.

Sinasabing tinangka pang  i-revive ang katawan ng bata ngunit hindi na ito nagawang magkamalay

Please follow and like us:
Read More

3 CALL CENTER AGENT PATAY SA ROAD CRASH

callcenter12

(NI BONG PAULO)

TATLONG call center agent ang nasawi habang 11 iba pa ang sugatan makaraang mawalan ng preno ang sinasakyan nilang tourist van sa highway na sakop ng Sitio Quipasa, Barangay Poblacion sa bayan ng Mambajao, Camiguin, iniulat nitong Linggo.

Sa ulat na nakarating kay Lieutenant Coronel Roy Bahain, hepe ng Camiguin Police, nawalan ng preno ang puting Toyota Hi-Ace van alas-4:45 ng hapon nitong Sabado.

Dahil sa nagka-malfunction ang brake ng sasakyan ay tuluyan itong sumalpok sa open field kung saan sa lakas ng pagsalpok ng sasakyan, tatlo ang naiulat na dead on the spot.

Sa ginawang pagsisiyasat ni Captain Arnold Gaabucayan, hepe ng Mambajao Police, halos lahat ng pasahero ay mga empleyado ng IBEX Global Davao na nagpunta sa Camiguin para sa team building ng kanilang kumpanya.

Ang 10 sa mga sakay ay nagtamo ng serious injuries habang minor injuries naman ang nakuha ng driver ng van na si Joy Sobremisana.

Patuloy pang inaalam ang pagkakakilanlan ng mga biktima. Agad dinala ang mga biktima sa ospital ng mga rumpespondeng pulisya.

Papunta umano sa bayan ang mga biktima nang pumalya ang preno at maaksidente ito.

Dumating ang grupo ng Sabado ng umaga at naglibot muna bago magpunta sa Saay cold spring.

Dagdag ni Gaabucayan, walang kasamang tour guide ang mga ito at planong magpunta sa White Island ngunit dahil hapon na ay nagdesisyong magpunta sa Saay.

 

Please follow and like us:
Read More

14-WHEELER TRUCK NAHULOG SA SINKHOLE SA ROXAS BOULEVARD

sinkhole

ISANG 14-wheeler dumper lulan ang ilang toneladang buhangin ang nahulog sa ‘sinkhole’, Linggo ng madaling araw sa Roxas Boulevard, Malate, Manila.

Ayon sa report, bandang alas-2 ng madaling araw nang biglang lumubog ang likurang bahagi ng trak sa kanto ng Remedios at Roxas Boulevard.

Ayon sa driver, galing sila ng Pampanga at magdedeliver ng buhangin para sa Manila Bay rehabilitation project.

Sinabi ng driver na si Michael Layco, patungo na silang Roxas Boulevard ngunit inutusan sila ng mga traffic enforcers na magdaan sa service road para sa gaganaping Manila Marathon 2019 event, at habang paliko sa kanto ng Remedios Street ay bigla na lamang umanong gumuho ang malaking drainage canal kung saan nalibing ang halos kalahating bahagi  ng trak sa butas.

 

Please follow and like us:
Read More

PEKENG AHENTE NG DILG TIMBOG SA SHABU, BARIL, BALA

dilg12

(NI KOI HIPOLITO)

KALABOSO ang isang suspek na nagpakilalang empleyado ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa isinagawang drug buy-bust operation ng mga pinagsanib na elemento ng Regional Drug Enforcement Unit (RDEU), Regional Special Operations Unit (RSOU), Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Las Pinas City Police Station at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office-NCR sa Manila Doctors Village Road, Brgy. Almanza Uno, Las Pinas City, hapon ng Biyernes.

Nakilala ang suspek na si Elmer Lat, 42, isang bartender at ng Pil Homes, Cadena de Amor St. sa Pasay City.

Batay sa ulat na ipinadala ni RSOU Chief PLtCol. Rogarth Campo kay NCRPO Chief PMaj. Gen. Guillermo Eleazar, nadakip ang suspek matapos  maaktuhan itong nagbebenta ng droga sa isang undercover agent na nagpanggap na buyer.

Nakumpiska mula sa suspek ang isang plastic sachet ng pinaghihinalaang shabu na nagkakahalaga P9,000 at ang ginamit na siyam na piraso ng P1,000 na marked money. Nakuha rin mula dito ang karagdagan na pitong piraso ng small plastic sachet ng mga pinaghihinalaang shabu na 10 gramo at mayroong street market value na P68,000.00, isang cal.45 pistol na mayroong isang magazine at loaded ng limang piraso ng mga bala, limang unsealed plastic sachet, isang kulay itim na jacket na mayroong logo ng DILG at isang bull ring na meron logo ng PSBRC Batch 2002.

Nag-ugat ang inilatag na operasyon sa suspek sa report na ibinigay ng isang confidential informant sa mga otoridad na ang suspek na si Lat ay nagpapakilalang miyembro ng DILG at kadalasang may dalang baril para pagtakpan ang iligal na aktibidades sa pagbebenta ng droga.

Mahaharap ngayon sa patung-patong na mga kaso ng paglabag sa violation of Sec.5, 11 and 12 ng Article II ng RA 9165 (Comprehensive Laws on Dangerous Drugs Act.of 2002), Violation of RA 10591 (Comprehensive Laws of Firearms and Ammunitions) at Usurpation of Authority (Art.177 and 179 of Republic Penal Code) ang isasampa sa korte sa nakakulong ng suspek sa opisina ng RSOU Custodial Facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.

 

Please follow and like us:
Read More

SIMBAHAN SA SAN JUAN NASUNOG

fire

(NI MAC CABREROS)

NASUNOG ang isang simbahan sa San Juan gabi ng Sabado, isang araw bago ang selebrasyon ng St. John the Baptist,  dahil sa umano’y electrical short circuit.

Ayon kay FO1 Jayvee Turingan, fire investigator, alas-8:00 ng gabi nang sumiklab ang apoy sa harapang bahagi ng St. John The Baptist Catholic Parish Church sa Pinaglabanan Road Brgy. Pedro Cruz, San Juan City.

Walang naiulat na nasaktan at nasawi sa sunog na tuluyang naapula alas-8:45 ng gabi.

Abot sa P200,000 ang pinsala ng sunog, ayon pa FO1 Turingan. Samantala, ipinagdiriwang ngayong araw ang Pista ni San Juan Bautista saan tampok ang Wattah! Wattah! o basaan bilang pagsasabuhay sa pagbinyag ni St. John The Baptist kay Hesu Kristo.

Pinaalalahanan ng Pamahalaang Lungsod ng San Juan ang residente dito na maging matipid ang paggamit ng tubig bunsod ng krisis sa tubig nararanasan sa Metro Manila.

Please follow and like us:
Read More

BALIPURE PINATALSIK NG MOTOLITE

volley12

(NI LOUIE AQUINO)

SINIPA ng Motolite ang BaliPure sa 2019 Premier Volleyball League Reinforced Conference sa Filoil Flying V Centre, San Juan matapos itong talunin kahapon ng hapon, 23-25, 23-25, 25-14, 25-14, 15-12.

Pinangunahan ni Trinidad and Tobago import Channon Thompson ang Motolite nang kumamada ng 27 puntos na may 22 attacks, tatlong blocks at dalawang service ace para sa naturang panalo.

Nagambag naman si Kystle Esdelle ng 20 kills sa kabubuang 24 puntos nito, habang nagdagdag ng tig-pito sina Isa Molde at Aie Gannaban.

Naipanalo ng Motolite ang tatlo sa huling apat na games nito upang umakyat sa fouth place sa 3-5 kartada.

Sunod nitong makakaharap ang BanKo-Perlas (2-5) sa Linggo sa Alonte Sports Arena, Binan, Laguna.

Samantala tuluyang na-eliminate sa reinforced conference ang BaliPure na hindi nakatikim kahit isang panalo sa loob ng walong laro.

Please follow and like us:
Read More

ROCHELLE BALIK-ALINDOG

sex bomba12

(NI ROSE GARCIA)

HALOS tatlong buwan nang manganak si Rochelle Pangilinan ay napa-smile na raw siya nang makita sa salamin ang katawan.

Aba, balik seksing alindog na si Rochelle after three months nga na ipinanganak niya ang baby nila ng Mister na si Arthur Solinap na si baby Shiloh Jayne.

Kaya hindi na kami magugulat kung anytime from now, balik teleserye na rin si Rochelle. Ito ay sa kabila ng pagiging hands-on niya sa baby nila at sa bawat post ni Rochelle sa kanyang social media, kitang-kita kung gaano siya ka-enjoy sa bagong role as “mommy.”

Marami naman ang na-inspire kay Rochelle nang mag-post ito ng before and after picture ng katawan niya.

Sa caption ni Rochelle sa kanyang IG, halatang masaya ito sa na-achieve na niya sa pag-e-exercise.
Sey ni Rochelle, sa picture niya noong March 17 at June 19, “My post partum body, walang makakaligtas and I love it! Kasama yan sa napakadaming pagdadaanan bilang isang ina. Pagkatapos kong manganak mukha pa rin akong 9 months preggy, aanhin ko ang sexy na pangangatawan kung wala naman si Shiloh.

“Pero 1 hour light exercise lang everyday at sa tulong ng asawa ko, siya muna ang bantay. Kahit papaano ay maibababalik ko din ang dating weight. Unti-unti, konting push, tyaga at sipag na din, napa-smile na lang ako ng makita sa salamin na medyo ok na pala, kaya tara na! Pussssh!!!”

At saka niya sinundan ng mga hashtags na linya ng post partum body, negra is real at who run the world.
Maging ang director na si Gina Alajar ay napa-comment ng, “Grabe Marikit!!! Nakaka-inspire ka naman (subtext: nakakainggit, nakakainis ka!!! Hahaha!)

 

Please follow and like us:
Read More

KALBARYO NG PINAY WORKERS SA DUBAI 

pinayworker12

(NI ROSE PULGAR)

SA isang maliit na kuwarto nagsisiksikan, gamit ang iisang palikuran na wala pang pinto at kapos sa pagkain.

Ito ngayon ang sitwasyon ng daan-dang mga kababayang mga Pinay overseas Filipino workers (OFWs) na nasa pangangalaga ngayon ng konsulado sa Dubai, United Arab Emirates.

Ang mga nasabing OFWs ay pawang mga undocumented domestic helpers na naloko ng mga illegal recruiter.

Habang ang iba naman ay tumakas mula sa pagmamalupit ng kanilang mga employer at ang iba naman ay ibinalik ng kanilang dayuhang amo sa konsulado.

Una na rito ang isang OFW na nakauwi na sa Pilipinas dahil sa  pagmamalupit ng kanyang amo.

Kuwento nito, naloko siya ng isang illegal recruiter, na sinasabing magandang trabaho ang kanyang makukuha sa  Dubai, ngunit pagdating doon ay dumanas ng pagmamaltrato tulad ng overwork, walang pagkain at pinaglilinis ng napakalaking bahay.

Dahil dito, tumakas ang nabanggit na OFW kasama ang ilan pang Pinay at nagtungo sa Konsulada.

Masuwerte naman siyang nakabalik sa Pilipinas sa tulong ng Blas Ople Center sa pangunguna ni Susan Ople.

Kaugnay nito, nanawagan naman ang OFW na itinago sa pangalang  “Cristy”  (hindi tunay na pangalan), sa pamahalaan ng tulungan ang iba pang mga  naiwan na mga OFWs doon, dahil sa kaawa-awang kalagayan ng mga ito.

Binanggit pa na sa mahigit na 300 mga Pinay ang umano’y ibinebenta pa ng mga kapwa Pilipino doon sa Dubai at Abu Dhabi para manilbihan at magkapera.

 

 

Please follow and like us:
Read More

IBA’T IBANG MASAHE SA KATAWAN

MASAHE-2

(Ni Anet Vergel / Huling bahagi)

MARAMING uri ng massage therapy mula sa klasiko tulad ng Suweko at malalim na tisyu sa higit pang mga kakaibang estilo tulad ng Shiatsu. Nakakalito para sa mga nagpapamasahe ang nababagay na estilo sa kanilang  katawan. Maraming klase ng masahe ang puwedeng iyong magustuhan kumporme sa  iyong katawan at nais.

Swedish massage

Ang pamantayang uri ng masahe na inaalok sa karamihan ng mga klinika, gym, spa, at wellness center. Ang Swedish massage ay halos magkasingkahulugan ng massage therapy. Ang Swedish massage ay batay sa mga konsepto ng Western na anatomya at pisyolohiya, kumpara sa istilo ng enerhiya na mas karaniwan sa mga anyo ng massage sa Asya. Paggamit ng losyon o langis, ang mga massage therapist ay karaniwang nagsisimula sa malawak na mga pangkalahatang stroke at pagkatapos ay lumipat sa mga partikular na stroke upang matugunan ang mga lugar ng problema.

Mayroong limang mga pangunahing stroke sa Suweko massage therapy: effleurage (mahabang makinis na stroke), petrissage (kneading, rolling, at lifting), alitan (wringing o maliit na circular movement), tapotement (pagtambulin), at vibration (rocking and shaking movements).

Ang Swedish massage ay nagbibigay ng full-body relaxation ng kalamnan, at maaari itong maging kapaki-pakinabang lalo na kung ikaw ay bumabawi mula sa isang pinsala.

Aroma therapy massage

Halos katulad ng Swedish massage ang Aroma theraphy massage, ang kaibahan lang ay may mga mahalimuyak na la­ngis ng halaman (na kilala bilang mga mahahalagang langis) na idinagdag sa massage oil. Kinuha mula sa mga bulaklak at iba pang mga bahagi ng halaman, ang mga mahahalagang langis ay nag-aalok ng kasiya-siya na pabango at pinaniniwalaan na mayroong mga katangian ng pagpapagaling. Halimbawa, ang lavender, rosas at mint ay kilala na magpalaganap ng pagpapahinga. Kahit na ang mga la­ngis ay maaaring mapili upang matugunan ang mga partikular na pangangailangan, ang therapist ay karaniwang gumagamit ng pinaghalo na mga langis upang makapagpahinga, magpapasigla at magpataas ng enerhiya.

Ang mga nakapapawi epekto ng aromatherapy massage ay maaaring makinabang sa iba’t ibang mga kondisyon, kabilang ang mga sakit ng ulo, hindi pagkakatulog, ilang mga sakit sa pagtunaw, sakit sa likod, at kahit premenstrual na sintomas.

Bago matanggap ang isang Aromatherapy massage, tiya­king hindi ka alerdyik sa alinman sa mga halaman na ginagamit sa mga langis, dahil maaaring maging sanhi ito ng reaksyon sa balat.

Hot stone massage

Ang hot stone massage ay uri ng masahe na puwedeng Swedish massage subalit guma­gamit ng mainit-init na mga bato. Ang therapist ay naglalagay ng mga pinainit, makinis na mga bato sa mga partikular na punto sa katawan at may hawak na mainit na bato habang nagbibigay ng masahe. Ang mga bato ay kadalasang basalt (isang bato ng bulkan na nagpapanatili ng init ng maayos).

Ang init ng mga bato ay maaaring nakapagpapahinga at makakapagbuwag ng mga mahigpit na kalamnan upang maabot ng therapist ang mga lugar ng pag-igting ng kalamnan.

Kung mayroon kang ilang mga medikal na kondisyon tulad ng mataas na presyon ng dugo, diabetis, sakit sa puso, o varicose veins, dapat mong suriin sa iyong health care provider kung plano mong makakuha ng mainit na masahe ng bato. Gayundin, kung magdadala ka ng anumang gamot na nakapagpapayat, sa dugo, siguraduhing makakuha ng medikal na opinyon muna.

Shiatsu massage

Ang shiatsu ay nagsasangkot ng lokal na pressure gamit ang mga daliri ng therapist (o kung minsan ay mga kamay at mga elbow), na inilapat sa isang rhythmic sequence sa kahabaan ng katawan. Ang bawat punto ay gaganapin para sa mga dalawa hanggang walong segundo.

Sa pamamagitan ng mga ugat sa tradisyunal na gamot ng Tsino, ang layunin ng Shiatsu ay upang pasiglahin ang mga punto ng acupressure sa katawan upang mapabuti ang daloy ng enerhiya at makatulong na mabawi ang balanse.

Dahil walang langis o los­yon ang ginagamit, nagsuot ka ng maluwag na damit. Ang Shiatsu ay karaniwang ginagawa sa isang banig sa sahig o sa mababang mesa sa massage at kadalasang ginagamit upang mabawasan ang stress at protektahan laban sa mga isyu sa kalusugan na may kaugnayan sa stress.Ito rin ay naniniwala na epektibo para sa pagpapagamot ng mga kondisyon tulad ng sakit sa buto, insomnia, sakit sa likod at leeg, saykika, at kahit mga problema sa sinus.

Ang Shiatsu ay maaaring makatulong sa pagtaas ng ener­hiya, itaguyod ang pagbawi mula sa mga pinsala, at pasiglahin ang sistema ng pagtunaw.

Thai massage

Ang isang natatanging timpla ng tinulungan ng yoga, walang hangganang pag-abot, at pagpindot sa mga paggalaw ng masahe, ang Thai massage ay mas nakapagpapasigla sa iba pang mga paraan ng masahe. Ito ay medyo tulad ng yoga nang hindi ginagawa ang trabaho, habang ang therapist ay gumagalaw at umaabot sa isang pagkakasunod-sunod ng mga postura, kadalasan sa isang banig sa sahig.

Tulad ng Shiatsu, ang Thai massage ay nakahanay sa mga enerhiya ng katawan. Ang massage therapist ay gumagamit ng maindayog na kompresyon sa mga linya ng enerhiya ng katawan upang mabawasan ang stress at mapabuti ang kakayahang umangkop at hanay ng paggalaw. Ito ay ganap na nababalutan.

Ang ganitong uri ng masahe ay maaaring mabawasan ang kalamnan spasticity at sakit sa likod, at naipakita na maging kapaki-pakinabang sa pagpapagamot ng mga problema sa balanse at sintomas ng sobrang sakit ng ulo.

Reflexology

Ang therapist ay gumagamit ng daliri presyon at pamamaraan tulad ng pagmamasa at rubbing upang itaguyod ang pagpapahi­nga at pagpapagaling sa katawan. Ang reflexology ay batay sa mga “reflex area” sa mga kamay at paa, na ang enerhiya ay pinaniniwalaang konektado sa mga organo at iba pang mga bahagi ng katawan. Sa pamamagitan ng pag-apply ng presyon sa mga reflex point, ang reflexologist ay maaaring balansehin ang iyong kinakabahan na sistema at pasiglahin ang mga endorphin, ang likas na tugon ng kaluguran ng katawan, na binabawasan ang stress at kakulangan sa ginhawa.

Ang Reflexology ay nagsimula sa mga sinaunang sibilisasyon ngunit pino sa pamamagitan ng Amerikanong physiotherapist na si Eunice Ingram noong 1930s. Ito ay maaa­ring maging isang nakakarelaks na therapy, lalo na kung tumayo ka buong araw o may pagod, achy feet. Inalis mo ang iyong mga sapatos at medyas ngunit kung hindi man ay mananatiling nakadamit.

Sports Massage

Dinisenyo upang maiwasan at gamutin ang mga pinsala, mapabuti ang kakayahang umangkop, at mapahusay ang pagganap ng atletiko, ang Sports massage ay maaaring gamitin ng mga atleta sa lahat ng kakayahan upang maghanda para mabawi mula sa mga athletic o sports event. Kahit na ikaw ay hindi isang atleta, ang sports massage ay maaaring makatulong sa kalamnan sakit o pinaghigpitan hanay ng paggalaw.

Ang ideya sa likod ng Sports massage ay upang mamanipula ang malambot na mga tisyu ng katawan, at tumuon sa ilang mga grupo ng kalamnan depende sa kung aling isport ang laro ng atleta. Ang ganitong uri ng masahe ay makakatulong sa pinataas na daloy ng dugo, na­dagdagan na hanay ng paggalaw, at nadagdagan ang kakayahang umangkop.

Sa Sports massage, ang mga stroke ay karaniwang mas mabilis kaysa sa isang tipikal na Swedish massage. Ang therapist ay maaari ring isama ang compression, therapy point presyon at joint mobilization.

Magandang epekto ng pagpapamasahe

Ayon sa ilang mga pag-aaral, ang pagpapamasahe ay maaaring makatulong sa mga sumusunod na kondisyon:

– Pagkabalisa

– Problema sa pagtunaw ng mga kinain

– Pananakit ng mga kalamnan o fibromyalgia

– Pananakit ng ulo

– Insomnia na dulot ng stress

– Pananakit ng nerves o naipit na ugat

– Pilay at pulikat

– Pananakit ng mga kalamnan sa mukha at panga

Masamang epekto ng pagpapamasahe

Sa kabila ng mga benepisyo sa kalusugan na hatid ng pagpapamasahe, hindi sa lahat ng pagkakataon ay rekomendado ito. Dapat iwasan ang pagpapamasahe kung dumadanas ng mga sumusunod na kondisyon:

– Dumaranas ng pagdurugo sa ilang bahagi ng katawan

– May paso o bukas na sugat

– Kakagaling pa lamang sa operasyon

– May pamumuo ng dugo sa mga ugat na daluyan

– Malalang pilay, o nabalian ng buto

– Malalang kondisyon ng osteoporosis o marupok na buto

– Madaling pagpapasa sa katawan

Dapat ding maging mai­ngat sa pagpapamasahe kung buntis o may sakit na kanser.

Minsan pa, lalo na kung ang masahista ay baguhan o walang lisensya, maaaring dumanas ng ilang masasamang epekto sa hindi maingat na pagpapamasahe. Kabilang dito ang sumusunod:

– Internal bleeding

– Pagkasira ng nerve

– Pansamantalang pagkaparalisa

– Allergic reaction sa langis na ginamit sa pagpapamasahe

Iwas masamang epekto ng masahe

Maaari namang maiwasan ang masasamang epekto ng pagpapamasahe sa tulong ng mga sumusunod na hakbang:

– Tiyakin na lisensyado at may karanasan sa pagmamasahe ang masahista na kukunin

– Magpamasahe lamang sa mga kilalang establisimyento

– Kumonsulta muna sa doktor kung maaaring magpamasahe lalo na kung may kakaibang nararamdaman.

Please follow and like us:
Read More

BINATILYO NILAMON NG CHORIZO MACHINE

crime145

(NI JG TUMBADO)

NILAMON nang buhay ang 18-anyos na lalaki makaraang aksidenteng mahatak ng makinang panggiling ng karne ang kalahati ng kanyang katawan sa Iloilo City.

Tinukoy ng pulisya ang pagkakakilanlan ng biktima na si Jomar Julbo, trabahante sa pagawaan ng chorizo sa Barangay Mansaya-Lapus sa nabanggit na lungsod.

Batay sa paunang imbestigasyon, aksidenteng naipasok ni Julbo ang kanyang kanang kamay sa makina at hindi na niya nahila ito.

Dahil sa lakas ng puwersa ng makina, tuluyang nahatak ang katawan ni Julbo hanggang sa lamunin ang kalahati ng kanyang katawan bago tumigil ang makina.

Nadiskubre na lamang ng kanyang mga kasamahan ang disgrasyang inabot ng binatilyo at agad na nagpasaklolo upang maialis ang natitirang bahagi ng katawan nito.

Patuloy nang sinisiyasat ng pulisya ang insidente at inaalam kung mayruong dapat managot sa pangyayari.

Please follow and like us:
Read More

MAGTIWALA

PINOY ABROAD

ANG paksang nais kong ibahagi sa araw na ito ay ang salitang “magtiwala.”

Ang salitang ito ay madaling sabihin ngunit mahirap gawin. Basically, ang mga Pilipino ay mada­ling magtiwala kahit kanino o sa anomang bagay.

Sa ngayon, tila baga nasa panahon tayo ng maraming pagdududa at hindi basta nagtitiwala sa ating kapwa o sa sistema. Marahil, sa ating pamilya ay lubos tayong may tiwala o kaya sa ating mga kaibigan. Subalit marami ring mga kaibigan ang hindi tapat sa atin at minsan ay pinagkakanulo pa tayo. Gayundin ang mga kapatid sa kapwa kapatid ay walang tiwala sa isa’t isa pagdating sa usapin ng mana.

Sariwain natin ang ilang karanasan sa ating kasaysayan. Di ba ang Panginoong Jesukristo ay itinatwa ni Pedro at si Judas ay ipinagkanulo ang ating Panginoon?

Gayundin ang mga lider at mga politiko na kung saan nilalaglag o tinatraydor ang kanilang mga kasama para sa pansariling kapakanan. Halimbawa, Erap-Chavit, Gloria-Hyatt 8, Samson-Delilah, Caesar-Anthony at iba pa.

Kaya kadalasan ang mga payo, “save your ass first!” Kaya sa panahon ngayon ay mahirap magtiwala talaga, maging sa mga kaibigan, tila ba may pagdududa sa isa’t isa. Wika nga, “What a crazy world!”

Maging sa sarili, minsan ay nag-aalinlangan tayo na magtiwala sa kakayahan at pagdedesisyon natin. Bagama’t mayroon ding lubos na may tiwala sa sarili o overconfident, na kadalasan ay mali ang mga desisyon o diskarte.

Magtiwala, kailan pwede at kailan hindi? Kanino dapat at hindi dapat magtiwala?

Wow, tanong na mahirap sagutin! Alam din natin, na marami rin ang nagtitiwala sa kanilang kakayahan, kayamanan at kalakasan, koneksyon at pinag-aralan.

Alam ba ninyo? Mayroong ginintuang katuruan tungkol sa magtiwala? Sa aklat ng Kawikaan na kalipunan ng mahahalaga at makabuluhang payo ng isang dakilang pantas at hari na naging gabay niya sa kanyang pamumuno at pamumuhay ang nagwika, “Magtiwala ka sa Panginoon nang buong puso mo at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan: Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at kanyang ituturo ang iyong mga landas. (Kawikaan 3:5-6)

Samakatuwid, dito pala tayo dapat magtiwala – sa Panginoon Diyos na nagbibigay ng karunungan, kaligtasan, kapayapaan at tagumpay sa buhay. Siya ang maglalapit ng tao’t sistema na ating tunay na mapagkakatiwalaan! Tiwala lang sa ating Panginoon!

Hindi siya nagbabago, “the same yesterday, today and forever!” (comments and prayers, givalencia777@gmail.com)  (PINOY ABROAD /GUILLER VALENCIA)

Please follow and like us:
Read More

MAG-AAMA MINARTILYO NG MANUGANG

crime67

(NI SIGFRED ADSUARA)

PINAG-MAMARTILYO sa ulo ang mag-aama ng kanyang manugang matapos mapikon habang nag-iinuman sa Imus City, Cavite

Inoobserbahan pa sa  Ospital ng Imus  ang magkapatid na sina Jay R, 24, at Jason Lucelo, 23, habang sa Philippine General Hospital naman isinugod ang kanilang ama na si Romeo Lucelo, 53, magsasaka, pawang residente ng Brgy. Bucandala 4, Imus City, Cavite.

Hawak naman na ng pulisya ang suspek na si Rolando Mara, alias Lolong, 28, obrero, kasama rin sa bahay at manugang ng matandang Lucero.

Sa ulat ni PSMSgt Ronaldo Orozco ng Imus City Police Station, dakong alas-3:15 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng mag-aama kung saan sama-samang nag-iinuman ang mga ito.

Sa kalagitnaan ng inuman, nagkaroon ng mainitang pagtatalo hanggang sa mapikon ang suspek kaya kumuha ng martilyo at pinagtulungang martilyuhin sa ulo ang mag-aama.

Isinugod sa osiptal ang tatlo habang naaresto naman ng mga rumespondeng barangay tanod ang suspek.

 

Please follow and like us:
Read More

EMPLEYADO NG MDRRMO, PATAY SA AMBUSH, ASAWA SUGATAN

gun

(NI NICK ECHEVARRIA)

PATAY ang isang kawani ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) habang malubha namang nasugatan ang kanyang asawa matapos tambangan ng hindi pa nakikilalang suspek sa Catarman, Northern Samar, Biyernes ng hapon.

Nakilala ang nasawi na si Allan Barcelon, 43, at ang sugatang asawa nito na si Salve, 40, na kapwa nakatira sa Barangay Mckinley ng nasabing bayan.

Sa paunang imbestigasyon ng Catarman Municipal  Police Sation, naganap ang insidente sa Brgy. Bangkerohan ng parehong bayan bandang alas-5:30 habang lulan ang mag-asawa ng kanilang motorsiklo pauwi sa kanilang bahay nang pagbabarilin ng mga suspek gamit ang hindi pa batid na kalibre ng baril.

Nagtamo ng tama ng bala sa kanyang ulo si Allan na nagresulta sa agarang pagkamatay nito habang sa katawan naman tinamaan ang sugatang asawa na dinala sa Northern Samar Provincial Hospital para lapatan ng lunas.

Nakahandusay  umano sa gilid ng kalsada ang bangkay ng biktima nang datnan ng mga nagrespondeng pulis habang tumakas ang mga suspek sa hindi nabatid na direksyon.

Wala namang makuhang saksi ang mga awtoridad habang patuloy na iniimbestigahan ang insidente para alamin ang pagkakakilanlan ng mga suspek at ang motibo ng krimen.

 

Please follow and like us:
Read More

AKSYON LABAN SA MGA SCAM

RESPONDE.jpg

SUNOD-SUNOD ang balita sa mga “scam” nitong mga nakaraang linggo. Una na ngang napabalita ang KAPA sa Southern Mindanao na diumanoy humihingi ng donasyon sa kanilang mga mi­yembro at kumikita ng malaking pera mula rito. Eto ay pinabulaanan ng kanilang mga lider at miyembro. Milyon-milyong katao ang sumisigaw na KAPA ang naging sugo ng kanilang buhay. Halos gabi-gabi ang kanilang prayer rally para maibalik ang operasyon ng mga opisina at umaasa pa rin ang bawat isa na makatatanggap ng kanilang inaasam-asam na payout.

Ang nakagugulat ay wala ni isa mang pribadong complainant ang lumabas upang maumpisahan ang proseso para sa kasong estafa or syndica­ted estafa. Gayunpaman, mabilis pa sa alas kwatro ang NBI matapos iutos ni Pangulong Duterte na ipa­sara ang KAPA at matigil na ang patuloy na panlilinlang sa taumbayan.

Hindi pa nga lumipas ang ilang linggo, heto naman at may napabalitang “scam” din sa hanay mismo ng gobyerno sa opisina ng Philhealth. “Ghost Patients” o iyong mga patay na diumano ay nagpapa-dialysis pa sa mga center at ospital. At isa na rito ang WellMed Dialysis and Laboratory Center o WellMed na patuloy umano sa pa­ngungubra sa Philhealth kahit nga patay na ang pasyenteng nabigyan ng serbisyong dialysis.

Sa pagkakataong ito, merong complainants na naglabasan, mga whistleblower na dating empleyado ng WellMed na nagsiwalat sa scam na umuubos sa pondo ng gob­yerno para sa tunay na maysakit. Muling nagpalabas ng statement si Pangulong Duterte, inaatasan ang NBI “to arrest the idiot” upang mapabilis ang paghuli sa mga sangkot dito.

Dalawang pagkakataon ng pandaraya. Isa, mula sa pribadong sektor at isa mula sa sektor ng gobyerno. Isa, walang complainant at isa, meron. Ngunit sa dalawang pagkakataon, nanindigan ang ama ng sambayanang Pilipino! Itigil na ang panlilinlang na ito.

Mainam ang na­ging aksyon ng ating Pa­ngulo sa parehong kaso. Ang naglalaban lamang sa aking isipan ay kung tama ba ang naging pro­seso sa KAPA? Ang sabi ng mga abogado, base sa ating mga batas, dapat may complainant bago maumpisahan ang anomang aksyon. Ngunit kung ating susuriin, “pre-emptive measure” ang naging hakbang ni Pangulong Duterte upang mapatigil ang “scam”. Saludo ako sa ‘yo sa pagkakataong ito.  (RESPONDE ORA MISMO / KUYA JOE)

Please follow and like us:
Read More

KORAPSYON SA PDEA?

BAKBAKAN NATIN

NAPAKAHA­LAGA ng resibo kahit anong transaksyon ang pag-usapan natin, sapagkat katibayan ang resibo na mayroong naganap na transaksyon na ganyan ang halaga ang binayaran o nagastos.

Kapag walang resibo o dokumento ay tiyak magiging batayan ng pagdududa na ninakaw ang pera.

Tayong mga Pilipino ay alam natin na ganito ang senaryong mangyayari kapag walang resibo o dokumentong maipakikita ang taong binigyan mo halimbawa ng P10,000.

Mahigit P74 milyon pa kaya?!

Ang tinutukoy ko ay ang P74.28 milyong nagastos ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nitong nakalipas na taon na walang mga resibo at dokumentong sumusuporta, ayon sa Commission on Audit (COA).

Sa 74.28 milyon, P22.448 milyon ang nagastos sa mga byahe at P51.83 milyon para sa 101 disbursement vouchers (DVs).

Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, kaya walang mga resibo ‘yung P51.83 milyon, sapagkat ang mga kompanyang binayaran ng PDEA ng mga kagamitan ng ahensya ay hindi nagbigay ng mga resibo.

Ano ba ang mga kompanyang ito at hindi nagbibigay ng resibo na milyun-milyon ang pinag-uusapang pera?

Tapos, pumayag ang PDEA, samantalang alam na alam ng mga opisyal ng finance division nito na napakahalaga ng resibo at mga dokumentong susuporta sa milyun-milyong transaksyon ng nasabing ahensiya sa mga pribadong kompanya.

Alam ng mga opis­yal ng finance division at ng pamunuan ng PDEA sa pangunguna ni Aquino na kailangan ng COA ng mga resibo at dokumentong magpapatunay na totoong mayroong naganap na transaksyon sa P74.28 milyon.

Ang Bureau of Internal Revenue (BIR) nga ay walang tigil na nagpapaalala sa ating lahat na humingi ng resibo sa mga kompanyang pinagbilhan ng kahit anong produkto, tapos itong mga kompanyang pinagbilhan ng PDEA ng milyun-milyong halaga ng ka­gamitang kakailanganin ng ahensiya ay walang resibo.

Nang lumabas ang balitang ito sa media, naglabas ng opisyal na pahayag si Aquino na nagsasabing susunod ang PDEA sa rekisito at alituntunin ng COA.

Kaya, nakikipag-ugnayan na ang PDEA sa kanilang mga sup­plier upang makakuha ng mga resibo sa kanilang mga binili noong 2018.

Hunyo 2019 na ngayon, tapos ngayon lang kukunin ang resibo matapos humingi ang COA sa PDEA!

Alam kong mara­ming nag-iisip na mayroong nagaganap na korapsyon sa PDEA matapos ilabas sa media ang pagpapa­alala ng COA sa P74.28 milyong nagastos ng PDEA noong 2018 nang walang mga kaukulang dokumento at resibo.

Hindi ko sila masisisi, sapagkat napakalaking halaga ang binabanggit ng COA sa PDEA at isa pa, nakakintal na sa kanilang mga isipan na napakatalamak ng katiwalian at korapsyon sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

Ngunit, mahirap maghusga nang walang sapat, malakas at matibay na batayan.

Kaya, isang malaking katanungan kung mayroong korapsyon sa PDEA.

Dapat walang katiwalian at korapsyon sa PDEA kahit katiting, sapagkat pihadong wasak na wasak ang kredibilidad nito, lalo na ang katapatan at kaseryosohan nitong masakote ang mga drug lord at mga protektor nila.

Dapat, walang kumakalat na kuwento na mayroong mga nababayarang opisyal at ahente ng PDEA upang pakawalan ang mga nadidiskubre at nahuhuli nilang politiko at artistang nagbebenta at gumagamit ng cocaine, shabu o ecstasy upang pagdudahan ang mga opisyal at ahente ng PDEA sa katapatan at kaser­yosohan ng mga ito sa pagsugpo ng iligal na droga sa bansa.

Huwag nating kalimutan na PDEA ang pangunahing makinarya ng pamahalaan laban sa iligal na droga.

Suportang organisasyon lamang ang Philippine Natio­nal Police (PNP).  (BAKBAKAN NATIN / NELSON BADILLA)

Please follow and like us:
Read More